webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

F O U R T Y F O U R

  Sheyi's POV

  Mag-aalas dose na pero gising na gising parin ang diwa ko. Hindi parin kasi maalis sa isip ko ang mga pangyayari kanina. Nandito ako ngayon,parang tanga, biling-baliktad sa aking kama habang inaalala ang mga nangyari. Maya-maya pa ay nakatanggap ako ng text message galing kay Cj.

Agad ko itong tinignan. Tinatanong niya kung tulog na daw ba ako. Hanggang ngayon ay kinikilig parin ako. Agad akong nagreply sa kanya. Hindi ko alam kung hanggang anong oras kami magkausap sa text. Hindi ko na din alam kung anong oras ako nakatulog ngunit kahit na puyat ay maaga parin akong nagising kinabukasan.

Pagbukas ko ng cellphone ay message niya agad ang aking nakita. Ang aga ko tuloy namumula dahil sa kilig. Masigla akong bumangon matapos replyan ang mga message niya.

Pakanta-kanta pa akong nagtungo sa banyo upang maligo. Pagkatapos ay sa kusina ang aking diretso. Naabutan kong nagluluto na si Mama ngunit inagaw ko ito sa kanya at sinabing ako na lamang ang magluluto,maglilinis ng bahay at maglalaba.

"Anong nakain mo?," natatawang tanong naman ni Mama bago iiling-iling na lumakad palayo patungo sa labas. Pagkakain ng agahan ay ako na din ang naghugas ng mga pinggan. Pakanta-kanta din ako habang naglilinis ng bahay. Paminsan-minsan ay tumatawag si Cj upang kamustahin ako. Syempre inspired ang ateng ninyo kaya halos kinaya ko lahat ng gawaing bahay habang nakamasid lamang sila at malamang na nawiwirduhan sa aking ikinikilos.

Pagkatapos ng lahat ng gawain ay nagpaalam ako na pupunta kila Arlyn. Gusto kong i-share sa kanila ang mga nangyari kagabi.

Aaminin ko, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya ngayon. Buo na sa aking loob na iisang tabi ang takot na nararamdaman ko. Muli kong bubuksan ang aking puso. Wala na akong pakialam kung masaktan man ako. Gusto ko namang sundin ang tibok ng puso ko.

Hindi ko mapigilang kiligin ng maalala ang mga pangyayari kagabi kaya naman habang maglalakad ay para akong ewan na pangiti-ngiti. Nang makarating kila Arlyn ay agad naming tinawagan si Lorraine para papuntahin din dito kila Arlyn. Ilang sandali lamang ay dumating na din siya.

"Anong meron?," takang tanong niya ng madatnan kaming nakaupo sa salas nila Arlyn.

"Hetong kaibigan mo, nababaliw na naman," nakataas ang isang kilay na sagot ni Arlyn.

Agad kong ikinuwento lahat sa kanila ang mga nangyari. Wala akong binaktawan ni katiting na detalye.

"Sa totoo lang," sambit ni Arlyn na kahit piliting itago ang sayang nararamdaman ay kita parin naman.

"Bago pa siya magtapat sa iyo ay sinabi na niya sa amin lahat,"

Kunot noo akong napatingin sa kanya. Hindi ko maintindihan kung ano ang kanyang ibig sabihin.

"Oo, nagsorry siya sa amin kasi nga daw nasaktan ka niya,saka inamin niya lahat sa amin," pakli naman ni Lorraine.

Napakurap ako ng ilang beses bago takpan ng kamay ang mukha.

"G-ginawa niya iyon?," tanong ko na hindi mapigilan ang kilig.

"Para kang teenager na ewan," natatawang sabi ni Arlyn bago magpaalam na kukuha lamang daw ng maiinom.

  Ilang oras pa ang inilagi ko kila Arlyn bago kami naghiwahiwalay. Nakatanggap kasi ako ng text mula kay Cj na pupunta daw siya at susunduin ako.

"Para talaga siyang teenager na kasalukuyang pinapansin ng crush niya," puna ni Arlyn bago ako umalis.

"Hayaan na natin siya,maging masaya nalang tayo para sa kanya," natatawang sambit naman ni Lorraine.

"Ano pa nga ba ang magagawa natin," sabi ulit ni Arlyn. Tinawanan ko lamang sila bago magpaalam. Nang makarating ako sa bahay ay agad akong nagtungo sa kwarto upang mag-ayos ng sarili. Syempre,may ligaw kaya dapat maayos naman akong tignan. Halos mangawit na ang aking panga sa kakangiti. Ewan ko ba,eto ba ang tinatawag na lovestruck?

Ilang sandali pa ay dumating na si Cj at nagpresintang magluto ng tanghalian. Sabi ko ay tutulungan ko siya ngunit sabi niya ay maupo na lamang daw ako at pnuurin siya. Nang matapos ay masaya kaming kumain at pagkatapos maghugas ng mga pinggan ay ipinagpaalam niya ako kila Mama. Mayroon daw kaming pupuntahan. Agad naman silang pumayag dahil palagay na ang loob nila kay Cj kahit sasandali pa lamang nila itong nakikilala.

Nagulat ako ng sabihin niyang magco-commute lamang kami at iiwan namin ang kotse niya sa harap ng bahay namin.

"Sanay ka ba sumakay ng jeep?," tanong ko nang makababa kami sa tricycle ni Papa. Kahit ayaw namin ay inihatid niya parin kami sa sakayan ng jeep.

"Oo naman, noong wala pa akong kotse ay sa jeep lang din ako sumasakay," nakangiting sagot niya. Napangiti ako dahil naglalaro na sa isip ang mangyayari habang nakasakay kami sa jeep mamaya.

Magkahawak kamay kaya kami? Sasandig kaya ako sa balikat niya??

Lumulutang ang isip kaya hindi ko namalayang may huminto na palang jeep sa tapat namin. Nagbalik lamang ako sa katinuan ng hawakan niya ang aking kamay at alalayan sa pagpanik sa jeep.

Sobrang lakas na naman ng tibok ng puso ko dahil medyo siksikan na sa loob kaya naman magkadikit kami ni Cj. Sa bandang malapit sa pintuan kami nakaupo. Hawak niya parin ang aking kamay hanggang sa umandar na ang jeep. Hindi ko alam kung saan kami pupunta pero ayos lang sa akin kahit hindi na kami huminto.

Kakanta na ba ako ng jeepney lovestory ni Yeng?

Hindi ko na naintindihan kung saan kami baba dahil sa nararamdaman kilig. Medyo naiinis din ako sa ibang babaeng pasahero na arya ang tingin kay Cj. Gusto ko silang dambahin at sabihing akin lang si Cj. Napailing ako dahil sa naiisip. Itinuon ko na lamang sa daan ang atensyon. Medyo hindi din ako mapakali kasi namamawis na ang kamay kong hawak niya. Nakakahiya!!

Ilang sandali pa ay pumara na siya at muli akong inalalayan sa pagbaba. Nang bitawan niya ang kamay ko para buksan ang payong na hindi ko namalayang dala niya ay dali-dali kong ipinunas ang kamay kong basa sa laylayan ng t-shirt kong suot dahil nakalimutan kong magdala ng panyo. Luminga-linga ako at napansin kong nasa isang parke kami.

Maya-maya pa ay mayroon siyang inabot sa akin. Nang tignan ko ito ay napangiti ako.

"Alam kong hindi ka mapapakali kung wala kang hawak na panyo," saad niya bago ngumiti.

"Kaya ako na ang nagdala para sa iyo,"

Sa munting kilos niya na iyon ay naguumapaw na saya ang hatid sa aking puso. Lalo akong nahuhulog sa kanya. Muli niyang hinawakan ang aking kamay at sa kabila naman niyang kamay ay hawak ang payong na halos sa akin lamang niya itinatapat. Medyo maiinit kasi ang sikat ng araw,mabuti na lamang at handa siya. Maski ako ay nakalimot na magdala ng payong.

Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang sumulyap sa kanya ng palihim. Sa daan lamang siya nakatingin at tanging kabiyak lamang ng kanyang mukha ang aking nakikita. Ganon pa man, sapat na ito para magwala ang puso ko. Nasa kanya na ata ang lahat ng bagay na hinahanap ko. Halos tingalain ko na siya dahil mas matangkad siya sa akin. Halos hanggang balikat lang niya ako.

Muli kong ibinalik ang atensyon sa paglalakad. Medyo matao din ngayon kahit na mainit. Dito din kami nagpunta ni Lorraine noong minsan. Nang makarating sa bench ay naupo kaming dalawa. Itinupi niya ang payong na dala at ibinaba sa tabi niya.

"Gusto kitang i-sketch, at pakiramdam ko, this is the perfect view," nagulat ako dahil sa sinabi niya.

"Marunong ka?," takang tanong ko dahil iyon lamang ang hindi ko nalaman tungkol sa kanya.

"Watch me," nakangiting sambit niya bago kuhanin ang isang sketch pad na hindi ko namalayang dala din niya.

Masyado na ba akong lutang kaya wala nakong alam??

Tumayo siya at lumayo sa akin. Sinabi niyang buksan ko daw muli ang payong at hawakan ito. Para siyang isang professional sa kanyang pagdidikta ng tamang anggulo at pose. Sobra akong natutuwa dahil heto ako ngayon,kasama ang taong pinakamamahal ko,masaya at kontento sa piling ng isa't-isa.

Hindi ko namalayang tumatakbo ang oras dahil ang kulit niyang kasama. Hindi ko alam na mayroon din pala siyang ganitong side. Tawanan at kulitan ang mga naganap. Sinubukan ko din siyang i-drawing ngunit hindi ko kaya. Minabuti niyang tapusin na lamang ang pag-i-sketch sa akin. Papalubog na ang araw ng matapos kami. Ang tulin ng oras kapag kasama ko siya. Nagkakaroon tuloy ako ng pangamba na baka bigla nalang matapos agad ang masasayang bagay na ito. Baka bigla nalang akong magising na bangungot lamang pala ang lahat.

  ***