webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Magiging Maganda Pala Ang Resulta

Mabuti na lang at naging mabilis ang kanilang filming para sa araw na iyon kaya hindi na nila kailangan pang mag-extend ng isa pang araw doon.

Nang matapos na ang kanilang filming ay sumakay na sila sa eroplano pauwi. Masayang hinila ni Qin Wanwan si Lin Che at niyayang magcelebrate kasama ng kanilang mga katrabaho mamayang gabi.

Kasama ang director at mga staffs, nagpunta silang lahat sa isang club para magsaya.

Ito ang unang beses na nagpunta si Lin Che sa lugar na iyon kasama ng mga katrabaho. Napakadaming kwento ni Qin Wanwan at nakakausap nito ang lahat ng nandoon. Wala din itong pangingimi sa katawan. Nakaupo lang si Lin Che sa isang upuan at pinapanood si Qin Wanwan nang lapitan siya nito, "First time mong magpunta dito, di ba. Marami ding mga artista na nagpupunta rito."

"Bago pa lang naman ako kaya hindi pa gaanong madami ang kilala ko dito," sagot ni Lin Che.

"Hindi magtatagal at dadami din iyan. Wala namang masama kung marami kang kilala sa industriya natin," sabi naman ni Qin Wanwan.

"Oo," hindi madali para kay Lin Che na maging malapit agad sa kahit sino. Hindi siya sanay na siya ang unang lumalapit sa isang tao pero kapag nasanay na siya sa isang tao, madaldal din naman siya at hindi nauubusan ng kwento katulad ni Qin Wanwan.

"Okay, ganito na lang. Ako ang magiging ate mo dito at ako ang bahala sa'yo. Tara na. Tumayo ka na diyan at kukuha tayo ng makakain," sabi ni Qin Wanwan sa kanya.

Napangiti si Lin Che habang nakatingin dito. Namamangha siya dahil sa bilis nitong maging komportable sa isang tao.

Muling nagsalita si Qin Wanwan, "Pero hindi naman masama na malapit ka kay Gu Jingyu."

"At hindi rin naman magandang maging malapit sa kanya! Wala na akong balita sa kanya. Matagal na," mahinang sagot ni Lin Che.

"Talaga? Idol ko kasi siya eh. Hehe. Pero sa tingin ko'y makakasama ko siya sa isang show."

"Talaga? Okay iyan. Magaling naman talaga siyang umarte," papuri ni Lin Che.

Nanunuksong ngumiti sa kanya si Qin Wanwan. "Kung ganoon, tungkol doon sa usap-usapan na may relasyon kayo ni Gu Jingyu…"

"Tsismis lang iyon!" Agad na pagpapatigil niya sa sasabihin nito. "Ikaw na nga ang may sabi, usap-usapan lang iyon."

"Oo na. Oo na."

Habang nag-uusap ay napansin ni Lin Che na tumutunog ang kanyang cellphone. Nang kunin niya iyon ay nakita niya na si Gu Jingze ang tumatawag.

Mabilis ang mga mata ni Qin Wanwan. Agad nitong nakita ang 'Dearest Hubby' na nakalutang sa screen at pagkatapos ay ngumiti. "Naku po, may tumatawag na."

Namula naman ang mukha ni Lin Che.

Napansin iyon ni Qin Wanwan kaya napatawa ito nang malakas at tinapik ang balikat ni Lin Che. "Okay, so ano naman ngayon kung may boyfriend ka? May edad ka naman na at wala namang pumipigil sa'yo. Relax ka lang, wala akong pagsasabihan."

Sumagot si Lin Che, "Eh, mali naman kasi ang iniisip mo… Pero sandali lang, sasagutin ko muna ito."

Sinagot ni Lin Che ang tawag. Kaagad niyang narinig ang boses ni Gu Jingze na nagtatanong, "Kailan ka uuwi?"

Napanganga si Lin Che. "Pauwi na ako."

"Okay, susunduin kita diyan."

Naiintindihan naman iyon ni Gu Jingze. Naisip niya na makabubuti naman kay Lin Che kung paminsan-minsan ay lalabas ito kasama ng mga kaibigan. Normal lang sa isang tao na makipaghalubilo sa ibang tao paminsan-minsan at magkaroon ng sariling mundo. Iyon ang tamang gawin.

Nang makita ni Lin Che ang kotse ni Gu Jingze ay agad siyang sumakay at sinabing, "Tumingin-tingin lang ako dito. Iyon lang. Mga kasamahan ko lang sa trabaho ang mga kasama ko."

Sumagot si Gu Jingze, "Hindi mabuti sa'yo na palagi ka nalang nasa bahay. Kailangan mong magkaroon ng maraming kaibigan. Dahil kung wala kang mga kaibigan, kanino ka nalang aasa pagdating ng panahon? Napakatanga mo pa naman. Tiyak na mahihirapan ka."

"Hoy! Kailangan bang sabihin mo sa akin na tanga ako sa tuwing may sasabihin ka?"

"Hindi mo ba alam na iyan ang pinakamaganda mong katangian? Ayoko din namang sabihin iyan araw-araw pero hindi ko talaga mapigilan sa tuwing nakikita kita. May magagawa ba ako?" Pagkasabi nito ay inabot ang ulo ni Lin Che at marahang hinaplos.

Gustong umiwas ni Lin Che. Hindi niya talaga alam kung anong balak nitong gawin. Hindi na siya bata. Bakit kailangan pa nitong haplusin ang ulo niya?

Pagdating nila sa bahay ay agad na tinanggal ni Lin Che ang kanyang makeup, naligo, inayos ang mga gamit, at nakipagkwentuhan sa mga katulong.

Umupo naman si Gu Jingze sa sofa at hindi pinansin ang ingay na gawa ng masayang pagkukwentuhan nina Lin Che.

Sa halip ay pinagmasdan niya ang buong silid. Bagama't isang tao lang ang dumating, ay para bang biglang nakumpleto ang kanilang tahanan.

Napakasigla talaga ng Lin Cheng ito.

Pagkatapos ng araw na iyon, hindi kaagad ipinalabas ang reality show na sinalihan ni Lin Che. Pero inilabas na ang maikling patalastas para dito.

Sa maikling patalastas na iyon ay isinama ng production team ang eksena kung kailan pumasok ang mga ito sa kwarto ni Lin Che. Hiyang-hiya na si Lin Che noon pa man pero nang makita niya iyon sa screen ay lalo niyang naisip na napakapangit niya doon.

Buong araw siyang nakatutok sa cellphone at binabasa ang mga comments sa online. Napansin niya na malaki ang idinagdag sa bilang ng kanyang mga fans.

Ilan sa mga komento ng mga fans ay, "Gusto ko pa rin si Lin Che. Napakatotoo niya at kakaiba talaga."

"Tama! Hindi katulad ng Wang Qingchu na iyon na sobrang peke! Nahalata ko kaagad na umaarte lang siya. Para siyang isang kaladkarin na para bang isang kabit."

"Sa tingin ko'y hindi naman pangit ang scene na 'to; ang ganda-ganda nga ni Lin Che eh. Wala siyang suot na makeup pero napakaganda pa rin ng balat niya. Napakasarap pa ring tingnan ng kanyang mga mata at napakaaliwalas niya pa rin."

"Ang cute ni Lin Che!"

Hindi makapaniwala si Lin Che sa mga nababasa. Hindi siya makapaniwala na puro magagandang komento ang mababasa niya mula sa eksenang iyon.

Pagsapit ng hapon ay magkasama nilang pinanood ni Yu Minmin sa loob ng kompanya ang patalastas. Sinabi ni Yu Minmin, "Simula pa lang ito. Hintayin mong maipalabas ang buong show at malalaman mo ang magiging resulta."

Tumingin ito sa kanya, "At una sa lahat, maganda ang kutis mo. Maganda ka kahit walang makeup. Kaya magtiwala ka sa sarili mo. Nakita mo? Kayang-kaya mong talunin si Wang Qingchu nang hindi gumagamit ng makeup."

"Malabo iyan, Miss Yu. Masyadong mataas lang ang tingin mo sa'kin."

Sumagot si Yu Minmin, "Oo nga pala. Tinawagan kami ng management ng Qin Wanwan na iyon. Nagtatanong sila kung papayag daw ba tayong makipag-joint promotion sa kanila."

"Joint promotion?" Medyo hindi iyon maintindihan ni Lin Che.

Ipinaliwanag naman ito sa kanya ni Yu Minmin, "Parang bundle sale lang iyan. Makakatulong sa'yo kung mas mapapadalas ang pagsasama ninyong dalawa. Gusto ng mga fans na nakakakita sila ng dalawang artistang nagtutulungan, kaya mukhang maganda kung gagawin mo iyan kasama niya. Kung interesado ka ay sasamahan kitang pasukin ang bagong yugtong iyan ng career mo. Hindi ka naman masiyadong mahihirapan. Sasali lang kayo sa mga shows bilang magpartner at tatanggap ng mga interviews nang magkasama. Magaganda din ang mga reviews kay Qin Wanwan at madali niyang nakukuha ang loob ng mga tao sa paligid niya. Alam mo namang mahina ka sa aspetong iyan, kaya matutulungan ka niya sa bagay na iyan."

Habang nakikinig ay tumatango si Lin Che. "Okay. Wala talaga akong alam tungkol sa mga bagay na ito. Basta, magtitiwala nalang ako sa sinasabi mo."

Ngumiti si Yu Minmin. Kung ganoon ay nakapagdesisyon na sila.

Noon lang naintindihan ni Lin Che ang ibig sabihin ng 'paggamit ng swerte ng iba'.

Kahit na mahina siya sa show, nagkakagulo pa rin sa internet at maraming mga fans ang nagsasabing napakasaya niyang panoorin dahil sa kanyang kainosentehan. Mapapansin sa show na abala ang ibang cast sa paglalaro sa unahan samantalang siya ay nasa likuran lang at nangangapa at hindi alam ang gagawin. Ilang beses din siyang nahuling nakatulala at kapag tinutukso na siya ng mga kasamahan ay doon lang din siya magigising at babalik sa reyalidad. Dahil doon ay lalong natuwa ang mga fans sa kanya.

Binigyan siya ng palayaw ng kanyang mga fans: siya raw ay 'babaeng maikli ang atensyon'.

Hindi sinasadyang naging mainit na laman ng mga balita sa online si Lin Che.

Hindi makapaniwalang napabulalas si Lin Che kay Yu Minmin. "Hindi ko talaga inaasahan na posible palang mangyari 'to. Akala ko talaga ay kaawa-awa ang kalagayan ko doon sa show at katapusan na iyon ng aking career."

Sumagot si Yu Minmin, "Hindi naman kasi talaga ganon kapangit ang performance mo sa show at ginawa mo pa rin naman ang dapat mong gawin. Pero ikaw na talaga iyan eh, wala na tayong magagawa pa."

Napatawa ang isang assistant na nasa gilid nila, "Lin Che, propesyonal talaga iyang si Miss Yu. Dapat lang na magtiwala ka sa mga sinasabi niya. Alam na alam niya ang kanyang ginagawa at napakagaling pa. Hindi niya hilig na makipagkompetensiya sa ibang tao. Dahil kung nagkataon, naku, siya na sana ngayon ang pinakasikat na manager. Pero ganonpaman, kilala pa rin siya sa industriyang ito. Alam ng lahat kung ano ang kayang gawin ni Miss Yu. Napakaswerte mo at nakatagpo mo ang isang tulad niya."