webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The Office

'Yong akala kong isang pagkakataon lang na maririnig ko ang ganoong mga salita mula sa ka-officemates ko ay biglang naging routine na sa loob ng dalawang linggo. Sa tuwing darating ako, sa tuwing makikita nila akong lumalabas ng opisina namin, sa tuwing nagla-lunch ako sa canteen ng central, nakikita kong napapatingin sila sa akin at biglang magbubulong-bulongan.

Gusto ko mang palampasin, hindi naman maatim ng konsensiya ko ang mga naririnig kong salita na tungkol sa akin. Hindi ko gusto ang atensiyong nakukuha ko mula sa kanila.

May ibang tao naman na nakikipag-usap sa akin pero hindi ko tuloy mawari kung totoo ba iyon o nangangalap lang ng impormasiyon.

"Gusto mo, isumbong na natin sa HR dept. ito?"

Napabuntonghininga ako sa sinabi ni Shame at pagak siyang nginitian nang lingunin ko siya.

"'Wag na, mas lalala lang ang usapan kapag nagsumbong pa ako. Lilipas din 'yan," pampalubag-loob na sabi ko sa kaniya pati na rin sa sarili ko.

"Tama ka nga, Ayla, lilipas din 'yan," sang-ayon ni Sir Johnson sa akin, kasamahan namin sa I.T. department. Ang pinakamatanda sa team. At ang Senior I.T. Specialist ng Lizares Sugar Corp.

"Ang strong ng personality mo. Sanay ka na sa ganito 'no?" tanong naman ni Ezekiel. Magkakalapit lang ang edad namin ni Ezekiel at Shame kaya kaming tatlo lang 'yong hindi nagtatawagan ng honorifics sa loob ng opisina.

"Hindi. Sa katunayan, first time kong ma-experience 'to, 'yong mapag-usapan. Noong nag-aaral pa kasi ako, hindi naman talaga ako pansinin na tao," kuwento ko naman.

"Ipagpatuloy mo lang 'yan, 'wag kang makikinig sa kanila. Ganito talaga sa corporate world, Ayla, maraming chismisan, maraming siraan. Mga utak talangka, wika nga nila." Napangiti ako sa sinabi ni Sir Johnson. Ang dami niya talagang baon na mga experience. Hindi naman siya siguro matatawag na Senior I.T. Specialist kung wala siyang experience 'di ba?

"Maiba tayo, mamayang hapon na raw lilipat si Engineer Sonny sa bago niyang opisina."

Nagpatuloy kami sa pagkain pero agad ding nabigyan ng atensiyon si Shame dahil sa sinabi niya.

"Ayos, tiba-tiba na ang merienda natin nito. Sa wakas at hindi na puro canteen ng central ang kinakain natin. Makatitikim na rin ng pagkain sa labas," sabi naman ni Ezekiel.

"Bakit naman?" kuryusong tanong ko sa sinabi niya.

"Hindi mo kasi alam, Ayla, mahilig manlibre 'yang si Engineer Sonny. Kahit sino, walang pili. Kaso sa ilang taon niyang pagtatrabaho rito, hindi pa kailanman niya na-libre ang department natin. Hindi naman kasi niya palaging nakikita ito kasi nga nandoon siya sa factory palagi kaya 'yong mga tiga-factory ang tumataba nang dahil sa kaniya," eksplenasiyon ni Ezekiel sa una niyang sinabi.

"Edi hindi rin tayo malilibre n'yan kasi nasa factory naman talaga ang trabaho niya 'di ba?" tanong ko naman.

"Pero at least, nasa tabi lang natin ang opisina niya. Mas malapit pa rin sa grasya," rason naman ni Ezekiel na inilingan ko na lang para magpatuloy sa pag-kain.

It seems like everybody likes him. So far, wala pa akong naririnig na kuwento tungkol sa kasiraan niya. Walang negative na mga balita, puros positive, puros ang kuwentong mabait siya, nakikipag-usap sa ibang tao, at kung anu-ano pa. Siguro naman, ganoon talaga ang lahat ng Lizares? Si Konsehal Einny nga, malapit din sa taong-bayan. Siguro nasa dugo nila ang ganoong klaseng ugali. At siguro mali na naman ako sa naging judgment ko sa kaniya.

Pero pakiramdam ko talaga, may itinatagong baho 'yan, e. Imposibleng puro mabango lang ang ipinapakita niya sa iba. Lahat ng tao, may kaniya-kaniyang itinatagong baho. Hanapin ko kaya 'yong kaniya? Mayroon 'yan, e. Obserbahan ko nga.

Bumalik kami sa trabaho matapos ang pananghalian. May ginagawa kasi kami sa website ng kompanya. May i-u-upgrade lang sa system nito kaya balik trabaho agad matapos ang pananghalian. Kaniya-kaniya kaming harap sa sarili naming computer set.

Matapos ang dalawang oras na pagiging babad sa computer, sumandal ako sa swivel chair ko at hinilot ang bandang ilong ko, pati mata ko hinilot ko na rin.

Tsk, mukhang kailangan ko na ng salamin sa mata. Nagsisimula na kasing sumakit ang mata ko katitingin sa computer ng buong araw.

Wala 'yong katabi ko na si Shame dahil lumabas muna, pupunta raw sa kabilang admin building, may papipirmahan lang daw.

"Nand'yan na si Engineer Sonny!"

Malakas na nagbukas ang pinto ng opisina namin at nandoon nga si Shame para ibalita sa amin kung ano man ang nasagap na balita niya sa labas. Agad na tumayo si Sir Johnson na sinundan ni Ezekiel.

"Ikaw, Ayla? Hindi mo sasalubungin si Engineer?" Nasa may bukana na sila ng pinto at sabay-sabay silang lumingon sa akin dahil sa sinabi ni Shame.

Napasinghap na lang ako at saka tumayo. Ano pa bang magagawa ko?

Nasa may bukana ako ng pinto, nakasilip lang sa kung anong usapan sa labas ng opisina. Impit na tili at mahihinang usapan ang naririnig ko mula sa tiga-Accounting at Treasury.

Hindi ko talaga alam kung anong nangyayari sa loob ng sistema ko. Sa tuwing nakikita ko siya, biglang tumatakbo ang puso ko. Animo'y hinahabol ng sandamakmak na aso, mga ulol na aso to be exact. Napatulala ako, napatitig sa kaniya.

Wala naman siyang ibang ginawa kundi ang tumayo at mag-exist sa mundo. Wala naman siyang ginawang aksiyon na ikakakaba ko.

Hinaplos ko ang bandang dibdib ko at agad umiwas ng tingin nang magsimula siyang maglakad sa pasilyo ng labas ng aming opisina, papunta na yata sa kaniyang sariling opisina, binabati ang mga empleyadong handang makipagkamayan at makipagbatian sa kaniya. Basically, sinasalubong siya.

Ito 'yong pakiramdam na gusto kong maramdaman kay Fabio. Ito 'yong pakiramdam na hinihintay ko bago ko siya sagutin. Naramdaman ko na nga, sa maling tao naman. Hindi kasi puwede! Paano si Fabio?!

Matinding pag-iwas ang ginawa ko at sinubukan ang sariling hindi makita ang kaniyang mga mata.

Pero anak ng baboy talaga, bakit ang lakas niyang manghatak ng enerhiya? Kaya wala akong nagawa kundi hayaan ang sarili kong titigan ang kaniyang ngiti. Hindi man para sa akin, para man sa ibang tao, pero pakiramdam ko para talaga sa akin. O 'di ba, assumera?

"Welcome sa floor namin, Engineer Sonny!"

Napasinghap na lang ako nang marinig na magsalita si Shame at nasa tapat na nga namin si Engr. Sonny, si boy tingkoy.

"Welcome, Engineer Sonny!" bati naman ni Sir Johnson.

"Sir Johnson!" na agad niyang sinuklian ng isa ring pagbati kasabay ng bro-hug na sinasabi nila. Hindi yata sanay si Sir Johnson sa ganoon kasi nagulat pa siya sa ginawa ni Engr. Sonny.

"Magandang hapon po, Engineer Sonny!" bati rin ni Ezekiel.

Anak ng baboy, ang awkward naman nito.

Wala akong ibang ginawa kundi ang bahagyang nag-bow at ngumiti kahit mas grabe na 'yong kabog ng puso ko. Para na itong sasabog. Hindi ko alam.

"I am your new neighbor!"

Isinalampak ko ang katawan ko sa kutson kong hindi masiyadong kumportable pero dahil nakasanayan na, naging kumportable na rin kalaunan. Isang malalim at marahang buntonghininga ang ginawa ko at saka mariing ipinikit ang mga mata ko.

Ano ba kasi itong nangyayari sa akin? Ano ba ngayon kung nasa malapit na siya? Ano ngayon kung araw-araw, hindi imposibleng hindi mo siya makita. Ano ngayon, Ayla?

Dumilat ako ng mata at tiningnan ang cell phone ko. Sobrang luma na ito at gustong-gusto kong kausapin ang nagbigay nito sa akin pero paano, e, alam ko namang bawal istorbohin iyon?

Aaaagh! Nakakairita na, promise!

Bakit ba kasi siya 'yong iniisip ko? Puwede namang si Fabio na lang? Kasi dapat kay Fabio, e. Kasi si Fabio 'yong may totoong nararamdaman para sa 'kin.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at dinama ang lahat ng frustrations sa nararamdaman ko. Hanggang sa kinatulugan ko ang lahat.

Tungkung Langit. Tungkung Langit. Tungkung Langit. Tungkung Langit. I cannot think of Tungkung Langit without thinking of boy tingkoy.

Ano na ang nangyayari sa akin talaga, hindi ko na talaga maintindihan.

Buong araw, sa trabaho, binulabog ako nang ganoong klaseng isipin. Buong araw siyang nasa isipan ko. Buong araw, habang tinatatrabaho ang mga dapat trabahuin sa opisina, bigla siyang sumusulpot sa utak ko. Laking pasasalamat ko na lang talaga na hindi ko siya nakikita ngayong araw.

Para mawala ang kung ano itong tumatakbo sa isipan ko. Nagpasiya akong pumunta sa pantry para magtimpla ng gatas. Pampakalma man lang sa akin.

Gaya nitong mga nakaraang araw, may nakakapansin pa rin talaga sa akin at pinag-uusapan ang tungkol sa paraan kung bakit ako nakapasok sa kompanyang ito. Pero hindi katulad noong nakaraan, hindi na mas marami at hindi na mas nakakaagaw ng pansin. Yumuko na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa pantry.

Laking pasasalamat ko talaga sa kalangitan na walang tao ngayon sa pantry. Siguro dahil wala pang break at peak hours ngayon ng pagtatrabaho kaya siguro walang katao-tao sa pantry. Agad akong kumuha ng styro cup, naglagay ng gatas, tubig na mainit, at nagbabalik na naman ako sa pagiging tulala habang hinihintay kung kailan lumamig ang gatas na ito.

Hinalo-halo ko ang gatas, asukal, at ang mainit na tubig sa styro cup na iyon at tinitigan ang isang maliit na cactus na nandito sa counter ng pantry. At isang malalim na buntonghininga na naman. Palagi naman, e.

"Puwede nang gawing balon 'yang buntonghininga mo."

Anak ng baboy?

Para akong ginising sa isang mahabang pagkakatulog nang marinig ko ang malakulog na boses na iyon. Tumayo ako ng maayos at tiningnan ang pintuan ng pantry. And there he is...

"H-Ha?"

Siya ba talaga itong nasa harapan ko? Bakit?

"Kako, puwede nang gawing balon ang buntonghininga mo," pag-uulit niya sa unang nasabi na narinig ko naman talaga kahit malalim pa itong naisip ko.

Umiwas ako ng tingin sa kaniya nang tuluyan na siyang pumasok sa pantry. Mas binilisan ko ang pag-uukay ng gatas, kasing bilis ng tibok na naman ng puso ko. Sigurado talaga ako, kinakabahan lang ako sa tuwing nandiyan siya… pero sa anong paraan? Bakit?

"B-Bakit naman?" tanong ko nang hindi na ulit tumitingin sa kaniya, baka kung ano pa ang masabi kong mali.

"Ang lalim kasi. Iniisip mo ba ang mga pinagsasabi nila tungkol sa 'yo?"

Iginalaw ko ang ulo ko para tingnan kung anong ginagawa niya.

Kumuha siya ng isang tasa sa cabinet na nasa ibabaw ng counter. Mukhang magtitimpla rin siya ng kape.

Pero ano 'yong sinabi niya? Paano niya nalaman?

"P-Paano niyo po nalaman?"

Tama nga ang hinala ko, magtitimpla nga siya ng kape kasi kumuha siya sa malaking lalagyan ng kape at nilagyan ang tasang kinuha niya.

"I have ears, eyes, common sense, and the ability to process it all. So yeah, in short, narinig ko lang din sa mga staff ko."

Umiwas ako ng tingin sa kaniya at inatupag ang tinimpla kong gatas. Hinawakan ko ang katawan ng cup at medyo mainit pa nga. Gusto kong umalis na para isalba ang puso kong sobrang bilis na naman ng takbo pero ayoko namang maging bastos.

"Don't mind them. Just mind your work. Wala kang makukuha sa kanila kung patuloy kang makikinig sa bawat salitang sinasabi nila."

Teka, akala niya ba 'yong usapan sa floor namin ang bumabagabag sa akin ngayon? Anak ng baboy! Ikaw 'yon, boy tingkoy!

Mariin kong itinikom ang bibig ko at hindi na talaga nagsalita. Ano ba dapat ang isagot?

"Gusto mo kuwentuhan kita?"

Ha?

Mabilis akong lumingon sa kaniya dahil sa sinabi niya. Ganito ba siya sa lahat? Bigla-bigla na lang niyang sinasabi iyon?

"A-Ano po 'yon?"

Natawa siya bigla pero isang panandaliang malakulog na tawa lang na umalingawngaw sa loob ng pantry ang ginawa niya.

Nanatili akong nakatayo. Siya naman ay, base sa gilid ng mata ko, sumandal sa counter habang hawak ang tasa niya na ngayo'y may laman ng kape.

Teka, hindi ko yata napansin na naglagay siya ng asukal sa kapeng iyan? Ano 'yon? Kapeng barako? Purong kape? Ang tapang!

"Are you familiar with Philippine Mythology?"

Okay, Ayla, kalma ka lang. 'Wag kang pahalatang tensiyonado ka. Hindi maganda.

"Mm-Hmm," tango ko naman.

"Talaga?" sabay kaming napatingin sa isa't-isa at mababakas nga sa mukha niya ang gulat pero nakangiti siya. Tumango ulit ako. Naging pamilyar ako roon dahil sa 'yo woy. "Good to hear that. First time na may sinabihan akong ganito na tumango sa sinabi ko. It's so rare to find a girl that is familiar with the things I like."

"Gusto mo po 'yong Philippine Mythology?"

"Kind of. Nagustohan ko dahil kay Mom. Those were her bedtime stories when we were still young. But anyways, ito na nga 'yong story ko..."

Tumagilid ako para ibigay sa kaniya ang buong atensiyon ko. Kapag ito story na naman ni Tungkung Langit at Alunsina, I swear, magwo-walk out talaga ako. Pero kapag ito iba naman, well, makikinig ako ng buo, ano pa ba?

"This is the story about how the world, the moon, the stars, and the sun formed into heaven. You're familiar with Kaptan and Magwayen?"

Woy, bagong pangalan. Mukhang makikinig ako.

Umiling ako bilang sagot. Pero sa totoo lang, alam ko na ang tungkol dito. Nabasa ko na ito sa Google. Pero gusto kong ipagpatuloy niya ang pagku-kuwento. Kaya hahayaan kong sabihin niya sa akin ito mismo.

"There are two types of stories about Kaptan and Magwayen. 'Yong isa, sinasabi na mag-asawa raw si Kaptan at Magwayen. The other is hindi raw sila couple. They were both guys. Si Kaptan, siya 'yong nagru-rule ng sky world at si Magwayen naman ang nagru-rule sa dagat. Parang Zeus and Poseidon, ganoon."

Gustong-gusto niya talaga ang mga ganitong klaseng kuwento. Malaki pala ang impluwensiya ng Mommy niya sa kaniya. Hindi talaga halata.

"Parehong nagka-anak ang dalawa. Si Kaptan, Lihangin ang pangalan ng anak niya, god of the wind, obviously. Si Lidagat, goddess of the sea, naman ang anak ni Magwayen. Kahit na magka-away sila, walang nagawa ang dalawa nang mag-isang dibdib ang mga anak nila. Ang pag-iisang dibdib ng dalawa ay nagbunga ng apat na anak."

Uh-huh, continue my prince.

Anak ng baboy! Saan galing 'yong my prince? Anak ng baboy ka talaga Ayla!

"First born is the strong Licalibutan who had a body made of rock. The second born, the always happy, Liadlaw, na gawa naman sa gold ang buong katawan. The third born, the shy and weak, Libulan who was made of copper naman. And the youngest and only daughter, Lisuga, whose silver body always sparkled." Bigla siyang natawa tapos napatingin siya sa akin. "Imagine naming your children that kind of names? Will you?"

"Um, weird 'yong pangalan pero hindi. Siyempre ang ipapangalan ko sa magiging anak ko ay 'yong galing naman sa pangalan ko at no'ng ama ng mga anak ko."

"Just like your name."

"Yep, just like my name."

And yep, I'm slowly getting comfortable with him and with his presence. And I don't know kung mabuti ba ito sa akin o ikasasama ko ito sa mismong sarili ko.

"So yeah, back to the story. Lihangin and Lidagat's family seemed to be happy and had no issue at all for a time being. Until the parents, Lihangin and Lidagat died, everything changed in their family. Kinain ng kaniyang sariling kasakiman si Licalibutan. Kaya nagplano siya na mag-surprise attack sa sky world kung nasaan ang Lolo nilang si Kaptan. Pinilit niya ang dalawa niyang kapatid na si Libulan at Liadlaw. Itong dalawang ugok namang ito, hindi naman makaatras kasi natatakot sa kapatid nilang si Licalibutan. So they went together to the sky world and blew up the gates protecting the kingdom. Siyempre, nagalit si Lolo Kaptan. Sa sobrang galit niya, agad siyang nagpadala ng tatlong malalaking kidlat na agad ding nagpatunaw sa tatlong iyon. But the thing is, Liadlaw and Libulan were reduced into a ball. While Licalibutan's rock-hard body broke into pieces, fell into the sea, and became what is known as land."

Napatitig ako sa kaniya. Maaksiyon na ang ginawa niyang paku-kuwento kaya natawa ako. Ang cute niya.

"Edi patay na 'yong tatlo, 'di ba? Itong si Lisuga, hindi alam kung ano ang nangyari kasi nga naiwan siya sa lupa. Isang araw, pumunta siya ng sky world para sana bisitahin ang kaniyang Lolo Kaptan. E, itong Lolo mo, masiyadong nabulag sa kaniyang galit kaya pati ang inosente at walang kinalaman sa lahat ng nangyari na si Lisuga ay naging katulad ng kaniyang dalawang kapatid na si Libulan at Liadlaw but the thing about her is her body scattered all over the sky. Alam mo kung kailan na-realize ni Lolo Kaptan mo na mga apo pala niya ang kaniyang napatay?"

"Hmm, kailan?"

"Nang magkita si Kaptan at Magwayen, doon lang nag-sink in lahat kay Kaptan. He lost all his grandchildren, including the beautiful Lisuga who had nothing to do with the conspiracy at all. Sising-sisi siya sa ginawa niya lalo na no'ng ma-realize niyang hindi na niya maibabalik ang buhay ng kaniyang apat na apo kahit siya pa ang pinakamakapangyarihang nilalang sa mundo. Kaya bilang pampalubag-loob, biniyayaan niya ng everlasting light ang tatlo. Liadlaw became the sun, Libulan became the moon, and Lisuga became the stars in the sky."

"Anong nangyari kay Licalibutan?"

"As for the evil Licalibutan, Lolo Kaptan didn't bother to give him light. Para kasi sa kaniya, fair lang na gawin niyang ganoon si Licalibutan, to become the land that would support the human race. So to end the story, Magwayen planted a seed on the said land and it didn't take long before a bamboo tree started growing. And that's when the human race started."

"Si Malakas at si Maganda?"

"Uh-huh, pero iba 'yong tawag sa kanila, Sicalac at si Sicabay."

"Akala ko galing sa mga alahas ni Alunsina ang mga bituin sa langit?"

Anak ng baboy, Ayla? Ano 'yong sinabi mo?

Umiwas ako ng tingin sa kaniya kasi nasobrahan yata ang bibig ko.

"Alam mo rin ang story ni Tungkung Langit at Alunsina?"

Ang bibig mo talaga kahit kailan, Ayla.

Dahan-dahan akong tumango sa naging tanong niya.

"Sabagay, sinabi mo nga palang familiar ka sa Philippine Mythology. That's part of it though alam naman natin na may iba't-ibang version talaga ang mga bagay-bagay."

Mahina siyang tumawa sa sariling sinabi kaya sinabayan ko na baka kasi mapahiya siya na hindi man lang ako natawa.

"You know what, noong mga bata pa kami ng mga kapatid ko. After naming marinig ang story nitong apat na magkakapatid na ito, sinubukan naming awayin ang Lolo namin noon, nagbabakasakaling baka gawin niya rin sa amin 'yong ginawa ni Kaptan sa mga apo niya."

Ha?

"Talaga?" lumingon ako sa kaniya. Gusto kong matawa dahil sa sinabi niya. Ang weird.

"Totoo, talaga, nagawa talaga namin 'yon. Mommy's fed us with so much mythology that we tried role playing those stories with our own version. Looking back to those days, nakakatawa pala talaga. Para kaming mga timang."

Pati siya natawa na rin sa sariling sinabi kaya mas lalo akong natawa.

Teka sandali talaga. Nakakatawa talaga.

"Seryoso po? Ano pong naging reaksiyon ng Lolo niyo that time po?"

"Oo nga sabi. Siyempre, imbes na magalit sa ginawa naming pag-aalsa, ayon at tinawanan lang kami."

Ang cute. Hindi ko ma-imagine ang Lizares brothers na maging ganoon.

"And now you're smiling."

Anak ng baboy. Ang awkward.

"P-Pasensiya na po, n-nakakatawa po kasi talaga," medyo nahihiya ko nang sabi. Bawal ba tumawa?

"No, that's fine. The goal is to really make you smile. Sobrang lungkot mo kanina and mas bagay sa 'yong ngumiti."

Anak ng baboy puso, umayos ka!

Umiwas ako ng tingin sa kaniya at nakagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko para pigilan ang sariling mas lawakan ang ngiti. Ano ba! Ayoko na.

"But we need to go back to work."

Realidad, Ayla!

"O-Opo, trabaho po."

Wala sa sarili kong na-bottoms up ang gatas ko na lumamig na yata dahil sa aircon at sa tagal naming nanatili rito. Wala na ang hawak niyang tasa pero nanatili siyang nakatayo sa may bukana ng pintuan. Mukhang hinihintay akong matapos uminom ng gatas kaya mas lalo kong binilisan.

Nang matapos, dali-dali kong tinapon ang styro cup sa basurahan at ngumiti sa kaniya.

"Sabay na tayo, magkalapit lang naman ang opisina natin," iminuwestra niya ang daan palabas ng pantry kaya mas nauna akong naglakad tapos siya.

Nang makarating na kami sa tapat ng pinto ng opisina namin, huminto rin siya.

"It was nice talking with you, Ayla, but please cut the po and opo. I maybe one of the executives and I maybe older than you pero katulad mo rin akong isang empleyado lang ng kompanyang ito. And I want everyone to treat me like we're the same. You can call me Engineer but cut the honorifics and the respecting endearment or whatever."

"Sige, Engineer."

"Good." He then went to his office and before he could enter, he left me with a wink.

Pumalumbaba ako at tinanaw sa malayo ang isang tahimik na halaman na nagpapa-anod lang sa saliw ng hangin na hatid ng electric fan dito sa kakainan namin ni Zubby. Hindi ko maiwasang ngumiti lalo na no'ng nagpa-ulit ulit sa utak ko ang kung ano ang nangyari noong isang araw, 'yong sa pantry room.

"Aba! Ang ganda ng ngiti mo ngayon, ah? Nagkita na kayo ni Fabio 'no?"

Ibinalik ko kay Zubby ang tingin ko pero nasa ganoon pa rin akong posisyon. Ngumiti ako sa kaniya at umiling. "Hindi…"

"Hindi? Sabagay, abala nga pala 'yong pinsan kong iyon sa review niya. O, e, bakit ka masaya? Suweldo 'no?" pag-iiba na naman niya sa usapan.

Umayos ako sa pagkakaupo at kinalikot ang numero sa lamesa namin habang naghihintay sa order. Nasa isang kainan kasi kami, inaya ko siya para i-libre at sakto namang weekend ngayon at nasa bayan siya kaya nagkaroon din ng pagkakataon na magkita ulit kami matapos ang huli naming pagkikita noong pista ng bayan.

Tumaas-baba na lang ang kilay ko para wala ng ibang masabi kay Zubby. Baka mabanggit ko pa sa kaniya ang tungkol kay boy tingkoy. Mas mabuti siguro kung sasarilinin ko muna. Hindi pa naman ako sigurado.

"Kumusta na, Zubby? Ano nang balita sa 'yo?" at tuluyan ko na talagang iniba ang usapan.

"Heto, ako pa rin si Zubby, walang pinagbago. Ikaw! Ang galing mo naman, nakapasok ka talaga sa central?"

Magaling?

Pagak akong napangiti dahil sa sinabi ni Zubby. Ayokong ipahalata sa kaniya na naapektuhan ako sa sinabi niya. Hindi naman talaga ako magaling kaya ako nakapasok sa central ng mga Lizares, e.

"Oo, nakuwento ko na naman sa 'yo 'di ba?"

"Pero gusto kong marinig sa personal ang kuwentong iyon!"

Wala akong ibang nagawa kundi ang ulitin ang kuwento kay Zubby.

Buong oras na nagku-kuwento ako, nakikinig lang siya. Maya't-maya rin ang pagtatanong niya at pagsisingit sa kuwento ko. The usual Zubby.

"Sabi sa 'yo malayo talaga mararating ng pagiging mabait at matulungin mo, e. Kita mo ngayon, nagkaroon ka ng trabaho nang dahil lang sa tinulungan mo 'yong si Miss Kiara! Ano, maganda ba talaga si Miss Kiara? Hindi ko na kasi siya nakikita sa mga event-event dito sa ciudad natin."

"Sobrang ganda ni Miss Kiara. At sobrang bait pa."

Nagpatuloy ang hapon namin hanggang sa matapos kaming mag-merienda. Sinamahan na rin ako ni Zubby na mamili ng pagkain na dadalhin ko para sa pamilya ni Tito Orlan. Alam kong hindi na nila kailangan 'to dahil kumpleto na naman sila sa pagkain at kung anu-ano pa, relax lang kayo, merienda lang itong dinala ko para sa kanila.

"Hindi na kita sasamahan papunta sa Tito mo ha? Magkikita pa kami ni Marlon, e."

Tumango ako sa sinabi niya at sinenyasan siya na lumayas na siya. "Oo na, oo na, lumayas ka na."

"See you soon, girl!" lumapit siya sa akin at biglang hinalikan ang pisnge ko.

"Zubeida Yesenia!" naiirita kong sabi pero ang walang hiya, ayon at nakangisi lang na sumakay ng traysikel.

Napa-iling na lang ako at naghanap na rin ng traysikel papunta sa bahay nina Tito Orlan.

Isang malaking box ng pizza at isang order ng Sotanghon Guisado ang dinala ko bilang merienda sa kanila. Nag-text na rin ako kay Tita Cecil na pupunta ako sa bahay nila ngayon.

"Naku, Ayla, nag-abala ka pa talaga," salubong sa akin ni Tita Cecil.

Inilapag ko sa malaking hapag-kainan nila ang mga dala ko. Inayos naman agad ito ng nag-iisa nilang kasambahay. Wala silang kasambahay dati pero pinilit daw ni Kuya Osias na magkaroon sila ng kahit isang kasambahay lang para matulungan si Tita Cecil kaya wala silang nagawa.

"Tita, kulang pa nga 'yan sa lahat nang naitulong niyo sa akin, e," sabi ko na lang matapos kong magmano sa kaniya.

"Wow pizza! Thank you, Ate Ayla!" lumapit na rin sa amin si Oasis at sinimulang lantakan ang pizza'ng dinala ko.

"You're welcome, Oasis."

"Iba sa pakiramdam kapag mayroon ka ng sariling suweldo ano?" tanong ni Tita Cecil habang umuupo sa espasyong nasa harapan ko.

Ngumiti ako sa kaniya at agad tumango.

"Ate Ayla, 'di ba sa central ng mga Lizares ka nagtatrabaho ngayon?"

Lumingon naman ako ngayon kay Oasis na abala pa rin sa pag-kain pero nagawa pang tanungin ako.

"Oo, Oasis, bakit?"

"Kapag naka-graduate ako, tutulungan mo akong makapasok sa central, Ate ha?"

Ang cute ni Oasis.

Tinapik ko ang ulo niya at malawak na ngumiti.

"Oo ba, akong bahala sa 'yo."

Ngumisi si Oasis sa akin at nagpatuloy sa pag-kain. Ngayon ay may kasama ng sotanghon.

"Ipagpatuloy mo lang 'yan at ilaan mo ang suweldo mo sa tamang paraan ha?" si Tita Cecil naman ngayon ang nagsalita.

"Opo, Tita. Sa katunayan nga po, nag-iipon po ako ngayon para mabayaran ko ang lahat nang ginastos ni Kuya Osias sa akin."

Dahil sa sinabi ko, unti-unting nangunot ang noo ni Tita Cecil na nakatingin sa akin at sunod-sunod ang naging pag-iling niya.

"Hindi na kailangan, Ayla. Gamitin mo sa sarili mo ang pera, mag-ipon ka para sa pamilya mo. 'Wag mo nang isipin na bayaran kami. Tulong namin sa 'yo 'yon," agad na rason ni Tita Cecil.

"Tatay mo ang nagsabing bayaran kami 'no?"

May biglang pumasok sa kusina kaya nang makita ko siya ay agad akong tumayo para magbigay-galang sa kaniya. Umupo rin siya sa kabisera ng hapag-kainan.

Hindi ako nakasagot sa tinanong ni Tito Orlan sa akin. Hindi nga rin ako makatingin sa kaniya dahil tama naman ang sinabi niya.

"The usual Kuya Romelito. Kahit kailan talaga ayaw niyang magkaroon ng utang na loob sa ibang tao, lalo na sa amin," dagdag na sabi ni Tito Orlan at kumuha na rin siya ng isang slice ng pizza. "Hanggang ngayon pa rin talaga, ma-pride pa rin si Kuya. Alam mo ba, Ayla, na hindi sana mananatili r'yan sa bukid ang pamilya niyo kung tinanggap lang niya ang manang iniwan ni Dad?"

Hindi pa man kami naipapanganak sa mundo, namatay na si Don Crisostomo Encarquez. Teenager pa lang daw sina Tatay no'n at hindi pa sila nagkakakilala ni Nanay nang mangyari ang lahat.

"Paano niya tatanggapin, Orlan, kung galit na galit si Oliver at Olivia sa kaniya? Kung ako rin naman, kapag kinamuhian ako simula noong maipanganak ako, talagang hindi ko tatanggapin ang manang ibibigay sa akin," sagot naman ni Tita Cecil.

"Am I not enough reason for him to consider Dad's last will and testament for him? We we're so close way back then. Mas naging totoong kapatid pa siya sa akin kaysa kay Kuya Oliver at Ate Olivia. But because of his pride and prejudice, it ruined everything."

Malalim ang ugat ng pinagmulan ng alitan nilang ito. Kahit kailan yata hindi ko ito maiintindihan.

"Kaya Ayla, ikaw na lang talaga ang umintindi sa Tatay mo. Hindi madali ang pinagdaanan niya dati. Hindi siya natanggap ng pamilya ni Dad, kinamuhian siya ng sarili niyang mga kapatid, namatayan siya ng anak, hindi nga madali ang lahat kay Kuya Romelito." Nilingon ako ni Tito Orlan at seryoso akong nginitian.

"Matagal na po akong umiintindi sa kaniya, Tito Orlan, at patuloy ko siyang iintindihin kasi nga Tatay ko siya."

~