webnovel

Chapter 1

AYUDISHIRA

"Shira..."

Isang malamyos na tinig ang tumawag ng aking pangalan, dahilan upang ako'y magising.

Binuka ko nang paunti-unti ang aking mga mata, ngunit agad na napapikit muli dahil sa kasilawan ng liwanag. Matapos ang ilang saglit, binuksan ko ulit ang mga mata ko, unti-unting nakasanay sa liwanag na bumabalot sa paligid.

Ang unang nakita ko ay ang isang maaliwalas na kalangitan, lubos na kakaiba sa mga karaniwang umaga na nakasanayan ko. Napatayo ako nang bigla kong maunawaan na ako ay nasa ibang lugar.

Kumunot ang aking noo sa mga tanawin na ngayon ko lang nakita. Napapalibutan ang buong kalupaan ng mga bulaklak, mga punong-kahoy na sumasayaw sa ihip ng hangin, at malapad na mga bundok.

Nasaan ako? Paano ako napunta sa lugar na ito? May nagdala ba sakin dito? Mga katanungan na paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan. Mga katungan na wala akong alam kung may kasagutan.

Kinusot ko ang mga mata ng ilang beses upang malinawan kung totoo nga ba ang aking mga nakikita, o isang imahimasyon lamang.

Kinurot ko ang pisngi ng paulit-ulit. Kahit masakit tiniis ko upang malaman kung nasa panaginip ba ako o reyalidad. Ngunit ganoon pa rin at walang may nangyari.

Isa lang ang ibig sabihin nito, totoo ang lugar na 'to at hindi isang talimuwang.

Hindi ko napigilan ang sarili na mapatalon sa tuwa. Hindi ko inakala na mapupunta ako sa ganito kagandang lugar.

Kung panaginip ito ay ayaw ko ng magising pa. Sa ngayon 'di ko na muna iisipin kung paano at bakit ako napunta rito, o kung may nagdala man sa'kin dito. Pagtutuunan ko na lang muna ng pansin kung paano ko malilibot ang buong lugar.

Sa totoo lang, hindi ko sukat akalain na may ganito pala kagandang lugar na nakatago. Tila isang paraiso.

Napapalibutan ang buong paligid ng mga mababangong bulaklak. Kulay ginto ang bawat talulot nito na kumikinang dahil sa sikat ng haring araw. Ang mga puno na kulay dilaw ang mga dahon na tila sumasaway sa ihip ng hangin. Ang mga bulubundukin na babalutan ng makakapal na nyebe ang tuktok, kahit hindi naman taglamig ang kapanahunan dito.

Naglalad-lakad ako upang libutin ang buong lugar. Sa aking bawat hakbang ay nakangiti kong dinama ang mga bulaklak sa aking palad. Agad akong napayakap sa sarili, nang tinangay ng malamig na simoy ng hangin ang tuwid at itim kong buhok na abot hanggang beywang.

Kay sarap damhin ang bawat pagdampi ng hangin sa aking balat. Na nagbibigay lamig sa mainit kong balingkinitang katawan. Gumuhit ang matamis na ngiti sa aking labi nang narinig ko ang huni ng lumulipad na mga ibon sa himpapawid.

Tila isang musika sa aking pandinig ang tunog ng mga ito. Ang magkasabay at magkatugmang huni ng mga ibon na kay sarap pakinggan. Tila isa akong sanggol na hinihele ng isang Ina.

Namilog ang aking mga mata sabay ng pag-awang ng aking labi nang makita ang pagdapo ng kakaibang paru-paro sa aking kamay. Isang kamangha-mangha na paru-paro. Tila isang baghari ang pakpak ng paru-paro dahil sa dami ng kulay nito.

Maya-maya pa, biglang dumami ang mga paru-paro sa paligid. Umikot ito sa akin na tila natutuwa na makita ako.

Hindi ko alam na may ganitong uri ng paru-paro na sekretong nabubuhay sa mundo. Tunay nga na marami pa kaming dapat matuklasan na kakaiba at kamangha-manghang mga nilalang dito sa mundo. Marami pang mga misteryo at sekreto ang nakakubli sa mundo na hindi pa natutuklasan. Mga sekreto na magpapaluwa ng iyong mata sa gulat at mga misteryo na hindi kapani-paniwala.

Naglakad-lakad ako at nagmasid kung ano pang bagay ang aking matutuklasan. At sa aking paglibot, may kakaibang bulaklak ang umagaw ng pansin ko. Isang bagay na kakaiba sa lahat. Ilang paghakbang ang aking nilakad bago nakalapit dito.

Mataman kong pinagmasdan ang isang kakaibang rosas. Kakaiba ang wangis at kulay ng rosas na 'to. Pinaghalong itim, puti at ginto ang kulay ng bawat talulot.

Kapansin-pansin din ang kulay abong tangkay at mga dahon ng rosas. Hindi na iba sa akin ang makakita ng rosas na kulay itim o puti ang talulot. Ngunit ang rosas na pinaghalong itim, puti at ginto ang talulot? Mayroon bang ganoon?

Agad kong inamoy ang rosas ngunit sa aking pagkabigla ay wala itong amoy. Sumilay ang kakaibang ngiti sa aking labi nang may naisip akong ideya na siguradong kaiinggitan ng lahat. Marahan ko itong hinawakan at bigla itong pinutol.

Nang sandaling pinitas ko ang rosas, unti-unting nalanta ang lahat ng mga bulaklak na nakapaligid dito. At sa loob lamang ng ilang minuto, lahat ng mga bulaklak at mga puno sa paligid ay biglang natuyo't nalanta.

Ang mga bulubundukin ay naging kulay abo na kanina ay berde. Sumunod ang paglaho ng mga ibon sa paligid. Naging tahimik ang buong lugar sa loob lamang ng ilang sandali. Ang kaninang maliwanag at maaliwalas na malaparaisong lugar ay naging madilim.

Uminit ang ihip ng hangin. Ang lupang aking kinatatayuan ay nagkabitak-bitak na tila dinaanan ng matinding tagtuyot. Ang kaninang magandang kapaligiran ay naging malungkot at madilim na lugar na tila wala ng buhay.

Ang mga paru-paro ay tila natakot sa biglang pagbago ng paligid at nagmadaling lumipad patungo sa kinatatayuan ko. Isa-isang kumapit sa luma at kupas kong damit na abot hanggang talampakan.

Napabulalas ako sa gulat nang biglang nagningning mga paru-paro sa paligid pati na rin ang nasa damit ko. Kumalat ang liwanag ng mga paru-paro sa buong lugar na magbigay ilaw sa madilim na paligid, dahilan upang ako'y mapapikit sa nakakasilaw nitong ningning.

Dumaan ang ilang sandali bago humupa ang liwanag. Nang iminulat ko ang mga mata, lubos akong namangha nang makita ang pag-iba sa suot na damit.

Ang kaninang luma at kupas na damit ay naging marangya at kumikinang. Ang nakayapak kong mga paa ay nakasuot ng gintong sapatos. At ang aking buhok ay naging olandes.

Nagpaikot-ikot ako sa kagalakan at pagkamangha.

Hindi ko sukat akalain na makakasuot ako ng ganito kaganda at karangyang damit. Pakiramdam ko tuloy sa suot ko ay isa akong prinsesa. Sana isa akong maharlika.

Sa kalagitnaan ng aking kasiyahan, biglang lumindol ang aking kinatatayuan. Agad akong nakadama ng takot sa ideyang guguho ang lupa at mahuhulog ako patungo sa kailaliman ng mundo. Sa bawat paglakas ng yanig ng lupa, siya ring paglakas ng kabog ng aking dibdib.

Pagkalipas ang ilang sandali, humupa ang pagyanig. Sa isang iglap, bigla kong natagpuan ang sarili sa gitna ng labanan.

Kumalat ang tunog ng pagtatagpo ng mga sandata sa paligid. Marami ang nakahandusay sa lupa na sugatan at wala ng buhay.

Halos mawalan ako ng balanse nang muling yumanig ang lupa dahil sa malakas na pagsabog. Pinasadahan ko ng tingin ang paligid at agad na naestatwa sa aking mga nakita. Umulan ang mga bola ng apoy na tila mga bulalakaw na nahuhulog mula sa kalangitan.

May mga naglalaban na gumagamit ng iba't-ibang elemento ng kalikasan. May iba rin akong nakita na biglang lumalaho at lilitaw sa ibang lugar.

Pero may mas nakakuha ng atensyon ko ay ang mga Praecantator. Sila ang mga salamangkero na gumagamit ng mahika gamit ng salita. Sa isang inkantasyon lang, agad na natutumba ang kanilang mga kalaban.

Nang makita ko ang papalapit na sandata, agad akong nag-iwas sa isang mabilis na galaw. Lumingon ako sa pinanggalingan ng atake, kita mula sa kalayuan ang kumpulan ng mga salamangkero na nakatingin sa gawi ko.

Nang sandaling nagtama ang aming mga tingin, nakadama ako ng matinding takot at pangamba. Isang takot na ngayon ko lang naramdaman sa buong buhay ko, at pangamba na marahil isipin nila na isa ako sa kanilang mga kalaban.

Naglakad sila patungo sa akin dahilan upang mapatakbo ako. Mas lalo kong binilisan ang pagtakbo nang narinig ko ang pagsigaw nila ng "patayin siya".

Walang ako sa pagtakbo kahit 'di ko alam kung saan ako patungo. Hindi ko batid kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Ang tanging iniisip ko ngayon ay kung paano makalayo sa kanila.

Hinihingal na tumigil ako sa pagtakbo upang magpahinga. Lumipas ang ilang sandali, muli akong tumakbo nang bumalik sa dati ang aking paghinga. Pero bago ko pa maihakbang ang mga paa, bigla nalang akong natumba. Tila na naparalisa ang buo kong katawan.

Bumilis ang pagkabog ng dibdib ko nang narinig ko mula sa paligid ang yapak ng mga paa. Hinuha ko ay kagagawan ito ng mga humahabol sa akin.

"Kawawang nilalang, mamatay ng walang laban."

Halos kumawala ang puso ko mula sa aking dibdib nang narinig ko ang mga boses nito. Matinding kaba ang aking nararamdaman at hindi ko alam kung paano ko sila matatakasan.

Bigla akong napasinghap nang maramdaman ko ang isang matulis na bagay na tumarak sa likod ko. Ang dibdib ko'y nangangalay, at ang bawat hininga'y tila nalulunod sa sakit.

Ang hangin ay bumalot sa aking balat, tila nagnanais na sumaklolo ngunit hindi magawang maabot ang kailangan kong lunas. Sa isang biglaang tikas, namalayan kong ang buong katawan ko ay nanginginig sa hapdi. Hindi ko mapigilan ang pagsidhi ng pag-ubo, habang ang dugo'y umaagos.

Unti-unting lumabo ang aking paningin na tila pilit akong pinapapikit. Sa labinsiyam na taon kong nabuhay sa mundong ito, mamamatay lang ako ng walang kalaban-laban.

Lumipas ang ilang sandali, 'di ko namalayan na umiiyak na pala ako. Tahimik na umiiyak at 'di maigalaw ang aking katawan. Marahang pumikit ang aking mga mata sabay na pagsakop ng kadiliman sa aking kamalayan.

Sana magustuhan niyo!

Marvin_Wrightteecreators' thoughts