webnovel

Hindi Makatuwiran, Hindi Makatarungan

Alas sais ng umaga.

Abala ang isang babae sa likod-bahay sa pagluluto.

Tila wala ito sa sarili at may kabagalan ang kilos na kabaliktaran ng palagi nitong asta.

Mababanog pa ang kawalan ng tulog sa palatandaan pa lamang sa kaniyang mga mata.

Kapansin-pansin ang tila naluluha nitong mata at ang nag-aalala nitong ekspressyon.

Matamlay niyang tinapos ang pagluluto at tinungo ang mesa. Makaraan ang ilang saglit, natapos na sa pagkain ang babaeng si Josephine.

Lumabas siya ng bahay at tinungo ang isang direksyon.

Isang malaking bahay na may taas na dallawang palapag.

Dahan-dahang inabot ng babae ang pindutan na nasa gate. Pagkawa'y tumunog ang door bell ng bahay na iyon.

Ilang saglit pa, nagmamadaling lumabas ang isang kasambahay na tila kagagaling pa lamang sa ginagawa dala ng bitbit bitbit nito.

Matulin nitong binuksan ang gate at minamadaling pinapapasok si Josephine. "Josephine, mag-ingat ka. Kauuwi lang ni sir Matt galing sa kung saan man," tila nag-aalala nitong sabi kay Josephine.

Napahinto sa mabagal na paglalakad si Josephine at tila nabalik sa huwesyo. 'A-ano?' tila hindi naintindihan na sagot ni Josephine.

Tumango ang kan'yang kausap na kasambahay sa bahay na iyon. "Magmadali ka. Lulong pa ang mag-amang Ron at Matt sa ginamit nila kagabi. Sigurado ako roon," sabi pa nito at lumapit kay Josephine. Agad nitong hinawakan ang balikat ni Josephine at marahang pinihit paharap sa loob ng bahay.

Bagama't nag-aalinlangan ang babae na magpatuloy dahil sa narinig mula sa kasambahay, pilit niyang linunok ang takot at kaba sa amo.

Mabilis niyang linisa't iniwan ang kausap sa takot na pagbuhatan uli ng kamay sa amo ngayong lulong ang mga ito sa bawal na gamot at alak. Naglakad si Josephine na may kabilisan at bigat, bitbit ang tatag ng loob at determinasyon para lamang may maibibigay sa anak. Ang kanyang pinakamamahal na anak na si Zack.

Nakarating na ang babae sa harapan ng main door ng bahay. Muli siyang humugot ng malalim na hininga. Pagkatapos, pikit-matang binuksan ang pinto.

Dinig pa niya ang kan'yang kaba sa unti-unting pagbukas sa pintuang iyon. Nang ito'y tuluyang magbukas, nakahinga siya ng maluwag.

Hindi bumungad sa kan'ya ang malakas na sampal mula sa amo dahil sa kaniyang paging late sa oras ng kan'yang trabaho.

Mabilis niyang tinungo ang pinaglagyan ng mga labahan. Nang makarating, agad niya itong kinuha at dinala sa paglabahan na bahagi ng bahay na iyon.

Agad siyang pumuwesto. Nakahanda na ang palanggana at mga kagamitan. Agad niyang sinimulan ang mano-manong paglalabada.

--

Tanghali.

Natapos na si Josephine sa pagtatrabaho sa bahay na iyon ngunit kailangan pa niyang bumalik kinabukasan.

Sa kasalukuyan, nasa isang kainan ang babae upang muling kumayod. Hindi pa siya kumakain, wala siyang makakakain at wala siyang balak na kumain makakahanap lamang ng panggastos sa araw-araw.

Kahit na kumakalam na ang sikmura ni Josephine, pilit n'ya itong binaliwala.

"Josephine, puwede ba kitang maabala saglit sa ginagawa mo?" isang boses ng kasamahan niya ang kan'yang narinig mula sa likod.

Saglit niyang binaba ang hawak na pamunas ng pinggan at hinarap ang kumausap sa kaniya.

"Oo, bakit sana?" tanong ni Josephine.

"Pasensya na, pero puwede mo ba 'tong dalhin sa mesa na iyon? Abcent kasi si Trexie kaya walang ibang makaka-serve sa mga kostumer na iba. Busy rin kasi sila," paliwanag nito at itinaas ng bahagya ang hawak na trey ng pagkain at nginuso ang direksyon ng iba pang kasamahan na abala rin.

"Sige na, Josephine. Wala kasi talagang makakadala nito roon. May ginagawa rin ako sa kusina eh," muling sallita ng kausap ni Josephine.

Bumuntonghininga si Josephine. Pilit na tumango at inabot ang dala ng kaharap.

"Puwede rin ba akong makisuyo sa'yo ng konti?" mahina niyang tugon.

"Ano 'yon?"

Hindi ko pa kasi natapos 'tong ginagawa ko, puwede mo bang punasan ang huling pinggan na 'yan? Ako na bahala pagkatapos. Iwan mo na lang diyan 'yan. 'yan na lang din kasi,  ang natira, okey lang ba?"

Mabilis na tumango ang kausap ni Josephine. Pagkatapos, matulin nilang ginawa ang gawain nila.

--

"Aling Mila, puwede bang makautang ulit? Uunti-untiin ko lang po ang pagbabayad," pakiusap ni Josephine sa may-ari ng tindahang iyon.

Natapos na ang trabaho ni Josephine sa araw na iyon. At muli, narito siya sa tindahan ni Mila upang umutang, ulit. Ito ang araw-araw na gawain ni Josephine.

Maglalabada sa umaga, magtatrabaho bilang waitress sa tanghali hanggang hapon, at nang dahil sa sabado pa ang kan'yang sahod, sa kan'yang pag-uwi sa araw-araw ay nangungutang siya para may ipanggagastos at may makakain lamang.

Pilit na linunok ni Josephine ang lahat nang 'to alang-alang sa kinabukasan at para lamang sa,  anak.

***