webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

T W E N T Y S I X

Sheyi's POV

Pagkaalis ni Antony ay muli akong nagkulong sa kwarto. Hindi kasi mawaglit sa isipan ko ang lungkot na nakita ko sa mga mata niya. Mukhang naipaparanas ko din sa kanya ang sakit na ayoko nang maranasan.

Napabuntong hininga ako bago tumitig sa kisame.

Bakit ba kasi pinipilit nating mahalin ang taong hindi naman tayo mahal at pilit na itinataboy ang mga taong mahal tayo? Bakit ba sobrang komplikado ng pag-ibig?

Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatitig lang sa kisame at ang tanging iniisip ay ang mga tanong na bakit ng biglang tumunog ang cellphone ko. Agad ko iyong kinuha mula sa mga patungan ko ng gamit. Si Arlyn ang tumatawag kaya agad kong sinagot. Nilingon ko ang orasan at nakitang ilang oras pa bago ang uwian nila. Ilang minuto ko din siyang kausap bago niya ibaba ang tawag. Tinatanong niya sa akin kung ano talaga ang nangyari kahapon, ayoko sanang sabihin sa kanila kaso sinabi niyang kung ano man daw iyon ay tiyak na iyon ang dahilan ng pag-aaway nila Antony at Cj. Sinabi ko sa kanya na pumunta siya dito mamaya pagkauwi niya at ikukwento ko lahat.

Napabuntong hininga ako bago bumalik sa pagkakahiga. Ano ba itong mga nangyayari? Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin. Sinubukan ko namang ibaling kay Antony ang pagmamahal ko pero hindi ko magawa. Hindi ko alam kung pinaparusahan ba ako ng langit. Nasasaktan ako dahil minamahal ko ang taong hindi ako mahal. Nasasaktan ako dahil nasasaktan ko ang taong nagmamahal sa akin.

Argh!!

Napalamukos ako sa aking mukha bago huminga ng malalim. Siguro nga ay mali ang desisyon kong bigyan si Antony ng pagkakataon. Sana'y una palang ay sinabi ko na sa kanya. Sana ngayon ay hindi siya nasasaktan. Dapat ay ginawa ko ang bagay na hindi nagawa sa akin ni Cj. Dapat hindi ko binigyan ng pag-asa si Antony, dapat nilinaw ko sa kanya ang lahat. Kung nagawa ko lamang iyon ay baka hindi siya nasasaktan ngayon.

Hindi ko na alam kung anong gagawin!!

Dahil sa sobrang pag-iisip ay hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Nagising lamang ako ng tawagin ako ni Danica dahil dumating daw si Arlyn at si Lorraine. Agad akong bumango at lumabas upang puntahan sila.

"Girl ano bang nangyari? Bakit ililipat ka?," tanong ni Lorraine ng matapos ko silang kuhanan ng maiinom.

Napasimangot ako dahil hindi ko na din maintindihan ang mga nangyayari.

"Tapos nag-away pa si Antony saka si Cj," sabi naman ni Arlyn.

"Ano ba kasing dahilan ng pag-uwi mo kahapon? 'Galit na galit gustong manakit' ang mood ni Antony kanina,"

Napabuntong hininga ako bago magsimulang magkwento. Kinuwento ko lahat sa kanila ang mga nangyari kahapon.

"Sabihin mo nga kung sino 'yung mga punyetang 'yon?," gigil na sabi ni Arlyn ng marinig ang lahat. Napailing ako. Heto na naman po kami.

"Grabe, ano kayang trip ni Cj at umaarte ng ganon?," takang tanong naman ni Lorraine.

"Hindi ko din alam," sagot ko matapos ang isang mahabang buntong hininga.

"Siguro mas magandang lumipat nalang ako sa resort katulad ng sinabi ni Antony,"

"Paano na iyan, hindi ka na namin makikita?," malungkot na tanong ni Lorraine. Pinitik ko siya sa noo dahil sa pagiging oa niya.

"Magkaka- barangay lang tayo," sabi ko sa kanya.

"Pwede ko kayong puntahan kahit kailan ko gustuhin,"

Nagkwentuhan lamang kami hanggang sa sumapit ang hapunan. Sinabi kong dito na sila kumain dahil maraming natira kanina sa mga niluto ni Antony. Syempre ginanahan na naman si Lorraine. Panay ang sabi niya na masarap daw magluto si Antony. Ang swerte ko daw kasi nakakainlove ang mga lalaking magaling magluto.

Nakaramdam na naman ako ng lungkot dahil sa narinig. Hindi ko na kasi alam kung ipagpapatuloy ko pa ang relasyon ko kay Antony. Lumalabas kasi na niloloko ko lang siya at ang sarili ko. Gusto kong ibaling sa kanya ang nararamdaman ko pero ang hirap.

Sinubukan ko munang iwaksi ang mga iyon sa utak ko at itinuon na lang ang atensyon sa pagtatalo ni Arlyn at Lorraine. Pinipilit kasi ni Lorraine na mas magaling si Antony kaysa kay Michael. Ayaw namang magpaawat ni Arlyn, syempre boyfriend niya iyon at dapat niyang ipagtanggol. Sila Mama at Papa ay napapailing na lamang, sanay na kasi sila sa ganitong sitwasyon. Ang mga kapatid ko naman ay tuwang tuwa sa nakikita. Pagkatapos kumain ay nagpaalam na din sila dahil gabi na din. Sinabi kong tatawag ako sa kanila kapag nasa resort na ako bukas at kung may problema ay tiyak na ipapaalam ko sa kanila.

Naghugas ako ng mga pinggan bago pumasok sa kwarto para maglinis at maghanda na sa pagtulog. Kalalabas ko lamang ng banyo ng tumunog ang cellphone ko. Si Antony ang tumatawag. Hindi ko alam kung anong oras kami natapos mag-usap dahil nakatulugan ko ang tawag niya.

~~

Naging maayos naman ang unang linggo ko sa resort. Mababait ang mga naging katrabaho ko doon at naging kaibigan ko din si Richard. Iyong gwapong head ng security na medyo bading. Masaya naman siya kausap at kapag ako ang kaharap niya ay naipapakita niya ang totoong siya. Saka sinabi din niya na ihingi siya ng sorry kay Lorraine dahil na-misinterpret nito ang totoong pakay niya sa amin, which is pagiging kaibigan.

Hatid sundo parin ako ni Antony at paminsan-minsan ay kumakain sa labas pero madalas ay sa bahay kami naghahapunan at siya ang nagluluto.

Nitong mga nakaraang araw ay abala kami sa pag-dedecor ng buong resort dahil malapit na ang pasko kaya doble ang pagod ko pagdating ng hapon.

"Hoy ano? Wala ka pa bang nararamdaman kay Antony?," tanong ni Lorraine. Kasalukuyan kaming nagpapahangin sa likod ng bahay nila. Marami kasing puno dito sa kanila. Pare-pareho naming day-off ngayon kaya sama-sama na naman kami. Nagpaalam kani-kanina lang si Arlyn na bibili daw ng makakain kaya kami lang ni Lorraine ang magkausap ngayon.

Iling lamang ang isinagot ko sa kanya. Hindi ko kasi alam kung paano ko sasabihin na wala. Ayokong bigkasin kasi nalulungkot ako. Ilang beses kong sinubukang putulin na ang relasyon namin at sabihin sa kanya kaya lang ay hindi ko magawa dahil kapag magkasama kami ay ang saya-saya niya. Batid ko ding nararamdaman niya ang gusto kong sabihin dahil tuwing tititigan ko siya sa mata at mag-uumpisa ng magsalita ay agad niya akong niyayakap at sinasabing masaya siya kahit hindi pareho ang nararamdaman namin kaya nawawalan na ako ng lakas ng loob na sabihin pa.

"She, sa tingin ko kailangan niyang malaman na wala talaga siyang hinihintay," malungkot na pahayag sa akin ni Lorraine.

"Alam ko iyon pero sa tuwing sasabihin ko na sa kanya, niyayakap niya ako at sinasabing masaya siya kahit iba ang laman ng puso ko hanggat kasama niya ako," sambit ko sa kanya. Siya naman ang napabuntong hininga.

"Kaya ano? Pasasayahin mo siya sa isang kasinungalingan?,"

Napayuko ako dahil sa narinig. Naramdaman kong lumapit siya sa akin. Niyakap niya ako bago muling magsalita.

"Pasensya kana She ha, pero sa tingin ko kasi hindi lang ikaw ang nasasaktan,"

Napapikit ako ng mariin. Tama siya, kailangan ko ding ikunsidera ang mga tao sa paligid ko.

***