webnovel

Chapter 2

AYUDISHIRA

"Aahhh!" agad akong napabalikwas ng bangon.

Panaginip?! Isang panaginip lang ang lahat? Pero pakiramdam ko parang totoo ang nangyari sa akin.

Napadako ang aking paningin sa pintuan ng aking maliit kwarto nang bigla itong bumukas at pumasok ang isang pigura.

"Anong nangyari sayo Shira?! Patawad kung pumasok ako sa silid mo. Nag-aalala lang ako nang narinig kitang sumigaw." Kita ang pag-aalala sa kislap ng mga mata ni Akita.

Pero kahit nag-aalala siya sa'kin, dapat kumatok sana siya sa pinto ng kwarto ko bago pumasok.

Tinitigan ko siya at tinaasan ng kilay. "Wala, isang... napakasamang panagip lang. At saka, palagi ka namang pumapasok dito kahit walang pahintulot ko."

Nagulat ako nang bigla siyang tumawa ng malakas na tila may kumiliti sa kanya.

May nakakatawa ba sa sinabi ko? Ano na naman ang nangyari sa lalaking 'to?

"A-ano bang nakakatawa sa sinabi ko?" takang tanong ko rito, ngunit tinitigan niya lang ako at muling tumawa ng malakas.

Ano na namang kabaliwan ang naglalaro sa isip niya?

"W-wala!" tugon nito at tumawa ng malakas.

Sa inis ko ay binato ko sa kanya ang unan na agad niya namang iniwasan.

"B-bumangon ka na d-diyan at m-mamaya ay mag-magbubukas na a-ang tindahan ni Nanay K-kiva," pinipigilan niyang huwag matawa habang nagsasalita.

Nanlaki ang aking mata nang tignan ko ang lumang orasan na nakakabit sa ibabaw ng pinto ng aking silid. Nagmamadali akong umalis sa aking kama at iniligpit ang lumang banig, ang lumang kumot at kupas na puting unan.

Naku! Mahuhuli na kami sa trabaho.

Agad kong tinulak papalabas ng silid si Akita at lumabas sa aking kwarto sabay na isinirado ang pinto.

"Bakit tila nagmamadali ka?" aniya na halatang nagtataka sa ikinilos ko.

Nakapameywang akong humarap sa kanya na nakataas ang kilay at nagsalita. "Nakalimutan mo na ba na alas syete ang oras ng trabaho natin kay Nanay Kiva. Alas sais trenta na kaya!" naiinis kong wika dahil ngayon ay tumatawa pa rin ang loko.

"M-maghilamos ka muna," nakangisi niyang saad.

Tinaasan ko siya ng kilay at agad kinuha ang maliit na salamin sa loob ng kwarto ko. Kinutuban ako na marahil may ginawa na naman siyang nakakatawa sa mukha ko. Pagtingin ko sa maliit na salamin ay agad na nanlaki ang mga mata ko at namula sa sobrang inis.

"AKITAAAAA!!!!"

"A-aray! Aray! Shira masakit ano ba! A-aray ko!" malakas niyang daing habang walang tigil ko siyang sinabunutan.

"Walang hiya ka talaga. Ginawa mong laruan ang mukha ko nakakainis ka. Ginawa mong kolorete ang uling at ang mukha ko pa talaga ang pinagdiskitahan mo. Bwesit ka! Nakakainis ka!" inis na inis kong bulyaw rito, pero ang loko ay tumatawa lang kahit sinasabunutan ko na siya.

"H-hindi ako a-ang naglagay niyan sa mukha mo. Si Akira ang sisihin mo! Aray masakit nga eh!" giit nito at pilit na tinatanggalnang kamay ko sa buhok niya.

Inis kong binitawan ang buhok niya at binigyan siya ng matalim na titig.

"Ano ba ang ginagawa niyong dalawa diyan? Para kayong mga isip bata. Ang tatanda niyo na kung anu-ano pang kabalastugan ang inuuna," biglang singit ni Akira at tinitigan kami na parang mga nakakabatang kapatid niya lang.

Napatingin naman ako sa bubwit na nakatayo sa gitna namin na akala mo kung sinong matanda kung pagsalitaanan kami ng kuya niya. Agad ko siyang piningot sa tenga ng maalala ko ang ginawa niya sa mukha ko.

"Aray ko! Ate ang sakit!" daing nito.

"Anong kabaliwan ang pumasok sa kukute mo at nilagyan mo ng uling ang mukha ko?!"

"Hindi ko naman kasalanan yun e. Inutusan lang ako ni Kuya Akita na gawin yun," sagot nito.

Agad kong binitawan ang tenga nito at tinitigan ng ubod ng talim si Akita na nagpipigil ng tawa.

"Demonyo ka! Bwesit ka talagang lalaki ka!" nanggagalaiting bulyaw ko rito at tumakbo papalapit sa kanya.

Hinabol ko siya upang sabuntan pero ang gago ay tumakbo papalayo sa'kin. Kaya ayon, para kaming mga aso't pusa na naghahabulan sa loob ng bahay.

"Tumigil nga kayong dalawa! Ano na lang ang sasabihin sa atin ni Nanay Kiva dahil alas otso na at 'di pa tayo nakakarating sa tinadahan. Porket malapit ang loob natin sa kanya ay aabusuhn na natin ang kabaitan niya. Puwede tumigil na kayo sa paglalaro. Kumilos naman kayo na naayon sa edad niyo! Tsk!" napatigil kami ni Akita sa paghahabulan at nakangangang nakatingin sa kay Akira.

Hindi namin inasahan ang biglang pagsigaw ng anim na taong niyang kapatid na lalaki. Akala mo kung sinong matanda na pagalitan kami.

Susme, parang may dalaw yata ang batang 'to. Kung sumigaw e, halos lumabas na ang litid niya sa inis.

"Ang kuya mo ang sisihin mo! Katulad niya ang katasintahan niyang si Jena na nakakainis at nakakapanggigil!"

"Ano? Hindi ko kasintahan ang babaing iyon! E hindi ko nga siya gusto," katwiran nito.

"Huwag ka ng magkaila na hindi mo kasintahan si Jena. Halata naman na may relasyon kayong dalawa." Gumuhit ang ngiti sa aking labi nang biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito.

"Hindi ko siya kasintahan dahil ayaw ko sa kanya. Kahit nakakainis na kapag lumalapit siya sa akin."

"H'wag ka ng magkaila Akita. Alam ko na ang lihim niyong dalawa. Bagay kaya kayong dalawa. Yiieee! Bagay silang dalawa!" nakangisi kong pambubwesit sa kanya.

"Hindi ko siya kasintahan at lalong hindi ko siya gusto! Pwede ba tumahimik ka na lang dahil nakakainis na!" saad nito at nagdadabog na tumungo sa kapatid niya at binuhat ito.

"Teka lang! Teka lang! Pupunta pa ba tayo sa pagtatrabahuan natin o mag-aasaran na naman kayo rito? Kasi ako gusto ko ng tumungo sa tindahan ni Nanay Kiva dahil kanina pa ko naiinis sa inyong dalawa." Napaikot ang mga mata ko dahil sa mga sinabi ng bubwit na 'to. Akala mo kung sinong matanda.

Napatitig naman ako sa nakasalubong na kilay ni Akita dahil sa seryosong mukha nito.

Aba't siya pa ang nainis. Ako nga kanina hindi nagalit sa ginawa niya sa mukha ko. Tapos siya pa ngayon ang maiinis.

"Hindi pa ba kayo tapos?" inis na tanong ng bubwit kaya tumahimik na lang ako baka mas mapikon pa si Akita. Ang bilis lang kasi mapikon ng lalaking 'to.

Bigla akong hawakan ni Akita sa kamay at inayos ang pagkakabuhat sa kapatid nito. Sa isang iglap, natagpuan namin ang sarili sa loob ng tindahan ni Nanay Kiva.