webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Usapang Nakakagaan Ng Pakiramdam

"Wala namang masama sa pagiging mahina ang utak. Magpakatotoo ka lang sa sarili mo; hindi mo kailangang ikumpara ang sarili mo sa ibang tao. At huwag mo ring kainggitan ang anumang mayroon ang iba na wala ka. Artista ka pero hindi mo gustong maging katawa-tawa sa iba, tama ba? Kung gusto mong hangaan ka dahil sa galing mo sa pag-arte, ang dapat mong gawin ay magpokus ka sa pagpapalago ng iyong acting career. Bakit mo inihahambing ang sarili mo sa kanila na para bang gusto mong malaman kung sino ang pinaka-nakakatawa?"

Oo nga ano.

Sumagot si Lin Che, "Naisip ko lang kasi na ang gagaling nila."

"Magaling ka din naman sa iba pang aspeto," sagot ni Gu Jingze.

"Talaga?"

Ang akala talaga ni Lin Che ay wala siyang katalent-talent sa mata ni Gu Jingze.

"Oo. Maniwala ka sa akin. Kung pumayag ako na mapangasawa ka, ibig sabihin ay mayroon kang kayang ipagmalaki."

". . ." Sino ba talaga ang pinupuri nito?

"Hoy. Ang taas-taas talaga ng tingin mo sa sarili mo!"

"Normal lang iyan. Mahalin mo dapat ang sarili mo. Dahil kung hindi, anong inaasahan mong makikita sa'yo ng ibang tao?"

"Ewan ko sa'yo. Sabihin mo na. May maipagmamalaki ba talaga ako?"

"Gusto mo ba talagang sabihin ko sa'yo o gusto mong magsinungaling ako?"

"Okay, fine… Ibababa ko na 'to."

"Eh, huwag muna. Teka lang, mag-iisip ako," sabi ni Gu Jingze. "Magaling ka… Magaling kang humalik."

". . ." Naiinis na talaga si Lin Che at gusto na niyang tapusin ang pag-uusap nila. "Gu Jingze!"

"Fine, fine, huwag kang sumigaw. Kahit na medyo pasaway ka, medyo may kahinaan ang utak, at medyo walang modo…"

"Gusto kong purihin mo ako, hindi iyong iinsultuhin mo!" Napuno na si Lin Che. Bakit ba ganito ang lalaking ito?

"Kahit na medyo nakakainis kung paano ka kumilos, ang maganda naman sa'yo ay maganda ang katawan mo at masarap ding haplusin."

". . ." Namula ang mukha ni Lin Che. "Gu Jingze, napakabastos mo talaga! Ano… Anong tingin mo sa'kin? Isang mumurahing bulaklak?"

"May benepisyo din naman ang pagiging bulaklak eh. Iyong iba nga diyan gustong maranasan na maituring na bulaklak, pero hindi nila magawa."

"Okay, so ibig mo talagang sabihin ay para akong bulaklak!"

Napatigil si Gu Jingze. Hindi ba't gusto nitong purihin niya ito?

Pero hindi nito makuha ang gusto niyang sabihin.

Ah, huwag na nga lang.

Nagpatuloy lang sila sa pag-uusap nang ganoon. Hindi nila namalayan na napatagal na pala ang kanilang pag-uusap.

Tiningnan ni Gu Jingze ang oras sa relo at sinabi kay Lin Che, "Kailangan mong gumising nang maaga bukas. Lampas hatinggabi na oh. Dali na. Matulog ka na."

"Ah, umaga na kaagad? Kasalanan mo 'to! Gustong-gusto mo talagang makipagsagutan!"

Ibababa na ni Lin Che ang cellphone.

"Uy, huwag muna," Pinigilan pa rin siya ni Gu Jingze.

"Ano?"

"Uuwi ka na kinabukasan ha. Matatapos na kayo diba?"

"Hm, oo."

"Okay, huwag ka ng magtagal diyan," malambing na sabi ni Gu Jingze. Nang marinig iyon ni Lin Che ay para bang lumambot ang puso niya.

"Huwag mong sabihing nami-miss mo kaagad ako?" Pabirong sabi ni Lin Che habang naghahanda ng humiga sa kanyang kama.

Direkta namang sumagot si Gu Jingze, "Oo."

"Ano?"

Biglang napaupo si Lin Che pero naibaba na ni Gu Jingze ang cellphone.

Oo… Oo…

Habang hawak ang cellphone ay nakaramdam si Lin Che ng kakaibang kilig sa kanyang puso. Parang gustong sumabog ng kanyang isip.

Marahil dala na rin ng mahabang pag-uusap nila ni Gu Jingze ay naglaho lahat ng kabang nararamdaman niya kanina. Bumalik na siya sa paghiga at mas naging magaan na ang kanyang pakiramdam. Tanging ang imahe lang ni Gu Jingze ang laman ng kanyang isip at nawala na ang iba pa niyang mga alalahanin.

Hindi niya inaasahan na makakausap niya sa cellphone si Gu Jingze nang ganoon katagal; Napunta na sa iba't-ibang topic ang usapan nila.

Pero dahil din naman iyon sa kakapalan ng kanyang mukha. Kahit na alam niyang maraming bagay siyang hindi naiintindihan ay panay pa rin ang tanong niya dito.

Ganoon pa naman, napakahaba ng pasensya nito sa kanya. Talagang sinagot nito lahat ng kanyang mga tanong at matiyagang ipinaliwanag sa kanya ang mga iyon.

Mabuti nalang din at sobrang talino ni Gu Jingze. Napakarami nitong alam kaya hindi rin sila naubusan ng mapag-uusapan.

Hindi nagtagal ay nakatulog na si Lin Che.

Mabuti na lang at pinayuhan siya ni Yu Minmin na magsuot ng disenteng damit bago matulog. Iyon ay para makaiwas sa anumang mga pasekretong pag-video o di kaya'y makaiwas sa anumang mga di-magandang pangyayari. Nang magising si Lin Che ay hindi maganda ang hitsura niya mula ulo hanggang talampakan. Wala siyang kahit kaunting makeup, at nanlalaki ang kanyang mga eyebags dahil anong oras na siya nakatulog mula sa pag-uusap nila ni Gu Jingze sa cellphone. Uminom din kasi siya ng maraming tubig kagabi kaya parang namamaga ang kanyang mukha. Nang makita niya ang camera ay agad siyang nataranta.

Napuno naman ng mga halakhak ang kwarto habang kinukunan siya ng video ng mga katrabaho. Hindi mapigilan ng mga ito na tumawa dahil sa bagong-gising niyang hitsura. Wala na siyang nagawa pa kundi ang kuskusin nalang ang mata at sinabi sa mga nandoon, "Maghintay lang taalaga kayo. Sisikat din ako. Pero paano naman ako makakakilos nang mabuti sa susunod kung vivideohan niyo ako nang ganito ngayon? Magbabayad talaga kayo kapag nawalan ako ng mga fans."

Mas lalo namang nagtawanan ang mga kasamahan.

Naisip ni Lin Che na wala na siyang magagawa dahil nailantad na ang pinakapangit niyang hitsura, kaya nagpasya niya na wag nalang iyong pansinin.

Lumabas siya ng silid nang walang makeup. Napakuskos nalang siya ng ulo nang makitang marami na palang tao sa labas.

Mukhang ganoon din ang ginawa ng mga ito kina Qin Wanwan at Wang Qingchu. Pero mukhang maaliwalas pa rin ang mukha ni Wang Qingchu. Nagsalita na ito na para bang nayayamot, "Ano ba naman kayo? Bakit hindi ninyo sinabi na darating pala kayo? Hindi tuloy ako nakapagmake-up."

Suminghal lang si Qin Wanwan at bumulong kay Lin Che. "Huwag kang maniwala diyan. Matagal nang sinabi sa kanya iyan ng kanyang manager. Walang makeup? Ang sabihin niya ay natural makeup ang gamit niya at naglagay pa nga siya ng lenses, ano."

"Talaga? Alam ng mga managers?"

"Oo naman. Bakit? Hindi ka ba sinabihan ng manager mo? Ako nga oh, sinadya ko talagang magsuot ng magandang pantulog."

"Wala siyang sinabi sa akin na ganyan!" Parang gusto ni Lin Che na patayin sa isip si Yu Minmin.

Iniisip ba nito na sobrang pangit ng kanyang performance kaya kahit na maghanda pa siya ng magandang damit pantulog ay wala pa ring mababago?

Eh pwede namang kahit ang image na lang sana niya ang naisalba niya.

Nang makita ni Lin Che si Yu Minmin, agad niyang sinabihan ito. "Mapapatay talaga kita, Yu Minmin! Bakit hindi mo sinabi sa'kin na pupunta ang mga crew dito nang maaga?!"

Tiningnan ni Yu Minmin ang kanyang hitsura. "Wala din namang saysay kahit na sabihin ko pa sa'yo dahil hindi mo naman kayang umarte. Kaya mas mabuti pang magpakatotoo ka na lang. Kita mo? Okay ka namang tingnan nang ganyan ah."

Napanganga si Lin Che. Pero kung iisipin niyang mabuti ay hindi naman kasi talaga siya katulad ni Wang Qingchu na kayang-kayang magpanggap na para bang wala talaga itong alam.

"Pero kahit na. Sana man lang ay binigyan mo ako kahit kaunting senyales man lang."

"Hindi ba't sinabihan kita na magsuot ng disenteng damit-pantulog? Hindi ka naman siguro natutulog nang nakahubad, di ba?"

Sumagot si Lin Che, "Kung ganoon, hindi mo ba naisip na baka magdala ako ng kung sinong lalaki dito? Na baka mahuli nila ako?"

"Imposible," napahawak sa kanyang baba si Yu Minmin. "Pero hindi rin ako nakatitiyak. Kung magpunta man dito si Gu Jingze at mahuli kayong dalawa, ibig sabihin ay malaking balita iyon."

Masama ang tinging inirapan ni Lin Che ang manager.

Ganoon pa man, nangyari na ang mga nangyari. Kailangan niyang tanggapin iyon.

Paglabas niya ay nakangiti pa rin sa kanya ang mga kasamahan. "Hindi kapani-paniwala! Hindi ka talaga naka-makeup?"

"Naku, naku. Bakit ka naman magme-makeup kung matutulog ka na lang? Ano iyon? Nagpapaganda ka para sa multo?" sagot ni Lin Che habang iwinawasiwas ang kamay.