webnovel

Chapter Two: The Interview (Part One)

Richard Moore

Isang araw nagising nalang ako na wala na pala akong trabaho. Ang dating pinipilahan at hinahangaang detective ay isa nang ganap na jobless ngayon.

Ako si Richard Moore. Pamilyar ang pangalan ko sa mga balita at telebisyon. Pinagmamalaki ko ang aking talento sa pagre-resolba ng mga kaso na may kinalaman sa murder cases, robbery, kidnapping at iba pa. Humakot ako ng mga parangal at papuri sa mga tao at napabilang din ako sa maraming talk shows, interviews maski commercials at pelikula. Ganyan ako ka-tanyag noon.

Ngunit mula nang mamatay ang pinakaimportanteng tao sa buhay ko, nawalan na ako ng tapang at tiwala sa sarili. Nanlulumo ako dahil ko nabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng asawa ko. Wala akong nagawa kundi umiyak sa harap ng malamig niyang bangkay. Hinayaan kong magpagala-gala ang salarin na hindi pa rin natutukoy kung sino.

Pitong taon nang patay ang asawa ko. Aminado akong mahirap maging isang single father. Dugo't pawis ang aking puhunan para mapag-aral ko si Rachel, ang anak ko na nasa high school na. Pinagpatuloy ko ang aking trabaho sa kabila ng unti-unting pagdalang ng mga kumukunsulta sa akin. Hanggang sa tuluyan akong naubusan ng kiliyente at opisyal na isinara ang detective agency ko.

Tanging pag-inom at panonood ng mga palabas ng idol kong si Yoko Okino ang naging libangan ko sa mahabang panahong hindi ko kapiling ang mahal kong kabiyak.

"Papa! Papa!" Dinig kong untag ni Rachel sa labas ng pintuan. Kagigising ko lang at tinatamad pa akong bumangon.

"A-Ano ba 'yan, Rachel? Umagang-umaga, ang ingay-ingay mo!" sigaw ko. Hindi ko napansing nahulog na pala ako mula sa kama.

"Buksan mo 'to, 'Pa! Gusto ka raw makausap ni Serena sa telepono!"

Serena? Ah, 'yong kaibigan niyang anak-mayaman. Pakialam ko diyan. Para namang may maitutulong ang bubwit na 'yon sa problema ko.

Kailangan ko ng trabaho na malayo sa propesyon ko. Hindi ako puwedeng tumanghod lang dito sa bahay o sa agency. Ubos na 'yong pera ko sa bangko na galing sa mga naging kliyente ko. Saan ako pupulot ng pang-matrikula ni Rachel?

"Uuuuhh..."

"PAPA!"

"Eeeh? Ayoko..." nakapikit kong sabi.

"AYAW MO, HA?!...."

Nagising lahat ng ugat ko sa katawan. Naku, hindi maganda 'to. Kakapagawa ko lang niyan noong isang buwan. Balak niyang sirain ang pinto gamit ang karate moves niya!

"Hoy, huwag mong gawin 'yan, bata ka!" Pigil ko bago niya pa gibain ang pinto. Pinagbuksan ko si Rachel at kanyang ibinigay sa akin ang cellphone niyang kulay dark pink.

"Hello? Ba't ka ba napatawag, ha? Natutulog pa 'yong tao, eh!" Irita kong sabi kay Serena.

"Hehehe! Naistorbo ba kita, Uncle?" Pang-aasar nito. Aba't!

"SIRA! MALAMANG! SINONG HINDI MAIINIS SA GINAWA MONG PAMBUBULABOG? ALAS-SAIS PA LANG!"

Ang gising ko palagi ay alas-nuebe. Binubuksan ko ang agency na nasa baba ng bahay ko ng alas-dies. Magmula noong magsara ako, gumigising ako ng alas-onse ng tanghali. Sa gabi kasi ay napupuyat ako kaiinom ng beer sa opisina ko habang nanonood ng TV.

"May good news kasi ako sa 'yo. Last night, tinawagan ako ng friend ni Mommy. Tinatanong niya kung may kakilala kami na nangangailangan ng trabaho. Since Rachel told me you need a job, bakit hindi mo subukang mag-apply ngayong araw?"

"Anong klaseng trabaho ba 'yang inaalok mo, ha?" tanong ko naman.

"Office worker yata. Not sure though. Dinig ko, malaki raw ang magiging sweldo ng mapipiling aplikante. Need na raw kasi nilang mag-hire as soon as possible. Ano, Uncle? Okay lang ba? Para masabihan ko na sila."

Hindi na masama. Baka puro business papers lang ang gagawin ko doon. Basta huwag lang akong papuntahin kung saan-saan at sana, mabait 'yong boss. Ayoko ng masungit. Huh, hindi uubra sa akin ang kagaspangan ng ugali niya!

"Sige! Susubukan kong mag-apply. Saan ba 'yan matatagpuan?" 'Kita kong kumislap ang mga mata ni Rachel sa tuwa.

"Ite-text ko nalang sa inyo 'yong address at requirements," sagot niya. "Good luck! Hehe!"

"'Ge..." Binaba ko na ang tawag at ibinalik kay Rachel ang telepono.

"Sana matanggap ka sa work, Papa! Yakang-yaka mo 'yan sigurado ako!" Masiglang wika ni Rachel na kulang nalang ay magtatalon siya sa sobrang kasabikan.

"Tsk. Ako pa? Sisiw lang 'yan," pagmamayabang ko. "O, mag-ready ka na para sa eskwela't ako'y matutulog pa."

"Ha? Akala ko ba mag-aapply ka na?"

"Hmp! Tumingin ka nga sa orasan! Anim na oras palang ang tulog ko! Pinagpuyatan ko 'yong replay ng concert ni Yoko! Tapos ginambala pa ako ng kaibigan mong bilyonarya!" katwiran ko. "Mga istorbo kayo!"

"Si Papa talaga!"

Nilock ko ulit 'yong pinto. Nag-set ako ng alarm sa cellphone ko ng alas-otso saka ako humilata ulit sa kama.

Nine-fifteen ko narating ang address na sinend sa 'kin ni Serena. Nakangiti kong binaba ang sungglasses ko at pabulong na nagsalita habang nakatingala sa pagkataas-taas na gusali sa aking harapan.

"Humanda kayo sa pagdating ng pinakamagaling at pinakaguwapong lalaki sa buong kalawakan na si RICHARD MOORE! HAHAHAHAHA!" halakhak ko at wala akong pake sa mga tao sa paligid ko. Bakit, mapipigilan ba nila ang kasiyahan ko? Mga panira!

Umintrada na ako papasok sa building at magiliw na tinanong ang magandang dilag na nasa front desk.

"Good morning, my beautiful sunshine! Mag-aapply sana ako para sa job hiring. Saan ba magpapa-interview?"

"U-uhm... Sir, kompleto po ba ang requirements na dala niyo?" tanong ng babae.

"Aba, siyempre naman! Heto, i-check mo-" Ia-abot ko sana sa babae ang brown envelope na thirty minutes ko nang hawak mula sa sasakyan nang putulin niya ang pagsasalita ko.

"Sir, sa 96th floor niyo po 'yan ibibigay," anito.

"Ah, gano'n ba? Salamat. See you later!" Kumaway pa ako bago ko tinungo ang elevator. Ngumiwi lang ito.

Binati ako ng lalaking nakaupo sa front desk ng ika-96 na palapag. Hiningi niya ang requirements ko na agad ko namang pinrovide. Nang ma-check ang dala kong mga dokumento ay binigyan niya ako ng numero at siya ko raw iki-clip sa gilid ng suot kong tuxedo. Inutusan niya rin akong sundan ang pila pababa ng hagdan. Tumango ako at naglakad sa itinuro niyang direksyon.

Oo, naka-formal attire ako. Nasanay na kasi ako na ganito ang get-up ko kapag pumapasok ako sa agency dati. Wala naman sigurong masama sa pagsusuot ng ganito during job interview, 'di ba?

Naka-ilang hagdan na ang binabaan ko pero nakikipag-siksikan pa rin ako sa haba ng pila. Pambihira! Uusad pa ba 'to? Tumayo ako sa likod ng payat na lalaki na nasa dulo ng pila.

Bago ko i-clip ang papel sa aking black coat ay tinignan ko muna kung pang-ilan ako.

Bumagsak ang balikat ko. Kaya naman pala.