webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The Help

Mahirap daw ang buhay ng isang taong hindi kilala ng iba. 'Yung tipong parang alikabok lang sa earth at walang silbi.

Mahirap daw kapag hindi ka pa kagandahan, walang papansin sa'yo kasi hindi ka naman talaga kapansin-pansin.

Mahirap ka na nga, mas lalo ka pang pinahirapan dahil sa mga pinagdaanan mo sa buhay.

Hindi ako maganda. Mahirap ako. Walang nakakapansin sa akin.

Alikabok ako sa earth kaya automatic daw na wala akong karapatan sa lahat ng bagay.

Pero no'ng makilala ko siya, no'ng aksidente akong nakapasok sa buhay niya, sa unang pagkakataon sa buhay ko… pinangarap ko na sana naging ka-level ko na lang sila, mas mapapadali siguro ang buhay at mas lalong hindi ko sisisihin ang sarili ko sa nangyayari ngayon sa leche kong buhay.

Huminga akong malalim at pinagsalikop ang aking dalawang kamay. Pinagpapawisan ako ng malamig, kinakabahan ako, hindi ko alam kung kakayanin ko.

"Ayla… Bakit mo ako pinapunta rito?"

Sa sobrang lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayan ang kaniyang pagdating. Kung hindi dahil sa kaniyang mala-kulog na boses, baka hindi ako magigising sa aking mala-bangin na problema. Sinalubong ko ang mga mata niyang unang nagpahamak sa akin.

"M-May sasabihin sana ako, Engineer Lizares."

"Ano ba 'yung sasabihin mo at bakit dito pa tayo sa Gilligan's? Mabuti na lang at na-cancel ang dinner ko with MJ, I have the time to meet you."

Nagbaba ako ng tingin at ipinatong ang aking kamay sa ibabaw ng lamesa.

Simula pa lang, alam ko na naman na magiging second choice ako, o mas malala ay wala talaga ako sa pagpipilian.

"Ayla? Is this about the work? Nahihirapan ka ba?"

Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang ipatong niya ang kamay niya sa ibabaw ng aking kamay. 'Yung epekto niya sa akin, parang isang milyong boltahe ang dumating sa aking katawan. Pero siya, alam kong wala na sa kaniya ito.

Para na akong sasabog sa kaba sa harapan niya ngayon. Kung puwede nga lang na hindi ko na siya lapitan pero walang-wala na kasi talaga ako. Tapos siya, heto't nasa harapan ko at kasing kalmado ng lawa.

Tinatagan ko ang sarili ko kasi kahit anong oras ay babagsak na ang aking mga luha.

"Engineer Lizares, buntis ako at kailangan ko ang tulong mo."

Huminga akong malalim at halos bigwasan ang sarili ko dahil sa pumasok na imahinasyon sa utak ko. Hindi ko na alam kung tama pa ba itong naiisip ko ngayon. Epekto lang ba ito ng kaba o ng mga problema ko sa buhay o sa nangyari kanina?

Oo nga pala, ang nangyari kanina.

Itutuloy ko pa ba ito? Itutuloy ko pa ba ang pagsabi ko sa kaniya tungkol sa kalagayan ko ngayon? Kung anu-anong senaryo na ang pumapasok sa utak ko para lang mapakalma ang sarili. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon niya.

"Hey, Ayla!"

Anak ng baboy!

Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko nang biglang sumulpot sa harapan ko si Engr. Sonny. Nakangiti siya at hindi man lang nababakasan ng pagtataka ang pagmumukha niya.

"Bakit mo pala ako pinapunta rito?" Dagdag na tanong niya na mas lalong nagpakaba sa akin.

Gaya nang i-ni-magine ko kanina, ganito rin ang unang tinanong niya.

"M-M-May sasabihin sana ako, Engineer Sonny."

Please, Ayla, tatagan mo ang loob mo.

"Hmmm… ano ba 'yang sasabihin mo at bakit dito pa sa Gilligan's? At saka bakit ka nga pala nandito sa Bacolod?"

Sinundan ko ng tingin ang ginawa niyang pag-inom sa isang basong tubig na kanina pang inilatag no'ng waiter na nag-guide sa akin kanina. Diniretsong lagok niya iyon, bottoms up, ba.

Tila'y tumigil ang ikot ng aking mundo nang makita ang dahan-dahang paglagok niya sa tubig na iniinom. Kita-kita ko kung paanong tumaas-baba ang adam's apple niya, sumusunod sa saliw ng kaniyang paglagok.

Kaya ba ako nabuntis? Nang dahil sa ganitong klaseng awra niya? Bakit nga pala ako bumigay nang gabing iyon?

Nang mapagtantong masiyado na akong nakatitig sa kaniya ay kusa akong umiwas ng tingin, tumikhim, at inayos ang sarili.

"Have you ordered na ba? Gusto mo, order muna tayo?"

Ang mala-kulog niyang boses na naman ang nagpabalik sa akin sa realidad. Napatingin ako sa kaniya at kung hindi pa napigilan, baka hindi ko na nasagot ang tinanong niya.

"Um, t-tapos na po, Engineer. Baka p-ini-prepare pa po," sagot ko, halatang nanginginig ang boses. Sana naman hindi na niya napansin 'yon.

"Mm-Hmm… Kung ano man 'yang sasabihin mo, save it for later. Kain muna tayo, gutom na kasi talaga ako," aniya at saktong pagkasabi niya no'n ay nagsidatingan ang mga waiter na may dala-dalang tray ng mga pagkain na mukhang pina-reserve na ni Miss Kiara kanina.

Isa-isa nga'ng inilapag ng mga waiters ang mga dala nilang pagkain. Medyo marami at kahit mga pamilyar na putahe lang ang nakikita ko sa harapan ko, dahil yata sa kaba ay mawawalan ako ng ganang kumain sa gabing ito.

"O-Okay…"

Hindi ko alam kung kakalma ba ako sa sinabi niya pero pinilit ko ang sarili kong kalmahin muna ang kumakabog kong puso. May oras pa ako para pag-isipan kung ano ang mga eksaktong salita ang sasabihin ko sa kaniya. Kung susundin ko ba ang kaninang i-in-magine ko lang o gagawa ako ng bagong script.

Kahit anong sarap ng mga pagkaing nasa harapan ko. Kahit anong bango ng kaning bagong saing na umaabot na talaga sa ilong ko. Kahit gaano pa kapayapa ang paligid, kung isang kasalanan ang sasabihin ko sa kaniya, mawawala ang kagandahang nasa paligid ko ngayon.

Hindi ko masiyadong malunok ang sariling nginunguya. Hindi ko na ma-appreciate ang lahat ng maganda sa paligid ko.

Ano man ang kalalabasan ng pag-uusap na ito, tanggapin niya man o hindi, bubuhayin ko ang batang ito. Kahit ako laban sa buong mundo.

Umabot yata ng isang oras ang pagkain namin. Sa sobrang tagal, lahat ng kinabisadong linya ko, ay nakalimutan ko na. Anak ng baboy, sa huli talaga ay bahala na si batman.

Umiinom na ako ngayon sa iced tea na kasama sa menu namin. Maya't-maya ang naging tingin ko kay Engr. Sonny, kinakabahan pa rin sa mga susunod na mangyayari. Siya naman ay kalmado lang, kasing kalmado ng lawa sa isang dapit-hapon. Abala siya sa pagtingin sa paligid.

Sige na, Ayla, tatagan mo na ang sarili mo. Nandito na rin naman, please, sabihin mo na.

Inilapag ko sa ibabaw ng binti ko ang kamay ko at pinagsalikop ito ng mabuti.

Kaya mo 'yan, Ayla!

"Okay ka lang ba, Ayla? Napapansin ko lang, ha, na hindi yata kayo nagpapansinan nina Shame at Ezekiel? Okay lang ba kayo sa opisina? Tungkol ba rito ang sasabihin mo?"

Ang lakas ng loob na tinipon ko ay bigla na namang naudlot dahil sa biglang sinabi niya. Sunod-sunod agad na iling ang ginawa ko.

"H-Hindi, Engineer, okay lang po kami sa opisina. Masiyado lang pong maraming iniwan na trabaho si Sir Johnson kaya abala kami na halos hindi na magpansinan," agad na rason ko.

"Sabagay, wala nga pala ng isang linggo si Sir J," kibit-balikat na sabi niya. "But he'll be back next week kaya paniguradong gagaan na ang mga trabaho sa department n'yo," dagdag niya pa.

Napatitig na naman ako sa kaniya.

Paano nga ba tayo umabot sa ganito, Engr. Sonny? Bakit nga ba nagtagpo ang landas natin? Bakit ikaw pa? Sa lahat ng tao, bakit nga ba ikaw pa?

Sa kakatitig ko sa kaniya, hindi ko namalayan na unti-unti na palang pumapatak ang mga luhang pilit kong tinatago sa kailaliman ng aking sarili. Kung hindi niya napansin, baka hindi ko rin papansinin.

"Okay ka lang ba talaga, Ayla? May problema ba? Pamilya o trabaho?" May pag-aalala sa kaniyang boses na animo'y natataranta pa nang makitang umiiyak na ako.

Pero ewan ko ba, hindi ko talaga mapigilan ang pag-iyak. Ilang buwan ko na rin itong nararanasan, siguro dahil buntis ako.

"Ikaw."

"Ako? Anong ako?"

Parang-awa mo na, Ayla, sabihin mo na.

"Ikaw ang ama ng dinadala ko."

"Ako? Huh? Dinadala?"

Mariin akong pumikit at nilanghap ang mapait na hangin. Sabi ko na nga ba, hindi niya matatanggap 'to.

"Buntis ako, Engineer. Nagbunga ang isang gabing 'yon. 'Yung gabing pilit kong kinakalimutan."

Iminulat ko ang mata ko para pakawalan ang mga luhang kanina pang gustong kumawala. Ibinaba ko ang tingin ko at doon ko nakita kung gaano ka-laki ang mga patak ng luha ko.

"W-What?"

Panandalian ulit akong pumikit nang marinig ang tono ng boses niya.

"Oo, alam ko, hindi mo matatanggap ang bata. Ang gusto ko lang ay malaman mo ang tungkol sa pagbubuntis ko at humingi… at humingi ng kaonting tulong galing sa'yo."

Ganiyan nga Ayla, kapalan mo na ang mukha mo kasi kahit anong gawin mo, wala ka na talagang ibang matatakbuhan pa kundi ang ama ng anak mo.

Ilang segundo siyang natahimik kaya nilakasan ko na ang loob ko na tingnan siya.

Una kong nakita ang mga mata niyang sobrang seryoso. Animo'y makulimlim at may bagyong paparating. Sobrang seryoso ng kaniyang titig at parang tinatantiya ako, ang mga titig ko, at ang buong pagkatao ko.

Tapos na, nasabi ko na, nasa kaniya na kung maniniwala siya.

Dahan-dahan akong tumayo sa aking kinauupuan. Nanginginig na ang buong katawan ko, pilit na pinipigilan ang sariling ibuhos ang lahat ng luha na na-ipon ko.

"Hindi ko sinabing hindi ako naniniwala. Maupo ka, Ayla, pag-usapan natin 'tong ginawa natin."

Anak ng baboy.

Mahigpit ang naging hawak ko sa gilid ng lamesa nang marinig ang sinabi niya.

Kusang sumunod ang katawan ko sa gusto niyang mangyari. Umupo ako pabalik at ngayon ay nag-lean forward siya. Hinawakan niya ang kamay kong nakapatong sa ibabaw ng lamesa at mariing napatingin sa akin.

"Just please let me process what you said first. N-Nagulat lang ako."

Ilang segundong katahimikan ang sunod na nangyari sa aming dalawa. Tanging ang ingay ng restawran na kinakainan namin ngayon ang maingay sa aming dalawa. Hinihintay ko kung anong susunod niyang gagawin at sasabihin. Siya'y nanatiling tulala at mukhang malalim ang iniisip.

Totoo ba 'yung sinabi niya kanina? Hindi ito ang inaasahan kong magiging reaksiyon niya. Ang akala ko, agad siyang tatanggi sa sasabihin ko, pero bakit ngayon…?

Ang segundo ay unti-unting pumatak ng iilang minuto. Pero heto pa rin ako't matiyagang naghihintay sa sasabihin niya.

Isang mahaba at mabigat na buntonghininga ang nagpabalik ng tingin ko sa kaniya. Nakapatong na ang kaniyang braso sa ibabaw ng lamesa at mahigpit na pinagsalikop ang dalawang kamay. Halata kasi sa mga ugat niya sa kamay kaya nahalata kong mahigpit nga ito.

"I… I actually… don't know what to say. I am shock. Really. I-I never knew this day will come. I never thought… I… I just can't believe it, Ayla, really."

Oo, alam ko, Engineer.

"Buntis ka at ako ang ama. The result of the one night stand we had a few months ago is inside your womb right now and I am the father." Dahan-dahan akong tumango sa dagdag na sabi niya. "I am the father. Are you sure, Ayla?"

Anak ng baboy? Anong sabi niya?

"Hindi ako magpapakapal ng mukhang harapin ka ngayon, Engineer, kung hindi ako siguradong ikaw."

Hindi ko ugaling sumagot sa isang argumento pero kung ganitong klaseng argumento, hindi na dapat akong manahimik pa. Sawang-sawa na ako. Sawa na akong tapak-tapakan ng ibang tao. Sobrang sawa na. Kahit ngayon lang, sana makuha ko ang karapatang para sa anak ko, kahit sa anak ko na lang, 'wag na sa akin.

"Okay… calm down, Ayla, hindi ko sinabing aayawan ko 'yan. I do know your situation right now. Nasabi ni Shame sa akin na pinalayas ka raw sa inyo. Hindi niya sinabi kung anong rason but I know now why… it's because you're pregnant."

Ano?! Sinabi ni Shame sa kaniya ang problema naming ng pamilya ko?

"I will help you. I'll provide for you. I'll give everything you want and the child's wants and needs. Just… just please don't tell anyone about it. Alam mo namang ikakasal na ako kay MJ, 'di ba? Kapag nakarating 'to sa ibang tao, sa pamilya ko, lalo na sa mga Osmeña. They'll, for sure, cut the ties between us, between the two family, and that's the least situation I want to face right now kasi kailangang-kailangan ng kompanya ang tulong ng mga Osmeña."

Ano?

"I'll give you unlimited help just please hide it."

Para akong kinapos ng hininga sa mga salitang binitiwan niya. Tagos na tagos sa puso kong durog ang mga punto ng sinabi niya. Ikakasal siya sa iba at gusto niyang itago ang anak namin dahil ayaw niyang masira kung anong relasyong meron siya sa kanila. Para sa kaniya, pera lang ang habol ko sa kaniya.

Gusto kong umiyak sa mga sinabi niya pero oo nga pala, kailangan ko nga ang tulong niya. Sino ba naman ako para tumanggi sa napakagandang offer niya? Susustentuhan niya ako, basta itago ko lang ito sa lahat. Kaya ko ba?

Kakayanin ang sakit alang-alang sa'yo, anak.

True enough, ginawa nga niya ang mga sinabi niya. Kinabukasan nang gabing nagkita kami, pinalipat niya ako sa Bacolod. Parang sa isang iglap lang ay nagawan niya ng paraan na mapalipat ako sa kanilang opisina sa Bacolod. Parang sa isang iglap lang ay nakatira na ako sa kabisera ng probinsiya. Parang sa isang iglap lang ay naging magaan ang buhay ko.

Magaan nga ang buhay ko, grabeng lunok ng pride naman ang nagawa ko bago nakamit ito. Pansamantala lang ito, Ayla, kaya sana 'wag mong i-akyat sa utak mo ang ganitong klaseng situwasiyon na meron ka.

Ilang araw pa lang akong nananatili sa isang bahay na pagmamay-ari niya ay may sumulpot nang balita tungkol sa aming dalawa.

Isang litrato ang kumalat sa Facebook. Litrato naming dalawa sa Gilligan's. Sa lahat ng puwedeng kuhanan ay 'yung nakapatong pa ang kamay niya sa kamay ko at pareho kaming nakatingin sa mata ng isa't-isa.

The moment na makita ko ang litratong iyon na dumaan sa News Feed ko, agad ko itong d-in-elete. Ginamit ko ang kaalamang meron ako sa pag-take down ng litratong iyon. Natatakot akong baka bawiin ni Engr. Sonny ang tulong na binibigay niya sa akin ngayon.

Ni-hindi ko na nagawang basahin ang mga comments ng post na iyon dahil sa pagmamadaling ma-delete ang post.

Dumaan ang mga araw, linggo, buwan, unti-unting lumalaki ang batang nasa sinapupunan ko. Mag-isa sa malaking bahay na ito, I strive hard to survive with this chaos. Weekly ay pinupuntahan ako ni Engr. Sonny, hindi para makipag-usap kundi mag-iwan ng groceries ko sa linggong iyon. Uuwi rin siya sa bayan namin at babalik sa susunod na linggo naman. Walang imikan. Walang malalim na pag-uusap. Pinilit ko ang sarili kong alagaan ang sarili nang mag-isa. Mas mabuti na ito kesa sa nasa lansangan ako.

Pero habang mag-isa, hindi talaga mawaglit sa isipan ko ang isipin ang pamilyang naiwan ko. Kumusta na kaya sina Nanay at Tatay? Hindi ako nakapagpaalam sa kanila nang maayos. Huling pagkikita namin ay 'yung araw na pinalayas ako ni Tatay. Si Zubby at Fabio? Nakita kaya nila 'yung kumalat na picture sa Facebook? Ano kaya ang naging reaksiyon nila? Si Shame, Ezekiel, at Sir Johnson? Kumusta rin kaya? Naniwala na kaya si Shame sa sinabi ko sa kaniya tungkol kay Engr. Sonny? Pumasok na ba sa isip nila na siya ang ama? Kaonting tao lang meron ang buhay ko pero nawala pa silang lahat.

Lumalaki na ang tiyan ko. Unti-unti na itong nagpapakita sa mundo. Sa tantiya ko, nasa limang buwan na ito. Oo, tantiya lang kasi hanggang ngayon, hindi pa rin ako nagpapatingin sa isang espesyalistang para sa mga buntis. Gusto ko pero kailangan kong iwasan na may makaalam kaya sa takot ko, hindi na ako nangahas na magpa check-up pa.

Unang Biyernes ng March, nasa trabaho ako ngayon at malapit na ang uwian. Tahimik ang paligid dahil hindi katulad sa central, mas maliit ang opisina nila rito sa Bacolod. Parang isang block lang sa isang commercial building. Kaonti lang ang empleyado rito at hindi ko alam kung talagang hindi sila namamansin o kasama ito sa mga plano ni Engr. Sonny. Siguro, mas mabuting hindi ako napapansin. Doon ako sanay, at atensiyon ang huling kailangan ko sa mga panahong ito. Kinakausap naman ako ng ilan pero hindi sila umaabot sa usapang personal na buhay.

Huminga akong malalim bago umalis ng opisina.

Dumaan kaya muna ako sa mall bago umuwi? Suweldo naman noong nakaraan kaya might as well gamitin ang pera at bumili ng mga personal na gamit ko, 'yung mga gamit na hindi kasali sa mga grocery na binibigay ni Engr. Sonny sa'kin. Sakto, paubos na rin 'yung iilang kailangan ko.

Robinsons ang pinakamalapit na mall sa opisina. Gusto ko pa sanang pumunta sa Downtown o 'di kaya'y sa 888 para makatipid kaso maggagabi na at baka maubusan pa ako ng masasakyan. Ayoko pa namang mag-taxi kasi mahal.

Nang makapasok sa Robinsons, ang una kong pinuntahan ay ang supermarket. Inuna ko ang mga pagkain. Oo, alam ko, maraming pagkaing ibinibigay si Engr. Sonny pero may mga specific na pagkain at kutkutin kasi talaga akong hinahanap. Nahihiya naman akong magsabi sa kaniya kasi nga hindi naman niya ako tinatanong kung anong mga gusto at kailangan ko.

Iniwan ko saglit ang mga pinamili ko sa baggage counter. Siguro, dito na rin ako bibili ng hapunan. Total meron namang naiwan sa pera ko ngayon. Kahit na sa bahay ni Engr. Sonny ako ngayon nakatira, ayoko namang i-asa sa kaniya ang lahat, lalo na ngayong sinusuwelduhan pa rin ako ng kompanya nila.

Pero imbes na hapunan ang bilhin, na-engganyo ang mata ko sa mga damit pambatang nakita ko sa loob ng department store. Kaya walang pagdadalawang-isip akong pumasok sa loob para tumingin-tingin ng iilang damit.

Oo, alam ko, masiyado pang maaga para bumili ng mga gamit ng bata at hindi ko pa alam kung anong gender niya pero nakaka-excite kahit tingnan ang mga maliliit na damit na ito. Soon, susuotin na rin ito ng batang nasa sinapupunan ko. Ang gaganda ng mga damit at ang lambot-lambot pa ng mga tela. Sana talaga maipa-suot ko ito sa kaniya. 'Yung sana hindi mumurahin katulad nang naranasan ko noon. Gusto kong marangya at maginhawang buhay ang aabutan niya. Taliwas sa buhay na nakagisnan ko.

Isa lang talaga ang hindi ko maipapangakong maibibigay sa kaniya… ang kumpletong pamilya.

Ano ba, Ayla, tama na 'yan.

Hinawakan ko ang tiyan ko habang tumitingin-tingin sa mga naka-hanger na damit at pinalis ang mga naiisip ko.

Sorry, anak, promise, hindi na mag-iisip nang ganoon si Mama.

"Um, Ayla, right?"

Anak ng baboy?!

Kusang natigil ang kamay kong nakahawak sa mga damit at gulat na napatingin sa kanang banda ko.

Isang babae ang nakatayo. Hindi basta-bastang babae, kundi ang babaeng dapat ay hindi ko nakikita ngayon.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba. Hindi ko alam kung anong unang gagawin, ang lumayo, ang batiin siya, o ang mag-isip.

"Kaklase ka ni Raffy, 'di ba? Raffy Javier? We already met; I don't know if you still remember it. Pero ipinakilala ka niya sa akin and vice versa. In case you forgot, MJ nga pala."

Lord, sa lahat talaga ng puwedeng makita ngayon, siya talaga? Lord?

"H-Ha? A, sige, M-MJ. Please excuse me, magsi-CR lang ako."

Ang pag-alis ang una kong ginawa. To save me from everything. Hindi ko alam kung alam niya ang tungkol sa akin pero base sa sinabi niya kanina, mukhang hindi pa. Ang alam lang niyang koneksiyon naming dalawa ay ang dati kong kaklase sa high school na si Raffy Javier.

Kumakabog pa rin ang dibdib ko. Mas lalong dumoble dahil sa hakbang kong sobrang bilis.

Pinuntahan ko ang baggage counter kung saan ko iniwan ang pinamili ko.

Sobrang gulo ng utak ko ngayon. Gusto kong magpatuloy pa rin ang pagsusustento ni Engr. Sonny sa akin kaya sobrang kinabahan ako nang makita si MJ Osmeña kanina. Sa lahat kasi, bakit siya pa? At grabe naman ang talas ng memorya no'n? Akala ko ba hindi niya ako kilala? Isang beses lang akong ipinakilala ni Raffy sa kaniya, bakit agad niyang natandaan?

Pinilit ko ang sarili kong kumalma bago pa man makalabas sa mall na ito. Doon ako dumaan sa kabilang exit, left wing. Doon ko na rin naisipang sumakay ng jeep.

Pero habang naglalakad ako, biglang nahinto ang mga paa ko nang pagtingin ko sa isang establishmento… ang mukha niya ang una kong nakita. Kausap ang babaeng kanina'y nakita ko lang sa department store.

Kusang huminto ang mga paa ko sa paglalakad at unti-unting nadurog ang puso ko habang nakatingin sa kanilang dalawa. Kaya pala nandito si MJ Osmeña kasi magkikita silang dalawa. At wow, kasi hindi ko man alam na nandito pala siya sa Bacolod.

Anong karapatan mo para malaman ang mga lakad niya, Ayla?

Magkaka-anak nga kayo, sinusustentuhan ka nga, pero hindi naman ikaw ang pakakasalan, Ayla. Talong-talo ka sa larong ito. Sobrang talo mo na kailangan mo nang tanggapin na hindi talaga magkakaroon ng kumpletong pamilya ang anak mo.

~