webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The Original Girl

"Hahahahaha!" Matapos niyang matulala ng ilang segundo, isang malakas na tawa ang kaniyang sunod na ginawa. "Seryoso kasi, Ayla, ano ba 'yang pinagsasabi mo. Sinabi ko lang naman 'yung na-observe ko kay Engineer, sinabi mo nang siya ang ama? 'Wag gano'n, Ayla," at tumawa na naman siya ulit.

Nanatili ang seryosong tingin ko sa kaniya, tuluyang natigil sa pagsasampay ng mga damit.

Sabi sa'yo, Ayla, wala talagang maniniwala.

Huminga akong malalim at pinakalma ang sarili.

"Anong sabi mo, Ayla?"

May panibagong boses ang namutawi sa aming likuran. Sabay naming nilingon ni Shame iyon.

"O, Zeke, sa'n ka ba galing? Kanina pa kami naglalaba ni Ayla rito. Ang tagal mo," sagot ni Shame.

"Ano 'yong sinabi mo kanina, Ay? Si Engineer Sonny ang ama ng anak mo?"

Seryoso ang paraan ng pagtingin ni Ezekiel sa akin. Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko habang nakatingin sa mga mata niyang seryoso rin at mariing nakatingin sa'kin.

"Joke lang ni Ayla 'yon, Zeke, oy. Nagbibiruan lang kami, 'di ba, Ayla?"

Gusto kong tumutol sa sinabi ni Shame pero sa sobrang seryoso ng pagkakatitigan namin ni Ezekiel, hindi ko magawang ibuka ang bibig ko para magsalita.

"Ganoon ba?" Nakatingin pa rin sa aking sabi ni Ezekiel.

"Oo nga sabi. Ano ba 'yang dala mo? Merienda ba 'yan? Sakto, malapit na kaming matapos ni Ayla rito, at saka gutom na rin ako."

Iba ang tingin ni Ezekiel sa akin. 'Yong tipong parang may alam siyang isang sekreto. 'Yong tipong alam niyang may itinatago ako at alam niya kung ano 'yon.

Nilagpasan ako ni Ezekiel at inilapag sa bakanteng lamesa ang plastic na dala niya. Humigpit ang hawak ko sa damit kong dapat ay isasampay ko kanina. Masiyado akong binagabag ng mga tingin ni Ezekiel sa akin.

Sinawalang-bahala ko kahit na nakakapagpabagabag sa akin ang paraan ng pagtingin ni Ezekiel hanggang sa matapos kaming maglaba at inihatid na niya pauwi si Shame.

"Ay, totoo ba 'yong sinabi mo kanina? Si Engineer Sonny ang ama?"

Nang makabalik si Ezekiel galing sa pagkakahatid kay Shame ay agad niya akong binalikan dito sa kuwarto at bumungad sa akin ang ganoong klaseng tanong niya.

Pagak akong ngumiti sa kaniya at nagpatuloy sa ginagawa, hindi na sinagot ang tanong niya.

"Ayla, alam mo bang pinag-uusapan ka na naman sa opisina?"

Hinawakan niya ang braso ko kaya napatigil ulit ako. Una kong tiningnan ang kamay niyang nakahawak sa braso ko saka ako tumingin sa mga mata niya. Naguguluhan.

"Usap-usapan? Ano namang pinagsasabi nila sa akin?"

Medyo nabahala ako sa sinabi niyang pinag-uusapan na naman ako sa opisina nang hindi ko alam pero mas nakakabahala ang kamay niyang nakahawak pa rin sa braso ko. Hindi pa nakuntento't pati ang kabilang braso ko ay hinawakan na rin niya, dahilan para magkaharapan na kaming dalawa ngayon.

"Tungkol sa lumalaki mong tiyan. Napapansin na nila at alam mo namang mainit ang dugo ng tiga-Accounting sa'yo 'di ba? Dahil sa paraan ng pagkapasok mo sa central, kaya ngayon, pinag-uusapan ka na nila. Dinadawit nila ang pangalan ni Fabio Varca. Pero 'di ba ang sabi mo hindi siya ang ama? Kaya sabihin mo sa'kin, Ayla, sino ang ama?"

Teka, teka, ano?

"Bakit naman nila idadawit ang pangalan ni Fabio? At saka kilala ba nila si Fabio? Paano nila nalaman?"

"Maliit lang 'tong ciudad natin, Ayla, kaya alam nila kung sino ang ano at ano ang sino. Mabilis kumalat ang usapan dito. Nakikita ka nila minsan na kasama mo 'yung si Fabio Varca. Kung hindi siya ang ama, e, sino? At bakit mo nabanggit kanina si Engineer Sonny? Anong kinalaman niya rito?"

Kasabay ng pagbuka ng bibig ko ay ang marahas na pagbukas ng pintuan ng kuwarto ko.

Anak ng baboy!

Agad akong lumingon sa pintuan dahil sa sobrang lakas ng pagkakabukas nito.

Humahangos sa galit, magkasalubong ang kilay, at masamang nakatinging umabante ang isang babae palapit sa amin. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa hanggang sa marahas niyang hablutin ang kamay ni Ezekiel na nakahawak sa braso ko. Sa sobrang lakas ng puwersa niya, halos madala niya ako sa pagkakahablot. Sobrang sakit pa ng puwersa niya. Anak naman ng baboy, sino ba 'to?

"What the hell, Ezekiel? Ano 'to? Anong ibig sabihin nito?" Sigaw no'ng babae.

Teka, ano ba ang nangyayari?

"Joan, calm down!"

Lumipat ang tingin ko kay Ezekiel nang sinabukan niyang pigilan ang babae sa pagsugod sa akin. Masama ang tingin sa akin ng babae, na halos sugurin na niya ako. Kung wala lang si Ezekiel na pumipigil sa kaniya ngayon, baka kanina niya pa ako nasaktan.

"Calm down? Paano ako magka-calm down kung kanina pa kitang kino-contact tapos maaabutan pa kita rito sa kuwarto ng isa n'yong boarder? Ha? Paano, Zeke! Ang dami kong naririnig tungkol sa pambababae mo tapos ngayong nakita ko na mismo sa harapan ko ang pangangabit mo, gusto mo pang itanggi?!"

Ano?

"Joan, puwede ba? Sa labas tayo mag-usap. Buntis si Ayla at hindi puwede sa kaniya ang stress kaya, please?"

"What the hell? Tapos ngayon buntis pa? Ano ba, Ezekiel!"

"T-Teka, Miss, mali ang iniisip mo."

Sumingit na ako sa usapan nilang dalawa na kulang na lang ay microphone at speaker para mas marinig pa ng kabilang bahay sa sobrang lakas ng mga boses nila. Napalingon sa akin ang babae sa ganoon pa ring mukha.

"Joan, mali ang iniisip mo, kaya puwede, lumabas na tayo? Nakakahiya na sa ibang boarders, nakakahiya kay Ayla," pilit pinapakalmang sabi ni Ezekiel.

Girlfriend niya ba ito? Ang amazona naman?

"Nakakahiya sa ibang boarders o nakakahiya sa harapan ng kabit mo? What the hell, Ezekiel!"

Teka oy, ano bang nangyayari?

"Miss, mali talaga ang iniisip mo kung ano pa 'yan. Magkasama lang kami sa trabaho ni Ezekiel kaya kung ano man 'yung nakita mo, walang ibig sabihin 'yon."

Mukhang hindi yata humupa ang galit no'ng babae sa mga sinabi namin ni Ezekiel.

"Hindi pa tayo tapos na bruha ka!" isang malutong na duro ang ginawa niya sa akin, galit na galit pa rin.

Tumingin si Ezekiel sa akin at binigyan ako ng isang tingin na nanghihingi ng pasensiya.

"Pasensiya ka na, Ayla," huling sinabi niya bago sapilitang kinaladkad ang babae palabas ng kuwarto ko.

Sumasakit ulo ko sa sigaw ng babaeng iyon. Nakaka-stress nga.

Umupo ako sa kama at sinapo ang noo ko.

Hindi yata tama na rito ako nag-stay. Buntis na nga ako't lahat, napagselosan pa. At saka, bakit niya ba ako pinagselosan? Nakita niya ba ang mukha ko? Ang pangit-pangit ko tapos pagseselosan niya ako? Mukha bang papatol si Ezekiel sa akin?

Oo nga pala, pinatulan nga pala ako ni Engr. Sonny... ng isang gabi.

Isang oras yata akong naging tulala at hindi na inalam kung ano na ang nangyari kay Ezekiel at sa babaeng iyon na mukhang girlfriend niya nga. Habang nagpapahinga ay may kumatok sa pintuan ng kuwarto.

Binuksan ko ito at ang bumungad sa akin ay ang Tita ni Ezekiel na siyang landlady sa boarding house na ito.

"M-Magandang gabi po," bati ko sa kaniya.

"Hmmm, Ayla, puwede ba tayong mag-usap?" Nakangiti pang sabi niya.

Tumango ako at nilawakan ang pagkabukas ng pintuan para makapasok siya.

Iginala niya ang tingin sa loob ng kuwarto bago niya ipinirmi ang tingin sa akin.

"Narinig ko kanina na sinugod ka raw rito ni Joan, galit na galit kasi naabutan kayong magkayakap ni Zeke. Obviously, hindi niya nagustohan 'yon."

Ano? Magkayakap?

"P-Po? Hindi po kami—"

Natigil ako sa pagsasalita nang iharap niya sa akin ang hintuturo niya. Isang sign na manahimik ako.

"Our family likes Joan and we cannot lose her. Kung ano man ang meron sa inyo ni Zeke, please, Ayla, itigil mo na. Ayaw naming maghiwalay si Zeke at Joan over a girl like you. Alam kong buntis ka at imposibleng si Zeke ang ama niyan kaya kung maaari, kung ano man ang binabalak mo kay Zeke, itigil mo na. Hindi mo matitibag si Joan at Zeke, Ayla."

Ano?!

"T-Teka po—"

"Kaya hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa… gusto kong umalis ka na sa kuwartong ito by tomorrow at 'wag mo nang ipagpatuloy ang balak mo kay Zeke. 'Wag kang mag-alala, ibabalik ko sa'yo ang advance na binayad mo basta umalis ka lang bukas. I don't want to do this, Ayla, but I also can't stand someone who tried to ruin Zeke and Joan's relationship."

Anak ng baboy? Ano?! Teka!

"And… 'wag ka na ring makipaglapit kay Zeke nang hindi na magselos pa si Joan."

Without even defending myself, she just then disappeared like a bubble. Hindi ko man lang nasabi ang side ko. Hindi man lang ako nakapagsalita nang maayos. Ano 'yung nangyari? Ano 'yon?

Iniwan niya ang deposit money na sinasabi niya.

Pinapalayas niya ba talaga ako kasi akala nila may relasyon kami ni Ezekiel? Ano bang nangyayari sa mundo?

Dahan-dahan akong umupo sa kama at sinapo na ang noo ko na animo'y sinasapo ko ang lahat ng problema ko sa buhay.

Pinapalayas na ako at hindi ko alam kung saan ako pupunta. 'Yung planong nakalathala na sa utak ko ay unti-unting natibag. Saan na ako pupunta nito? May matatakbuhan pa ba ako?

Alam kong bawal akong ma-stress pero hindi ko talaga mapigilang maiyak dahil sa nangyari. Wala na akong mapupuntahan. Pinalayas ako sa tinitirhan ko ngayon nang hindi man lang nalalaman kung ano ang side ko. Nadawit lang ako, napagbintangan, bakit ba walang nakikinig sa akin?

Kahit labag sa loob ko, inayos ko ang mga gamit ko. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Kung kanino ako hihingi ng tulong.

Anak, sorry.

Kinabukasan, Linggo, handa na ang mga gamit ko pero hindi pa handa kung saan ako patungo. Labag man sa loob ko, umalis ako sa boarding house na iyon nang hindi man lang kinakausap ni Zeke, nang hindi man lang sinasabi sa akin ang nangyari. Nang umalis ako, wala siyang ibang nagawa kundi ang tingnan ako mula sa malayo.

Naghanap ako ng bagong matitirhan. Buong araw akong naghanap. Mahirap lalo na kung wala kang kakilala. Pahirapan din ang paghahanap dahil lahat ng napagtanungan ko ay puno at wala ng bakante. Pasukan pa kasi kaya wala talagang bakante lalo na't 'yung mga boarding house na meron sa bayan ay para sa mga estudyanteng nag-aaral sa Agriculture at Criminology campus ng dati kong eskuwelahan sa college na Nonescost.

Sa isang buong araw na paghahanap, sa wakas at nakahanap ako pero sobrang layo mula sa central. Malayo rin sa proper barangay ng bayan namin. Isang boarding house para sa mga estudyante. Bed space siya, hindi katulad no'ng kuwarto ko sa boarding house nina Ezekiel na mag-isa lang ako no'n.

Pumasok ako kinabukasan sa opisina na pilit na pinapakalma ang sarili ko, hindi iniisip ang mga problemang meron ako. Hindi ko na rin dinibdib ang hindi pag-contact sa akin ni Shame. Mukhang hindi alam na pinalayas ako sa boarding house nina Ezekiel.

Gusto kong maging normal lang ang pakikitungo ko kay Ezekiel. Ayoko nang isipin ang nangyari. Gusto kong mabuhay ang anak ko kaya kailangan kong hindi mamroblema sa mga pasan kong problema.

Walang iringan… 'yan ang naging bungad nila sa akin. Hindi ako kinakausap ni Shame at hindi halos makatingin si Ezekiel sa akin. Saktong nasa isang linggong convention si Sir Johnson kaya tatlo lang kami sa opisina.

Ilang araw na ang dumaan pero ganoon pa rin. Hindi ko alam kung ayaw ba talaga nilang makipag-usap sa akin o sobrang dami lang talagang gawain sa opisina. Pinabayaan ko na. Ayoko talagang ma-stress.

Huwebes na pero ganoon pa rin ang takbo ng opisina. Nag-uusap naman silang dalawa pero ako 'yung hindi nila kinakausap. Mas lalong lumakas ang hinala kong iniiwasan nga nila ako nang tawagin kami ng kabilang opisina para sa merienda nang hindi man lang nila ako tinanong kung sasama ba ako. Dire-diretso lang sila sa paglabas ng opisina.

Ano na naman ang nagawa ko?

Hinilot ko ang sentido ko. Sumasakit na naman ang ulo ko sa mga nangyayari. Feeling ko nga palala nang palala ang mga pasanin ko sa buhay.

Wala man lang nagtanong sa akin. Wala man lang may nakapansin sa akin. Matagal na naman akong invisible sa lahat pero bakit ganoon? Bakit pati ang mga taong tinuturing kong kaibigan, ang mga taong 'yon na lang ang kinakapitan ko ay bigla akong tatalikuran.

Bumagsak na naman ang mga luha kong dapat ay pinipigilan ko.

Anak, sorry talaga kung palaging umiiyak si Mama, ha? Pangako, paglabas mo, magiging okay na ang lahat.

Anak ng baboy!

Dali-dali kong pinahiran ang pisnge kong basa na ng luha nang biglang bumukas ang pintuan ng opisina. Nang makapang okay na, saka lang ako lumingon sa direksyon ng pinto.

"E-Engineer?" Dahil sa gulat, napatayo pa ako.

"Bakit hindi ka pumunta sa opisina ko?"

Anong ginagawa niya rito?

Gamit ang malakulog niyang boses, sinakop na naman niya ang buong pagkatao ko.

"B-Busog pa po kasi ako, Engineer."

"I know you're not so I brought your share here," sabi niya sabay lapag ng isang pinggang puno ng sari-saring pagkain sa round table na meron kami rito sa opisina. "Alam mo, hindi dapat nagugutom ang mga taong matakaw," dagdag na sabi niya na sinabayan niya pa ng mahinang tawa.

Akala ko boses niya lang ang magpapasakop ng buong sistema ko, pati ba naman sa ngiti? Ano ba, Ayla, umayos ka nga.

Pero ano 'yung sinabi niya? Ako? Matakaw?

"M-Matakaw? Ako?"

He chuckled again, almost laughing.

"Biro lang. Nacu-cute-an kasi talaga ako sa'yo lalo na sa the way kang kumain at saka I have this weird urge na gusto kitang makita. Ewan ko kung normal ba 'yon," kibit-balikat na sabi niya.

Ha?

Napahawak siya sa may batok niya at napayuko pa.

"Uh, nevermind that. Anyways, eat that food. Ako nag-bake n'yan," huling sinabi niya bago siya biglang umalis na lang sa opisina.

Ano?

Imbes na kabahan sa presensiya niya, mas lalo akong naguluhan sa mga pinagsasabi niya kanina. Ano 'yon?

Tiningnan ko ang pinggang ibinigay niya at wala sa sarili akong napangiti nang makitang may limang pirasong Spanish bread ang nandoon. At ano 'yung sinabi niya? Siya nag-bake nito?

Anak, ganiyang klase ang ama mo. Ang hirap i-predict. Kung kailan okay ka nang mag-move na wala siya, saka naman magpaparamdam nang ganoon. Ano, anak, sobrang confusing ng ama mo 'no?

Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Sasabihin ko ba sa kaniya? Gustong-gusto kong sabihin pero natatakot ako na baka masira ko kung anong meron siya. Ikakasal siya sa iba. Ikakasal siya sa babaeng gusto niya kaya sino ako para hadlangan 'yon? Kakayanin kong buhayin ang batang ito pero habang tumatagal mukhang mali ang akala ko sa sarili ko. Hindi ko pala kaya.

"Ilang buwan na 'yan?"

Anak ng baboy!

Nagulat ako sa biglang tinanong ni Miss Kiara. Nandito kami sa Bacolod ngayon, Biyernes pero bigla niya akong pinatawag sa kaniyang opisina kanina para raw magpasama. Akala ko naman ay kung ano pero bigla niya na lang akong dinala rito sa Bacolod. Mag-sshopping daw kasi siya, wala siyang maisama kaya ako ang naisipan niyang isama. At sa pamimili niya ng damit, bigla na niyang itinanong 'yon na talagang ikinagulat ko.

"P-Po?"

"You're pregnant, right?" Tanong niya ulit sabay tingin sa may bandang tiyan ko.

Halata na ba?

Napalunok ako sa naging tanong niya. Masiyadong straightforward at halatang napaka-inosente nang naging tanong niya.

"O-Opo…"

"May boyfriend ka pala? Bakit ang balita sa akin, single ka raw? Ikinasal ka na ba? Hindi mo man lang ako in-invite."

"N-Naku, hindi pa po ako kasal, Miss Kiara, at hindi po ako ikakasal."

"What?" Napahinto siya sa pamimili ng damit sa isang estante at tuluyang humarap sa akin na may gulat na ekspresiyon sa mukha. "So, you have a boyfriend, then?"

"Wala rin po."

Mas lalong nangunot ang noo ni Miss Kiara dahil sa naging sagot ko. Kung nagugulohan ako sa mga tanong niya, mas nagugulohan yata siya sa naging sagot ko. Ano bang nakakagulo ro'n?

"Wala? H-How? I mean… Oh, my god? I don't want to judge you but is it a one-night stand?"

Ha?

Matinding pag-iwas ng tingin ang ginawa ko. Hindi ko siya matingnan sa mga mata dahil nahihiya ako. Nakakahiya na nga'ng isama niya sa ganitong klaseng lakad niya tapos nakakahiya pang malaman niya kung bakit ako nabuntis.

"Oh, my god? Nagbunga? Oh, my god! I knew it!"

Naibalik ko ang tingin ko sa kaniya dahil sa pabulong na sabi niya. Narinig ko dahil malapit lang ako sa kaniya. Hindi siya nakatingin sa akin at mukhang ang mga damit ang kausap niya kasi roon siya nakatingin.

"Hindi niya ba alam na buntis ka? Hindi mo pa ba nasasabi sa kaniya?"

Ngayon, ako naman ang nagtaka sa sunod na itinanong niya. Iling ang naisagot ko dahil sa gulat at pagtataka, hindi ko yata kayang isabay ang pagsasalita.

"Tell him!"

Anak ng baboy!

Tumaas ang boses niya, halos mapaiktad nga ako dahil sa gulat, e, pero nang ma-realize niyang sumigaw yata siya ay iginala niya ang tingin sa paligid bago ibinalik ang tingin sa akin na bahagya pang inilapit ang mukha.

"Tell him. Tell him you're pregnant. Taga-dito ba siya? If yes, tell him right away, as in, now na!"

Ha?

"P-Pero—"

"Walang pero-pero, tell him right away. He needs to know. He must know, Ayla. Text him, now na. Makipagkita ka sa kaniya sa isang public place para kung sakaling hindi niya tanggapin ang baby mo, alam mo na wala siyang gagawing masama sa'yo kasi nasa public kayo and maraming magba-back up sa'yo in case. Try mo ritong makipagkita."

Dahil sa pressure, nakuha ko ang cell phone ko at nagtipa ng isang mensaheng hindi ko inaasahang isi-send ko sa kaniya.

Ako:

Hi, Engr. Sonny, pwede ba tayong mag-usap ngayon? Sa Gilligan's, 6 pm.

Gilligan's ang unang pumasok sa utak ko na meeting place dahil doon kami kanina kumain ni Miss Kiara. Nang dahil sa pressure, nagawa ko ang bagay na sana'y hindi ko na ginawa pa.

"Kailangan niyang malaman 'yan, Ayla, trust me."

Isa lang ang masasabi ko kay Miss Kiara ngayon, sobrang weird niya. Pero may tama siya, dapat nga'ng malaman na ni Engr. Sonny ito, kailangan ko ang tulong niya. Paubos na ang ipon kong pera at hindi ko na alam kung saan ako patungo at kung sino pa ang hihingian ko ng tulong. Hiyang-hiya na ako. Maski kina Tito Orlan, hindi ko na magawang humingi ng tulong dahil sa kahihiyan. Hindi ko nga masabi sa kanila ang situwasiyon ko ngayon.

Sinunod ko ang sinabi ni Miss Kiara. Full support naman siya sa akin kahit na hindi ko sinabi sa kaniya kung sino. Hindi siya nagtanong pero 'yung supporta niya, daig pa sa nalaman niya kung sino.

Wala pang six pm, patungo na ako sa Gilligan's. Lutang na lutang ang utak ko at pilit na nag-iisip kung ano ba ang sasabihin ko at kung paano ko sasabihin.

Maraming tao ang mall at mas lalong maraming tao sa restawran na sinabi kong meeting place namin. Nasabi ko kanina kay Miss Kiara na rito nga kami magkikita kaya kasali sa tulong niya ang isang reservation table.

Dire-diretso ang naging lakad ko papunta sa counter.

"G-Good evening po, may reservation po ba si Miss Kiara Lizares?" Tanong ko sa babaeng nakatayo lang sa gilid ng counter at mukhang nag-aantay ng customer.

"Are you Miss Ayla Encarquez? Yes po, Miss, table for two," nakangiting sagot naman no'ng isang babae na nasa counter mismo habang nakatingin sa kung anong nasa harapan niya. Nag-angat siya ng tingin sa akin at ngumiti bago umiwas para senyasan naman 'yung isang kasamahan niya para i-guide ako.

"Ayla?"

Pero bago pa man ako makahakbang para sundan ang isang waiter na siyang maga-guide sa akin ay napahinto na ako nang may tumawag sa akin. Nilingon ko siya at laking gulat ko nang makita ang mukha niya.

"Raffy Javier?"

Kilala n'yo pa ba siya? Kaklase ko no'ng high school.

"Oo, Ayla, ako nga ito!" Malawak na ngiting sabi niya sabay lahad sa kabuuan niya. "Kumusta ka na? Wala na akong naging balita sa'yo, ha? At saka hindi ka um-attend no'ng reunion meeting, nandoon si Zubeida, e."

Pagak akong napangiti sa kaniya nang marinig ang pangalan ni Zubby. Hindi niya ba sinabi sa kanila na galit siya sa akin? Hindi niya ba sinabi sa kanila na buntis ako ngayon at walang ama?

"A-Abala lang sa buhay, Raf," simpleng sagot ko. "Ikaw? Kumusta ka na?"

"Heto, graduating pa lang. Teka, tumaba ka yata? Huling kita ko sa'yo no'ng high school, ang payat-payat mo pa, a?"

Umiwas ako ng tingin sa kaniya.

"B-Buntis kasi ako, Raf, apat na buwan na," lakas-loob na sabi ko.

Mas mabuti sigurong ako na mismo ang nagsabi sa kaniya kesa malaman niya pa sa iba, kesa malaman pa sa chismis ng iba.

Nakita ko ang unti-unting pamimilog ng kaniyang mata at bibig dahil sa sinabi ko.

"Talaga? Wow! Ang tagal na nga kitang hindi nakita. Ang dami ko nang hindi alam sa'yo!" Namamanghang sabi niya pa.

"N-Ninong ka ha?" Pagbibiro ko sa kaniya. Dinadaan ko na lang sa biro ang kaba at kahihiyang nararamdaman ko.

"Sige ba. Ikaw pa. Teka, kasal ka na ba? Bakit hindi ko naman nabalitaan? Wala rin namang sinabi si Zubeida tungkol do'n."

Matinding paglunok ang nagawa ko at kusa ring nawala ang ngiti sa labi ko.

"Hindi pa ako kasal, Raf—"

"Ah, so, boyfriend pa lang? Kasama mo ba ngayon? Pakilala mo naman ako."

Napabuntonghininga ako at matamang tiningnan si Raffy. Tumango ako bilang unang sagot sa kaniya.

"Ngayon ko pa lang sasabihin sa kaniya ang tungkol sa pinagbubuntis ko."

Sumeryoso bigla ang awra ni Raffy kaya kusa akong napa-iwas ng tingin.

"Oh? Bakit? Apat na buwan na 'yang tiyan mo, 'di ba? Bakit ngayon mo lang sasabihin?"

"M-Masiyado kasing kumplikado ang situwasiyon namin, Raf."

"Ganoon ba?"

"Uh… excuse me, Raf."

Sa gitna ng aming pag-uusap, may isang babaeng lumapit sa amin at kinausap si Raffy. Nilingon ko ang babae at – Anak ng baboy! – at halos singhapin ko ang lahat ng hangin sa paligid ko nang makita ang mukha ng babae. Kahit malamig, pinagpapawisan ako ng mainit. Kumakabog na talaga ng totoo ang puso ko. Naiihi na ako sa panginginig.

Bakit sa lahat ng babaeng makikita ko pa ngayon, siya pa talaga?

"O, MJ!"

Magkakilala ba silang dalawa? Bakit? Paano? Ganito na ba kaliit ang mundong ginagalawan ko?

"May bibilhin muna ako sa labas. Ikaw na muna ang maghintay sa orders, ha?" Sabi niya.

"Sige, sige, pero ipakikilala muna kita sa kaibigan ko." Napasinghap ulit ako nang parehong silang napatingin sa akin. Hindi ko na matingnan sa mata ang babaeng nasa harapan ko. "Si Ayla nga pala, MJ, high school classmate ko," pagpapakilala ni Raffy sa akin sa kaniya.

Hindi ko alam kung anu-anong hayop na ang humahabol sa akin at kung bakit ganito na lang kung kapusin ako ng hangin at kung bakit ganito kalakas tumambol ang puso ko. Bakit kasi siya?

"Hi, Ayla, nice to meet you. I'm MJ, Raffy's friend."

Raffy's friend? Wow. Ang liit nga ng mundo at nakakasakal na ito.

Inabot niya ang kamay sa akin. Tinitigan ko iyon saka ko pinilit ang kamay kong nanginginig na tugonan ang kamay niya. Isang panandaliang kamayan lang ang ginawa ko dahil ayokong malaman niyang nanginginig ang kamay ko sa kaba.

"Sige na, Raf, alis na muna ako. Mag-usap na muna kayo, babalik ako agad," huling paalam niya bago siya nawala sa harapan namin ni Raffy.

Hindi niya ako kilala. Bakit ganoon?

~