webnovel

Sinumpong si Little Treasure

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

CHAPTER 10: Sinumpong si Little Treasure

"Kuya, buti nakabalik ka na. Ang Little Treasure mo nag-alboroto nanaman!"

"Ano'ng nangyari?" tanong ni Lu Tingxiao.

"'Di ko alam ang nangyari. Nung nagising siya, may hinahanap siya. Akala ko baka si Ning Xi ang hinahanap niya, kaya sabi ko wala na siya. Pagkasabi ko nun, nagwala na siya. Gusto ata talaga ni Little Treasure si Ning Xi kasi 'di siya nakikinig kahit kanino kaya nagkaganito."

Ngayon na lang ulit naging ganito ka-emotionally unstable si Little Treasure.

Pagkatapos marinig ang buong kwento, lumapit si Lu Tingxiao kay Little Treasure.

Naalarma ang bata at umurong nang mapansin ang paglapit ng ama. Matimpi at maingat ang pagtingin ng bata. Ni hindi nga nito pinansin ang presensya ng ama.

Tumigil si Lu Tingxiao nang may halos tatlong hakbang ang layo kay Little Treasure at kalmadong nagpaliwanag. "Little Treasure, nu'ng sinabi ni Tito Lu Jingli na wala na si Auntie, 'yun lang ang literal na ibig nyang sabihin. Ayos lang siya at umalis sa ospital para makauwi. 'Di siya namatay at nawala sa mundo, 'di tulad kay lola na umalis at 'di na bumalik. Okay? Naiintindihan mo ba?"

Kailangan maging mahaba ang pasensiya ni Lu Tingxiao sa pakikipag-usap sa anak.

Walang masabi si Lu Jingli. "Seryoso ba? Tatlong salita lang ang nabanggit ko 'wala na siya', at ang dami nang naisip ng bata?"

Sa totoo lang, 'di nakakagulat na magkamali ang pagkakaintindi ni Little Treasure bilang nakita niya ang pagkahulog ni Ning Xi at ikinatakot niya 'to.

Nang marinig ang paliwanag ni Lu Tingxiao, tumigil sa pagwawala si Little Treasure at 'di na lamang gumalaw sa pagkakapwesto nito sa may bintana.

May inilabas na note si Lu Tingxiao. "May gusto siyang ipabigay sa'yo. Gusto mo bang makita?"

Tumigil si Little Treasure at parang may nagbukas ng switch dahil bigla itong tumingala at nagbuka ng mga braso na nagpapabuhat sa ama.

Lu Jingli: "…"

Ang lahat ng mga doktor at nurse sa paligid: "…"

Halos himatayin ang lahat sa pagpupumilit na mapakalma ang bata pero nagawang ayusin ni Lu Tingxiao ang sitwasyon sa isang note lang?

Noon, nung nakita ni Lu Jingli ang paghingi ni Lu Tingxiao ng mensahe mula kay Ning Xi, binalewala lang niya. Pero ngayon, napahanga siya sa kapatid.

Binuhat ni Lu Tingxiao ang anak at naupo sila sa sofa bago niya inabot ang note sa bata.

Nagmamadaling binasa ni Little Treasure ang note. Matagal na itong marunong magbasa at magsulat.

"Darling, salamat sa pagligtas sa'kin. You're amazing."

Kuminang ang mga mata ng bata matapos mabasa ang mga salita at makita ang maliit na guhit ng puso sa likod. Namula sa tuwa ang bata at 'di napigilang ngumiti kaya't lalong nanaba ang pisngi nito. Lalong siyang naging cute.

Parang nakakita ng multo si Lu Jingli. "Bullshit kuya, totoo ba ang nakikita ko? Ngumiti si Little Treasure! 'Di ko na maalala kung ga'no katagal nung huli ko siyang nakita ngumiti! Ano bang isinulat ni Ning Xi diyan?"

Sinubukan ni Lu Jingli na silipin ang note pero itinago ito ni Little Treasure na parang kayamanan.

Nakita na rin naman ni Lu Jingli. Ang simple lang ng mensahe pero sobrang saya ni Little Treasure? Ibang klase talaga ang Ning Xi na 'to!

Walang sinabi si Lu Tingxiao at magiliw lamang na pinanood ang anak.

Ngayong gising na si Little Treasure, umuwi na ang mag-ama matapos i-cancel ang mga dapat ay gagawin sa kumpanya para masamahan ang anak.

Gabi sa Platinum Residence No. 8.

Sa isang malaki, malamig, at mapanglaw na sala, dalawang tao - isang matanda at isang bata – ang magkatapat na nakaupo sa isang dining table, kasinlamig ng paligid ang kanilang mga ekspresyon.

Lu Tingxiao: "Kain na."

Hindi nakinig si Little Treasure.

Lu Tingxiao: "Huling sabi na 'to."

'Di pa rin matinag ang bata.

Lu Tingxiao: "Tingin mo diyan sa 'di mo pagkain, matatakot mo ako?"

Si Little Treasure, gaya ng isang nagninilay na monghe, ay wala pa ring reaksyon sa mga nangyayari at tila nasa sariling mundo.

Ang mag-ama ay nagpatuloy sa kanilang face-off.

Pagkalipas ng isang oras…

Tinawagan ni Lu Tingxiao ang kapatid na si Lu Jingli. "I-send mo sa'king ang address ni Ning Xi."

Sa huli, gumana rin ang hunger strike ni Little Treasure.

Mabilis kumilos si Lu Jingli at naisend niya agad ang address ni Ning Xi sa kanyang kapatid. Sumunod ay nagtanong ito upang makasagap ng chismis na syempre ay 'di niya nakuha mula kay Lu Tingxiao.

Ngayon, kahit walang sinasabi ay sumunod si Little Treasure kay Lu Tingxiao nang mapansin na kinuha nito ang kanyang coat at susi ng sasakyan.

Tinignan ni Lu Tingxiao ang anak na naglalakad sa kanyang tabi at walang magawa kung hindi buhatin ito. "Ngayon lang 'to."