webnovel

Ang Malaking Siopao at Maliit na Siopao

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Chapter 11: Ang Malaking Siopao at Maliit na Siopao

Pagkabalik ni Ning Xi mula sa audition, naghilamos at nag-ayos siya bago umalis naman papuntang supermarket upang bumili ng mga rekado para sa hot pot, ilan pang putahe, at beer.

Pagkatapos ng matinding pagsubok na pinagdaanan, dapat lang na magkaroon siya ng hot pot celebration sa kanyang bahay!

Isang dalagang single na solong gagawa at kakain ng hot pot na ata ang tunay na antas ng kalungkutan.

Pero, lagi na rin naman siyang mag-isa, kaya sanay na rin siya.

Pagkatapos niyang ipainit ang kaldero at maghanda ng mga pagkakainan, tumunog ang doorbell.

Sino naman kaya ang bibisita ng ganitong oras?

Pausisang binuksan ni Ning Xi ang pintuan at nagulat sa nakita.

Sa kanyang pintuan ay nakatayo si Lu Tingxiao na nakasuot ng isang malinis na suit sa ilalim ng malaking itim na coat. Sa kanyang braso ay karga karga niya si Little Treasure na may dalang basket na puno ng makukulay na prutas.

Isa itong… kakaibang pagpapares?

"Mister Lu?" nakaramdam ng takot si Ning Xi. "Bakit kayo pumunta dito? Gabi na ah. May problema ba?"

"Para tignan 'yung kalusugan mo," mabilis na sagot ni Lu Tingxiao.

Tignan 'yung kalusugan ko?

Personal na pupunta sa bahay nang disoras ng gabi, kasa-kasama si Little Treasure?

Hindi naman siya gaanong nasaktan, kaya niya pa tumakbo at magtatatalon.

"Ah, Mister Lu, nag-abala pa kayo. Pasok po. Pasensya na medyo magulo 'yung bahay ko," hindi kaagad mabilisang maiproseso ni Ning Xi ang sitwasyon. Naligalig siya at inimbitahan na lang sila papasok at madaliang nilinis kung ano ang kaya niyang iligpit – itinabi na lang niya ang mga magasin sa ilalim ng sofa at ang mga nakakalat naman niyang damit sa ilalim ng kama.

"Upo lang kayo kung sa'n niyo gusto. May gusto ba kayo inumin? Pwede na ba ang tsaa o gatas?" Sinubukan niyang hulaan kung ano ang gusto ni Lu Tingxiao pero masyado itong misteryoso para malaman.

"That's fine," tumango si Lu Tingxiao nang may ekspresyong tila isang sundalong nagrereport sa kaniyang mga pinuno.

Nagpakulo ng tubig si Ning Xi para sa tsaa ni Lu Tingxiao at nagpuno naman ng isang baso ng gatas para kay Little Treasure

Ang matangkad at payat na katawan ni Lu Tingxiao ay tila pinagkasyang katawan sa sofa dahil katabi nito si Little Treasure.

'Di lamang parehong may kalamigan at makisig na pagmumukha ang mag-ama, maging mga ekspresyon nila ay iisa.

Pareho silang walang ekspresyon.

At 'di nagsasalita.

At binubuo ang iisang malamig at tahimik na paligid.

Nang nakita ito ni Ning Xi, gusto niyang umiyak, pero walang luha.

'Yung totoo, ano bang pakay ng dalawang 'to dito?

Sa pagkakataong 'to, humuni na ang kaldero at isang nakakaakit na anghang ang bumalot sa hangin.

Para basagin ang katahimikan, kaswal na nagtanong si Ning Xi, "Naghapunan na ba kayo? May inihanda akong hot pot, gusto niyong sama-samang kumain?"

Lu Tingxiao: "Okay."

Tumango si Little Treasure.

Nagtanong lang siya bilang paggalang, anong ipinaparating nila sa kaagad na pagpayag?

Ang isa ay kilalang CEO at ang isa naman ay young master. Anong kayamanan at delicacy pa ba ang 'di nila nasusubukan? Tapos ngayon dali-dali silang pupunta sa bahay niya para kumain ng maanghang na hot pot ng isang karaniwang taong tulad niya?

'Di magawang ilabas ni Ning Xi ang pagkain.

Pero dahil naialok na niya, kinapalan na lang niya ang kanyang mukha at itinuro ang mesa bago nagdagdag ng dalawa pang set ng chopsticks at mangkok.

"Medyo maanghang yung nabili ko para sa sabaw. Kaya niyo ba ang maaanghang?" Hindi mapakaling tanong ni Ning Xi.

Lu Tingxiao: "Ayos lang."

Tumango lang muli si Little Treasure.

Okay…

Ihinain na ni Ning Xi ang iba pang rekado.

'Di masyadong kumain si Lu Tingxiao, halos nagluto lang siya ng mga gulay para sa kanila buong oras. Samantala, si Little Treasure ay kasing hilig pala ni Ning Xi sa maaanghang na pagkain. Halos 'di nila mapigilang kumain kapag nalasahan na ang anghang sa kanilang mga bibig.

Paglipas ng ilang sandali, nakaramdam ng pag-aalala si Ning Xi. "'Di ba masama sa bata ang kumain ng masyadong maraming maanghang na pagkain?"

Kapag may nangyari sa munting prinsipe, 'di niya kakayanin ang responsibilidad.

"Hindi siya ganoon kahina," sagot ni Lu Tingxiao.

Pagkarinig ng sagot nito, 'di na nagsalita si Ning Xi.

"Kumusta 'yung audition?" ang tahimik at malamig na makinang si Lu Tingxiao, sa wakas, nagkusa na ring magsalita.

Nabigla si Ning Xi pero mabilis ring nabawi ang gulat at sumagot, "Successful siya. 'Yun talaga ang dahilan bakit ako naghanda ng hot pot celebration ngayong gabi!"

Itinaas ni Lu Tingxiao ang iniinuman tasa. "Congratulations."

Sinong mag-aakalang ang una pang babati sa kanya ay si Lu Tingxiao?