webnovel

Chapter 8

Nang makita nila ang nangyari ay kanya-kanya na silang pulot sa mga bala nilang nababalot ng dugo ni Celestia. Wala na silang pakialam kung nakakadiri man iyon ang mahalaga ay makaligtas sila. Mabilis silan sumunod sa loob ng mansiyon, lahat ng nakikita nilang nilalang na papalusob sa kanila ay binabaril nila. Ganun na lang ang pagkamangha nila dahil kahit daplis lamang iyon ay agad na nabubura sa mundo ang mga ito. Hindi nila mawari kung paano nangyari iyon ngunit iisa lang ang nasa isip nila ngayon.

Para silang nasa loob ng isang video game at napaka-astig nila.

Samantala habang tila enjoy na enjoy ang mga kasamahan ni Marcus ay nakatuon naman ang pansin niya sa paghahanap kay Alex. Sinusundan nito kung saan dumadaan si Celestia dahil malakas ang kutob niya na ito lang ang susi upang mabilis nilang matagpuan si Alex.

Sa kanilang paglalakad ay narating nila ang isang malaking wine cabinet. Napahinto doon si Celestia at pilit na inaamoy ang lugar na iyon. Mabilis namang lumapit si Marcus sa dalaga.

"Anong problema?" tanong ni Marcus at napakunot ng noo si Celestia.

"Dito ko naaamoy si Alex." Wika niya. Agaran din ang pagkilos na ginawa ni Marcus, may kutob siyang isang hidden door itong cabinet na ito at kailangan makita niya kung nasaan ang switch upang mabuksan iyo. Sa kanyang paghahanap ay napatda ang tingin niya sa isang mamahaling wine na nasa pinakadulo ng collection. Inabot niya ito at iniangat. Napaatras naman sila pareho nang marinig nila ang pagtunog ng kung ano. Nanlaki naman ang mata ni Celestia nang makita niyang umikot ang cabinet na iyon hanggan sa bumungad sa kanila ang isang daanan papasok. Agad nila itong pinasok at nagmamadaling tumakbo si Celestia roon. RAmdam na niya ang panghihina ni Alex dahil maging siya ay naaapektuhan nito. Pakiramdam niya ay maging siya ay nauubusan na rin ng hangin.

Nang marating nila ang pinakadulong kwarto ay doon nila natagpuan si Alex na nakalupasay na sa sahig at animo'y naghihingalo na. Payat na payat ito na animoy hindi ito pinakain ng dalawang buwan.

"Alex, anong nangyari sayo?" Sigaw ni Marcus at mabilis na pinabangon si Alex. Hawak-hawak niya ang katawan nito at nanlumo siya dahil sa sobrang gaan nito. BInubuka nito ang bibig ngunit walang salita ang lumalabas roon. Lumalim din ang mga mata nito at halos maihahalintulad mo na ito sa isang bangkay na buhay.

"Eleazar!!!" sigaw ni Clestia nang hindi niya magwang matagpuan ito. Natakasan na naman siya ng lalaking iyon. Napatingin naman siya kay alex at mabilis na lumuhod sa harap nito.

"Alex." Sambit ni Celestia at tumulo ang luha niya.

"Celestia, bakit nagkaganito si Alex, ano ba talaga kayo? Bakit ito nangyayari sa pinsan ko? At ano ba yung mga halimaw na yun?" Tanong ni Marcus at napipilan ang dalaga.

"Mga balrog. Mga nilalang na ang tanging kinabubuhay ay ang pag-inom ng dugo ng tao. Si Alex ay nabiktima ng isang balrog, Marcus."

"ANO? Anong gagawi natin? Hindi pwedeng mamatay si Alex." wika ni Marcus at niyakap ang pinsan.

"Alam ko, may isang paraan para manumbalik siya sa dati niyang katawan. Pero, hindi na siya magiging normal." wika ni Celestia at hinawakan ang kamay ni Alex. Dinama niya ang pulso nito. Nandoon pa naman ang buhay nito ngunit kapag hindi iyon nalunasan ay mamamatay din ito agad.

"Anong paraan? Gawin mo Celestia, kahit ano pa yan. Ayokong muling iiyak sila Tito at Tita dahil nawalan sila ng anak." Wika ni Marcus at tumango si Celestia. Alam niya kung gaano kaimportante si Alex sa mag-asawa. MInsan na silang nawalan ng anak at nag-iisa na lamang si Alex. Ngunit sa gagawin niyang ito at hindi rin malabong mawala sa kanila si Alex. At magiging katulad niya si Alex, isang taong walang kamatayan.

Tiningnan niya si Alex na may kalungkutan sa mga mata. Inilabas na niya nag kanyang espada sa taguban nito at mabilis na hiniwa ang kanang palad niya. Ibinuka nila ang bibig ng binata at pinatulo roon ang sariwang dugo ni Celestia. 

Ang buong akala ni Alex ay mamamatay na siya nang bigla niyang marinig ang boses ni Marcus at Celestia. Matapos sipsipin ni Eleazar ang kanyang dugo ay walang awa siyang iniwan nito habang tumatawa. Ilang minuto din siyang naghintay roon hanggang sa tuluyan nga niyang maramadaman ang pag-angat ng katawan niya sa lupa. Doon ay nakita niya ang pinsang si Marcus na kalong-kalong na ang katawan niya. Naibsan din ng bahagya ang panlalamig na nararamdaman niya dahil sa init na nanggagaling sa katawan ni Marcus.

Ibinuka niya ang bibig upang tawagin ito ngunit walang salitang lumalabas dito.

Sobrang nanghihina na siya at ni pag-ung*l ay hindi niya magawa. Mayamaya pa ay naramdaman na lang niya ang pagbuka nito ng kaniyang bibig at kasabay nito ang daloy roon ng isang malamig na likido na dumiretso naman sa kanyang lalamunan. Sa kanyang pagkauhaw ay binalewala niya ang malansang lasang nalalasahan niya. Hindi niya alam kung ilang minuto pa ang itinagal nito ngunit sa bawat segundong dumaraan at bawat patak ng likidong iyon ay siya naman pagbabalik ng kanyang lakas ng dahan-dahan hanggang sa tuluyan na nga siyang mapapikit at makatulog.

Sa kanyang pagkakahimbing ay nakita niya ang sariling nakatayo sa isang malawak na lupain na napapalibutan ng mga naglalakihang kahoy na animo'y sindayang itayo roon. Sa katawan ng mga kahoy na iyon ay nakasabit ang mga malahalimaw na nilalang habang walang tigil sa pagtulo ang kanilang mga dugo sa lupa. Nakapako ang mga paa nito at patiwarik kung sila ay isabit roon. Bakas sa mga halimaw na iyon ang paghihirap habang si Alex naman ay tahimik lang sila na pinapanood.

Nakakaramdam siya ng matinding kalungkutan at pagkagalit sa mga ito.

"Zedeus, ano bang masama sa ginawa nila? Lahat tayo ay nabubuhay dahil sa dugo ng mga taong iyon. Ano ang masama kung mangaso tayo ng tao?" Wika ni Eleazar.

Nagtaka pa noon si Alex dahil muli siyang tinawag ni Eleazar na Zedeus. Pero ang mas nakakagualt dahil sumagot siya na iba ang kanyang boses. Animo'y nakikinood lamang siya gamit ang mga mata ni Zedeus.

"Matagal ko nang ipinagbabawal ang pangangaso ng tao, Eleazar at alam mo yan." Malumanay na wika ni Zedeus. Humarap ito sa isang kristal at doon nakita ni Alex ang mukha nito. Hindi nagkakalayo ang mukha nila ni Eleazar ngunit ang kaibahan lamang ay mas maamo ang mukha ni Zedeus. Kulay ginto din ang mga mata nito habang pula naman ang kay Eleazar.

"Nang dahil sa babaeng iyon ay nakalimutan mo na ang lahing kinamulatan mo. Hindi sa habang panahon ay kaya mong protektahan ang mga tao. " Wika pa ni Eleazar at napangisi ito. Akmang magsasalita ulit si Zedeus ay bigla itong napahawak sa dibdib nito.

"Patawarin mo ako kapatid, pero kailangan mong mawala sa landas ko. Ginagawa ko ito upang maipagpatuloy ang lahi ng mga balrog. Habang ikaw ang namumuno, unti-unting mauubos ang ating lahi dahil sa gutom." Wika ni Eleazar habang unti-unting napapaluhod si Zedeus.

"Nilason mo ako? Eleazar isa kang taksil." Nangangatog na wika ni Zedeus habang habol-habol ang hininga.

"Kung ang dugo mo ang makakapatay sa amin, ano sa tingin mo ang makakapatay sayo? Matagal na panahon ko ding hinanap ang dugong iyon mahal kong kapatid upang maisakatuparan ko ang aking plano."

"Wala ka nang magagawa, dahil sa iyong pagkawala ay patuloy na mabubuhay ang ating lahi. "

Pagak na tumawa si Zedeus dahil sa narinig. Lingid sa kaalaman ng kapatid niya ay matagal na niyang naisalin sa isang tao ang kanyang dugo. At ito na ang magpapatuloy ng nasimulan niyang plano. Alam noyang darating ang araw na papatayin siya ng kanyang kapatid kung kaya ay isinalin niya ang kalahati sa kanyang dugo sa kanyang pinakamamahal na babae, si Celestia.

Ang taong nagpaibig sa kanya at nagbago sa pananaw niya. Ang taong nagmulat sa kanya na ang mabuhay ng masaya at payapa ang mas mahalaga.

"Celestia..." Iyong ang mga huling salitang nabitawan niya bago ito bumagsak sa luoa at nawalan ng buhay.

Ramdam na ramdam ni Alex ang mga sandaling iyon. Kitang-kita din niya ang mga alaalang isa-isang pumason sa kanyang isipan. Alaala kung saan masayang magkasama si Zedeus at Celestia. Alaala kung paano isinalin ni Zedeus ang kaniyang dugo sa dalaga.

Doon ay lalong naintindihan ni Alex kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Celestia kay Eleazar. Doon ay napagtanto niya ang nakatagong koneksyon ni Celestia sa mga balrog. Sa pagbagsak na iyon ni Zedeus at sa pagkawala ng buhay nito, kasabay nito ang pagkawala din ng liwanag sa kanyang mga mata. Bumalot ang kadiliman sa kanya at hindi niya mawari kung gaano iyon katagal.

Sa kanyang muling pagmulat ay naging iba na ang paningin niya sa lahat. Napakaliwanag ng kanyang paningin na animoy lahat ng bagay ay nakakasilaw sa kanya. Napakaingay din ng kaniyang tenga at kung anu-ano ang naamoy niya.

Dahan-dahan niya namang iginalaw ang kanyang mga daliri sa kamay at paa habang pilit na ikinikilos ang kanyang katawan. Muli ay ipinikit niya ang kanyang mga mata at dahan-dahang iminulat uli. Sa pagkakataong iyon ay naging normal naman ang lahat. Ang mga ingay at amoy na naririnig at naamoy niya at agaran din namang nawala.