webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

T W E N T Y T W O

  Sheyi's POV

  Nagising ako kinabukasan na masakit ang ulo. Dahan dahan kong idinilat ang mga mata at ang unang tumambad sa aking paningin ay ang mukha ni Antony. Nakapikit ito at mahimbing parin ang tulog. Napangiti ako dahil ang cute nito kapag tulog ngunit biglang napabangon ng mapagtanto ang posisyon namin. Nakayakap ito sa akin habang ako naman ay nakaunan sa bisig niya.

Nanlalaki ang mga matang kinapa ko ang sarili. Kompleto naman ang damit ko. Pilit kong inalala ang mga nangyari kagabi at bukod sa pag-iyak ko ay wala na akong maalalang kahit ano. Pinakiramdaman ko ang sarili. Parang wala namang kakaiba at walang nagbago maliban sa pananakit ng ulo ko, marahil sa dami ng nainom ko kagabi.

Napalingon ako ng gumalaw si Antony at bumangon din hawak ang ulo. Lumilis ang kumot na nakabalot sa kanya at nakita kong wala siyang damit pang itaas. Napalingon siya sa akin at napangiti. Sisigaw na sana ako ng humalukipkip siya at nagsalita.

"Walang nangyari sa atin kaya wag kang mag-iskandalo," sabi nito bago tumayo at magtungo sa banyo. Inikot ko ang paningin sa paligid. Malamang ay nasa isang kwarto kami dito sa resort.

"Hindi ko gagawin sa iyo ang iniisip mo dahil iginagalang kita," sabi nito ng lumabas galing sa banyo.

"Eh bakit magkatabi tayo?," nagdududa paring tanong ko sa kanya.

"Hindi mo ba naalala? Lasing na lasing ka at hindi na makapaglakad. Sa kabilang dako pa ng resort ang room niyong mga babae, kung idadala pa kita doon, baka malaglag tayo pareho sa pool dahil ang likot mo," paliwanag niya. Wala akong maalala ni isa sa mga sinabi niya.

"Sigurado ka? Wala talagang nangyari sa atin?," nagdududa pa din na tanong ko. Lumapit siya at umupo sa tabi ko sabay gulo sa buhok ko.

"Gusto kita oo, pero kahit na ganon ang nararamdaman ko para sa iyo, hindi ko magagawang gawin sa iyo ang iniisip mo," seryosong turan nito. Nang matiyak na seryoso siya talaga ay napangiti ako at nagsorry sa pag-iisip ng masama sa kanya.

"Salamat ha," sabi ko habang nakatingin sa kanya.

"Salamat sa ginawa mo kagabi, kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko,"

"Wala iyon. Sabi ko naman sa iyo, handa kong pawiin ang sakit na nararamdaman mo," sabi niya habang nakatitig sa akin.

"Mahal kita She, kahit na iba ang laman ng puso mo, hindi maiaalis non ang nararamdaman ko para sa iyo,"

"Antony. . .," sambit ko habang nakatingin sa kanya. Ayokong saktan ang katulad niya.

"She, kahit iba ang mahal mo, ipapakita ko parin sa iyo kung gaano kita kagusto. Basta hayaan mo lang ako, hayaan mo lang akong mahalin ka, alam ko balang araw, makakalimutan mo din siya," seryosong turan nito.

"Sa ngayon,hayaan mo lang akong iparamdam sa iyo, handa akong masaktan, at kung sakaling siya padin, wag kang mag-alala dahil ako mismo ang mag-aabot ng kamay mo sa kanya,"

Dahil sa narinig ay niyakap ko siya at hindi na naman napigilan ang pag-iyak.

"Pero hindi niya ako mahal Antony, kahit na siya parin, hindi mo maiaabot ang kamay ko sa kanya dahil may mahal siyang iba," sambit ko.

"Kung ganon, hayaan mo akong burahin siya sa puso mo, basta payagan mo lang akong mahalin ka at hintaying mahalin mo din ako," sabi niya bago yumakap din sa akin. Ilang sandali akong umiyak sa mga bisig niya. Hindi ko maiwasang ma-guilty dahil heto ako, iniiyakan ang isang taong hindi ako ang gusto habang yakap ako ng taong mahal ako at handang masaktan para sa akin.

Baka si Antony talaga ang para sa akin. Handa siyang maghintay at masaktan para lang sakin na hindi kayang gawin ni Cj.

Bakit hindi mo siya bigyan ng pagkakataon?

Sabi ng isip ko sa akin.

Ayoko siyang saktan. Ayokong gamitin ang nararamdaman niya upang makalimot.

"Sorry ha? Ilang beses na kitang ginagawang tissue," sambit ko matapos bumitaw sa pagkakayakap sa kanya.

"Ang bait mo sa akin,hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan,"

"Kahit gawin mo pa akong basahan ayos lang sa akin," nakangiting turan niya bago pahidin ang luha sa aking mga pisngi. Napangiti din ako dahil sa sinabi niya.

"Sa ngayon, kailangan mo ng ayusin ang sarili mo para makalabas na tayo dahil malamang ay hinahanap na nila tayo,"

"Wait? San nga pala natulog iyong dalawa?," tanong ko ng maalala sila Arlyn at Lorraine.

"Hindi ko alam," kibit balikat na sagot niya sa akin. Nang marinig iyon ay hindi na ako nag-abala pang ayusin ang sarili at dali-dali akong lumabas ng kwarto para hanapin ang dalawa kong kaibigan na alam kong sa mga oras na ito ay napariwara na.

"Unahin natin ang kwarto ni Michael," suhestyon ni Antony habang nakasunod sa akin. Pinauna ko siya dahil siya ang nakakaalam kung saan ang kwarto ni Michael.

Nang nasa tapat na kami ng pinto ay kakatok palang sana ako ng biglang bumukas na ito at iniluwa si Arlyn na halatang kagigising lang.

"Oh nanjan pala kayo?," sabi nito ng makita kami ni Antony.

"Hahanapin na sana kita eh,"

"Asan si Lorraine?," tanong ko sa kanya habang sumisilip sa loob ng kwarto. Nakita ko si Michael na kalalabas lamang ng banyo. Malapad ang ngiting kumaway ito sa akin. Alanganin akong napangiti dahil hindi ko mapigilan ang isip na isipin ang mga posibleng bagay na nangyari sa pagitan nila ni Arlyn. Marahan kong ipinilig ang ulo at muling tumingin kay Arlyn.

"Hindi mo ba kasama si Lorraine?," muling tanong ko.

"Akala ko kayo ang magkasama," sagot naman niya sa akin. Napailing ako at napasapo nalang sa sariling noo. Hindi sana ako uminom ng marami kagabi! Paninisi ko sa sarili dahil ngayon ay hindi namin alam kung nasaan si Lorraine.

"Saan ba ang kwarto ni Richard?," baling ko kay Antony.

"Hindi ko alam eh," sagot naman nito.

"Pero pwede nating itanong kung saan,"

"Sige tara," sambit ko sabay hatak sa kanya. Sumunod din si Michael at Arlyn sa amin. Nang malapit na kami sa front desk ng makasalubong namin si Cj. Saglit itong natigilan ng makita kami at bumaba ang tingin sa kamay kong nakahawak kay Antony. Ilang saglit pa ay lumapit sa kanya si Ma'am Ana at umabresyete ito sa kanya. Nag-iwas ako ng paningin ng makitang nilingon niya ito at magiliw na nginitian. Sila na siguro ulit. Good for them.

Naramdaman kong inalis ni Antony ang kamay ko mula sa magkakahawak sa braso niya at inilipat sa mga palad niya. Nilingon ko siya,nginitian niya ako bago mahinang bumulong ng ayos lang iyan. Ginantihan ko siya ng ngiti, pinisil niya ang kamay kong hawak niya. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko, atleast hindi ako magiging kawawa sa paningin nila.

"Nakita nyo ba si Lorraine?," maya-maya ay tanong ni Michael sa kanilang dalawa.

"Nakita ko siya sa garden," maikling sagot ni Ma'am Ana. Tinitigan ko sila ni Cj habang sa iba sila nakatingin. Bagay nga sila talaga. Nag-iwas muli ako ng paningin ng lumingon si Cj sa gawi namin.

"Ganon ba, sige salamat," kaswal na sabi ni Michael bago hatakin si Arlyn patungo sa garden. Tahimik lamang kami ni Antony na sumunod sa kanila. Pinigilan ko ang sarili na muli silang lingunin dahil tiyak na masasaktan lamang ako.

Katulad nga ng sinabi ni Ma'am Ana ay sa garden nga namin nahanap si Lorraine. Nakaupo ito sa isang bench doon habang may hawak na kape.

Nang makalapit kami ay nakatanggap kami ng malakas na pitik sa noo mula sa kanya. Mag-isa daw siyang natulog sa kwarto dahil nalaman daw niyang bakla si Richard.

Ilang sandali muna namin siyang pinagtawanan bago magpaalam sa mga lalaki na babalik na muna kami sa kwarto namin para ayusin ang aming mga gamit para sa aming pag-uwi. Nagpresinta si Michael na ihahatid daw kami at pumayag naman kami dahil wala din naman kaming sasakyan pauwi dahil may inihatid ang van na sinakyan namin kahapon.

"Hoy babae, sabihin mo nga, may nangyari ba sa inyo ni Michael?," sita ko kay Arlyn dahilan para mapatigil siya sa kanyang ginagawang pag-aayos ng sariling gamit. Tumingin siya sa akin bago humalukipkip.

"Ako dapat ang nagtatanong sa iyo niyan She. May nangyari ba sa inyo ni Antony?," balik tanong niya sa akin.

"Hay sana all may ginawa kagabi," bulong naman ni Lorraine bago dugtungan ng:

"Nako Arlyn, pwede ba sagutin mo nalang ang tanong ni She?," sabi niya habang patuloy na nag-aayos ng gamit.

"Alam naman nating pareho na hindi si Antony ang gusto ni She kaya malabong mangyari ang iniisip mo,"

Dahil dito ay saglit na natigilan si Arlyn. Napailing ako dahil kahit hindi na niya sagutin pa ang tanong ko ay alam ko na kung ano ang sagot.

"Actually, kami na ni Michael," pag-amin niya sa amin at sa pagkakataon na ito ay kami naman ni Lorraine ang natigilan. Nang mapagtanto ang sinabi niya ay agad ko siyang nilapitan at masayang niyakap.

"Sabi ko na eh!," masayang sambit ko kasabay ang pagbuntong hininga ni Lorraine kaya naman napalingon kami sa kanya.

"Oh bakit?," takang tanong ko.

"Naisip ko lang, bakit lahat ng nagugustuhan ko may problema," sagot niya. Nilapitan namin siya at saka niyakap.

"Alam mo Lorraine, makakahanap kadin ng tao na nakatadhana para sa iyo," sabi ko bago pitikin ang noo niya.

"Wag kasi mata ang paganahin. Basta kasi pogi gusto mo na agad,"

"Paano ba maging kagaya mo?," tanong niya na ipinagtaka ko naman.

"Paano mo natitiis ang sakit?,"

"Immune na ako eh," sagot ko naman sabay tawa.

"Saka, mas maganda kung hindi mo ako gagayahin,"

Muli akong bumalik sa ginagawang pag-aayos ng gamit at ganun din sila.

"Bakit kasi hindi mo bigyan ng pagkakataon si Antony?," tanong ni Lorraine maya-maya.

"Oo nga,mabait naman 'yung tao at halatang gustong-gusto ka," dagdag ni Arlyn.

Sa totoo lang, gusto ko sanang bigyan siya ng pagkakataon pero natatakot ako na baka masaktan ko lang siya. Alam ko kung gaano kasakit ang bigyan ka ng pag-asa ng taong mahal mo pero sa bandang huli ay wala naman talaga.

"Alam nyo, gusto ko sana, kaso ayoko siyang saktan," pag-amin ko sa kanila.

"Malay mo siya na pala ang matagal mo ng hinihintay?," muling turan ni Arlyn. Napabuntong hininga ako bago tapusin ang ginagawa. Hindi ko na sinagot ang sinabi ni Arlyn. Ilang minuto pa ang lumipas bago kumatok si Michael at sabihin na aalis na kami.

Sa bahay ni Arlyn kami lahat bumaba pati narin si Lorraine kahit na mauunang daanan ang bahay niya.

Ibinilin sa amin ni Michael na agahan namin ang pagpasok bukas dahil ipapakilala na daw ni Mr. Chen ang anak nito na siyang papalit dito sa pamamahala sa restaurant at sa iba pa nitong business.

Nakipagkwentuhan muna ako sa dalawa bago umuwi. Nang makauwi ay hindi ako nakatulog ng maayos dahil sa mga bagay na bumabagabag sa utak ko.

***