webnovel

Cut Classes

<December 15>

NAGPASALAMAT AKO sa kaklase ko pagkatapos ko manghingi sa kanya ng isang pabor. Napagdesisyunan ko kasi na hindi muna ako papasok ngayon, dahil na rin wala talaga ako sa tamang wisyo para mag-aral.

Kahit na andoon ako sa loob siguro ng classroom ay lilipad lang ang utak ko. Physically present but mentally absent, ika nga nila. Ayoko naman ng ganoon.

Kaya naman katulad ng binigay na advice sa akin ni Cassey kagabi, ay nag-absent na lang muna ako. I need to take a break, sabi niya.

Gusto ko man gawin 'yun pero kapag nakatunganga lang din naman ako ay paniguradong mag-iisip lang din ako ng kung ano-ano.

Pahikab-hikab ako pagkalabas ko ng kwarto para sana kumain ng almusal. Sobrang aga pa kasi kaya ako pa lang ang gising na tao dito sa bahay.

Katulad ng dati ay hindi na naman ako nakatulog ng maayos. Pagising gising din ako kaya nang makita ko na 5 AM na tumayo na lang ako para maghanda ng almusal sa lahat.

Matapos kong magluto at maghanda ng almusal ay dumiretso ako sa bakery namin. Doon ko nilibang ang sarili ko at nagpalipas oras.

"Aga mo naman ata ngayon?" tanong ko kay Cassey nang tawagan niya ako.

"Maaga call time namin ni Alann ngayon eh. Ikaw rin naman, ba't aga mo nagising? Nagulat ako nung makita kong online ka"

"Wala lang. Naghahanda ako bago buksan itong bakery namin" sagot atsaka ko pinakita ang pinapainit ko na mga pandesal pagbukas ko ng camera sa messenger.

"Wow, sarap naman. Pahingi ako" pabiro niyang sabi.

"Pabigay ko kay Kean mamaya?" may halong malisya na sabi ko.

Mahina siyang tumawa bago umiling. Nakabukas na rin pala ito ng camera. Mukhang kakatapos lang nitong maligo dahil pansin ko ang pagkabasa ng buhok niya.

"H'wag na. Alam ko namang busy na tao 'yun"

Ngumiti ako sa kanya habang pinipigilan ko ang sarili ko na tuksuhin siya. Hanggang ngagon kasi wala pa sa kanila ng kakambal ko ang umaamin. Hindi ko tuloy matukoy kung gusto ba nila ang isa't-isa o sadyang "best friend" lang sila.

Pero base sa obserbasyon ko sa galaw at kilos kasi ni Cassey, mukhang hindi niya nakikita si Kean bilang isang potensyal na makarelasyon. Maaari rin naman na mali ang hinala ko. Dahil nga, pareho silang mahirap basahin ni Kean.

"Are you overthinking again?" tanong niya nang bigla akong tumahimik.

Kay Cassey kasi ako madalas magkwento tungkol sa mga tanong ko sa buhay atsaka sa mga problema ko. Nagsimula lang ako mag-open up sa kanya noong tinukso ko siya tungkol kay Kean pero kaysa patulan niya ang panunukso ko ay mas napansin niya ang pamumula ng mata ko dahil sa kakaiyak ko noon. Mabuti na lang at hindi niya ito kinekwento sa kapatid ko.

Nagkibit-balikat ako. "I can't help it."

Binaba ni Cassey saglit ang hairblower niya bago niya kinuha inabot ang phone. Pinatay niya ang camera kaya boses niya na lang ang naririnig ko. Mukhang pumasok sa loob ng kwarto ang tita niya. Ilang minuto ang lumipas bago binuksan muli ni Cassey ang camera niya.

"Sorry, " hingi nga ng pasensya. "Mukhang parating na dito si kuya Marvin maya-maya lang. Nagtext na kasi siya eh." sabi niya habang nagliligpit ng pinaggamitan niyang hairblower.

"Okay lang"

"Hindi ko alam kung ano ang gumugulo sa isip mo ngayon. Farelle, kilala kita bilang isang matalinong babae. Sa tingin ko, wala ako sa posisyon para magbigay ng kung ano mang payo. Nabasa ko lang ito sa isa sa mga linya sa script, pero sabi doon, 'Instead of regretting the things you wish you should've done, why don't you try acting for whats on your hand?'. Hindi ko rin maintindihan kung ano ang ibig sabihin niyan. Ilang beses ko rin pinaulit kay kuya Marvin 'yung linya na 'yan para ma-iarte ko."

Napansin ko kung paano lumingon si Cassey sa pintuan ng kwarto niya. Mukhang kinakausap ulit siya ng tita niya.

"Mauna na ako. Subukan ulit kitang tawagan mamaya o kapag nagka-oras ako. Paki-kamusta na lang ulit ako kay Divine, salamat!" sabi niya bago niya dali-daling pinatay ang tawag.

Pagkatapos ng pag-uusap namin ay saktong pagkarating ni Kean. Nakita ko kung paano siya dumukot ng isang tinapay atsaka kumagat doon.

"Hindi ka pa kumain ng almusal at itong tinapay na ibebenta dapat ang tinitira mo?" tanong ko sa kanya.

Sumagot ito pero wala akong naintindihan sa sinabi niya dahil puno ang bibig nito. Hinayaan ko na lang siya atsaka binuksan na ng tuluyan ang bakery.

"Oo nga pala. Gusto raw ni Cassey ng pandesal. Makakapunta ka ba doon?" casual na tanong ko pero alam kong naramdaman niya na may ibang ibig akong sabihin doon.

"Siya ba kausap mo kanina?" tumango ako bilang sagot sa tanong niya.

"Sure kang gusto mong ibigay natin 'to?" tanong niya na pinagtaka ko. "I mean, the taste is not that bad and not that good. Considering her, she probably won't mind. Sige, pabigay na lang natin kay AJ mamaya. Dadaan siya dito eh" dugtong niya.

Napabukas ako ng labi para sana sumagot sa kanya pero narealize ko rin ang gusto niyang ipunto. Siguro ay narinig niya rin ang pag-uusap namin kanina o sadyang dati niya lang talaga pa alam.

Nagdadalawang isip man, nakakuha pa rin ako ng lakas ng loob para magsalita ng isang tanong kung saan hindi klaro pero hindi rin malabo kung ano ang tinutukoy ko. Pero panigurado naman na maiintindihan din kaagad ni Kean 'yon.

"Bakit?"

Ngumiti siya bago siya sumandal sa pader. Alam kong lampas na siya sa oras ng dapat pag-alis niya pero nagkwento pa rin ito sa akin.

Inamin niya kung ano ba ang naiisip at nararamdam niya sa sitwasyon namin ngayon. Inamin niya kung ano ba ang mga pangarap niya sa buhay at may sinisisi ba it o wala. He told me the answers to all the questions that were running through my head.

And I know...

Right now, he's just also doing this not for me but for himself.

Tumawa siya nang makita akong umiiyak. "Ngayon nakita rin kitang umiyak sa umaga. Kala ko tuwing gabi lang eh"

Sinuntok ko ang braso niya pero ngumisi lang ito sa akin. "Kainis ka" sabi ko bago ko pinunasan ang luha ko.

"Let's do our best again today, hmm?" aya niya sa akin katulad ng lagi niyang sinasabi noon. Pero ngagon alam kong may iba na rin itong ibig sabihin matapos ang mahaba naming pag-uusap.

"Oo pero bago 'yun tumakbo ka na at papagalitan ka na ng boss mo" pabiro kong sabi.

"Nah. Nagtext na si AJ. Papahatid na lang ako. Sayang pamasahe"