webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The Job

Trenta minutos na ang nakalipas, alas-otso na pero wala pa ring tao ang front desk na sinasabi ni manong sekyu. Maya't-maya rin kaming napapatingin sa isa't-isa nitong sekyung ito. Hindi ko alam, mukha kaming mga timang na dalawa, promise.

Napapatingin ako sa kaniya kasi nararamdaman kong maya't-maya talaga ang tingin niya sa akin. Ewan ko ba kay manong sekyu. Nakaka-intimidate talaga.

Mahigpit ang naging hawak ko sa plastic envelope na dala ko, tiningnan ko ang mga empleyadong isa-isang nagsipasukan na sa loob. Sa tuwing titingin ako sa front desk, wala pa rin talagang tao.

Hanggang ang trenta minutos na paghihintay ko ay naging isang oras. Tiningnan ko ang orasan sa aking cell phone.

Eight thirty-eight A.M. na pero mukhang wala pa ring tao roon sa front desk.

Maya-maya lang ay biglang umalingawngaw ang tunog ng telepono rito sa tabi ko. Tiningnan ko si manong sekyu na sagutin niya ang teleponong iyon. Hindi ko talaga inalis ang tingin ko sa kaniya. Mukha siyang may-ari ng gusaling ito kung makatinding at makasagot sa teleponong iyon.

"Good morning po, Ma'am…"

Ang sosyal naman ng sekyu nila rito, may sariling telepono. Akala ko 'yong mga walkie-talkie ang gamit nila pero sosyal kasi telepono talaga.

"Mukhang wala pa, Ma'am. Pero may isang babae po rito na naghahanap daw sa 'yo, Ma'am." Mas lalo akong nakinig sa kaniya no'ng banggitin niya ang tungkol sa presensiya ko, tapos saktong nilingon niya rin ako. "Ano nga ulit ang pangalan mo, ineng?" Tinakpan niya ang ibabang parte ng telepono para tanungin ako.

Umayos ako sa pagkakaupo at agad sumagot.

"A-Ayla Encarquez po."

'Yong seryoso at mukhang bugnuting mukha ng sekyu ay unti-unting napalitan ng gulat.

"Ikaw si Ayla Encarquez?"

Dahan-dahan akong tumango, medyo naguguluhan. Kilala niya ba ako?

Matinding tikhim ang ginawa niya tapos ay ibinalik niya ang atensiyon sa teleponong hawak niya.

"N-Nandito na po pala siya, Ma'am Kiara. Papapasukin ko na po ba?"

Oh? Si Miss Kiara ang kausap niya? Nandito na siya? Bakit hindi ko man lang nakita ang pagpasok niya? May iba pa bang lagusan itong gusali nila? Sa pagkakaalam ko kasi, ito lang ang entrance nila sa buong gusali. Mayroon pa bang iba?

Tumikhim ulit si manong sekyu tapos lumabas ang multo ng ngiti sa kaniyang labi habang nakatingin na sa akin.

"S-Sige po, Ma'am. Paaakyatin ko na po."

Sinusundan ko pa rin ng tingin ang bawat paggalaw ni manong sekyu. Dahan-dahan ang naging paglapag niya sa teleponong hawak niya kanina. Diretso ang kaniyang tingin at nang mailapag na ang telepono, dahan-dahan siyang lumingon sa akin na may sobrang lawak na ngiti.

"M-Miss Ayla, 'di ba? Miss Ayla Encarquez?"

Sobrang lawak naman ng ngiti niya.

"O-Opo, ako nga po. Bakit po?" medyo nagtatakang tanong ko pa. Nawe-weird-uhan pa rin kay manong sekyu. Kanina parang hindi maipinta ang mukha niya pero ngayon, daig pa ang pinakamasiyahing tao sa Pilipinas dahil sa lawak ng kaniyang ngiti.

"Miss Ayla! Good morning po! Hinahanap na po kayo ni Ma'am Kiara, Miss Ayla. Pumasok na po kayo sa loob."

You, okay manong? Gusto kong itanong sa kaniya iyon pero pagak akong ngumiti at tumayo na sa aking mahigit isang oras na pagkakaupo.

"Pumunta po kayo roon sa may front desk, Miss Ayla, tapos itanong niyo lang po kung saan ang opisina ni Ma'am Kiara. Siya na po ang bahala sa inyo. Ingat po kayo, Miss Ayla!"

Kanina ineng ang tawag mo sa akin pero ngayon Miss Ayla na?

"O-Okay po… S-Salamat po, manong."

Hindi ko alam kung ngingiti ba ako sa kaniya o ano kasi sobrang weird na talaga. Kanina lang talaga ay parang pasan niya ang mundo tapos ngayon… ewan ko ba.

Hindi ko inalis ang tingin ko sa kaniya, ganoon din siya sa akin, plus the big smile. Tumango ako sa kaniya para mabigyan siya ng signal na puwede na siyang umiwas ng tingin sa akin pero tumango rin siya at nanatiling nakatingin sa akin.

Ako na nga lang ang iiwas.

Sinimulan kong tahakin ang daan papunta sa front desk. Habang papalapit ako sa front desk, doon ko nga nakita na may tao na pala roon. Bumalik pa ang tingin ko sa may bangkong inupuan ko kanina tapos nagbalik ang tingin ko sa front desk. Hindi ko ba napansin? Bakit hindi man lang ako sinabihan ni manong sekyu? Kung walang may tumawag sa kaniya, mukhang maghapon akong uupo sa bangkong iyon, ah?

Nang makalapit ako sa front desk, pilit ang naging ngiti ko sa babaeng nandoon. Agad siyang tumayo at ngumiti rin sa akin, mukhang isang totoong ngiti.

"Good morning, how may I help you?" nakangiting bati niya sa akin.

"G-Good morning din po. Opisina po ni Miss Kiara Lizares?"

"Miss Ayla Encarquez?" nakangiti pa ring tanong niya.

"Mm-Hmm, ako nga po."

"She's expecting you, Miss Ayla. Nasa second floor po ang office niya. May sign po na Human Resource Department, 'yon po."

"T-Thank you," pagak pa rin na ngiti ko sa kaniya at tinahak na ang daan papunta sa hagdanan. Walang elevator ang gusali nila. Resonable para sa isang makalumang gusali.

Nakarating ako sa ikalawang palapag ng gusali. Iginala ko ang tingin ko para mahanap ang sign na sinabi kanina no'ng babaeng nasa front desk.

Abala ang lahat ng taong nandito. Mukhang hindi napansin na may bagong dating. Hindi nga ba o talagang hindi naman ako kapansin-pansin? Mukhang 'yong huli ang sagot sa lahat.

Nasa pinakadulo ng hallway na kinatatayuan ko ang sign na Human Resource Department. Naglakad ako papunta roon. May nag-iisang pinto ang nakalagay doon, may nakapaskil na 'Kirsten Ara Lejandra Montinola Lizares, Office of the Human Resource Director.'

Hinawakan ko sa isang kamay ang plastic envelope at dahan-dahan kong itinaas ang kanang kamay ko para kumatok sa kahoy na pintuan.

Humugot ako ng isang malalim na hininga at dahan-dahang...

"Come in. You're looking for Ate Kiara?"

Anak ng baboy?

Isang malakulog na boses ang aking narinig. Sobrang lapit na pakiramdam ko ay nasa likuran lang ng aking tenga ang boses na iyon. Hindi ko naituloy ang pagkatok ko at dahan-dahang nilingon ang may-ari ng malakulog na boses na iyon.

Anak ng baboy na inihaw na ginawang lechon!

Nandito siya?!

"Nasa loob lang si Ate," dagdag na sabi niya sabay bukas ng pintuang nasa harapan naming dalawa.

Anak ng baboy talaga!

"Yes, Sonny— Is that Ayla?"

Para akong sinampal ng ilang beses para magising nang marinig ko ang boses ng isang babae. Bukas na ang pintuang nasa harapan ko kaya malaya kong nakita ang mukha ng babaeng pupuntahan ko ngayon.

"Ayla! Pasok ka! Kanina pa ako naghihintay sa 'yo!"

Realidad, Ayla!

Kahit nagulantang ang buong mundo ko, pinilit ko ang sarili kong pumasok sa loob ng opisina ni Miss Kiara. 'Yong lalaking kumausap sa akin kanina, siya na mismo ang nagsara ng pinto ng opisina ni Miss Kiara.

Ang puso kong sobrang kalmado kanina, nagsimula na namang makipaghabulan sa ulap. Mabagal nga pero grabe 'yong intensidad, hindi ko kayang kayanin.

Napalunok ako at pilit na ngumiti kay Miss Kiara.

"M-Magandang umaga po, Miss Kiara," bati ko sa kaniya.

Nakatayo siya ngayon sa harapan ng lamesa niya. Naglakad siya papunta sa akin at bigla na naman akong niyakap.

Anak ng baboy, aatekihin ako nang dahil sa pamilyang ito talaga!

"Still can't get over with what you've done yesterday, Ayla. A million thanks talaga," sabi niya habang nakayakap sa akin.

Pinabayaan ko siya at marahang tinapik ang likod niya gamit ang libreng kamay. Awkward.

"Is she the one?"

Anak ng baboy! Ano ba! 'Yong puso ko!

Kumalas si Miss Kiara sa yakap at nilingon si boy tingkoy.

"Yes, Sonny. Siya 'yong sinasabi ko sa inyo. Where is Darry nga pala?"

"He's coming, may kinausap lang sandali."

Pa-simple akong lumingon sa puwesto niya. Nakaupo siya sa may handle ng malaking sofa ng opisina ni Miss Kiara tapos prente niyang kinagatan ang mansanas na hawak niya.

"Let's wait for Darry na lang, Ayla, ha? Before kitang ihatid sa magiging department mo."

"You know what, your staff can do it, Ate Kiara." Bumalik naman ang tingin ko sa kaniya nang magsalita na naman siya. Hindi naman siya nakatingin sa amin kasi abala naman siya sa mansanas na hawak niya.

"I want to do it myself. It feels like giving her a job is not enough to thank her for what she did. I won't be here without her, right?"

"Whatever. But thanks for saving her life. I can't imagine Kuya Einny's wailing if she ever is gone."

Anak ng baboy, Ayla! Kumalma ka nga'ng walang hiya ka! Nag-thank you at tumingin lang naman siya sa 'yo, ba't ngumangawa na 'yang puso mo? Anak ng baboy!

"Don't mind him, Ayla, wala lang talagang magawa sa buhay 'yang si Sonny."

Nanatili akong nakatayo malapit sa pintuan ng opisina ni Miss Kiara. Sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko, pakiramdam ko kapag humakbang ako, mas lalong bibilis ito.

"You know you can sit down," sabi niya sabay turo sa sofang inuupuan niya.

"S-Saan? Sa tabi mo?"

Anak ng baboy, Aylana?!

Isang multo ng ngiti ang nakita ko sa kaniyang labi. Umiwas ako at agad umupo sa unang upuan na nakita ko.

Nakakahiya ka, Aylana Rommelle. Sobra!

Natahimik bigla ang loob ng opisina. Si Miss Kiara, may kinalikot sa kaniyang cell phone tapos si boy tingkoy naman ay kumakain pa rin ng mansanas pero this time may magazine na siyang hawak.

Naka-button down shirt siya na itinupi hanggang siko ang sleeves nito. Kaparehong kulay ng suot ko. Naka-itim na jeans na fit na fit sa kaniyang binti na mahahaba ang bias. Naka-itim na sapatos din siya. 'Yong black leather shoes. Informal office attire pero ang paraan ng kaniyang pagkakaupo ay para lang nakasalampak sa sofa, walang pakialam. Hawak niya sa dalawang kamay ang magazine at nanatiling nakagat naman sa kaniyang bibig ang mansanas.

Sa ilang segundo kong natitigan ang mukha niya, napag-aralan ko bawat ekspresiyon ng kaniyang mukha. Minsan matatawa ang kaniyang mata sa kung ano man ang nakikita niya sa magazine na hawak, minsan naman ay magsasalubong ang kilay, minsan din pati ang bibig niya kasama sa ekspresiyon ng mukha niya.

Napansin ko rin na hindi lang ang buhok niya sa batok ang humahaba. Pati ang mismong buhok niya, parang ilang buwan na ring hindi napagupitan. Nagkakaroon na rin ng balbas ang paligid ng kaniyang bibig. Katulad ng balbas ng asawa nitong si Miss Kiara.

I guess I stared too much that I was able to see when he looks at me.

Agad akong umiwas ng tingin at nagpatay-malisya na parang walang nangyari.

"Oh, there you are!"

Bumukas ang pintuan ng opisina at sabay no'n ang sinabi ni Miss Kiara. Lumingon ako para makita kung sino at nang makita kong ang bunsong anak ng mga Lizares iyon, agad akong napatayo.

"M-Magandang umaga po," bati ko naman sa kaniya sabay yuko.

"Hmm, good morning." Pinasadahan lang niya ako ng tingin tapos bumalik na ang tingin niya sa dalawang kasama ko pa sa opisina.

"Darry siya 'yon, 'yong sinasabi ko sa 'yo," sabi ni Miss Kiara.

Tumayo ulit si Miss Kiara tapos pumuwesto siya sa harap ng kaniyang lamesa. Pinag-ekis niya ang dalawang braso at nakangiting tiningnan ang brother-in-law niya.

"Here's her resume nga pala," dagdag na sabi ni Miss Kiara sabay abot no'ng isang folder sa bunso ng mga Lizares. Inabot naman agad 'yon ng lalaki at pinasadahan ng tingin.

Ilang segundo lang yata niyang tiningnan ang resume na iyon kasi bigla siyang tumingin sa akin. Halos mapa-iktad ako sa gulat. Hindi ako sanay na napapalibutan ng mga mayayamang tao.

"You're Aylana Rommelle Encarquez, right?" Sunod-sunod na tango ang ginawa ko. "So you're related with the Encarquez here in Escalante?"

"M-Medyo po…"

Ewan, hindi ko kasi alam kung ano ang isasagot ko. Noon, kaya ko pang tanggihan kung may magtatanong sa akin ng ganiyan pero kasi trabaho na 'to, kailangan honest ka sa lahat ng sasabihin mo. Mukhang tama lang naman na medyo ang sinagot ko?

"Medyo?" nagtatakang tanong ni Mr. Darry Lizares.

"I mean po… anak po kasi sa labas ang tatay ko ng yumaong si Don Crisostomo Encarquez."

Hindi ko alam kung tama pa ba itong mga pinagsasabi ko. Hindi alam ng lahat ng tiga-rito ang tungkol dito kasi mas piniling mamuhay ni Tatay na simple at malayo sa pamilyang iyon.

"Oh, that's kind of personal. So okay." Panandalian kong tiningnan si Mr. Darry Lizares. "Teka, Ate Kiara, bakit ba ako ang nag-i-interview sa kaniya? It's your job, you're the HR Director."

"I don't want to be bias, Darry. Kasi kung ako ang tatanungin mo, first day of work na niya ngayon. You know naman na she saved my life and I owe it all to her," sagot naman ni Miss Kiara.

Habang abala sa pag-uusap ang dalawa. Pa-simple akong tumingin kay boy tingkoy na nananahimik lang sa isang tabi.

Anak ng baboy!

Pero agad din akong umiwas nang makitang nakatingin na rin siya sa akin.

Bakit ba!

"Fine, baka ako pa malintikan ni Kuya Einny kapag hindi kita sinunod."

"Ang tanda-tanda mo na, takot ka pa rin sa Kuya mo?"

"Your name is Aylana Rommelle, right?"

Anak ng baboy!

Natigil bigla ang usapan ni Miss Kiara at Mr. Darry Lizares nang umalingawngaw ang malakulog na boses ni boy tingkoy. Matinding paglunok ang nagawa ko at dahan-dahan siyang nilingon. Ubos na ang mansanas na kanina'y kinakain niya at diretso na siyang nakatingin sa akin ngayon.

"Y-Yes po…"

Ano ba 'to!

"Rommelle? That's a boy's name right? Quiet unique to name a girl like you with a boy's name."

"The Rommelle in her name is spelled as double M and double L. And I think it came from her dad's name, Romelito. Tama ba ako, Ayla?" tanong naman sa akin ni Mr. Darry Lizares.

"O-Opo…" sagot ko agad.

"Whew, quite sentimental and pinag-isipan," sagot ni boy tingkoy sabay sandal sa sofa'ng inuupuan niya.

Teka, 'di ba job interview 'to? Bakit tungkol sa pangalan ko ang tinatanong nila? Teka lang, ganito ba talaga rito?

"So, anyways… welcome to the companym Miss Ayla Encarquez." Lumapit bigla si Mr. Darry Lizares sa akin at inabot ang kaniyang kamay. Dali-dali akong tumayo at tinanggap ang nakalahad niyang kamay.

Hala, it's true na talaga!

"Salamat po, Mr. Lizares," nakangiti kong sagot sa sinabi niya. Pilit pinipigilan ang sarili kahit sobrang tuwa na ng kalooblooban ko.

"Welcome to the company, Ayla!" lumapit din si Miss Kiara sa amin at kinamayan din ako. Ngumiti rin ako sa kaniya.

"You should call him Boss Darry or Sir Darry. Maraming Lizares dito, baka nakakalimutan mo?" Tumayo si boy tingkoy at lumapit na rin sa amin, inilahad niya rin ang kaniyang kamay at halos singhapin ko na ang lahat ng hangin sa buong mundo para mabigyan lang ng hangin ang puso kong parang hinahabol na ng aso sa sobrang bilis ng tibok nito. "Welcome to the Lizares Sugar Corp."

Isa na yata ito sa pinakamasayang araw sa buong buhay ko! Sino ba naman kasi ang hindi magsasaya na mayroon ka ng trabaho na related pa sa kursong natapos mo! Ha?

Buong araw ay tinuruan lang ako ng mga ka-opisina ko at makakasama sa I.T. Department sa mga day-to-day gawain sa opisina. Kung ano 'yong mga basics at kung anu-ano pa. Kung ano ang patakaran ng suweldo, benefits, absences, company policies, rules, at iba pa. Magaan naman sila kasama kaso nga lang, hindi lang talaga pala-kuwento kasi nga maraming trabaho ang nakaabang pero okay na sa akin 'yon. Hindi rin naman ako pala-kuwento.

Kaya nang matapos ang oras ng opisina. Sobrang gaan ng puso ko.

Palabas ako ng admin building nang biglang mag-ring ang cell phone ko. Binitbit ko sa isang kamay ang hawak kong plastic envelope at agad tiningnan ang cell phone ko.

Fabio Menandro Varca is calling…

Oh? Bakit naman kaya tatawag si Fabio nang hindi ko tinatawagan?

Sinagot ko ang tawag ni Fabio habang naglalakad palabas at para makasakay na ako pauwi.

"Hmm, Fab, napatawag ka?"

"Ayla, ilang araw ka ng hindi nagpaparamdam sa akin, ah?"

Oo nga pala! Napasapo na lang ako sa noo ko dahil sa narinig mula kay Fabio.

"Fab—"

"Ayla! Sa proper ka ba bababa? Dito ka na sumakay." Naputol ang isasagot ko sana kay Fabio nang biglang may tumawag sa pangalan ko. Agad kong nilingon ang pinanggalingan ng boses at nakita ko nga na si Shame, ang nag-iisang babaeng kasama ko sa opisina, ang tumawag sa akin. Tumango ako sa kaniya at agad naglakad palapit kay Shame.

"Fab, mamaya na lang ako tatawag sa 'yo ha? Uuwi muna ako. Iku-kuwento ko sa 'yo lahat," 'yon lang ang sinabi ko kay Fabio at ako na mismo ang nagbaba ng tawag.

Nang tuluyang makarating sa harapan ni Shame, agad niyang iminuwestra ang daan papasok sa bus ng mga central.

"Nakalimutan kong sabihin sa 'yo kanina, may daily service nga pala ang mga empleyado ng central. Kaso mula rito hanggang sa proper lang then vice versa. Ang oras ng departure nito mula sa bayan ay mga seven forty-five tapos ang alis naman ay alas-singko sa hapon. Isa ito sa mga benefits natin. Halos lahat kasi ng emplyedo ng central ay tiga-ibang barangay o 'di kaya'y tiga-ibang ciudad kaya ganoon," tuloy-tuloy na kuwento ni Shame habang naghahanap kami ng mauupuan.

Malaki nga ang bus na ito, may aircon. Dalawang bus daw ito at papunta lang talaga sa proper. Mabuti na rin at para maka-save ako ng pamasahe galing sa proper papunta rito. 'Yong iisiping pamasahe ko na lang ay ang pauwi mismo sa amin galing sa proper.

Oo nga pala, si Shame. Mabait si Shame. Pala-kuwento. Medyo boyish lang kung manamit at kumilos pero mabait naman at saka maayos kausap. Agad nga'ng gumaan ang loob ko sa kaniya kasi siya mismo ang unang nakipag-usap sa akin matapos akong ipakilala ni Miss Kiara sa opisina nila.

Sa pandalawahan na upuan kami umupo. Siya malapit sa bintana habang ako ay ang malapit sa pasilyo. Nang makaupo, agad kong inatupag ang cell phone ko para makapagtipa ng mensahe kay Fabio.

Oo nga pala, ilang araw na nga pala akong hindi nagpaparamdam sa kaniya. Sobrang naging abala lang kasi ako sa paghahanap ng trabaho kaya nawala iyon sa isipan ko.

Ako:

Fab, pasensiya ka na talaga. Kakapasok ko lang kasi sa trabaho kaya naging abala ako nitong mga nakaraang araw. Wala ka bang review ngayon? Bakit ka nakagamit ng cell phone?

Ipinasok ko sa bulsa ko ang cell phone matapos kong ma-send kay Fabio ang mensahe ko. Kailangan ko nga palang mag-bag na bukas. Trabaho na ito. Trabaho na talaga!

Tumunog ulit ang cell phone ko kaya kinuha ko ulit ito sa bulsa.

Fabio:

Talaga? Saan ka magtatrabaho? Dito ba sa Bacolod?

Nasa kabisera ng probinsiya kasi si Fabio ngayon para sa review niya. Nandoon kasi ang mga review center para sa teachers. Pero sa pagkakaalam ko naman, may review session naman daw ang PNU-V pero bakit kaya napili ni Fabio na hindi mag-review sa sarili niyang eskuwelahan?

Ako:

Hindi, dito lang sa atin. Sa central ng mga Lizares.

Nagsimulang umandar ang bus na sinasakyan namin. Puno na rin kasi ito kaya pinagmasdan ko na lang ang empleyadong nakasakay din dito. Ang gagara ng mga suot nila at halatang pang-opisina talaga. Ang laki na siguro ng suweldo nila, ano? Sa akin kasi starting pa lang daw pero para sa akin, malaki na ang kinse mil every month para sa isang fresh graduate na katulad ko.

Fabio:

Nakapasok ka 'yan? Paano? E, 'di ba hindi naman basta-bastang nagpapapasok ng kung sinu-sinong bagong empleyado ang kompanyang iyan? They want the best for their company. Kaya sa mga kilalang colleges and universities lang ang hina-hire nila.

Napatitig ako sa mensaheng ini-reply ni Fabio sa akin.

Bakit pakiramdam ko, iba ang naging dating sa akin ng mensaheng ito. Parang ang labas ay hindi ako puwede sa central ng mga Lizares kasi isa ako sa mga taong kung sinu-sino lang at hindi basta-basta.

Am I really not the best?

Sabagay, paano ako magiging best, e, mahirap nga lang ako.

Napabuntonghininga na lang ako sa naging mensahe ni Fabio at nagtipa ng panghuling mensahe sa kaniya.

Ako:

Na-chambahan, e. Sige na, Fab, mag-focus ka na sa review mo. Magkita na lang tayo sa weekend.

At tuluyan kong ipinasok ang cell phone sa bulsa. Kahit mag-reply pa si Fabio, hindi na rin naman ako sasagot kasi kailangan niyang mag-focus sa review niya.

Kinabukasan, mas pinag-igihan ko pa ang paggising ng maaga. Ito ang official na unang araw ko sa trabaho. Walang orientation, walang briefing, diretsong trabaho na. Kampante naman kasi ako na nandoon lang si Shame at tutulungan ako para sa kung ano man ang mga hindi ko pa alam. Ayaw ko ring biguin si Miss Kiara. Kailangan kong ipakita sa kaniya na deserve ko ang trabahong ibinigay niya hindi dahil sa iniligtas ko lang ang buhay niya kundi dahil angkop ito sa kursong natapos ko. At para talaga sa akin ito.

Nang makapasok sa opisina, naging magaan ang pagbati ng iba pa naming kasamahan na lalaki. Hindi katulad kahapon na parang nahihiya pa silang lapitan at batiin ako. Ngayon, nakangiti na sila sa akin at nakikipag-usap na. Naging mas magaan tuloy ang umaga ng aking trabaho.

Pagsapit ng tanghalian, lahat ng lalaking kasama namin sa opisina ay pumunta sa canteen ng central pero dahil may dala akong baon, napagpasiyahan kong dito na lang sa opisina kumain. Gusto ko sanang mapag-isa pero sinamahan pa rin ako ni Shame. Naiintindihan niya raw kasi ako, nahihiya pa raw ako kaya sasamahan niya ako. Pero bukas daw dapat sa canteen na ako kakain at 'wag na akong magbaon pa ng kahit ano kasi kasama sa benefits namin ang may five hundred pesos na allowance para sa pagkain na kukunin lang sa canteen sa loob ng isang buwan. Kaya hindi na raw dapat magdala pa ng baon at kung anu-ano pa. Kung magdadala man daw ay 'yong kutkutin na lang at kung anu-anong snacks na puwedeng kainin sa opisina.

"Shame, parang may ginagawa sa kabilang kuwarto. Anong meron?" habang kumakain, bigla kong naitanong kay Shame iyon.

Kanina kasi habang nagtatrabaho kami, may naririnig akong nagpapanday yata sa kabilang pinto, katabi lang ng opisina namin. 'Yong department namin ang pinakadulo sa ikalawang gusali ng central o 'yong Administrative Building II. Isolated kumbaga ang opisina ng I.T. Department.

"Ay oo nga pala, ang sabi nila 'yan daw ang magiging opisina ni Engineer Sonny."

"E-Engineer Sonny?"

"Oo, sa admin building I kasi 'yong dati niyang opisina. E, nandito na si boss Darry kaya kailangan niyang umalis kaya 'yon 'yong magiging opisina ni boss Darry."

"E, bakit hindi si Sir Darry ang mag-opisina r'yan sa kabila? Siya naman 'yong bagong dating at saka for sure naka-arrange na ang mga gamit ni Engineer Sonny doon sa dati niyang opisina." Wala, opinion ko lang naman 'yan.

Nagkibit-balikat si Shame sabay subo ng kanin.

"Ewan, siguro dahil mas mataas ang posisyong hahawakan ni boss Darry kaysa sa kaniya? Hindi ko nga rin alam, e, pero may point ka naman." Sumubo ulit siya ng kanin. "Pero may point din 'yong sinabi ko. Mas mataas nga ang posisyon ni boss Darry kaysa kay Engineer Sonny. Head Chemist si Engineer Sonny ng Azukal de Lizares, e, tapos si boss Darry naman ang bagong Chief Executive Officer ng Lizares Sugar Corporation."

Napa-ah na lang ako sa sinabi ni Shame sa akin. Ang dami niyang alam pero ang sabi niya sa akin ay isang taon pa lang siya sa kompanyang ito.

Inatupag ko ang pagkain ko at nilakasan ang loob para itanong ang kanina pang tumatakbo sa isipan ko.

"A-Ah, Shame… mabait ba na boss si Engineer Sonny?"

Anak ng baboy, Ayla!

Napangiwi ako sa sariling tanong ko at dahan-dahang nilingon si Shame.

"Naku! Sobrang bait! Actually, hindi naman sa bias ako o ano ha, pero sa lahat ng Lizares brothers, siya 'yong pinakamalapit sa mga empleyado. Mahilig kasi siyang makihalubilo sa amin tapos mahilig ding makipag-usap na parang barkada lang. Na-kuwento nga no'ng mga staff n'yan na para lang daw silang nag-iinuman kapag may meeting sa department nila, minus the drinks of course. Mabait 'yan si Engineer Sonny. Lalo na sa mga matatanda at matagal nang nagtatrabaho rito sa central. Kaya 'wag kang magtataka kung bigla kang kakausapin n'yan na animo'y super close niyong dalawa. Ganoon lang talaga si Engineer Sonny."

'Yon. Mabait pala siya sa lahat.

Nagpatuloy ang trabaho namin hanggang sa mag-afternoon break na. Patuloy pa rin ang ingay sa kabilang kuwarto pero hindi naman masiyadong nakaka-distract sa gawain namin dito sa opisina kasi maski ang mga kasamahan ko, maiingay din.

Katitingin ko sa computer na nasa harapan ko, bigla akong inuhaw kaya kinuha ko ang water bottle ko. At ang pinakamasaklap sa lahat, wala ng laman ito. Napasinghap na lang ako at nilingon si Shame.

"Shame, kukuha lang ako ng tubig sa pantry," sabi ko sabay pakita sa kaniya ng walang lamang water bottle ko.

"Ge, 'wag kang maliligaw ha."

Tumango ako sa sinabi niya pero natawa na rin. Kahapon kasi, muntik na akong maligaw kahahanap sa pantry nila. Sinabi naman ni Shame kung saan pero naliligaw pa rin talaga ako sa sobrang daming pasikot-sikot ng floor namin.

Ang kasama nga pala namin sa floor na ito ng admin building II, ay ang Treasury and Accounting Office.

Bitbit ang walang lamang water bottle, tinahak ko ang pasilyong magdadala sa akin papunta sa pantry room ng floor.

Medyo nakakahiya kasi madadaanan ko ang iilang cubicle ng mga tiga-accounting. Hindi kasi sila katulad namin na nasa isang kuwarto lang at magkakasama ng lamesa. Sila kasi ang nag-occupy ng malawak na space ng floor. Marami sila actually.

Pagkapasok ko sa pantry, may naabutan akong dalawang babae na nag-uusap, pareho silang may hawak na tasa at pareho rin nilang inuukay ang kung ano man ang iniinom nila gamit ang kutsara, mukhang kape yata.

Pahapyaw akong ngumiti nang pareho nila akong tiningnan at saka inatupag ang sarili para punuin na ang water bottle na hawak ko gamit ang water dispenser.

"Is that her?"

Kahit bulongan lang ang naririnig ko, sa sobrang tahimik ng pantry room, narinig ko ang usapan nilang dalawa.

"Obviously, that's her. She's the new one kasi wala pa siyang I.D.," sabi naman no'ng isang babae. Hindi ko alam kung sino sa kanila kasi nakatalikod ako sa kanilang dalawa pero sigurado akong sila talaga ang naririnig kong nag-uusap.

Ayokong mag-assume pero halata talagang ako ang pinag-uusapan nila.

"OMG? Nakapasok lang siya rito because of a favor? Kasi s-in-ave niya si Ma���am Kiara kaya she landed a job here? OMG?" sabi naman ng isa pa.

"That's very incompetent for the company. Tumatanggap ng empleyado dahil lang sinalba niya ang isa sa mga executives nito? And she's that low to accept that kind of offer? Nagkatrabaho dahil lang sa utang ng loob? Aba'y kung ganiyanan lang pala ang siste nitong ating mundo, edi sana marami na akong pinapasok sa kompanyang ito."

Ayoko mang pakinggan pero pumapasok talaga sa tenga ko ang mga salitang lumalabas sa bibig nila. Hindi ko kasi alam kung ano ang gagawin. Hindi ako sanay na ganito. Hindi ako sanay na pinag-uusapan ng ibang tao. Hindi ako sanay na nasa sa akin ang atensiyon nila. Mas sanay akong maging invisible, 'yong nobody sa paningin ng iba kasi nga wala naman talagang malaking role sa mundong ibabaw.

Ayoko rin silang sagutin kasi isang kawalang-hiyaan 'yon kapag sumagot ako sa kanila. Mababawasan ang respeto ko sa sarili ko kapag pinatulan ko pa sila.

Nang mapuno ang tubigan ko, agad akong lumabas ng pantry. Hindi na sila nilingon ulit.

Hindi ba talaga ako magaling? Hindi ko ba talaga kayang patayuin ang sarili ko?

Nakapag-aral ako ng kolehiyo dahil tinulungan ako ni Kuya Osias at ng kaniyang pamilya, tinulungan ako ng lokal na gobyerno ng bayan namin. May tumulong sa akin. Hindi ako makakapagtapos kung hindi dahil sa pinansiyal na tulong nila.

Tapos ngayon, nagkatrabaho ako dahil lang tinulungan ko ang isang importanteng tao sa kompanyang ito. Kung hindi, baka hanggang ngayon, naghahanap pa rin ako sa kabisera ng trabahong puwedeng pasukan.

Hindi ba ako magiging ako kung walang tulong ng ibang tao? Habang buhay ba akong aasa sa kanila?

Hindi makikilala ni Vad Montero si Ayla Encarquez kung hindi dahil kay Aylen Encarquez.

Hindi magiging payapa, masaya, at normal ang pag-aaral ni Ayla Encarquez kung hindi dahil kay Zubby Mahinay.

Hindi magkakaroon ng ibang kaibigan si Ayla Encarquez kung hindi dahil kay Sia Encarquez.

Hindi makakapag-aral ng kolehiyo si Ayla Encarquez kung hindi siya in-offer-an ng tulong ni Orlando Encarquez at ng kaniyang pamilya.

Hindi makakahanap ng trabaho si Ayla Encarquez kung hindi dahil kay Miss Kiara Lizares.

Palagi na lang ba talaga akong may aasahan? Gusto ko ring tumayo sa sarili kong mga paa. Pero paano? Kung ganito ako? Kung habang buhay na akong ganito?

~