webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

T W E N T Y N I N E

   Sheyi's POV

     Hindi ko na alam kung ano ang mas masakit, ang magmahal ng taong hindi ka mahal o ang nakikitang nasasaktan ang taong nagmamahal sayo dahil iba ang mahal mo.

   Naiparamdam ko kay Antony ang sakit na kinatatakutan ko. Nasaktan ko siya, alam ko iyon. Pero mas makabubuti kung masasaktan siya dahil sa katotohanan kaysa naman nakikita ko siyang nakangiti at umaasa sa isang kasinungalingan.

   Hindi ko na natapos pa ang Christmas party dahil nagpasya na akong umuwi. Inihatid ako nila Michael Arlyn at Lorraine sa amin at hindi sila umalis hanggang sa makatulog ako. Dahil sa akin ay hindi nila na-enjoy ang party. Pati mga kaibigan ko ay naidadamay ko sa mga problema ko.

  Ilang araw akong hindi pumasok hanggang sa makatapos ang pasko at bagong taon. Dinadalaw nila ako pero si Antony, ni minsan ay hindi nagpunta sa bahay. Siguro ay nasaktan ko siya ng sobra.  Tinatawagan at itinetext ko siya pero ni isa ay wala akong nakukuhang sagot.

   "Sigurado ka na ba sa gagawin mo?," malungkot na tanong ni Arlyn. Kasalukuyan akong nag-aayos ng mga damit at gamit na aking dadalhin sa pag-alis habang hinihintay si Michael dahil nagpresinta itong ihahatid ako kila Lola para naman daw alam nila kung saan ito at nang madalaw nila ako.

  Tahimik akong tumango. Ito lang ang alam kong paraan para maayos ang lahat. Makabubuti ito para sa amin.

 

    "Kailan ka babalik?," halos mangiyak-ngiyak na tanong ni Lorraine. Natawa ako dahil sa kanya.

   "Hindi pa nga ako umaalis, pagbabalik ko na ang iniisip mo?," natatawang sambit ko. Ilang araw ko ding pinag-isipan ito. Pupunta muna ako sa probinsya ng Lola para doon magtrabaho at para na rin umalis. Alam ko, pagtakas itong ginagawa ko pero ito lang ang tanging paraan para maayos ang lahat.

   "Magkikita pa rin naman tayo, kung gusto ninyo dalawin niyo ako don,"

   "Paano si Antony?," tanong ni Lorraine. Napatahimik ako at hindi agad nakasagot. Hindi ko din kasi alam ang isasagot. Gusto ko sana siyang makausap para makapagpaalam pero halatang iniiwasan niya ako.

Dumukot ako sa bulsa upang kuhanin ang nakatuping papel bago iabot kay Lorraine.

  "Paki bigay mo nalang ito sa kanya," malungkot na sambit ko. Tumango siya bago ilagay ito sa bag.

   "Aalis na din kami sa restaurant," pahayag ni Arlyn.

  "Ikaw lang naman ang dahilan kung bakit kami pumasok doon,"

   Napangiti ako dahil sa narinig. Masaya ako at sila ang naging kaibigan ko.

  "Lumapit nga kayo sa akin," sabi ko habang nakatingin sa kanilang dalawa. Kahit nagtataka ay agad naman silang lumapit sa akin. Agad ko silang niyakap.

   "Salamat ha. Salamat dahil kayo ang naging kaibigan ko,"

  Natawa sila pareho at niyakap din ako.

  "Mamimiss ka namin She," malungkot na turan ni Arlyn.

  "Mag-iingat ka doon ha? Walang war freak na Arlyn ang magtatanggol sayo doon," sabi naman ni Lorraine.

Nang pare-parehong bumitaw sa pagkakahawak ay agad kaming napatawa dahil nangingilid na ang mga luha naming tatlo.

   "Ang aarte ninyo!," lintanya ni Arlyn bago punasan ang luha na malapit ng tumulo.

  Saktong maayos ko lahat ng mga dadalhin ay dumating na si Michael. Nagulat kaming lahat dahil puting van ang dala nitong sasakyan.

   "Iyan ang sasakyan natin?," takang tanong ko ng salubungin namin ito sa labas.

   "Oo, naisip ko na dapat kasama din natin sila tito at tita saka ang mga kapatid mo," sagot niya. Hindi ko mapigilan ang mapangiti dahil sa narinig. Anong gagawin ko kung hindi ko sila naging kaibigan?

  Agad kong sinabi kila Mama ang plano ni Michael kaya naman excited silang gumayak dahil matagal na din kaming hindi nakalilibot kila Lola. Nang okay na ang lahat ay tinulungan nila akong maisakay ang mga bagahe ko at umalis na din kami pagkatapos.

  Halos tatlong oras ang byahe dahil huminto pa kami sa isang restaurant para kumain bago magpatuloy sa pagbyahe. Itinuturo ko kay Michael kung saan ang daan. Mga bandang 4:00 pm ay nakarating na din kami kila Lola.

  Isang malaking lote ang kinatatayuan ng bahay ni Lola at sa paligid nito ay ang bahay naman ng mga kapatid ni Mama. Tuwang-tuwa sila ng makita kami at agad na nagkamustahan. Ipinakilala ko sa kanila ang mga kaibigan ko. Masaya kaming nagkwentuhan hanggang sa sumapit ang hapunan.

   Naghanda sila Lola at ang mga tito at tita ko ng hapunan para raw makakain sila bago umuwi. Napagkasunduan nila Arlyn na bumalik kapag may oras dahil nabanggit kong may magandang falls na malapit lamang dito.

   Bago umalis ay binilinan ako nila Mama na tumawag daw sa kanila palagi. Si Lorraine naman ay umiiyak habang si Arlyn ay nagpipigil ng luha.

   "Parang hindi na tayo magkikita ulit kung maka-react kayo," biro ko na nagpipigil din ng luha.

   "Dadalawin niyo naman ako hindi ba?,"

  "Siyempre naman," sabi ni Lorraine sabay yakap sa akin. Ganun din ang ginawa ni Arlyn at sinabing kapag may umaway sa akin ay sabihin ko lang daw at kahit anong oras ay pupunta siya dito. Natawa ako bago bumitaw sa kanila. Nilingon ko si Michael na halatang malungkot din.

  "Alagaan mong mabuti si Arlyn ha?," sabi ko dito bago tapikin sa balikat.

  "Kahit na alam nating lahat na amazona 'yan, iyakin din iyan kapag walang nakakakita,"

  Natawa siya dahil sa narinig at umani naman ako ng batok kay Arlyn.

   "Sobra ka!," lintanya nito bago sumimangot.

   "Mamimiss ko ang little sis ko," sabi naman ni Michael.

  "Mamimiss din kita brother!," sambit ko sabay suntok sa braso niya. Hinila niya ako at niyakap.

  "Ingat ka dito ha," sabi niya bago ako bitawan. Tumango lang ako at pinunasan ang luhang malapit na namang tumulo.

  Ito ang pinaka ayoko sa lahat eh. Saying goodbye. Kahit na alam kong magkikita-kita parin naman kami.

  Isa-isa kong niyakap ang mga kapatid ko at binilinan na wag na wag pasasakitin ang ulo ni Mama at Papa. Niyakap ko din sila Mama at Papa na kahit hindi sabihin ay halatang nalulungkot din dahil sa pag-uwi ko dito kila Lola. Nang matapos ang madramang pag-papaalaman ay umalis na din sila. Hindi ako pumasok sa loob ng bahay hanggat natatanaw ko pa ang van na sinasakyan nila.

   "Parang hindi magkikita-kita ah," biro ni Tita Jessica bago ako ayaing pumasok na sa loob. Minabuti kong bukas na lamang ayusin ang mga gamit ko dahil maaga akong dinalaw ng antok. Sinubukan ko ulit na tawagan si Antony pero ganuon parin sa dati, hindi niya parin sinasagot. Nagtext ako kila Mama at kila Arlyn na mag-ingat sila sa pag-uwi at tawagan ako kapag nakarating na sila bago ako tuluyang matulog.

  Habang nakapikit ay hindi ko maiwasang mapaisip.

   Distansya ba talaga ang kailangan upang makalimot ang isang pusong nasugatan?

  Alam kong kaduwagan itong ginawa kong paglayo, isang kahinaan. Pero, ayokong makitang nasasaktan si Antony, at ayoko na ding masaktan.

  Sa tingin mo ba, ngayong malayo ka ay hindi na nasasaktan pa si Antony?

  Tanong ng aking isip. Napadilat ako at napatitig sa kisame. Kahit ako ay nasasaktan parin gayong malayo na ako. Malamang ay ganuon din ang nararamdaman ni Antony dahil pareho kaming nagmahal ng taong hindi kami ang mahal.

   ****