webnovel

Waning Moon Chambers (2)

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Kalahating oras nang kumakatok si Jun Wu Xie at akmang kakatok sana muli nang makarinig siya ng kaluskos sa loob. Kaya naman pinili na lang ni Jun Wu Xie na maghintay.

'Creak.'

Dahan-dahang binuksan ang pinto at agad na lumakas ang amoy ng wine.

"Burp!" Iniluwa ng pinto ang isang sopistikadang babae. Nakasandal ito sa hamba ng pintuan at namumula ang mukha. Tinitigan nito si Jun Wu Xie.

Kung titignan ang babae ay naglalaro sa bente-otso o bente-nuwebe ang edad nito. Ang ganda nito ay hindi inosenteng tignan bagkus ay kaakit-akit. Ang mahaba nitong binti ay nakatago sa palda nitong hanggang sakong. Ang isang kamay nito ay may hawak na wine jar.

"Naliligaw ka ba, bata?" Tanong ng magandang babae habang magkasalubong ang mga kilay. Mas lalong naamoy ni Jun Wu Xie ang wine nang magsalita ang babae.

Pakiramdam ni Jun Wu Xie ay malalasing din siya dahil sa amoy.

"Inutusan ako ni Teacher Tian Ze na magpunta dito." Sagot ni Jun Wu Xie , pilit nitong binubura sa kaniyang isip ang amoy ng wine.

"Ha? Tian Ze?" Bumakas sa mukha ng babae ang pagkalito habang tinignan si Jun Wu Xie mula ulo hanggang paa. "Bakit ka daw niya pinapapunta dito?"

"Cultivation." Mabilis na sagot ni Jun Wu Xie.

"..." Nanlaki ang mga mata ng babae at muling tinignan si Jun Wu Xie mula ulo hanggang paa. "Pinapunta ka niya dito para mag-cultivate? Sigurado ka bang tama ka ng pagkakarinig?"

Tumango naman si Jun Wu Xie.

Mukha namang nauubusan na ng pasensya ang babae: "Nauntog ba si Tian Ze? Gusto niyang gabayan ko ang isang disipulo...nababaliw na ba siya? Lintik...wala ako sa huwisyo para mag-alaga ng bata."

Patuloy sa pagrereklamo ang babae at bakas dito ang matinding pagkairita. Wala itong pakialam kung naririnig iyon ni Jun Wu Xie.

Nanatili namang nakatayo si Jun Wu Xie doon, tahimik lang itong nakikinig sa babae.

[Ang taong ito ang kaniyang magiging guro?]

Sa estado ng babae ngayon, pakiramdam ni Jun Wu Xie ay kaharap niya ang babaeng bersyon ni Drunk Lotus.

Ilang sandali pang nagpatuloy sa pagrereklamo ang babae hanggang sa wakas ay sinabi nitong: "Sige, pasok ka." Nilakihan ng babae ang bukas ng pinto upang makadaan si Jun Wu Xie.

Sinundan naman siya ni Jun Wu Xie sa loob. Ang buong silid ay nangangamoy ng wine. Sa isang shelf, puno iyon ng iba't ibang klase ng wine jars at urna. 

Naglakad ang babae at sumalampak sa isang upuan. Ang paa nito ay ipinatong niya sa mesa sa kaniyang harapan. Dahil sa ginawa nito ay lumabas ang kaniyang mahabang binti. Ngunit tila wala itong pakialam, tinungga nito ang wine jar. Naubos nito ang laman ng wine jar sa isang tunggaan lang saka itinapon iyon sa may paanan ni Jun Wu Xie.

"Lagyan mo ng laman." Tamad na utos ng babae.

Saglit na tumitig si Jun Wu Xie bago yumuko at pinulot ang wine jar. Itinuro ng babae ang mga wine jars na nasa shelf at lumapit naman doon si Jun Wu Xie. Nilagyan niya ng laman ang inihagis na wine jar ng babae bago inabot sa kaniya.

Pagkatapos noon ay tumayo si Jun Wu Xie sa isang tabi at wala pa ring pakialam ang babae at nagpatuloy sa pag-inom.

Tuwing mauubos ng babae ang wine ay uutusan nito si Jun Wu Xie para lagyan iyon ulit. Pagkatapos ng halos limang beses na pagpabalik-balik ni Jun Wu Xie sa shelf, saglit na tumigil ang babae at tumitig kay Jun Wu Xie. Napansin niyang tila wala siyang narinig na reklamo man lang dito at tahimik na sumusunod lang sa kaniyang inuutos.

"Bata, anong pangalan mo?" Tanong ng babae