webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Pinalayas si Mo Huiling

Napapailing na sumabat si Yu Minmin, "Tama na iyan. Tigilan mo na iyang pambobola mo."

Humarap ito kay Lin Che at sinabing, "Kailangan kong magkaroon ng ganitong kakayahan para mabuhay pero hindi ako sobrang galing tulad ng sinasabi niya, sa totoo lang."

Nagpatuloy ang assistant, "Matagal ko ng kilala si Miss Yu. Isa siyang alamat! Nagsisimula palang siya nang una ko siyang makilala. Ang totoo niyan ay gusto kong maging katulad ni Miss Yu balang araw. Iyong tipong mapapa-thumbs up sa akin lahat ng kakilala ko."

"Kayo talaga. Kung makakagawa ka ng isang hari o reyna, iisipin kaagad ng mga tao na magaling ka. Pero sa posisyon kong ito, kahit gaano pa man ako kagaling, hanggang dito lang ako. Basta, kailangan lang na mas pagbutihan pa natin ang ating trabaho. Magtulung-tulong tayo. Nagsisimula pa lang tayo."

Naisip ni Lin Che na talagang palaban itong si Yu Minmin. Nang marinig niya ang sinabi nito ay mas lalo siyang ginanahang magsipag pa sa trabaho.

Samantala…

Nasa bahay niya si Mo Huiling at kasalukuyang pinapanood ang balita tungkol kay Lin Che.

"Talagang tumatak sa puso ng mga manonood ang kainosentehang taglay ni Lin Che. Isa sa mga kasali sa show si Lin Che at ang kaibigan nitong si Qin Wanwan. Kamakailan lang, habang nasa lugar ng kanilang filming ay walang sabi-sabing pumasok ang mga crew sa kwarto ni Lin Che. Halata sa hitsura nito ang matinding pagkagulat. Ito ang kauna-unahang beses na nailantad sa publiko ang ganoong hitsura kaya pakiramdam nito ay katapusan na ng kanyang acting career."

"Sinungaling! Halata namang umaarte lang siya eh," galit na inihagis ni Mo Huiling ang remote.

Tiyak na magaling din itong umarte sa harap ni Gu Jingze kaya biglang nag-iba ang pakikitungo nito kay Lin Che.

Nang sandaling iyon ay may dumating na isang lalaki at sinabi sa kanya, "Miss, may bago na hong nakabili sa bahagi ng lupang ito. Ang sabi po ng aking amo na kapag hindi ka pa po umalis, hindi mo raw magugustuhan ang mangyayari."

"Ano… Hindi ako aalis. Ayokong umalis. Sino ba'ng bumili ng lupang ito? Babayaran ko nalang din siya!" Pasigaw na sagot ni Mo Huiling, sinasabing wala siyang balak na lisanin ang lugar na iyon.

Gusto niyang dito lang siya para masubaybayan niya sina Gu Jingze at Lin Che, at nang sa gayon ay mapigilan niya ang anumang relasyong mabubuo sa pagitan ng dalawa.

Mas lalong nainis si Mo Huiling nang maisip niya iyon. Wala naman daw ibang dahilan pero bakit ngayon pa? Bakit ngayon pa siya kailangang umalis doon? Bakit bigla na lang may umaangkin sa lugar na nalipatan niya? At sasabihin pang nakakasikip sa kalsada ang bahay niya? Imposible.

Siguradong si Lin Che ang may kagagawan nito. Tiyak na isa ito sa mga masasama nitong plano para mapalayas siya.

Narinig ni Mo Huiling ang mga katulong na nakikipagsagutan sa lalaki. Galit na tumayo siya at nagmamadaling sumugod sa bahay ni Gu Jingze.

Pinigilan siya ng mga katulong pero hindi nagtagumpay ang mga ito. Walang nagawa ang mga ito at sinundan nalang siya ng tingin na nagmamadaling pumunta sa bahay ni Gu Jingze. Pero, sa pinto palang ay hinarang na ito ng mga security guards.

Galit ang mukhang sumigaw si Mo Huiling, "Wow ha? Ang lakas ng loob ninyong harangin ako?! Hindi niyo ba ako kilala? Gusto kong makausap si Gu Jingze; gusto ko siyang makita! Alam kong si Lin Che ang may pakana nito dahil gusto niya akong ilayo kay Gu Jingze!"

Hindi nagpatinag ang mga security guards. Hindi umalis ang mga ito sa pwesto at patuloy pa ring hinarangan si Mo Huiling.

Malakas pa rin ang boses, "Gu Jingze, bakit hindi mo makita ang totoong ugali ng Lin Cheng iyon? Isa siyang p*t*! Naisahan ka lang niya at gusto niyang makipaghiwalay ka sa akin! Bakit hindi mo makita na niloloko ka lang niya?!"

Sa loob ng kwarto.

Sinumbong na sa kanya ng mga tauhan ang eksenang ginagawa ni Mo Huiling.

Nakasimangot si Gu Jingze. Kasalukuyan siyang may ginagawa sa kanyang study room. Tumigil muna siya sandali at hinimas-himas ang kilay.

"Paalisin niyo siya. Ayoko siyang makita ngayon."

Kung haharapin niya ito ngayon ay lalo lang itong magmamatigas. Pinagbibigyan niya lang ito noon para hindi ito mapahiya, pero palala ito nang palala. Kailangan niyang magmatigas na ngayon nang sa gayon ay hindi na ito mas maging katawa-tawa at dumihan ang reputasyon bilang isang heredera.

Sa mundong ginagalawan nila ay napakaimportante ng reputasyon lalo na sa mga babae.

Dahil sinabi niya ay agad ding tumalima ang mga tauhan.

Nagmatigas pa rin si Mo Huiling, pero nagawa ng mga ito na pauwiin sa mismong bahay nito.

Hindi na alam ng mga Mo kung ano ang gagawin kay Mo Huiling kaya pansamantala nila itong ikinulong sa loob ng mansyon.

Nanggagalaiti sa galit si Mo Huiling, "Ano sa tingin niyo ang ginagawa ninyo?! Hindi ba't gusto niyong maikasal ako sa isa sa mga anak ng mga Gu?! Paano ko naman magagawa iyon kung ikukulong niyo ako dito?!"

Napailing na lang ang ama niya habang nakatingin sa kanya. "Kapag madali lang na makuha ang isang bagay, madali ka ring magsasawa kapag nakuha mo na. Alam mo bang hindi tama iyang pamamaraan mo? Katangahang gawin iyan. At sumugod ka pa nga ano para lang gumawa ng eksena. Magtino ka at ayusin muna iyang sarili mo bago kita hayaang makalabas. Isa kang sakit sa ulo at inilagay mo sa kahihiyan ang pamilyang ito! Sa tingin mo ba ay mabubuhay pa tayo kapag hindi ka tumigil diyan sa mga ginagawa mo? Hindi ako papayag na bumagsak ang buong pamilyang ito nang dahil lang sa 'yo!"

Sa bahay ni Gu Jingze.

Muling nagpunta ang kanyang mga tao sa kanya at ibinalita ang sitwasyon ngayon ni Mo Huiling.

Bahagyang nakahinga nang maluwag si Gu Jingze nang malaman niyang naibalik na si Mo Huiling sa bahay ng mga magulang nito.

Si Lin Che naman kasi talaga ang dahilan kung bakit magulo at hindi panatag ang isip niya ngayon. Masiyado na kasi itong abala sa trabaho at parang kulang na ang atensiyong ibinibigay nito sa kanya.

Ilang sandali lang ay narinig niyang dumating na si Lin Che. Agad siyang tumayo at inabangan ang pagpasok ni Lin Che. Tumingin ito sa kanya, bumati at muling naglakad para pumasok na sa loob.

Hindi na niya napigilang magtanong, "Lin Che, bakit ba parang iniiwasan mo ako? Gusto pa kitang makausap."

Napatigil si Lin Che sa paglalakad at muling humarap sa kanya. "Anong meron?"

Kahit si Gu Jingze ay hindi rin alam kung ano ang mayroon, kaya napilitin siyang magtanong, "Ganyan ka ba talaga ka-busy ngayon?"

"Oo."

Kumunot ang noo ni Gu Jingze. "Nagkasundo tayo dati na aasikasuhin mo rin ako kapag naikasal na tayo. Pero ngayon, puro trabaho mo nalang ang inaatupag mo. Parang nakalimutan mo na yata na may asawa ka na."

Nagtatakang nagtanong si Lin Che, "Bakit? May kailangan bang gawin ngayon ang isang Mrs.Gu?"

"Malamang! Magkakaroon tayo ng Mid-Autumn Festival family dinner sa susunod na mga araw. Kung hindi ka mag-aasikaso para doon, sino'ng inaasahan mo na gagawa para sa'yo? Ako?"

"Huh? Family dinner? Anong dinner? Wala akong alam diyan."

"Pupunta tayo sa Phuket Island. Kailangan mong maghanda para doon."

"Wow, ang layo niyan ah! Pasensya na. Hindi ko talaga alam. Pero wag kang mag-alala. Paghahandaan ko talaga iyan."

Nabasa ni Gu Jingze ang sinseridad ni Lin Che sa sinasabi kaya tumango nalang siya.

Nang makita ng isang katulong na nakapasok na sa loob si Lin Che, nagtataka itong nagtanong kay Gu Jingze. "Tungkol po riyan, Sir. Magkakaroon po pala ng Mid-Autumn family dinner? Wala rin po akong alam…"

Humarap dito si Gu Jingze at malalim ang tinging tinitigan ang matabil na kasambahay.

Agad namang tumigil ang katulong nang maramdaman ang malamig nitong titig.

Kinuha ni Gu Jingze ang cellphone at tumawag sa bahay ng mga magulang.

"Ma, malapit na ang Mid-Autumn Festival. Ano bang mga planong gawin ng pamilya?"

Sumagot si Mu Wanqing, "Oh, akala ko ay masiyado kang busy ngayon. Busy din ang kuya mo. Ang kapatid mo naman, ewan ko kung saan nagpupunta araw-araw. Kaya, hindi talaga ako naghanda para doon."

"Ma, bakit naman ganun? Mahalaga ang ganitong mga pagdiriwang para mas lalong tumibay ang pamilya. Gusto mo ba na lagi nalang tayong nagkakanya-kanya?"

"Kung ganoon… Anong gagawin natin?"

"Hays. Nabalitaan ko na maganda palagi ang panahon sa Phuket Island. Ano kaya kung magbakasyon tayo doon?"

"Huh? Pwede rin naman. Sige, ikaw na'ng bahala na maghanda para doon."

Ibinaba na ni Gu Jingze ang cellphone at inalala ang magandang tanawin ng isla. Naisip niya ang napakagandang beach doon at maya-maya'y napunta ang isip sa katawan ni Lin Che. Tiyak na napakaganda nito habang nakasuot ng bikini.