webnovel

Chapter 20 Empty

MAAGA PA nang makauwi ako. Nagluto ng meryendahan. Kumain at naglinis na rin ako ng buong bahay.

Kahit may pambayad kami, sinabihan ko si Ate na huwag na kumuha ng katulong. Bukod sa ayaw kong may nangingialam ng gamit ko, libangan ko ang gawaing-bahay. Pampalipas oras na rin sa tuwing na-stuck ako sa sinusulat ko.

Pansamantala lang kasi ako kung dalawin ng writer's block kaya hindi ko gawain ang gumala para maghanap ng inspirasyon sa labas. Ginagawa ko iyon kapag gusto ko talagang ma-relax. O kaya naman kapag nakatapos ako ng isang kwento. Reward ko sa sarili ko.

Bandang alas-kwatro ng hapon, natapos ko na ang mga gawain ko. Pumunta na ako sa kwarto ko at nilabas na ang laptop. May tubig at snacks na sa bedside table, inayos ang working place, binuksan ang bintana saka hinanda ang sarili para makapagsulat.

Iyong pakiramdam na matagal kayong hindi nagkita? Naka-move on ka na, masaya na kahit wala siya. Sinasabi mo sa sarili mo na okay ka lang, marami pang iba.

Pero noong nakita mo ulit siya, lahat ng pinaniwala mo sa sarili mo, nawala bigla na parang bula. Akala mo lang pala lahat ng iyon. Bigla kakanta sa background, "kapag tumibok ang puso, wala ka nang magagawa kundi sundin ito."

Gaya nang tinuturo sa Science subject mula pa elementary– heart is an involuntary organ, the only organ that brain cannot control. O di ba, may scientific explanation pa iyan. Kahit hindi literal na sundin ang puso, pero kapag tumigil sa pagtibok, kahit ang utak wala nang magagawa.

Pero ang hindi ko kayang ipaliwanag ay ang nararamdaman ko. Wala naman daw akong sakit sa puso sabi ng doctor pero bakit masakit? Sumisikip na parang pinipiga sa loob ang dibdib ko. Ganito ba talaga ang tama ng "love?"

Biglang lumitaw sa isip ko ang mukha ng babaeng gustong gusto ko nang makalimutan. Sabay ng pagwaksi ko sa ideyang iyon ay ang pagbalik ko sa reyalidad.

Tumingin ako sa orasan. Halos dalawa't kalahating oras lang naman ang lumipas, at nanatili lang akong nakatingin sa desktop ko.

Puting puti, akala ko naisulat ko ang mga iyon. Ano na nga ulit iyon?

Tsk! Pailing-iling na isinara ko ang laptop at sumandal sa upuan. Madilim na sa labas. Buti at nai-set ko sa automatic sisindi ang ilaw sa palibot ng bahay pati na rin sa sala, kung hindi pagagalitan na naman ako ng ate ko.

Mabubungangaan na naman ako na kesyo lumabas daw ako kwarto.

Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga.

Bakit biglang bumalik? Tatlong buwan na kaming hindi nagkikita. Sapat na oras para maghanap na ng iba.

Kaya mo ba, Ken?

Natawa na lang ako sa likod ng isip ko, kung ano-ano na lang ang pumapasok.

Uminom muna ako ng tubig bago tumayo. Pagtingin ko sa gilid ko, naibuga ko ang tubig sa gulat.

"Bastos naman ng batang ito!" bulyaw niya.

Hindi ako takot sa multo pero ang histura ni Ate, nakakagulat lang talaga. Nakasuot siya ng itim na mask. Nakalugay rin ang itim at mahaba niyang buhok. Nakasuot pa siya ng puting damit na mahaba ang sleeves.

"Aba't hoy, para kang nakakita ng multo. Grabe ka, maganda naman ako ha?!" asik niya at binato pa ako ng hairbrush.

"Sinong hindi magugulat? Iyang histura mo, parang iyong lumalabas sa TV." Agad akong pumunta sa may pinto para buksan ang ilaw.

Lalong nakakatakot ang hitsura niya ngayon na bukas ang ilaw. Tanging ngipin at mata niya lang ang walang mask. Tapos tumatawa pa.

"Reaksyon mo, para kang bakla na takot sa multo," natatawang sabi ni Ate habang nakahawak sa dibdib niya.

"Bakit ka ba kasi biglang sumusulpot?" tanong ko at bumalik sa upuan.

"Hoy, kanina pa ako dito at nagdada-dada. Kumatok pa ako sa pinto bilang respeto sa isang magiting na manunulat bago pumasok. Hindi ka naman nagsusulat kaya nagkwento ako."

Tumayo siya at kinuha ang hairbrush na binato niya doon sa sulok.

"Hindi ko naman alam na natutulog ka pala na mulat ang mata. At isa pa-" Hinampas niya ako sa braso bago magpatuloy sa pagsasalita, "dapat ako ang magalit sa iyo! Ako iyong nagulat sa ginawa mo. Akalain mo, bugahan ba naman ako ng tubig. Bastos."

Napakamot na lang ako sa batok ko.

"Ano pala iyong kinukwento mo?" pag-iiba ko sa usapan.

"Wala, kalimutan mo na. Tungkol lang naman sa trabaho. Makinig ka man o hindi, pareho lang. Nilabas ko lang ang inis ko. Ikaw? Kumusta ang school?"

Bigla ay naalala ko ang eksena kanina. Mula sa nagbabalik na alaala hanggang sa maaksyon na engkwentro sa eskinita.

"Exciting, and fun," nakangiting sabi ko.

"Halata. Hindi ka naman matutulala nang walang dahilan kasi writer ka. Ang pinagkaiba lang kanina, natulala ka pero wala ka namang naisulat ni isang salita. Ano ba kasing iniisip mo?"

"Wala. Nire-relax ko lang ang mga mata at isip ko." Pagsisinungaling ko.

Kapag nalaman ni Ate na nakita ko ulit ang ex ko, hindi ko alam kung anong gagawin niya.

Noong huli kasi na umuwi ako pagkatapos naming mag-break, may malaking pasa ako sa mukha.

Naalala ko pa na gustong gusto ko na magkaayos kami agad. Kung paanong kinalma ko ang sarili ko kahit ako, galit na galit na sa inaasal niya.

Hindi siya nakikinig. Iyon ang nakakainis. Hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag dahil inuuna niya ang galit at mga hinala niya.

"O siya! Matulog ka na. Nakatulala ka na naman. Ako ang natatakot sa mga ginagawa mo. Baka kinabukasan, no choice ako kundi ang ipatingin ka sa psychiatrist."

Bumalik ang diwa ko sa kasalukuyan nang marinig ko si Ate. Nakatayo na siya sa pinto. Bago siya tuluyang lumabas ng kwarto ko, muli niya akong hinarap.

"Kumain ka naman ba? Baka mangayayat ka riyan."

"Kakain na rin ako," sagot ko.

"May niluto akong snacks. Kung magdamag ka na magsusulat, pagtyagaan mo na lang iyon," sabi niya at tuluyan na siyang umalis.

Huminga ako ng malalim. Hinilot ko rin ang noo ko.

Pasalamat na lang ako at kasama ko ang Ate ko. Kung hindi, baka hindi na ako magising sa katotohanan na wala nang "siya" sa buhay ko.

"Ang korny, pre." Napapailing na lang ako sa mga iniisip ko.

Ashene Lei Castro, hindi ko na alam kung anong gagawin sa iyo.