webnovel

Pagmamaltrato

Kinabukasan ng umaga.

Muling napatungan ang pag-alala ni Josephine sa anak. Dalawang gabi na itong hindi umuwi. At sa mga gabing iyon, wala siyang natanggap na balita sa kan'yang anak ni isa.

Natulala si Josephine sa pag-alala sa anak. Hindi siya mapalagay at hindi niya magawang kumalma. Bagkos, palala nang palala ang pag-alala niya kay Zack.

"Umuwi ka na, Zack anak. Nag-aalala na ako sa'yo," naisambit pa ni Josephine.

Nabalik lamang siya sa kasalukuyan nang marinig na pabalagbag na sumara ang pinto.

"Ma? Saan ka?" tila lasing na sigaw ni Zack.

Natuod sa kinauupuan si Josephine. Hindi siya makagalaw sa gulat. Ngunit, agad ding bumalot ang saya sa kan'yang kalooban.

Mabilis siyang tumayo at pinuntahan ang anak. Hindi pa man siya nakakalapit ay sinalubong na siya ng anak ng malakas na sampal.

"A-anak? B-bakit, a-anong..." nauutal na saad ni Josephine sa pagkabigla?

"Z-Zack?" tawag pa niya sa anak. "A-anong ginawa mo? B-bakit mo ako sinampal? Ako ito! Si mama mo!"

Gulat pa rin si Josephine sa ginawa ni Zack. "Ang tagal mong sumagot. Ba't ang bagal-bagal mo?" tugon ni Zack.

Napanganga si Josephine sa turan ng anak. Hindi siya makapaniwala sa sinasabi ng anak. Hindi niya maunawaan kung ba't nagkakaganito si Zack.

"Pagkain, may pagkain?" sabi ng binata.

"W-wala na, anak. Ang tira nung kagabi na lang ang kinain ko ngayon."

"Bumili ka! Walang kuwenta. Akala ko may pagkain, wala naman pala! Bumili ka roon!" pasigaw na utos ni Zack sa ina.

"Z-Zack..." mahinang saad ni Josephine.

"Ano? Huwag mong sabihing wala kang pera?"

Napayuko si Josephine.

Totoo ang sinabi ng anak. Wala na siyang pera. Huli na lamang iyong ibinigay niya sa anak nung nakaraan. Ngunit...

"Uutang na lang ako, anak. Alam kong gutom ka," saad ni Josephine.

."Bwisit! Bilisan mo!" sigaw ni Zack at tinulak ang ina.

Napasubsob si Josephine sa ginawa ng anak. Ngunit muli siyang bumangon. Nagmamadali niyang tinungo ang pinto at lumabas doon. Pagkatapos, unti-unti nang dumaloy ang luha niya sa mga mata niya.

"Zack anak, ba't ka ba nagkakaganyan."

Muling napahigpi si Josephine. Ngunit dapat niyang alagaan ang anak ngayon.

Hinihintay siya ng kaniyang anak ngayon. Kaya kahit mabigat sa loob ang nangyari, tinungo niya ang tindahan ni Mila upang mangutang.

Ilang sandali pa, muli nang nakabalik si Josephine dala-dala ang hininging pagkain ng anak.

Naabutan niya itong tulog na tulog.

Sandali niyang inayos ang mesa para sa pagkain ng anak. Hinanda niya ang pagkain nito at pagkatapos ay lumapit sa anak na tulog.

"Zack, anak. Gising na. Nandito na ang pagkain mo," may lambing na paggising ng ina ni Zack dito.

"Zack? Anak? Gising na, andito na ang paburito mong ulam," muling paggising ni Josephine.

Subalit, wala itong tugon. Napabuntonghininga na lamang si Josephine.

Tumayo.

Tinungo ang maliit na kainan at tinakpan ang pagkain na nakahain dun.

Tinitigan niya ang anak na mahimbing na natutulog. Pagkatapos ay tumalikod na may lungkot na ekspresyon sa mukha.

Subalit agad din siyang napahinto nang marinigan ang yapag ng paa sa kan'yang likod.

Nagising na ang kan'yang anak na si Zack.

"Nasaan ang pagkain?"

Itinuro ni Josephine ang nakatakip na plato na nasa mesa at lumapit dito upang tanggalin ang takip.

Subalit, nagalit ang binata.

"Ba't hindi mo ako ginising?" sabi niya na may diin.

"Anak, ginising kita. Hindi ka lang talaga tumugon kasi tulog na tulog ka. Hindi na lang din kita ginallaw para makakapahinga ka," sagot ni Josephine na nakatingin dito ng may pagmamahal ng ina.

Ngunit, dahil sa sagot ni Josephine, lalong nagalit si Zack. "Wala ka talagang kwenta. Humingi ako ng pagkain, wala kang pera na pambilli. Ngayong may pagkain na, hindi mo ako ginising. Bwisit ka talaga. Walang kwenta."

Gumuhit ang sakit sa mukha ni Josephine. Ngunit, hindi siya umimik. Hindi siya tumugon sapagkat labag sa loob niya ang pagsalitaan ng hindi tama ang anak.

Sa huli, anak pa rin niya ito at titiisin niya ang lahat lahat kahit pa na siya ang,  masaktan, alang-alang sa kan'yang kaisa-isahang anak. Ang kan'yang lakas. Ang kan'yang natitirang yaman sa mundo.

Tumayo ang binata na may galit sa mukha.

Hinawakan ang plato.

"A-anong gagawin mo riyan anak? Ako na ang magligpit niyan. Magpahi..."

Nagulat na lamang si Josephine at nabitin sa dulo ng kaniyang dila ang kaniya sanang sasabihin nang walang pagdadalawang isip na binuhos sa kaniya ng binata ang pagkain. Pagkatapos, tumalikod ito para lumabas.

"Aalis ako. At huwag ka nang magtanong kung saan ako. Wala ka nang pakialam dun," huling saad ni Zack at tuluyan nang lumabas ng bahay.

Si Josephine na naiwan ay napahagulhol na lamang at nanghihinang napaupo sa sahig ng bahay.

Yakap-yakap ang tuhod, mahina siyang napabulong sa sarili. "Diyos ko. Ano bang nangyayari sa anak ko? Pinalaki ko siya ng mabuti. 'Tiniis ko ang lahat na hirap, ang sakit sa katawan nang dahil sa pagod at sugat na natanggap ko kay sir Matt, ang hirap sa karenderya sa dami ng kostumer, ang gawain sa bahay para lang sa anak ko, pero ba't ganito?

Bakit naging pasaway ang anak ko? Bakit naging masama ang anak ko? 'Binigay ko lahat na gusto niya, mga damit, mga gamit at tinuruan ko siya ng mabuting asal. Pero bakit?

Saan ba ako nagkulang? Saan ako nagkamali? Saan ako sumobra? Hindi ba tama ang pagpapalaki ko sa kan'ya?"

Lalong napahagulhol si Josephine. Muling bumalot sa isipan niya ang turan ng anak.

"Wala kang kwenta, wala kang kwenta, wala kang kwenta..." tila patalim na sumaksak sa puso ng ina ni Zack ang mga salita nito.

Makaraan ang ilang minuto, wala sa loob na tinungo ni Josephine ang higaan niya.

Yumuko.

Hinila ang maliit na kahon na naroon. Saglit na kinalkal at linabas ang pinakaiingat-ingatang larawan ng anak noong bata pa lamang ito.

Nakangiti si Zack habang nakakapit sa kamay ni Josephine.

"Parang kailan lang anak ko na nakita kang ganitong nakangiti. Pero ngayon..."

Muling tumulo ang luha ng babae.

Hindi niya makayanan ang sakit sa ginawa ng anak niya sa kaniya.

Habang tinititigan ang enosenteng ngiti ng anak, lalong sumisiksik sa kan'yang isipan ang mga katagang lalong nagpapasikip sa damdamin niya.

"Bwisit ka talaga!" gumulong ang luha ni Josephine ng paunti-unti.

"Wala kang kwenta..." ang dating pagulong ng kan'yang luha, unti-unting bumibilis at nagsisipatakan na ang kan'yang luhang hindi mapigil-pigil.

Hanggang sa muli siyang,  napahagulhol.

***