webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

T H I R T Y E I G H T

  She's POV

Pagkatapos naming magtungo sa parke ay nagpagkasunduan naming magpunta sa isang resto bar na matagal na naming gustong puntahan. Nanlibre siya ng inumin dahil sabi niya ay kailangan naming mag-celebrate. Hindi ko alam kung ano ang ise-celebrate namin pero sumang-ayon na lamang din ako. Hindi na namin inabala si Arlyn dahil alam naming busy ito dahil ilang araw na lamang ay ikakasal na siya.

  "Kailan kaya natin mararanasan 'yung ikasal sa taong para sa atin?," tanong ko habang umiinom kami. Nakakatig-isang bote narin kami ng naiinom.

"Ako,sa palagay ko malayo pang mangyari sa akin 'yon," sagot niya habang nilalaro ang yelo sa baso niya.

"Ako din," matipid na sambit ko.

"Hindi ka rin sure,malay mo malapit ka na rin," sabi niya matapos tunggain ang laman ng kanyang baso.

Napailing na lang ako dahil sa narinig. Ayoko munang mag-isip ng kung ano-ano kaya naman hindi nalang ako kumibo at nagpatuloy na lang sa pag-inom.

Nang mapansin na medyo hilo na siya ay nag-aya na akong umuwi na. Inalalayan ko siya hanggang sa makalabas kami. Napailing ako ng makitang hindi niya maituwid ang pagkakatayo ng sandaling bitawan ko siya upang kuhanin ang cellphone ko para tawagan si Papa. Medyo malapit lamang ang kinaroroonan namin kaya magpapasundo nalang sana ako para maihatid din si Lorraine sa kanila. Base kasi sa sitwasyon nito ay mukhang hindi na nito kaya pang umuwi ng mag-isa.

Habang idi-na-dial ko ang numero ni Papa ay siya namang paghinto ng puting kotse sa harapan namin. Hinatak ko si Lorraine patungo sa gilid dahil baka paparada ito ngunit napahinto ng makita kung sino ang bumaba mula dito.

Ilang beses muna akong napakurap dahil hindi ko insasahan na makikita siya sa ganitong lugar.

"Pauwi na ba kayo?," kaswal niyang tanong.

Ilang sandali akong natulala habang nakatingin sa kanya. Nakasuot siya ng kulay asul na long sleeve na itinupi hanggang sa kanyang siko na lalong nakapagpapusyaw sa kanyang balat. Halos wala siyang ipinagbago sa ilang buwan na hindi ko siya nakita.

"C-Cj?," mahinang usal ko habang nakatitig sa lalaking hanggang ngayon ay nagpapatibok parin ng puso ko.

Saglit nitong inilibot ang paningin sa palingid bago muling tumingin sa akin. Kita ko sa kanyang mukha ang pagtataka kung bakit kami naririto sa ganitong lugar. Hindi naman kasi naming ugaling sa labas umiinom.

"Ihahatid ko na kayo," sabi nito at wala na akong nagawa ng kuhanin niya si Lorraine at alalayan pasakay sa backseat. Naiwan akong nakatunganga lang habang pinanunuod siyang inaayos sa pagkakaupo si Lorraine. Nang humarap ito ay halos hindi na naman ako makagalaw lalo na ng marinig kong tawagin niya ang pangalan ko.

Nang makahuma ay dali-dali akong nagtungo sa backseat kung saan nakaupo si Lorraine. Nang makasakay ay hindi ko na hinintay pa na maisara ni Cj ang pinto dahil hinatak ko na ito agad pasara.

Halos naririnig ko na ang sariling tibok ng puso sa sobrang lakas nito. Mayroong sinasabi si Lorraine ngunit hindi ko ito naiintindihan dahil sa nararamdamang kakaiba.

Nang makasakay siya ay napatingin ako sa rear view mirror,pagkatapos nitong magsuot ng seatbelt ay napatingin din ito sa salamin. Saglit na nagtama ang aming mga mata,agad akong naglihis ng paningin at sa bintana na lamang tumitig. Narinig ko ang pagbuntong hininga niya ngunit hindi na ako muling lumingon sa gawi niya. Habang daan ay nakatulog si Lorraine kaya sobrang kinakabahan ako dahil kinakausap ako ni Cj na para bang gusto niyang bumuo ng isang conversation. Marahil ay nararamdaman din niya ang tensyon sa paligid.

Matipid lamang at maiikli ang mga isinasagot ko dahil hindi ko naman alam ang sasabihin. Kapag naririnig ko ang boses niya ay hindi ako makapag-isip ng maayos. Hindi ko maintindihan ang sarili. Gusto kong magalit,gusto kong ipakita sa kanya kung gaano ako nasasaktan sa mga pagpapaasang ginagawa niya. Darating siya na para bang mayroon siyang pakialam sa akin ngunit wala naman. Naiinis din ako sa sarili dahil kahit alam kong wala ay umaasa parin ako sa kanya.

Itinuro ko sa kanya ang daan patungo kila Lorraine  at pagkatapos non ay hindi na ako muling nagsalita hanggang sa makarating kami. Nang makababa ay aalalayan ko sana si Lorraine ngunit nagulat ako ng may humawak sa siko ko at marahan akong tinabig.

"Ako na," mahinang sambit niya bago alalayan si Lorraine na makababa. Gising naman na ito ngunit talagang nahihilo dahil hindi nito maituwid ang paglalakad. Wala sa sariling napahawak na naman ako sa sariling dibdib dahil sobrang lakas na naman ng tibok ng puso ko.

Inalalayan ni Cj si Lorraine hanggang sa makapasok kami sa may gate na binuksan ng Mama ni Lorraine. Umalalay din si Tita sa kabilang siko nito at ng makapasok sa loob ng bahay ay ako na ang tumulong sa kanya na idala si Lorraine sa kwarto nito. Iniwan namin si Cj sa sala. Nang maihiga namin ito ay nag-aalalang tumingin sa akin si Tita.

"Ano ba ang nangyayari diyan sa kaibigan mo?," tanong niya.

  "Wala po Tita,nagkayayaan lang po kami kanina," sagot ko naman.

"Nito kasing nakakaraang araw,napapansin ko na tahimik siya," sabi nito matapos tumingin sa anak na saglit lamang ay nakatulog na.

"May problema ba?,"

"Nagkaroon lang po kami ng kaunting hindi pagkakaunawaan," sagot ko na kay Lorraine din nakatingin.

"Pero ayos na po kami,ganon naman po kasi talaga ang mga makakaibigan hindi ba? Nagkakaroon ng samaan ng loob pero kapag napag-usapan,naaayos naman po,"

"Hay nako,pagpasensyahan mo na 'yang si Lorraine,mula't sapul talaga ay hindi nagsasabi ng sama ng loob 'yan. Mapapansin mo na lang kapag tahimik," sabi ni Tita.

"Sinabi nyo pa Tita," natatawang sagot ko bago kami tuluyang lumabas sa kwarto at hayaan ng makapagpahinga si Lorraine.

Nang nasa sala na kami ay narinig kong magkausap si Cj at si Tito habang sumisimsim ang mga ito ng kape.

"Akala ko ay boyfriend ka ni Lorraine," natatawang sambit ni Tito at nang mapansin kami na papalapit ay muli itong nagsalita.

"Boyfriend ka pala ni She,"

Nanlaki ang mga mata ko ng marinig ang sinabi ni Tito.

  "H-Hindi po Tito," nauutal na sabi ko.

"Tama po kayo,boyfriend po ako ni She," napatingin ako kay Cj ng magsalita ito. Nakatingin din ito sa akin. Kumabog na naman ang dibdib ko.

  'Bakit ba ganito na naman siya?'

Hindi na ako nakaimik ng tumayo siya at akbayan ako bago magpaalam na aalis na rin kami. Hindi ko na naintindihan pa ang mga sinabi nila Tito at Tita dahil sa nararamdaman ko.

Hanggang sa makasakay kami sa kotse ay tulala parin ako. Nang mapagtantong kami na lamang dalawa sa kotse ay nakaramdam ako ng kaba. May parte sa akin ang natutuwa dahil kasama ko siya at may parte din na nalulungkot at naiinis dahil alam kong malabong mangyaring maging kami.

Napigil ko ang paghinga nang dumukwang siya sa gawi ko. Ipinaling ko ang ulo sa bintana upang hindi ko makita ang mukha niya habang ikinakabit niya sa akin ang seatbelt. Nang makahuma ay agad akong umayos sa pagkakaupo at itinuon na lamang sa daan ang buong atensyon.

Hindi ako mapakali habang nasa daan na kami dahil nakikita ko sa gilid ng aking mga mata na tinitignan niya ako. Hindi ako sanay ng ganito. Bakit siya ganito?

Napapikit muna ako ng mariin bago magsalita.

"Hindi mo dapat sinabi iyon," sabi ko na sa daan lamang nakatingin.

"Ang alin?," tanong niya.

Napailing ako bago sumagot.

"Yung sinabi mong boyfriend kita," sagot ko.

"Bakit kailangan mo pang magsinungaling,"

Naramdaman kong kinabig niya ang manibela papunta sa gilid. Nang tuluyang huminto ang sinasakyan namin ay agad niyang ini-off ang ignition.

Napalingon ako sa kanya,nagtataka kung bakit niya inihinto ang sasakyan.

"Mahal kita She," para akong napako sa kinauupuan ng marinig ang sinabi niya. Saglit akong natigilan.

"I know,I'm a fool,ngayon ko lang nasabi pero matagal na kitang gusto,"

May parte ng utak ko ang sumisigaw sa tuwa ngunit nangingibabaw parin sa aking sistema ang pagkabigla at pagtataka.

"A-Ano?," tanong ko na hindi makapaniwala.

Nanlaki ang mga mata ko ng dumukwang siya palapit sa akin at kabigin ako. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Naramdaman ko na lamang ang paglapat ng malalambot niyang labi sa labi ko. Napapikit ako dahil sa sensasyong nararamdaman. Saglit akong nawala sa sarili ngunit bigla ding natauhan. Kasabay ng pagdilat ko ang pagtulak ko sa kanya palayo. Agad na dumapo ang aking palad sa pisngi niya.

Nagtatanong ang mga matang tinitigan niya ako. Hindi ko alam kung ano ang mga nangyayari. Ramdam ko parin ang lakas ng tibok ng puso ko.

"Ano bang problema mo?," inis na tanong ko sa kanya. Bakit niya ako hinalikan?

"She, mahal kita, ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sa iyo lahat,"

Naniningkit ang mga matang inayos ko ang sarili at isinukbit ang bag.

  "Pagkatapos ng lahat ng pasakit na ibinigay mo sa akin,sa tingin mo maniniwala pa ako sayo?,"

  Nagsimulang mangilid ang mga luha ko. Hindi ko maintindihan kung anong gusto niyang mangyari. Hindi ko alam kung ano ang mga kalokohang pinagsasasabi niya. Pagkatapos ng lahat akala ba niya magpapauto pa ako ulit? Pagod na akong maging tanga. Pagod na akong magpakatanga.

"Alam mo,kung ano man 'yang binabalak mo,wag mo ng ituloy dahil hindi na ako ang She na palaging nagpapakatanga sa iyo,"  sabi ko habang nakatitig sa kanya. Hindi ko na naitago pa ang sakit na nararamdaman. Ang sakit na matagal ko ng kinikimkim.

  "Sawa na ako sa mga panahong pinaglaruan mo ang nararamdaman ko. Alam ko namang alam mo na matagal na kitang gusto. At sa mga panahon na iyon ay pinaglaruan mo lamang ang nararamdaman ko. Kaya kung ano man iyang laro na sinisimulan mo ngayon, huwag mo ng ituloy dahil ayoko na,"

Pagkasabi ng lahat ng iyon ay agad kong binuksan ang pinto at nang akma na akong lalabas ay hinawakan niya ang siko ko upang hindi ako makababa. Nilingon ko siya. Kita ang pagsusumamo sa kanyang mga mata. Ang sinseridad na nagpapalambot sa mga tuhod ko. May parte sa akin na gustong maniwala at tanggapin lahat ng mga naririnig ngunit nananaig parin ang parte na sobrang nasaktan. Pumikit ako ng mariiin bago tabigin ang mga kamay niya upang tuluyang makababa.

Pagkasara ng pinto ay agad akong naglakad palayo. Pinigilan ko ang sariling lumingon pa sa kanya. Sa totoo lamang ay parang gusto ko muling sumugal pero, paano kung matalo akong muli?? Paano kung masaktan akong muli? Hindi ko na alam kung paano ako babangon. Masyado na akong durog para muling sumugal sa bagay na wala namang kasiguraduhan.

Habang naglalakad ay maya't-maya kong pinupunasan ang pisngi dahil hindi ko mapigil ang pagluha. Mabuti na lamang at malapit na ang kanto papasok sa amin kaya kahit maglakad ako ay ayos lang.  Nang mapadaan sa court ng barangay namin ay huminto muna ako doon. Naupo muna ako sa bench at kahit may mangilan-ngilang tao na nanunuod sa naglalaro ng basketball ay walang makakapansin sa akin kahit umatungal pa ako.

Hindi ko na napansin ang pag-usad ng oras. Hindi ko din alam kung matatawa ako sa sarili ko o ano. Kahit umiiyak ako ay nagagawa ko pading makisigaw kapag may nakakapag-shoot ng bola kahit sa kaninong grupo. Ilang beses na din akong tinatawagan ni Lorraine, pero hindi ko iyon sinasagot. Ayoko munang magkwento sa kahit na kanino.

Maya-maya ay nagulat ako dahil bigla na lamang may nag-abot ng panyo sa akin. Nang iangat ko ang paningin ay ganoon na lamang ang gulat ko ng makita kung sino iyon.

Napaka ironic talaga ng mga pangyayari ngayon. Kung sino pa ang dahilan ng mga luha kong ito ay siya rin ang gustong dumamay sa kalungkutan ko.

Hay ewan ko na. Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin.

~~~