webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

T W E N T Y S E V E N

  Sheyi's POV

Ilang beses kong sinubukan na sabihin kay Antony ngunit katulad ng dati ay ganon parin. Inuunahan niya ako kaya nawawalan na ako ng pagkakataong sabihin sa kanya. Gusto kong maging masaya siya sa piling ng taong mahal din siya at makahanap din ng taong totoo ang nararamdaman para sa kanya. Ayoko na siyang saktan.

Mabilis na lumipas ang mga araw at ganoon parin ang routine namin. Susunduin ako sa umaga at ihahatid sa hapon. Kakain sa labas at maglilibot. Palagi parin siyang may surpresa sa akin. Sabi nga ng iba perfect couple kami, pero hindi nila alam ay pareho lamang naming niloloko ang sarili. Gusto kong totohanin ang nararamdaman ko sa kanya pero wala eh. Siguro, ginawa ng Diyos ang puso ko para tumibok lamang kay Cj at masaktan ng dahil din kay Cj. Sa isang banda,magkapareho lamang kami ni Antony,pareho kaming nagmamahal ng taong hindi kami mahal. Ang gulo. Ang sakit.

Matagal ko na ding hindi nakikita si Cj at aminado akong namimiss ko siya. Kaya naman ng malaman kong kasabay ng Christmas party namin ang sa kanila ay aaminin kong na-excite ako dahil makikita ko na siya.

Sa resort gaganapin ang Christmas party kaya abala na naman kami sa pag-aayos dahil ilang araw nalang ay Christmas party na.

Isang araw bago ang party ay binigyan ako ni Antony ng damit na isusuot. Isang mamahaling dress na kulay abo at high heels. Ayoko sanang tanggapin ngunit sabi niya ay regalo daw niya iyon sa akin.

Nang sumapit ang araw ng Christmas party ay napagpasyahan namin na kila Lorraine nalang gumayak kaya tanghali pa lamang ay nandoon na kami ni Arlyn. Mga bandang alas sais ang umpisa ng party kaya naman maaga kaming gumayak dahil pare-pareho kaming makukupad kumilos.

"Okay, konting blush nalang at yan," sabi ni Lorraine bago ako iharap sa salamin. Ayoko sanang mag-ayos pero mapilit sila ni Arlyn.

Ilang beses akong napakurap dahil sa sariling itsura. Ipinusod nila ng mataas ang buhok ko at ginamitan ng mga hair pins upang hindi matanggal sa pagkakapalupot nito.

Hindi masyadong makapal ang makeup na inilagay sa akin ni Lorraine. Simple at natural.Gusto ko din ang shade ng lipstick na ginamit niya sa labi ko. Light colors lamang. Simpleng dress lang din ang suot ko na hanggang tuhod. Hapit ito kaya naman kita ang kaunting fats ko sa katawan. Hindi kasi ako mahilig magehersisyo kaya pinagtatawanan nila ako kanina, mabuti nalang at nagawan ng paraan ni Lorraine. May ipinasuot siya sa akin na mahigpit na damit bago ang dress kaya kumorba ng kaunti ang bewang ko.

"Oh girl, ito ang isuot mo, babagay 'to jan sa damit mo," sabi naman ni Arlyn bago iabot sa akin ang mga accessories na regalo ni Antony. Siya ang pumili dahil ayon sa kanya ay wala daw akong kaalam-alam sa mga ganoong bagay. Nang maisuot ko na ang lahat ng accessories na ibinigay ni Arlyn ay napagpasyaha kong umupo muna sa kama ni Lorraine habang ito naman ang nag-aayos ng sarili.

Ilang sandali pa ay nakarinig na kami ng busina sa labas. Nang silipin namin ay nakita namin na dalawang kotse ang nakaparada sa labas. Malamang ay si Michael at Antony na iyon. Sinabi namin kay Lorraine na sa baba na lamang namin siya hihintayin.

Magkasunod kami ni Arlyn na bumaba upang salubungin ang dalawa sa labas.

Nang makita ako ni Antony ay agad na nagliwanag ang mukha nito. Mas lalo itong gumwapo sa suot niyang navy blue na suit.

Habang palapit ako ay hindi niya iniaalis sa akin ang mga mata.

"You look gorgeous," nakangiting turan niya. Ganito din kaya ang sasabihin ni Cj kapag nakita niya ako?

Napailing ako dahil sa naisip. Si Antony ang kaharap mo pero si Cj ang nasa utak mo?

Sita ko sa sarili. Tinignan ko siya at nginitian.

"Salamat," tipid na sambit ko. Iginiya niya ako hanggang sa passenger seat bago buksan ang pinto at alalayan ako hanggang sa makapasok. Ganito siya palagi,sobrang gentleman. Nakakaramdam na naman tuloy ako ng guilt dahil sa naiisip ko kanina.

Sinabi niya sa akin na mauuna na daw kami dahil sila Michael at Arlyn na ang magsasabay kay Lorraine.

Pagdating namin ay inalalayan na naman niya akong muli sa aking pagbaba ng kotse hanggang sa makasapok kami sa function hall.

Marami na ang mga tao at pawang naka-formal attire ang mga ito pati na din ang dati kong kasamahan sa restaurant.

Iniikot ko ang paningin sa paligid at napansin na karamihan ay nakatingin sa amin ni Antony at nagbubulungan. Ang iba ay bumabati at ngumingiti ngunit may iba namang pasimpleng umiingos sa amin. Hindi ko nalang iyon pinansin, ginantihan ko na lamang ng bati at ngiti ang mga bumabati din sa amin.

Iginiya ako ni Antony sa isang table at iniwanan sandali dahil may aasikasuhin lamang daw siya. Ilang sandali pa ay dumating na din sila Lorraine, Arlyn at Michael. Nang makita nila kung saan ako nakaupo ay agad nila akong nilapitan. Agad namang nakita ni Lorraine ang buffet table kaya naman hinatak niya ako patayo para kumuha ng pagkain.

"Ano kaba, itigil mo na nga ang paglinga-linga mo dyan," sabi niya habang patuloy lamang sa pagkuha ng pagkain.

"Napaghahalataan kang hinanap mo sa paligid si Cj,"

Napabuntong hininga nalang ako dahil tama siya. Hindi ko mapigilan ang sarili na hanapin si Cj. Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagkuha ng makakain. Nang matapos ay muli kaming bumalik sa table at naabutang nagkukwentuhan si Arlyn at Michael.

"Hindi ba kayo kukuha ng pagkain?," tanong ni Lorraine sa kanila.

"Mamaya nalang, hindi pa naman kami gutom," sagot ni Arlyn.

"She, nasaan nga pala si Antony?," tanong naman ni Michael habang nagpapalinga-linga.

"Umalis siya kanina eh, may aasikasuhin lang daw," sagot ko bago sumubo. Napatango lang siya at muling ibinalik kay Arlyn ang atensyon.

"Good evening everyone," napalingon kaming lahat sa mini stage at doon ay nakita namin si Jackielou, ang emcee ngayong gabi. Inanunsyo niya ang mga activities na gagawin namin ngayon. May singing contest at dance contest pa na binanggit. Nang matapos siyang ianunsyo lahat ay sinumulan na ang mga palaro. Sa gitna ay may espasyo para sa mga palaro kaya naman hindi na kailangang igilid ang ibang lamesa dahil maluwang naman ang funtion hall.

Tawang tawa kami kay Michael dahil sumali siya sa hanapan ng coins sa palangganang puno ng harina. Mukha tuloy siyang espasol. Ilang sandali pa ay nakita kong palapit na sa amin si Antony.

"Okay next game is for couples only," sabi ng emcee.

"Pwede din sa single, humanap kayo ng kapares,"

Napalingon kaming lahat kay Lorraine na umismid ito.

"What?," taas ang isang kilay na tanong nito sa amin.

"Kailangan ipamukha na single kami?,"

Napatawa nalang ako bago lingunin si Antony para tanungin ito kung saan nagpunta. May inayos lang daw siya sa mga pa-raffle mamaya. Nagulat ako ng bigla niyang hinatak ang kamay ko patungo sa mga couples na kasali sa next game.

"Ayokong sumali!," pigil ko sa kanya pero ayaw niya akong pakawalan kaya napilitan ako. Sumali din sila Arlyn at Michael. Naiwan namang nakasimangot si Lorraine sa table namin.

"Okay, listen up. I will tell you the mechanics of the game," muling sambit ng emcee.

"Bibigyan ko kayo ng newspaper, bawat isang pares. So, una ilalatag niyo ang news paper then tatapak kayo pareho. Itutupi then tapak ulit kayo,hanggang sa maliit na tupi na. Ang lalagpas ang paa ay out, okay? Nasa inyo ang diskarte kung paano kayo kakasya. Mag acrobat kayo kung gusto ninyo," paliwanag nito.

"Mukhang madali lang naman," nakangiting sambit ni Antony sabay lingon sa akin. Napailing na lang ako dahil daig pa niya ang isang excited na bata. Sinimulan ng ipamigay ang newspaper at ng masigurong lahat ay mayroon na ay sinimulan na ang laro. Sa unang round ay walang naalis dahil malapad parin naman ang tatapakan na dyaryo. Pangalawang tupi, still, wala paring out hanggang sa pang-apat na. Halos kalahati ng mga kasali ay natanggal dahil maliit na ang dyaryo at ang tanging paraan lamang upang mapanatili ang paa sa dito ay ang idikit ang katawan sa kapareha.

Nakahawak si Antony sa bewang ko at parehong iisang paa lamang ang nakaapak sa dyaryo. Tawa kami ng tawa dahil sa posisyon namin. Sa palagay ko ay sampong pares nalang kami na natitira. Nang matapos ang bilang ay agad akong tumayo ng maayos dahil nakakangawit ang ganoong pwesto. Nang itupi ulit ang dyaryo ay halos kasing laki na lamang ito ng notebook. Isang paa na lamang ang kakasya. Agad naman akong nakaisip ng paraan. Hinubad ko ang suot kong heels at itinapak sa paa ni Antony ang isang paa.

"Nice, ang galing mag-isip," sabi niya sa akin habang nakahawak ulit sa bewang ko para hindi ako matumba. At ako naman ay nakawak sa braso niya upang ibalanse ang sarili. Nang matapos ang bilang ay marami ang natanggal, tatlong pares na lamang kami at ganon na lamang ang gulat ko ng makita kung sino ang kasama sa tatlong pares na natira. Si Cj at si Ma'am Ana. Hanggang tenga ang ngiti ni Ma'am Ana habang kausap niya si Cj at hindi din maikakaila ang ngiti ni Cj sa labi. Malamang ay hindi pa nila kami napapansin. Masakit parin na makitang magkasama sila kahit ilang beses kong isaksak sa kukote na wala na akong pakialam.

Nang ibalik ko kay Antony ang tingin ay seryoso siyang nakatingin lang din sa akin. Automatic akong napayuko dahil alam kong nakita niya ang pagsulyap ko kila Cj.

Muling itinupi ni Antony ang dyaryo na ngayon ay imposible na ding tapakan kahit ng isang paa dahil ang sukat nito ay kalahati nalang sa sukat ng isang notebook. Walang sabi-sabing binuhat niya ako, bridal style, bago tumuntong sa dyaryo. Nang matapos ang count down ay dalawa na lamang kaming pares na natira. Napansin ko ang matatalim na palitan ng tingin ni Antony at ni Cj. Ang kaninang tuwa na nararamdaman ko noong nag-uumpisa pa lamang ang laro ay napalitan ngayon ng kaba at pagkailang. At ng lungkot.

Kasing laki ng 1/4 na papel ang dyaryo. Binuhat ako ulit ni Antony at patingkayad na tumapak sa dyaryo. Nang matapos ang count down ay natuwa ako dahil kami ni Antony ang panalo. Pagkaabot sa akin ni Antony ng prize na isang basket na chocolates ay hinatak na niya ako pabalik sa table namin.

"Grabe, close fight 'yon ah," bulong naman ni Lorraine sa akin. Siniko ko siya kaya lang natigil sa sasabihin pa sana.

Ilang laro pa ang natapos at halos lahat ay sinalihan ni Lorraine. Natatawa nalang kami habang pinapanuod siya dahil ang malas-malas niya. Maya-maya pa ay inanunsyo na ang susunod na laro, kailangang kasali lahat ng mga empleyado kaya napilitan na naman akong tumayo.

The boat is sinking ang lalaruin namin at lahat ay kasali. Pati si Antony ay kasali din.

"Okay,let's start the game," sambit ng emcee ng matiyak na lahat ay nasa espasyo na sa gitna.

"The boat is sinking, group yourself into 10,"

Hawak ako sa kamay ni Antony habang naglalaro. Kasama namin si Arlyn Michael at Lorraine sa grupo. Kulang pa kami ng tatlo pero agad din kaming nakumpleto dahil bigla nalang nanghihila si Arlyn at Lorraine ng iba pang manlalaro. May ilang natanggal kabilang na si Richard, dahil nang siya ang mahila ni Arlyn ay itinulak ito ulit palayo ni Lorraine.

Okay, namemersonal si Lorraine.

"Okay guys, maglayo-layo na muna kayo. Ngayon ay lalagyan naman natin ng twist," muling turan ng emcee kaya lahat ng atensyon ay nasa kanya.

"Now,the boat is sinking,group yourself into 7,ang mga girls ay kailangang nakapost,sexy pose at ang mga boys ay naka-wacky,"

Napairap ako dahil sa sinabi ng emcee pero nakaka-enjoy din naman. Hindi binibitawan ni Antony ang kamay ko hanggang sa makabuo kaming muli ng grupo. Salamat sa dalawang berat dahil nanghahablot talaga sila. Bago matapos ang countdown ay naka pose na kaming lahat. Nakahawak ako sa bewang ko at ang dalawa naman ay kinareer masyado,si Lorraine ay naka-point ang isang paa at nakahawak sa bewang, naka-tilt ng bahagya ang mukha nito na akala mo isang fashion star, habang si Arlyn naman ay ginamit ang ngayo'y naka-wacky na si Michael sa sexy pose na ginawa. Nakadantay ang kamay nito sa balikat ni Michael habang ang isang kamay ay nakahawak sa bewang at nakaekis ang paa. Tawang-tawa ako sa kanila ngunit ng malingon sa iba pang grupo ay napalis ang ngiti ko dahil nakita ko si Cj at si Ma'am Ana. Nakahawak si Cj sa bewang nito habang naka-wacky at si Ma'am Ana naman ay chest out at taas noo habang ang isang paa nito ay naka-point dahilan upang lumitaw sa slit ng suot nito ang maputing hita. Agad kong ibinaling ang tingin sa iba.

At napansin kong maraming natanggal.

"Okay guys,kaya natin hanggang dulo, basta dapat hindi tayo maghiwa-hiwalay," seryosong sambit ni Lorraine ng biglang tumunog ang cellphone ni Antony. Napalingon siya dito ng nakakunot ang noo.

"Ano ka ba naman,mamaya na iyan,nagmi-meeting tayo,"

Napailing lang si Antony bago magpaalam na sasagutin lamang ang tawag sa kanya. Lumayo ito at nakipag-usap muna sa kabilang linya.

"The boat is sinking group yourself into 3,"

At dahil malayo ako sa tatlo ay nawala ako sa grupo nila. Mga walangya. Sinigawan ako ni Lorraine na humanap ng kagrupo. Napairap ako at akmang lalakad na ng biglang may humablot sa akin.

Napatulala ako ng makita kung sino iyon. Aalis na sana ako at hahanap ng ibang grupo ng matapos ang countdown.

"Nako mas nagiging masaya na ata ang larong ito," masayang sambit ng emcee habang iniisa-isang tignan at mga grupo.

"Okay, ang twist ay, buhatin ang mga babae,"

Napatingin ako kila Cj. Handa na naman si Ma'am Ana na idaiti ang sarili kay Cj. Lihim akong napaismid bago tanggalin ang kamay ni Cj sa pagkakahawak sa braso ko. Nasabi sa rules ng game na kapag lumayo sa grupo ay automatically tanggal na ang grupo na iyon, kaya pasimple akong lumayo at nang makita ako ng emcee ay sinabi niyang tanggal na ako pati na din sila Cj kaya nakahinga ako ng maluwag. Bumalik ako sa table namin at naupo. Pinilit ko ang sarili na ituon lamang kila Arlyn ang paningin. Kasalukuyan silang nag-iisip ng paraan kung paano bubuhatin ni Michael ang dalawang bugak.

Hindi ko napigil ang tawa ng makita ang plano nila. Si Arlyn ay nakaukyabit kay Michael sa harapan nito habang si Lorraine naman ay sa likuran nito nakaukyabit.

"Mukhang nag-eenjoy ka," napalingon ako at nakitang papaupo na si Antony sa tabi ko. Tumango ako at saka itinuro ang tatlo, nang makita din niya ay napatawa din siya.

Lalo kaming napatawa ng matanggal si Lorraine sa laro at nang makita namin ang itsura nito. Bumalik siya sa table at halata sa mukha ang inis.

"Pwede namang si Michael ang itapon mo," sita niya sa dalawa ng makabalik na din sa table namin.

"Lorraine, alam mo naman na boyfriend ko siya hindi ba?," napapailing na sagot naman ni Arlyn.

"Kaibigan mo ako!," masama ang loob na sambit parin ni Lorraine.

Tinawanan lang namin siya at nanuod na lamang ng mga palaro.

***