webnovel

Reflection through a Screen

<September 30>

INILAGAY KO sa isang plato ang sinadya kong lutuin na sobrang itlog at ham, pagkatapos ay hinain ko ito sa lamesa para makita ito kaagad ni tita Dianna pagkagising niya.

Nakikitira lang ako sa apartment ng tita ko, at tuwing weekends ay umuuwi siya dito. Pero may mga araw lalo na kapag hindi ito busy sa trabaho ay umuuwi ito. Katulad na lang kahapon, umuwi ito kahit na Wednesday pa lang kahapon. Mukhang wala itong pasok hanggang Biyernes.

Sobrang laki ng pasasalamat ko sa kanya dahil hinahayaan niya akong dito tumira lalo na't mas convenient ang lugar na ito pagdating sa lapit ng trabaho at ng school ko.

Pagkatapos kong kumain ay mabilis kong hinugasan ang pinagkainan ko. Sakto naman ang pagtunog ng phone ko. Mukhang nag-update na sa akin si kuya Marvin patungkol sa schedule ko bukas.

Sa araw na ito ay wala kaming call time ni Alann, kaya mas maluwag ang schedule namin ngayon. Hindi ko tuloy makalimutan noong nalate kami ni Alann sa call time namin noong nakaraang linggo ay natakot na kaming pareho na malate ulit. Nakakatakot magalit si Direk.

Pinunasan ko ang phone ko at binasa ang message ni kuya Marvin.

[ Nareceive ko na ang result doon sa audition na ginawa natin para sa isang music video. Mukhang hindi tayo nakuha, since mayroon na silang napili na mas may kapit. Pero kinakausap ako ngayon ni Kurt sa mga plano nila para kay AJ ]

Napakunot ang noo ko sa huling sinabi niya. Ano naman ang koneksiyon ko kay AJ?

[ Okay po ] ang tanging nireply ko.

---

"Salamat po" sabi ko bago lumabas ng faculty room. Pagkalabas ko ay naabutan ko doon sina Farelle at Divine na naghihintay sa akin.

"Haaa. Pa'no na lang ako mabubuhay kung wala kayo." pagbuntong hininga ko.

Tinapik ako sa balikat ni Farelle para pagaanin ang pakiramdam ko. "Ano ka ba, tulungan lang talaga 'yan! Atsaka alam naman namin kung gaano ka kabusy ngayon lalo na sa palabas niyo ngayon. Grabe, hindi ako makapaniwala na kaibigan ko ang isang Cassey Briones"

Pilit naman akong tumawa dahil hindi ko alam ano ang isasagot sa kanya.

Napatingin ako sa gawi ni Divine nang maramdaman ko na kanina niya pa ako pinagmamasdan. Itinabingi ko ang ulo ko. "Bakit?"

"Si AJ?" maiksi niyang tanong.

Pero sigurado akong hindi lang 'yun ang gusto niyang sabihin o itanong. Matagal ko nang napapansin na may kakaiba lagi sa tingin ni Divine pagdating sa akin. Pero hanggang ngayon ay hindi ko matukoy kung ano ang gusto niyang iparating o anong klaseng tingin ba ang pinapakita niya sa akin.

"Hindi ko sigurado. Hindi kami kailangan sa set ngayon sa pagkaka-alam ko, pero siguro may iba pa siyang appointment. Mas busy pa 'yun kaysa sa akin e." pagkibit-balikat ko habang binabasa ang magiging reaksiyon niya.

Girlfriend kasi ni Alann si Divine, mag 6 months na ata sila next month.

"Hmm." pagtango niya atsaka kinuha ang phone niya para itext siguro si Alann. Matapos niyang magkalikot sa phone ay tumingin ulit ito sa akin.

"Nagbubukas ka pa ba ng twitter?" tanong nito.

Umiling ako. "Hindi ako madalas magtwitter eh. Messenger at Youtube lang talaga madalas ko gamitin"

"Good. Toxic masyado ang Twitter. Ilang beses ko na pinagsabihan si AJ tungkol dito pero ang kulit eh" pagrereklamo niya.

Doon ko naintindihan na mukhang may nabasa na naman si Alann na negative comments patungkol sa kanya. Ngumiti na lang ako bilang tugon, pero binigyan ulit ako ni Divine ng malamig na tingin.

Did I do something wrong?

---

Ipinikit ko ang mata ko habang isinandal ko ang pisngi ko sa bintana ng kotse. Mukhang itinext na naman ni mommy si kuya Marvin na sunduin ako.

"Can't you just bring me back to apartment instead, kuya?"

Hindi ko na sinubukang buksan mata ko para tignan si kuya Marvin dahil alam ko naman na kung ano ang isasagot niya.

"Alam mo namang hindi ako p'wedeng sumuway sa utos ng nanay mo, Cassey. Don't worry, I'll bring you back to the apartment after dinner."

See?

I bet that they'll just talk about business again. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kasama pa ako. Hindi rin naman ako ang magdedecide kung sakaling patungkol sa akin ang pag-uusapan nila.

Lumipas ang oras at katulad ng hinala ko ay kinamusta lang ni mommy kung paano ako sa set. Hindi ko na sinubukan makinig pa sa pinag-uusapan nila nang makita ko ang matalim na tingin sa akin ni mommy nang banggitin ni kuya Marvin noong nalate ako sa call time ng isang beses. Inubos ko na lang nang mabilisan ang pagkain ko atsaka lumabas ng kusina.

Sa sala ako naghintay kay kuya Marvin para makabalik sa apartment. Inabala ko na lang ang sarili ko sa pagkalikot sa phone. Habang kinakalikot ko ang phone ko ay naalala ko ang sinabi sa akin ni Divine kanina.

Nacurious tuloy ako kung anong klase ang nababasa ni Alann para mag-alala ng ganoon si Divine. Binuksan ko ang twitter atsaka hinanap ang pangalan niya doon.

Napakunot ako ng noo dahil hindi ko mahanap kung alin dito ang comment para mag-alala nang ganoon si Divine para kay Alann. Ang nababasa ko lang naman ay halos good comments sa kanya.

Natutuwa naman ako para sa kaibigan ko dahil madami nang nagmamahal sa kanya bilang isang artista. Siguro masyado akong natutuwa kaya hindi ko namalayan na hindi nga talaga maganda ang sobra. Dapat nakontento na lang ako sa pagbabasa ng kahit limang comments patungkol sa kanya.

Habang padami nang padami ang nababasa ko ay nagsisilabasan na rin ang mga bagay na dapat noong una palang ay hindi ko na sinubukang hanapin pa.

Sa pangalan ni Alann ay madalas mabanggit din ang pangalan ko.

Mayroon namang nakakatuwang basahin pero iba talaga kapag tunnel vision ang isang tao. Simula nang makabasa ako ng negative comment patungkol sa akin ay halos 'yun na lang ang napapansin ko.

Haaa...

"What's with the sigh?" napatingin ako kay kuya Marvin na nasa tapat ko na pala.

Ngumiti ako at umiling. "Wala. Okay na ba kayo ni mommy?"

"Oo. Tara na." aya ni kuya Marvin kaya naman sinundan ko na ito palabas. Nilingon niya ako para tignan kung nakakasunod ba ako. Nginitian ko na lang siya nang makita ko na tila nag-aalala ito.

"Inaantok na ako kuya. May naiwan ka pa ba?" pabiro kong tanong sa kanya. Hindi siya umimik atsaka naglakad na lang papunta sa kotse niya.