webnovel

Kabanata 2

Jim's p.o.v.

Hawak ko sa aking kamay ang isang green na plastic basket habang naglalakad-lakad kaming dalawa ni Yohan dito sa loob ng Puregold para mamili ng grocery.

"Tara, doon tayo sa mga delata." Ang pagyaya niya saakin saka nauna na siya maglakad habang nakasunod lang din ako sa may likuran niya.

Kumuha siya ng sampung piraso ng mga cornbeef na may iba-ibang brand saka sampung piraso din ng mga sardinas at inilagay ang mga iyon sa hawak kong basket.

Nagpatuloy pa kami sa paglakad.

Sunod naman niya na kinuha ay mga cup noodles at pancit cantoon habang ako ang naging alalay niya na tagapag-dala ng mga pinamili niya.

"Ikaw, wala ka bang bibilhin?" Napalingon bigla siya saakin. Ngumiti lang ako sakanya.

"Biscuit nalang siguro saakin para sa snack paglabas ng overtime natin sa gabi." Ang tanging naisagot ko sakanya. Tumango-tango lang siya bilang sagot.

Naglakad na kami papunta sa mga biscuit saka pumili ng sarili naming gusto na bilhin. Kumuha siya ng Skyflakes Cheese Flavor habang ang sa akin naman ay Fita. Pagkatapos ay tumungo na kami sa may counter.

"Hintayin mo nalang ako sa may labas. Ako na babayad muna basta bayaran mo nalang ako sa baraks pagkauwi natin." Ang sabi pa niya saka kinuha saakin ang basket na hawak ko.

"Okey bhe." Ang pabiro ko pa sakanya na sagot na may halong ngiti sa aking mga labi.

"Sira ka talaga. Ewan ko sayo." Ang saad naman niya saka tinalikuran na ako. Pumila na siya sa may counter habang naglakad na rin ako palabas.

Nasa labas na ako ng Puregold habang naghihintay kay Yohan ng biglang tumunog ang selpon ko na nasa bulsa ng aking suot na short. Kinuha ko ito at tiningnan.

Tumatawag ang asawa ko sa messenger. Pinindot ko ang green button na may nakalagay na answer.

"Mahal, napatawag ka? Kumain na kayo?" Ang bungad ko sa aking asawa.

"Nagluluto si ate. Inabutan ng sipag kaya siya ng kusang magluto. Ikaw nasaan ka?" Ang sagot naman niya saakin.

"Sinamahan ko lang ang katrabaho ko. Nandito kami sa Puregold. Hinihintay ko siya." Ang sagot ko. Napakunot noo naman siya.

"Sinong kaibigan?" Ang tanong niya.

"Si Yohan na timekeeper namin. Pauwi na rin kami. Hinihintay ko lang siya kasi nagbayad pa sa counter ng mga pinamili niya." Ang paliwanag ko naman na sagot sakanya na sakto naman pagdating ni Yohan. Naglalakad na palabas ng pintuan.

"Pakilala kita mahal sakanya." Ang dagdag ko pa saka ko na sinalubong ang aking kaibigan.

"Tara na." Ang pagyaya saakin ni Yohan pero hinawakan ko siya sa balikat kaya napahinto kami saglit. Napansin ko na napatingin siya sa kamay ko na nakapatong sa balikat niya.

"Mahal, ito pala si Yohan. Ang timekeeper ko na kaibigan." Ang pagpapakilala ko sa asawa ko ng aking kaibigan. Nakita ko na parang nagulat ang aking kaibigan ng mapatingin siya sa screen ng selpon ko.

"Go-good evening po." Ang tanging naisagot ng kaibigan ko ng makita niya ang asawa ko sa selpon.

"Hi din. Ingat kayo sa daan pauwi niyo." Ang sagot naman ng asawa ko.

"Oo. Sige na mahal uuwi na kami. Mamaya ka nalang tumawag pagnaka-uwi na kami. Ako nalang tatawag sayo." Ang paalam ko sa aking asawa saka pinatay ko na ang tawag. Hindi ko na hinintay pa na makasagot siya.

"Bhe, ako na ang magdadala niyan." Ang pagkukusa ko naman sa kaibigan ko saka kinuha ko na sakanya ang nasa paper bag niya na mga pinamili.

Tahimik lang kami na naglakad pauwi ng baraks na magkasama.