webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The Birth Of A New Sugar Heir

"Ano, Sia? Hindi pa ba ako manganganak? Medyo masakit na, e."

Ilang minuto, o mas malala ay umabot na ng oras, ang pananatili ko rito sa emergency room ng ospital. Kasama ko si Sia at 'yong isang kasambahay sa mansion ng mga Lizares na si Ate Ivy. Nandito rin kanina 'yong family driver kaso pinalabas na muna para hindi dumami ang tao rito sa E.R.

"Ang sabi ng doctor, hindi pa raw puwede kasi masiyado pa raw masikip 'yong ano mo, 'yong labasan ng bata, basta alam mo na 'yon. Kaya kaonting hintay lang, Aylana, ha? At saka pakalmahin mo muna si baby, makakalabas din 'yan."

Tumango na lang ako sa mga pinagsasabi ni Sia. Wala rin naman akong choice kundi ang maghintay kung kailan ako dadalhin sa operating room. Mga eksperto naman sila, alam na naman siguro nila ang gagawin. May tiwala naman ako sa kanila.

Nakatulog yata ako sa paghihintay. Kulang na nga lang din ay magpa-admit na ako sa ospital na ito sa kahihintay.

Umabot ng mahigit isang oras ang paghihintay namin sa ospital nang biglang sumakit na naman ang tiyan ko. Kanina no'ng dumating kami, medyo kumalma siya kaya kahit papaano'y nakahinga ako nang maluwag at nakapagpahinga. No'ng biglang sumakit ulit ay saka ako dinala sa operating room para simulan na ang labor.

Ito talaga, legit na lalabas na siya. Feel na feel ko na talaga sa loob ko. Gustong-gusto na talaga niyang lumabas sa mundo at masilayan ito.

Sobrang excited naman, anak, kahit hindi mo pa due date talagang plinano mong lumabas na ngayon ha. Pilyo kang bata ka ha. Masiyado kang excited sa buhay!

Nang magsimula na ang orasyon, halos ilabas ko na ang lahat ng hinanakit ko sa buong buhay ko mairaos lang ang sakit na nararamdaman ko ngayon.

Sobrang sakit. Halos mabali na buong katawan ko. Gusto kong may makapitan pero wala akong ibang makapitan kundi ang malamig na bakal ng aking higaan.

Inire ko lahat. Isinigaw ko lahat. Hindi ako pala-sigaw na tao pero dahil dito halos malagutan na ako ng hininga kakasigaw.

Gusto ko nga rin tampalin ang bibig no'ng doktor na nagpapa-anak sa akin ngayon. Sinasabi niyang ire pa, push pa, e, bigay na bigay na ako. Hindi ko nga alam kung kaya ko pa.

Putang ina, ang sakit manganak!

Sobrang tagal nang pag-ire kong iyon. Parang kulang na kulang pa kasi hindi pa raw lumalabas ang bata, kailangan pa raw ng matinding push. Putang ina, push na push na lahat, e.

Ang tagal kong naghirap. Pinagpapawisan na ako nang malalaking butil ng pawis. Halos lumabas na ang mga ugat ko sa katawan. Pero nang marinig ko ang munting iyak ng bata… parang ang lahat ng paghihirap ko ay biglang nawala.

Gamit ang natitirang lakas ko, tiningnan ko ang batang hawak ng doktor. Nakalawit pa ang kaniyang pusod at punong-puno pa rin ito ng dugo habang malakas na umiiyak.

Walang pagsidlan ang sayang nararamdaman ko ngayon. Hindi rin ako makapaniwalang ang batang iyon ay galing sa looban ko, galing mismo sa akin. Ang sarap sa pakiramdam. Parang hinahaplos ang aking puso nang masilayan ang anak ko.

Pagod na pagod na ako at inaantok pa.

Magkikita tayo mamaya, anak, matutulog lang si Mama.

Kusa akong nagising nang biglang may narinig akong ingay galing sa kung saan. Nagmulat ako ng mata pero agad ding napapikit nang makitang sobrang liwanag ng paligid.

Nasaan na kaya ang anak ko?

This time, dahan-dahan ko nang iminulat ang mga mata ko.

"Oh, Ayla, gising ka na."

Ang unang nakapansin sa akin ay si Sia. Mahina akong ngumiti sa kaniya at pinilit ang sariling bumangon, kahit ang umupo man lang, kahit na medyo masakit pa ang bandang puson ko.

Ilang oras kaya akong nakatulog? Nasaan na kaya ang anak ko? Bago ako nakatulog kanina dahil sa pagod, nakita ko pa siya. Gustong-gusto ko nang mahawakan ang anak ko.

"Be careful…"

Napatingin ako sa kaliwa ko nang biglang umalalay si Sonny sa akin.

Anak ng baboy? Nandito siya? 'Di ba nasa Negros siya? Anong ginagawa niya rito?

"S-Sonny…" Hinawakan niya ang kamay ko at naka-suporta naman ang isa pa sa aking likuran.

Teka, natatameme ako!

"Um, labas muna ako? Check ko lang kung puwede na bang dalhin si baby dito."

Bago pa man ako maka-angal sa biglang pag-alis ni Sia ay nawala na lang siya sa paningin ko at naiwan kaming dalawa ni Sonny sa malaking kuwartong ito.

Anak ng baboy naman parang gusto kong manganak ulit sa sobrang kaba, a. Ewan ko ba.

"N-Nakita mo na ang baby?" Matinding paglunok ang nagawa ko nang basagin ko ang katahimikan. Wala lang, gusto ko lang magsalita.

"Hindi pa. Gusto ko sana sabay nating makita ang baby."

Bakit naman?

Oo nga, bakit nga ba? Ewan. Ako na nga lang sasagot sa sariling tanong ko.

"I immediately went home after your call. Pagdating ko rito kanina nasa operating room ka na at hindi na raw ako makakapasok kaya naghintay na lang kami ni Olesia sa labas. Pinauwi ko na rin muna si Manang Ivy."

Napatingin ako sa kaniya mula ulo hanggang paa dahil sa sinabi niya.

Galing pa siyang Negros?

"Hindi ka pa nakakauwi sa mansion n'yo?" Nagtatakang tanong ko.

Umiling siya.

"What are you feeling? Hindi ba masakit?"

Anong klaseng tanong 'yan?

Mahina akong natawa dahil sa naging tanong niya.

"Sinabi mo pa. Ikaw kaya manganak do'n, tingnan natin kung 'di ka umayaw," pagbibiro ko pa. Tumawa naman siya. Himala. Hindi tumatawa sa mga simpleng biro ko 'to, e.

Nang humupa ang madaliang tawa namin ay seryoso siyang napatingin sa akin at bigla niyang ipinatong ang kamay niya sa kamay kong nakapatong lang sa ibabaw ng kumot. Napatingin ako roon at bigla na namang tumibok nang mabilis ang abnormal kong puso.

"Thank you for giving birth to our child."

Dahan-dahan akong napatingin sa mga mata niya. Nakikita ko ang sinseridad mula rito. Sobrang seryoso ng mga mata niya, maski ang tono ng boses. Seryoso siya sa sinabi niya.

Sinuklian ko ng ngiti ang sinabi niya.

"It's my pleasure. At saka worth the pain ang bata. Promise."

Naputol ang pagtititigan naming dalawa nang bumukas ang pintuan ng kuwarto at sigaw ni Sia ang una kong narinig.

"Nandito na si baby!!" Aniya sa excited na boses.

Napako ang tingin ko sa maliit na batang hawak ng isang nurse. Nakabalot ito sa lampin na kulay blue. Hindi ko pa nakikita ang mukha niya, tanging ang maliit niyang kamay ang nakikita kong gumagalaw.

Nanggilid ang luha ko. Nanginginig na rin ang buong katawan ko dahil sa kaba. Gusto kong umiyak sa tuwa.

"Heto na po si baby, Mr. and Mrs. Lizares," wika ng nurse nang ilapit na niya sa akin si baby.

Gusto kong umapela sa sinabi niya pero masiyado akong sinasakop ng nararamdaman ko nang makita sa malapitan ang bata. Gising na gising siya at tahimik lang. Mas lalo akong kinabahan nang makita ko siya at tuluyan nang tumulo ang luhang kanina'y nagbabadya lang.

Gusto ko siyang hawakan pero kinakabahan ako. Hindi ko alam kung paanong kumarga ng batang bagong silang pa lang. Paano ba?

Sumenyas sa akin ang nurse na ibibigay na niya sa akin ang bata na mas lalong nakadagdag sa kaba ko na ramdam na ramdam ko na ang malakas na tibok ng aking puso.

Hindi ko na nga rin matuonan ng pansin ang luha ko.

"Kaya ko ba?" Mahinang tanong ko sa nurse.

Ngumiti siya sa akin.

"You can do it, Ayla."

Dahil sa sinabi ni Sonny, nagkaroon ako ng lakas ng loob na tanggapin ang bata. Kahit hindi ko alam kung paano, tinanggap ko ang bata, ang sariling anak ko. Ito ang unang beses na makakakarga ako ng kakasilang pa lang na bata at hindi ko aakalain na sa mismong anak ko pa mararamdaman 'yon.

Napatitig ako sa mukha ng bata. Medyo nanlalabo na ang mata ko dahil sa luha pero nagawa ko pa ring matuwa. Ang cute-cute niya. Ang liit-liit. Masiyadong fragile, natatakot akong baka maibagsak ko siya.

"Hey, why are you crying?"

"G-Galing sa akin 'to. Kinarga ko 'to ng siyam na buwan. Anak ko ang batang 'to. Hindi lang ako makapaniwalang nanggaling sa akin ang batang 'to."

"Congratulations, Engineer Sonny and Miss Ayla. Healthy ang baby." Medyo kumalma ako at agad pinahiran ang luha ko nang marinig kong nagsalita ang doktor. Napatingin ako sa kaniya at paminsan-minsan ding napapatingin sa karga-karga kong baby. "Ano nga pala ang ipapangalan n'yo sa kaniya?" Dagdag na tanong ni Doc kaya napatingin ako kay Sonny na nasa tabi ko pala, nakatingin sa baby na karga ko, nakahawak sa kamay nitong maliliit.

"Anong ipapangalan natin sa kaniya?" Tanong ko sa kaniya, mukhang hindi narinig ang tinanong ng doktor.

"Solano Ylaedi Encarquez Lizares."

Huh?

"Solano Ilyad?"

Talagang naisip niya ang ganoong pangalan?

"S-O-L-A-N-O Y-L-A-E-D-I. Solano Ylaedi. Solano Ilyad ang pagkaka-pronounce. The letters 'Y' 'E' and 'I' are silent. Matagal kong pinag-isipan 'yang pangalan n'ya. It's a combination of our names, tss."

"E, ba't parang galit ka? At saka pa'no naging combination 'yon ng name natin?"

Ano raw 'yon? Solano Ylaedi? Saan do'n pangalan ko? 'Yong pangalan n'ya? Ang sakit naman sa ulo nito, hindi ba puwedeng junior na lang? Edison Thomas E. Lizares, Jr., gano'n.

"Ay tanga, ang slow."

Lumingon ako kay Sia nang marinig ang sinabi niya. Sumimangot siya sa akin na hindi ko naman maintindihan kung bakit. Hindi ko naman talaga ma-gets ang sinabi ni Sonny, e. Paano nga naging combination 'yon ng name namin?

"Basta. I'll explain it to you the other time. Okay na ba sa 'yo 'yong Solano Ylaedi?"

"Oo, okay na, wala rin naman akong maisip dahil sa sobrang dami kong naiisip na pangalan para sa kaniya. Unless gusto mong gawing junior 'to, okay lang sa 'kin."

"Solano Ylaedi it is."

"Okay, if that's what you want, then that will be his name. Paki-process na lang, Engineer Sonny, ang tungkol sa name ng baby."

Nagpaalam naman din agad ang doktor at 'yong nurse na nagbilin ng iilang habilin sa amin, lalo na sa akin.

"Oy, picture kayong tatlo, ipapadala ko 'to kina Tita Helen at Tito Boyet, kailangan nilang makita 'to."

Nang makaalis ang doktor at nurse ay agad nag-aya si Sia na mag-picture-picture kami. Ang dami na rin niyang picture sa baby ko tapos nakikipag-selfie pa siya.

Pareho kaming ngumiti ni Sonny sa camera ni Sia. Nang matapos ang lahat, pinagtoonan ko muna ng pansin ang batang hanggang ngayon ay karga-karga ko pa rin.

"Hello baby Solano! Ako 'to, si Mama," mahinang sabi ko sa kaniya habang nakatitig lang sa kaniyang maliliit na mata.

Ang cute-cute talaga niya!

"Ikaw mag-decide kung anong magiging nickname n'ya." Narinig kong sabi ni Sonny.

Panandalian ko siyang tiningnan at agad din namang ibinalik ang tingin kay Solano.

May maliit na ngiti na sumilay sa akin nang maalala kung ano ang gusto kong itawag sa anak ko.

"Puwede ko ba siyang tawaging Aye? Ipinangako ko kasi sa Ate ko na kapag magkaka-anak ako, kukunin ko sa pangalan n'ya ang itatawag ko sa anak ko. Ang sabi kasi n'ya, Aye raw. Okay lang ba?"

"Okay. Aye. From now on, tatawagin na natin siyang Aye."

Napalingon na ako nang tuluyan kay Sonny at matagal bago ko inialis ang tingin sa kaniya. Sinsero akong napangiti.

"Salamat."

"Um, lalabas ulit ako, ha? Ano, isi-send ko lang 'tong picture kay Mama. Wala kasing signal dito sa loob, e."

At iniwan na naman kami ni Sia na dalawa. Napa-iling na lang ako dahil sa inaakto niyang hindi ko naman maintindihan. Masiyado na siyang weird. Hindi naman siya ganito dati.

"Can I carry him?"

"Oo naman!"

Ibinigay ko kay Sonny si Aye. Pinagmasdan ko ang bawat galaw niya at hindi ako makapaniwalang ang galing-galing niyang kumarga ng bata. Parang sanay na sanay na at praktisadong-praktisado pa. Makikita mo talagang buong pag-iingat ang ginagawa niyang pagkarga sa maliit na supling na ito.

Kinakausap niya ang bata. At parang hinahaplos ang puso kong makita siyang ganito. Ni-minsan sa buhay ko, hindi ko in-imagine na magiging ganito ang reaksiyon niya sa bata. Ni-minsan sa buhay ko, hindi ko naisip na may ganitong side pala si Sonny. Ang dami ko pa palang hindi alam sa kaniya at sa bawat araw na nadidiskubre ko 'yon, mas lalo akong nahuhulog. Sigurado ako ngayon, ang hirap nang bumangon sa pagkakahulog sa kaniya.

Isang marahang halik sa noo ang naramdaman ko makalipas ang ilang segundo. Napatitig ako sa kaniyang mga mata nang magtama ang tingin namin. Nagulat ako sa ginawa niya pero nanaig sa akin ang kapayapaan at kasiguraduhan.

"Thank you for giving me Aye. I'll do my best to provide him a life he needed and he deserve. I'll also do my best to be a father to him and to be a good boyfriend to you."

Ano raw?

"Eh? Boyfriend?"

Ang ganda na no'ng sinabi niya bakit biglang may boyfriend sa dulo? Nabingi ba ako?

"Oo, boyfriend. May anak na tayo so boyfriend mo na ako. At saka ikakasal na rin naman tayo. Dapat nga fiancee ang tawag ko sa 'yo."

Hoy! Anong kababoyan 'to?!

Matinding pagpipigil ang ginagawa ko ngayon dahil sa mga lumalabas sa bibig n'ya.

Pambihirang Lizares naman 'to, oo.

"Boyfriend agad? E, parang hindi ka naman nanligaw, a?"

"Edi manliligaw ako ngayon. Manliligaw kami ng anak mo ngayon sa 'yo. 'Di ba, Aye, manliligaw tayo kay Mommy? So, Mommy, please say yes na." At dinamay pa talaga niya ang bata sa mga trip n'ya sa buhay.

Ang sarap mong tirisin, Sonny! Kung 'di lang kita mahal, e.

"Ang dami mong alam. Tama na nga 'yan. Akin na 'yang baby, baka nagugutom na."

"Sumagot ka muna."

Inilayo niya pa sa akin ang bata nang akmang kukunin ko sa kaniya. Binilin kasi kanina ni Doc na kailangan ko raw i-brestfeed si Aye bago nila ibalik sa nursery room kung saan siya nanggaling kanina.

"Oo na, oo na. May magagawa pa ba ako?" Kinamayan ko siya na ibigay na niya sa akin si Aye.

"Parang napipilitan ka pa, a?"

"As if naman I can say no."

"You can always say no, Ayla, if you don't want to."

"Sumagot lang ako nang naaayon sa nararamdaman ko. Sige na, asikasuhin mo muna 'yong birth certificate ni Aye. Papadedehin ko lang siya."

Ibinigay niya sa akin si Aye at isang halik sa noo na naman ang ibinigay niya sa akin bago siya lumabas ng kuwarto.

Kaya habang pinapadede ko si Aye, kahit hindi ko alam at unang beses ko ito, naging inspirado ako. Para akong tanga na nakangiti sa kawalan at kinakausap ang anak ko sa kung anu-anong kagagahan ko sa Papa n'ya.

Anak ng baboy. Parang tanga.

Kung hindi lang siguro pumasok si Sia, baka nabuwang na ako kakangiti.

Kinuha no'ng nurse si Aye para raw ibalik sa nursery room. Ibinigay ko naman agad kasi kailangan na rin ni Aye matulog, halatang inaantok na ang anak ko.

"Tatawag daw mamaya sina Mama. Hinihintay pa kasi nila ang pagdating nina Tito Boyet kaya matatagalan pa," sabi ni Sia nang makaalis ang nurse.

"Okay. Pakita nga no'ng picture namin kanina."

May kinalikot siya sa phone niya at lumapit sa akin. Ibinigay niya ang phone n'ya at doon ko nakita ang picture naming tatlo kanina. First family picture.

Pero anak ng baboy! Anong nangyari sa akin?

"Hoy, Sia! Ganito ba mukha ko kanina?" Halos hysterical na tanong ko sa kaniya nang makita ang napaka-haggard kong pagmumukha sa picture. Isang malakas na tawa lang ang unang sinagot niya sa akin.

"Oo, girl, kanina pa. Actually nga, hanggang ngayon, ganiyan pa rin ang mukha mo. Pero keri lang, Aylana, sa paraan ng pagtingin ni Engineer Sonny kanina parang ikaw 'yong pinakamagandang nanganak sa buong mundo, e."

"Ewan ko sa 'yo, Sia."

Nanlulumo ako sa naging mukha ko pero wala na akong nagawa. Ang dami na palang nakakita sa ganitong estado ko, may magagawa pa ba ako?

Isang malaking blessing ang pagdating ni Aye sa buhay ko, sa buhay namin. Sobrang saya ko na makita siya matapos ang siyam na buwan na pagdadala sa kaniya.

After three days ay na-discharge na rin kami sa ospital at makakauwi na si Aye sa mansion ng mga Lizares dito sa Maynila. Sa loob ng tatlong araw na pananatili namin sa ospital, tanging si Siggy Lizares lang ang dumalaw sa mga Lizares. Nalungkot ako, siyempre, parang unti-unti kong naiisip na… baka hindi ako tanggap ng mga Lizares. Masakit man pero kailangang tanggapin. Naiintindihan ko rin naman na mga busy'ng tao ang mga Lizares at hindi sa amin, nor sa bagong silang na bata, umiikot ang mundo nila.

Pero okay lang, masaya naman kami ni Sonny. At saka masaya rin ang mga magulang ko nang malaman nilang nanganak na ako.

Ang importante kasi rito ay ang nararamdaman naming dalawa at ng bata. We may started odd but having this child changed our whole lives and connected us as one. Naging kaligayahan namin ni Sonny ang bata. Walang araw na hindi kami nakakapag-bonding dahil sa bata. Kahit araw-araw kaming puyat, nagagawa pa rin naming makapag-usap ng mga bagay-bagay at harapin ang bata na parang nakakatulog talaga kami ng walong oras sa isang araw.

'Yong dating bahay-bahayan na larong nilalaro ko, ngayon ay biglang nagkatotoo. Para kaming nagbabahay-bahayan ni Sonny. Pero this time, may sarili na kaming anak, si Aye Lizares, the light of our lives, the clear cloud to our stormy day.

Isang buwan matapos akong manganak, nagbalik-trabaho na si Sonny. Ayaw niya sana pero kailangan na raw ang tulong niya sa kompanya nila. Pinilit ko siya kasi kaya ko na namang alagaan ang bata, nand'yan naman si Ate Ivy para alalayan ako. Siya na rin pala ang kinuhang yaya ni Sonny, para raw hundred percent ng atensiyon niya ay mapupunta sa pagtulong sa akin at sa bata.

Sa loob ng isang buwan na iyon, nabisita na rin naman kami ng ibang Lizares. Pumunta sila rito ng Maynila, isang linggo matapos kong makalabas ng ospital. Natuwa naman sila. Wala rin naman akong ibang reklamo. Siguro nag-drama lang ako no'ng maisip kong baka hindi ako tanggap nila.

Hindi ko pa nga lang alam kung kailan kami makakabalik sa Negros. I can't imagine living here and letting my son grow in this kind of place. Gusto ko rin namang makita nina Nanay at Tatay ang apo nila. Through video calls namin, halatang sabik na sabik sila kay Aye.

Siguro saka ko sasabihin kay Sonny kapag nakabalik siya sa conference niya sa ibang bansa. Tatlong araw lang naman siyang mawawala, e.

Nilalaro ko si Aye nang biglang pumasok 'yong isang kasambahay ng mansion.

"Ma'am Ayla, may bisita po kayo."

Napatigil ako sa paglalaro kay Aye sa sinabi niya.

"Si Sia po ba 'yan, Ate? Kung siya, pakisabi na lang na dumiretso na lang dito. Puwede po?" Pagsusuyo ko kahit medyo nagtataka na rin.

Dumidiretso naman si Sia kung nasaan ako kapag pupunta 'yon dito, e. Masiyado na nga siyang feel at home sa tuwing bibisita siya.

"Hindi po si Miss Sia, Ma'am, e. Si Miss Callie Dela Rama, 'yong sikat na modelo, 'yong ex ni Sir Darry."

Callie Dela Rama? Isang modelo? Ex ni Sir Darry?

"Baka si Darry 'yong hinahanap n'ya?"

Taray, Ayla, wala nang honorifics, a? Dating boss mo kaya 'yan. Ano ka ba!

"Hindi raw, Ma'am, e. Ikaw daw talaga ang sadya."

"Sige, pakitawag na lang si Ate Ivy, Ate, pakibantayan muna si Aye."

Sumunod naman si Ate kaya habang naghihintay kay Ate Ivy, inayos ko ang sarili ko. Mukhang presentable naman ang mukha ko, okay na 'to.

Bumaba ako at naabutan ko siyang relax na relax na nakaupo sa sofa habang tumitingin-tingin pa sa magazine na hawak. May mga pagkain na rin sa harapan n'ya. Mukhang na-offer-an na siya ng merienda.

"Hi, Miss Callie."

Sobrang nahihiya na ako. Maka-ilang beses ko na siyang nakita sa personal pero namamangha pa rin talaga ako sa kagandahan n'ya.

Bakit kaya mas pinili ni Darry si MJ kesa kay Miss Callie? Pero sabagay, wala sanang ama ang anak ko ngayon kung hindi pinili ni Darry si MJ.

"Hola, Ayla! Nice to see you!" Agad siyang tumayo at lumapit sa akin para makipag-beso at yakapin ako.

Nakaka-intimidate, grabe!

"H-Hello…"

"I've heard nanganak ka na raw? Can I see Sonny's child?"

"S-Sige po, kukunin ko lang po."

Ito ba 'yong pinunta n'ya? At saka paano n'ya nalaman? May koneksiyon pa ba siya sa mga Lizares?

"Ipag-utos mo na lang 'yan sa mga maids."

Pagak akong ngumiti sa kaniya at hindi sinunod ang gusto n'yang mangyari. Malapit lang din naman ang kuwarto, bakit mag-uutos pa ako ng iba?

Nag-hi lang siya sa bata nang dalhin ko ito sa salas. Hindi man lang n'ya kinarga.

Ano bang trip n'ya sa buhay?

"Did Darry visit his pamangkin na ba?" Out of nowhere na naging tanong n'ya habang nagbi-baby talk sa bata.

"Hindi pa po. Mukhang busy po yata."

Balita ko, nasa Maynila lang daw sila ngayon ni MJ pero hindi ko na inalam kung bakit hindi man lang nakabisita si Darry dito. Hindi lang naman siya ang Lizares na hindi pa nakakabisita, pati si Tonton at Decart ay hindi pa.

"So, kung ganoon, edi puntahan natin siya. Si Aye ang bibisita sa Tito n'ya."

Gusto ko sanang tumanggi sa gusto n'yang mangyari kasi simula no'ng makalabas kami ng ospital, hindi pa nakakapag-travel ng malayo si Aye pero ang dami n'yang sinabi na unti-unti ay nagpa-convince sa akin na pumayag sa gusto n'ya.

Marami siyang tinawagan na kung sinu-sino hanggang sa makarating kami sa condo unit ni Darry.

Nang makita kami ni Darry, hindi ko ma-identify kung anong naging reaksiyon n'ya. Para siyang nagulat na nagtaka na nainis. Ewan. Basta, pinapasok n'ya pa rin kami sa loob.

Nang magsalita s'ya, doon ko nakumpirma na hindi n'ya gusto ang pagpunta namin dito. Taliwas ito sa sinabi ni Miss Callie na wala raw kay Darry ito at okay lang daw na bumisita kami.

Hindi ko alam kung anong trip sa buhay ni Miss Callie at hindi ko alam kung bakit nagpapadala ako sa trip n'ya.

Mas lalo akong nanlumo nang makita si MJ Osmeña sa loob ng bahay. Seryoso ang kaniyang mukha at nararamdaman ko ang tensiyon sa pagitan nila ni Darry. Mas lalo akong na-guilty sa pagpayag na sumama rito nang umalis si MJ dala ang kaniyang maleta. Ang sabi n'ya, aalis daw siya, babalik na ng Negros.

Wala akong maintindihan sa nangyayari pero ang gusto ko lang ay ang umuwi. Nakaka-guilty na makitang may dumaang sakit sa mga mata ni MJ, lalo na no'ng makita n'ya ang batang dala ko.

~