webnovel

Chapter Four

NAPASINGHAP si Carmina nang maramdaman ang kamay ng lalaki sa kaniyang baywang. Nalanghap niya ang mamahalin nitong pabango, amoy mayaman.

Sa paglabas nila ng club, agad na may humintong kulay asul na chevrolet camaro car sa kanilang harap. Humanga agad siya sa ganda ng kotse at natutulalang tinitigan ito habang namimilog ang mga mata. Kotseng pang-artista sa ibang bansa ang sasakyang nasa harap niya. Mukhang hindi nga siya nagkamali, mayaman nga talaga ang lalaking kasama niya.

May banayad na ngiti sa mga labi ang lalaki habang inaalalayan siyang makapasok sa loob ng kotse nito. Take note, may sarili pa itong driver! Hindi makapaniwala si Carmina. Big time ang nabinggiwet niya!

Sa gitna ng biyahe ay naging tahimik silang dalawa. Nakatanaw lang siya sa labas ng bintana at nananalangin na sana ay ligtas siyang makauuwi. Ni hindi na nga niya naitanong sa lalaki kung saan sila pupunta, pero ang katanungang iyon ay agad rin nasagot nang huminto ang sasakyan sa harap ng isang five star hotel.

Nang makababa ng kotse ay namangha pa siya nang makita ang kabuuan ng hotel sa kaniyang harap, ang The Prime Hotel. Isa lang naman ito sa pinakasikat na hotel sa buong bansa.

Sa T.V. nga lang niya napapanood ang hotel na ito noon. Ito kasi ang hotel kung saan nagtsi-check-in ang mga mayayamang tao sa Pilipinas, karamihan ay local artist o kaya ay artista mula sa ibang bansa.

Napaigtad siya nang muling maramdaman ang paggapang ng kamay ng lalaki sa kaniyang baywang. Inalalayan siya nito sa pagpasok sa hotel. Mas lalo naman niyang tinakpan ang sarili gamit ang coat na ibinigay ng lalaki sa kaniya kanina. Paano ba naman ay nakasuot pa rin siya ng playboy bunny uniform. Siguradong malalaman ng ibang taong naroon kung anong klase siyang babae kapag tuluyan itong nakita.

Nang makapasok ay bumungad agad kay Carmina ang malaki at nakasisilaw na kulay gintong chandelier. Nilibot niya ang tingin sa buong paligid at muling namangha sa nakikita. Para siyang nasa ibang bansa. Ibang-iba ang hitsura ng hotel na ito kumpara sa mayayamang bahay na nakikita niya. Napakagara ng sofa at napakaganda ng pagkakadisenyo.

Halos lahat ng madaanan nilang nakauniporme na sa tingin niya ay nagtatrabaho sa hotel na iyon ay binabati sila habang may malalapad na ngiti sa mga labi. Agad namang may lumapit sa kanila na babae, galing ito sa front desk.

"Master Arellano, hindi po kayo nagpasabi na darating kayo," kinakabahan nitong wika, ngunit nakangiti pa rin. "Akala namin, bukas pa po ang dating n'yo," dagdag pa nito bago pinindot ang open button nang marating nila ang harap ng elevator.

Kumalas ang lalaki sa pagkakahawak sa kaniyang baywang. Muli siyang nagbaba ng ulo nang magtagpo ang mga mata nila ng babaeng staff. Nakita pa niya ang bahagyang paglapit ng lalaki rito at ang pamumula ng pisngi ng babae. Parang kilig na kilig ito sa ginawang paglapit ng lalaking kasama niya.

Napatingin siya nang mapagtantong may ibinulong ang lalaki. Tumango naman ang babaeng staff bago magalang na inabot ang isang card sa Master Arellano nito.

Matapos magpaalam ay may pagmamadali itong umalis.

Muling humawak sa baywang niya ang lalaki at pakiramdam niya ay namumula na naman ang kaniyang pisngi sa nararamdamang init. Hindi katulad kanina na nakadantay lang ang palad nito sa kaniyang baywang, ngayon ay nakahawak na ito at nararamdaman niya pa ang paminsan-minsang pagpisil nito roon.

Napalunok siya nang bumukas ang elevator. Pumasok sila sa loob at muli itong sumara. Pakiramdam niya, sasabog na ang kaniyang puso sa lakas ng tibok nito. Halos hindi siya makahinga sa sobrang kaba.

Ilan sandali pa ang hinintay niya bago muling bumukas ang elevator. Sumalubong naman sa kanila ang mahabang pulang carpet, sa bawat pintong naroon ay may isang halaman na nakatayo. Nagbibigay iyon ng kakaibang amoy sa paligid.

Napakaganda ng paligid niya, kung wala lang sana siya sa ganoong sitwasiyon ay baka nagtatalon at nagtatakbo na siya sa sobrang tuwa. Ito ang pinangarap niya noon, ang makapunta sa isang mamahaling hotel kasama ang nanay at Ninang Betla niya. Pero malungkot siyang napangiti sa reyalidad na kaya naroon siya ngayon, ay hindi para magsaya kundi ang ibenta ang pagkababae niya.

Muli siyang lumunok nang huminto sila sa tapat ng kuwartong may numero na 169. Binuksan iyon ng lalaki gamit ang hawak nitong card at pumasok sa loob. Hindi niya nagawang sumunod rito. Gusto na niyang tumakbo palayo, ngunit hindi rin naman niya iyon magawa. Nanginginig ang mga kamay niya at pinagpapawisan siya nang malamig.

"Aren't you coming?" tanong nito nang sandaling lingunin siya.

Nangatal agad ang kaniyang bibig nang magtama ang kanilang mga mata. Nakatitig ito sa kaniya habang nakataas ang isang sulok ng labi.

Lumunok siya at tumango rito. "O-Oo, papasok na."

Humakbang siya sa loob ng kuwarto at muling napanganga nang makita ang buong silid. Napakalaki nito para sa isang kuwarto. Sa tingin nga niya ay triple ang laki nito sa buong bahay nila.

Gabriel booked a classical minimalist style suite. Ito ang madalas niyang gamitin sa tuwing nagpupunta siya sa hotel na iyon.

Napatingala naman si Carmina nang mapansin na walang ilaw sa loob ng kuwartong iyon. Ang mga nakasinding pantalya sa pader ang siyang tanging nagbibigay liwanag sa buong paligid. Umawang pa ang kaniyang bibig nang mapansing may kuwarto pa pala sa kaliwang bahagi ng silid. Napalunok siya nang makita ang malaking kama roon.

"Kuwarto pa ba 'to?" naitanong niya sa sarili.

"This is actually a suite," sabi ng lalaki sa kaniya at bahagya pang napangiti.

Nilingon niya ito nang may pagtataka sa buong mukha. "H-Ha?"

Napansin niya na kanina pa ito nagsasalita sa lengguwaheng Ingles. Napalabi siya sa isiping baka mag-e-English ito hanggang mamaya. Kaunti pa naman ang alam niyang salitang Ingles. Maliban kasi sa hindi na siya nakapag-college ay hindi rin siya biniyayaan ng talino. Ganda lang naman ang mayro'n siya. Ganda lang.

Muling ngumiti ang lalaki.

"Hotel rooms and hotel suites are different. I want you to be comfortable, so I booked us a suite instead of a regular room-" natigilan sa pagsasalita ang lalaki nang makita ang kunot sa noo ni Carmina.

Mababakas sa buong mukha nito ang kalituhan.

Sandali siyang tinitigan ng lalaki bago muling sumilay ang ngiti sa mga labi nito. Pakiramdam naman niya ay may mga paruparo sa loob ng kaniyang tiyan. Hindi niya alam kung bakit bumibilis ang pintig ng kaniyang puso sa tuwing ngumingiti sa kaniya ang lalaki.

"Sit down," utos nito bago naglakad papunta sa living room at naupo sa isang sofa roon.

Si Carmina naman ay matuling naglakad papunta sa kaharap na sofa ng lalaki. Sa pag-uusap nila kanina ay panandalian niyang nalimutan ang dahilan kung bakit siya naroon.

Siguro kung nakilala lang niya ang lalaki sa ibang sitwasiyon ay siguradong mag-e-enjoy siyang kausap ito dahil mukha naman itong mabait. Ang problema, naroon sila ngayon dahil ibibenta niya ang sarili niya rito.

Pero napaisip din siya, kung sakali ngang nagkakilala sila sa ibang paraan, mapapansin kaya siya nito? Sa tingin niya ay hindi. Sino ba naman siya para kausapin o pansinin ng lalaki? Isa lang naman siyang mahirap.

"You looked so beautiful," napukaw siya sa malalim na pag-iisip nang marinig ang sinabi nito.

Napalunok siya nang muling magtama ang kanilang mga mata at sumilay na naman ang ngiti sa mga labi nito. Pero ibang klase ng ngiti ang nakikita niya ngayon, hindi gaya ng kanina, punong-puno ng pagnanasa ang ngiti nito ngayon. Pati na sa mga mata nito'y makikita ang matinding pananabik.

Nakita niya ang pagsalin ng lalaki ng wine sa dalawang baso. Inalok siya nito, pero magalang siyang tumanggj. Ngumiti ito sa kaniya bago uminom ng alak nang hindi pa rin inaalis ang tingin sa kaniyang mukha.

Malapot ang paraan ng pagtitig ng lalaki sa kaniyang katawan. Inubos nito sa isang lagukan ang laman ng baso at pagkatapos ay nilapag iyon sa ibabaw ng mesa.

"You sure you don't want to drink?" tumaas ang isang kilay ng lalaki.

Naiilang siyang ngumiti rito bago tumango.

"Okay, then how about a shower? Baka gusto mong maligo?" muli nitong tanong habang nakatitig pa rin nang diretso sa kaniyang mukha.

Pakiramdam niya ay napapaso siya sa paraan ng pagtitig nito kaya mabilis siyang tumango.

Tumayo siya at akmang aalis, ngunit bago pa man siya makahakbang ay muli itong nagsalita.

"Hihintayin kita sa kama."