webnovel

Chapter One

Chapter One

One month earlier...

  Mahina akong natawa habang nakatingala sa umiiyak na kalangitan. Talagang sumabay pa. Inilahad ko ang kaliwang palad ko para saluhin ang ilang patak ng ulan. Ang dilim ng langit at tanging ang ulan lang ang naririnig ko. Ang senti naman ng datingan ko nito.

  Ilang minuto rin akong nakatayo sa gitna ng isang tahimik na kalsada bago ako nagpasyang magpatuloy sa paglalakad papasok ng eskwelahan. Medyo malakas ang ulan pero nakakatuwa dahil maliliit at diretso ang bagsak nila. Gustong-gusto ko ang ulan. At ang ganitong senaryo ay talagang maganda. Tahimik kasi ang malawak na kalsada at puro puno ang paligid. May ilang dahon pa ang bumabagsak dahil na rin sa ihip ng hangin.

  Nang matanaw ko na ang malaki at kulay itim na may ginto ng Mysterecy International School ay saka naman ako napadaan sa isang mini stop. Walang tao do'n maliban sa isang cashier at isang lalaking nakatayo sa labas at mukhang sumisilong. Nakasuot siya ng itim na jacket at nakapamulsa. Nakatingala pa siya at tinatanaw ang langit. Ako naman, dahil may kailangan akong bilihin ay pumunta ako doon at pumasok. Sandali lang at lumabas din ako dala ang isang supot.

  Pagkasara ko ng pinto ay napansin kong nando'n pa rin si kuyang naka-jacket sa tabi ng pinto dito sa labas. Mukha ngang wala siyang payong. Bilang isang normal na tao eh magsisimula na sana akong maglakad palayo pero nakakaisang hakbang pa lamang ako nang bigla nalang akong tawagin ng lalaki.

  "Ah, ate?"

  Dahil dalawa lang naman kami do'n, alam ko namang ako na ang tinatawag niya kaya lumingon ako.

  "Bakit po?" Tanong ko naman.

  "Ah---ano.." Napakamot siya sa batok niya tapos nag-iwas pa ng tingin, halatang nahihiya. Gusto ko tuloy mapangiti. "Papunta ka rin do'n sa MIS, diba?" Tapos tinuro niya yung gate ng MIS na nasa itaas pa. Pataas kasi ang daan papunta do'n.

  Tumango naman ako. Obvious namang do'n ako pupunta dahil suot ko ang uniform namin at may packback pa akong suot. Do'n ko lang din napansin na naka-pants pala siya ng school namin at nakablack shoes. Di ko lang napansin agad na nakapolo din pala siya ng school namin dahil sa suot niyang jacket. Tapos nakasukbit sa isang balikat niya yung itim niyang bag.

  "Okay lang makisabay?" Tanong niya.

  Ano daw? Bigla tuloy akong napatingin sa hawak kong floral na payong na may blue background. Kasya ba naman kami dito? Hindi kaya mabasa kami? Kasi pang-isang tao lang talaga 'tong payong tapos ang lakas pa ng ulan. Saka isa pa... ito ang unang beses na magagamit ko ang regalong 'to.

  "Ah, okay lang kung sasabihin mong hindi." Bigla namang nagsalita si kuya dahil napansin rin nya yung tingin ko sa payong.

  "H-Hindi---!" Agad kong sabi naman. Baka kasi na-offend siya dun sa pag 'hindi' ko, akala yata niya eh pagtanggi kaya nagsalita ulit agad ako. "Hindi--ano, ang ibig kong sabihin, okay lang." Tapos nilapit ko yung payong sa kaniya para sabihan siyang okay lang.

  Sobrang tahimik namin habang naglalakad. Talagang yung ulan at paglalakad lang ang maririnig. Nakakailang tuloy. Feeling ko nga, mapapanisan na ako ng laway. Hindi kasi ako sanay ng tahimik. Pero alangan namang magpaka-feeling close ako at chikahin siya diba? Tapos ang tangkad pa niya. Kaya ako naman 'tong 5'2 lang ang height eh todo angat ng kamay ko para sumakto sa kaniya yung payong at hindi siya yumuko.

  "Unang araw ko ngayon dito."

  After siguro ng limang minuto ng katahimikan eh nagsalita siya. Buti na rin 'yon. Naiilang ako eh. Pero ano daw? Unang araw niya ngayon? Eh fourth grading na ah? Ito kasi ang unang araw namin pagkagaling sa Christmas break.

  "Transferee ka?" Tumango siya sa tanong ko. "Buti pinayagan kang magtransfer kahit January na."

  "Well, luckily enough." Ngumiti siya. "I'm in my fourth year in high school. Ikaw? Anong year mo?"

  Ngumiti din naman ako. "Third year palang po ako. Kuya pala dapat tawag ko sa inyo?" Pagbibiro ko.

  Tumawa naman siya. "Wag ka na magkuya. Nakakatanda eh."

  Ngiti lang naman 'yung sinagot ko. Tapos medyo inayos ko ulit yung hawak ko do'n sa payong dahil bumababa na naman. Napansin ko kasing napapayuko na siya.

  "Ako na hahawak ng payong." Sabi naman niya tapos umambang kukunin yung payong ko kaso nilayo ko.

  "A-Ah hindi, ako na."

  Napakamot naman siya sa batok niya. "Ang pangit namang tingnan. Ako yung lalaki tapos ikaw nagpapayong."

  Natawa naman ako. "Okay lang 'yan."

  "Ako na kasi maghahawak."

  "Payong ko 'to kaya ako ang masusunod."

  Nagulat nalang ako nang bigla niyang kunin nalang 'yung payong sa kamay ko. Hala siya! Hindi na ako nakapagreact dahil sa aramdaman ko na nahawakan niya yung kamay ko para kunin sa kamay ko yung payong.

  Nginitian niya ako. "Hindi, ako na. Mas matangkad ako kaya nahihirapan kang magbitbit eh."

  Napaiwas nalang ako ng tingin. Hay, gusto ko pa naman sanang ako ang maghawak ng payong kahit na nakakangalay dahil gaya nga ng sabi ko, unang beses kong magagamit yon! Kaso alangan namang bawiin ko nalang diba? Baka ma-offend siya. Saka ang rude. Kaya hinayaan ko nalang.

  Nakapasok na kami sa gate ng school nang bigla ulit siyang magsalita. "Ano palang pangalan mo?"

  Sumulyap naman ako sa kaniya bago ako sumagot. "Chaisee. Chaisee Hoshikawa. Pero kahit Chai nalang itawag mo sa 'kin. Ikaw?" Binalik ko naman yung tanong.

  "Sabi ko na nga ba't may lahi kang japanese eh. Base palang sa feature mo." Ngumiti naman siya. "I'm !@#$%&."

  Ano daw? Hindi ko narinig kung anong pangalan niya. Well, narinig ko naman. Hindi ko nga lang naintindihan. Sounds like Ishan? Christian ba? Yung apelyido, di ko rin maintindihan. Shwa something eh.

  "Ano ulit?" Tinanong ko nalang ulit.

  "Asdfghjkl."

  Inulit naman niya kaso di ko na naman narinig ng maayos dahil natyempuhan namang dumaan kami sa waiting shed at ang lakas ng bagsak ng ulan dun sa yero. Tsk!

  "Pwedeng pakiulit?" Sabi ko nalang. Nakakahiya naman.

  Natawa naman siya. "Sabi ko, I'm !@#$%^&*"

  Okay, for the third time, hindi ko naintindihan! This time, dahil sa may nakasalubong kaming dalawang babaeng nagtatawanan ng napakalakas. Uulitin ko pa ba? Syempre hindi na. Nakakahiya naman. Sabihin pa niya, hindi ako naglilinis ng tenga. Eh ba't ba naman kasi ang lakas ng ulan at may nakakasalubong kami? Dahil ayoko namang masabihang bingi, tumango at ngumiti nalang ako. Bahala na, ito naman ang huli at unang beses na makikita ko siya.

  Another session na naman ng katahimikan pagkatapos non. Wala naman akong maisip sabihin. Natanaw ko na rin yung building namin. Tapos nagulat ako nang bigla nalang akong kabigin ni kuyang nakikipayong palapit sa kaniya gamit ang paghawak sa balikat ko. Napatingin naman agad ako sa kaniya dahil sa ginawa niya.

  "Naiilang ka ba? Ang layo mo kasi. Nababasa tuloy yung balikat mo. Pasensya na ah."

  Ah, kaya pala. Tiningnan ko naman yung kanang balikat ko at basa na nga. Medyo malaki nga yung space sa pagitan namin sa payong. Pati din yung kabilang balikat niya, basa na. Sino ba naman kasing hindi maiilang na kasama mo sa iisang payong ang isang estranghero diba?

  Maya-maya pa, biglang inabot sa akin ni kuya yung payong. Initial reaction ko na na kunin yung payong. Saka naman siya lumayo at ngumiti sa akin.

   "Dito na ako, Chaisee. Salamat ulit." Tapos tumakbo siya papunta sa building. Yun yung building nga ng fourth year.

  Pagkasilong niya do'n, lumingon ulit siya sa akin tapos ngumiti at kumaway. Ngumiti nalang din ako at kumaway pabalik bago nagpatuloy sa paglalakad. Turns out, magkatapat lang pala yung building namin. Nauna lang ng konti yung building ng fourth year.

  Pagkasilong ko sa building namin at pagkasara ng payong, napatingin naman ako do'n sa building nila. Wala na siya do'n. Malamang pumasok na. Ako naman 'tong parang saka lang na-realize ang nangyari kanina, biglang natawa.

  Hindi ko kasi alam ang pangalan niya kahit tatlong beses niya 'yong binanggit.

※※※

Mysteria Secrecy:

This is an excerpt of my best friend's life story! Yiee  Hon, this very first chapter's for youuuu! Hearteu~ hearteu~