webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Tama Nga Ang Hinala Niya

Sa loob ng room.

Natapos na si Lin Che sa pagkain. Naparami siya sa kinain.

"Ang sarap talaga," sabi niya kay Gu Jingze.

Ngumiti si Gu Jingze sa kanya. May bahid ng pagtagumpay sa tono nito. "Sinabi ko nga sa iyo. Tama ako, hindi ba?"

"Oo, oo. Napakasarap talaga. Nabusog ako nang sobra."

Nagmamantika ang labi ni Lin Che, pero nakapagtataka dahil hindi nakaramdam ng pagkadiri si Gu Jingze. Sa halip ay mas naging kaakit-akit pa nga sa mga mata nito.

Pinigilan na ni Gu Jingze ang sarili na muling titigan ang labi ni Lin Che at inunat ang kamay papunta sa mukha nito para punasan ang dumi. "Pambihira ka talaga, oh. Tingnan mo nga ang sarili mo. Nagkakalat pa sa labi mo ang mga kinain mo."

Hinayaan lang siya ni Lin Che na punasan ang kanyang mukha.

Ngumiti naman si Gu Jingze. Habang nakatingin kay Lin Che ay sinubo niya ang tinanggal na dumi (ng pagkain) sa bibig.

Nabigla si Lin Che sa ginawa niya. Namumula ang mukha na napasigaw ito sa kanya, "Hoy, nababaliw ka na ba?"

Ngumiti lang si Gu Jingze at kalmadong sumagot, "Okay naman ang lasa."

". . ." Lalong namula ang mukha ni Lin Che at naiinis na inirapan si Gu Jingze.

Tinanong siya ni Gu Jingze, "Ano namang problema dun? Ang sabi ko, okay naman ang lasa."

"Huh… wala naman akong sinabi ah," natatarantang sagot ni Lin Che. "Kung gusto mong kumain niyan, marami pa naman sa mesa oh. Dito ka kumuha ng kakainin mo."

Bakit kailangan pa nitong kainin ang dumikit na sa labi niya?

Ngumiti lang si Gu Jingze at lumapit sa kanya, "Mas masarap ka kasi."

". . ."

"Gu Jingze! Nababaliw ka na nga!" muling bulalas ni Lin Che.

Tumawa lang si Gu Jingze sa sinabi niya. Ang tawa nito'y para bang nagmula pa sa kailaliman ng dibdib nito, malalim pero masarap pakinggan.

Iniabot ni Lin Che ang tinapay kay Gu Jingze. Kumuha rin siya ng para sa kanya at naiinis na sumubo nito, na para bang makakabawas iyon sa nararamdaman niyang inis.

Pero, wala silang kaalam-alam sa nangyayari sa labas.

Mula sa labas ay naglalakad si Mo Huiling papunta sa room na iyon at nang malapit na ito'y narinig nito ang matunog na tawa ni Gu Jingze.

Kailan pa tumawa si Gu Jingze nang ganoon kasaya?

Karaniwan kasi, kahit na masaya ito ay ang gilid lang ng labi nito ang gumagalaw. Palagi nitong kinokontrol ang sarili. Pero ngayon…

Siguradong hindi isang 'business matter' ang nangyayari sa loob!

Sigurado na si Mo Huiling sa kanyang hinala.

Galit ang tinging ipinukol niya sa pinto at naghanda ng itulak iyon.

Nakita siya ng staff at mabilis itong lumapit sa kanya para pigilan siya sa pagpasok.

Dahil kilala nila kung sino si MO Huiling, hindi nangahas ang staff na dumikit o humawak man lang sa kanya kaya sinabihan lang siya nito, "Miss Mo, ano po'ng plano ninyong gawin?"

Mas lalo lang nagalit si Mo Huiling dahil sa ginawang pagpigil sa kanya ng staff.

"At sino ka ba para pigilan mo ako? Ang lakas ng loob mong pigilan ako ano. Umalis ka diyan at hayaan mo akong pumasok sa loob! Alam kong nasa loob si Gu Jingze. Kahit pumasok ka pa doon at tanungin siya. Tingnan natin kung matutuwa siya sa ginagawa mong pagpigil sa akin. Hindi mo ba ako nakikilala?"

Hindi alam ng staff kung ano ang gagawin dahil nagpupumilit talagang pumasok si Mo Huiling. Wala na itong pakialam sa hitsura at poise, dahil sa sobrang inis sa staff.

Sinigawan ito ni Mo Huiling, "Sabi ng umalis ka diyan eh! Kapag di ka pa umalis diyan, sasabihin ko kay Gu Jingze na ipatanggal kayong lahat dito ngayon din!"

Wala na siyang pakialam sa kanyang paligid.

Sa loob naman, masayang kumakain ng dessert sina Lin Che at Gu Jingze nang bigla na lang silang may narinig na parang galit na boses sa labas.

Kinabahan nang bahagya si Lin Che. "May nag-aaway ba sa labas? Ang lakas kasi ng ingay."

Hindi ugali ni Gu Jingze ang makialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Gusto niyang makasama si Lin Che sa araw na ito para ipagdiwang ang pagkapanalo nito. Tiningnan niya si Lin Che, at may pagkamangha pa rin sa kanyang mga mata habang pinapanood itong nasasarapan sa pagkain. Pero, naistorbo na naman sila ng ingay mula sa labas. Napatayo na si Lin Che kaya tumayo din siya. "Tingnan ko muna kung ano'ng nangyayari sa labas."

Sumunod naman sa likod niya si Lin Che.

Pagbukas ni Gu Jingze ng pinto ay agad niyang narinig ang sigaw ni Mo Huiling, "Kayong lahat, hintayin niyo lang! Lahat kayo, iisa-isahin ko kayong mga hampaslupa kayo… hintayin niyo kung ano'ng gagawin ko sa inyo!"

Napansin ni Mo Huiling na bumukas ang pinto at mula doo'y nakatayo si Gu Jingze na malamig ang ekspresyon ng mukha.

Nabigla siya.

Gayunpaman, hindi na niya pwedeng bawiin ang kanyang mga sinabi. Bahagyang gumalaw ang kanyang labi, na para bang sinisisi ang sarili.

Alam naman niyang nandoon sa loob si Gu Jingze pero hindi niya napigilan ang sarili na sabihin ang masasakit na salitang iyon.

Dahil sa sobrang galit na nararamdaman niya kanina kaya hindi na niya nakontrol pa ang sarili.

Nang makita niyang lumabas si Gu Jingze, kaagad na nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha. Wala na ang aroganteng Mo Huiling na nagsisisigaw kanina. Pagkatapos ay lumabas din si Lin Che mula sa pinto.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Lin Che…

Ibig sabihin ay magkasamang kumakain sa loob sina Gu Jingze at Lin Che?

Ibig sabihin ay dinala mismo ni Gu Jingze si Lin Che dito para kumain?

Galit na tiningnan ni Mo Huiling si Gu Jingze, "Jingze, ano… Bakit kasama mo ang babaeng 'yan dito? At diyan pa sa kwartong iyan, huh! Ikaw… Bakit mo ginawa ito?!"

Bakas sa mukha ni Gu Jingze ang pagkadisgusto habang nakatingin kay Mo Huiling.

Ito ang unang beses na nakita niya si Mo Huiling na umasta nang ganoon.

At nagsisisigaw pa nga ito habang binibigkas ang mga salitang iyon!

Kung kay Lin Che niya narinig ang mga salitang iyon, marahil ay maiintindihan niya pa. Hindi kailanman itinago ni Lin Che ang tunay nitong ugali. Totoo ito sa sarili at sasabihin nito kung ano man ang nasa isip nito.

Pero, sa mata ni Gu Jingze, si Mo Huiling ay isang babaeng maayos ang pagpapalaki. Bagama't may pagkatupakin ito minsan, hindi pa rin nawawala ang pagkaelegante nito.

Pero ngayon, malayo na ang hitsura nito sa babaeng hinahangaan ng lahat dahil sa pagka-elegante ng kilos nito. Sa halip ay para itong isang babaeng-kalye na masama ang pagkakatitig kay Lin Che.

Lumapit si Gu Jingze kay Mo Huiling. Kaagad namang nagsiatrasan ang mga staffs at pinanood silang tatlo.

Sinunggaban agad ni Mo Huiling ang pagkakataong iyon. Niyakap nito nang mahigpit si Gu Jingze. Nang makahawak na ito sa kanya ay sinabing, "Jingze, napakahigpit nila sa akin. Malinaw na narinig ko ang boses mo mula sa loob pero pinigilan nila akong pumasok. Sinabi pa nila sa akin na may ka-date ka raw sa loob at hindi kita pwedeng istorbohin. Wala raw akong karapatan na pumasok at makita ka. Kaya galit na galit talaga ako."

Nainis naman ang staff na nakatayo sa gilid. Paanong nagagawa pa rin ng babaeng ito na magsinungaling?

Naalala ni Gu Jingze na nasa tabi niya pala si Lin Che. Napasimangot siya at itinulak palayo si Mo Huiling. Tinanong niya ito pagkatapos. "Ano ba'ng nangyayari? Dahan-dahan lang sa pagsasalita."

Maluha-luha ang matang tiningnan siya ni Mo Huiling. "Di bale na. Bakit mo siya dinala dito?"

Walang ganang sumagot si Gu Jingze, "Gusto ko ang mga pagkain nila dito kaya isinama ko siya dito. Ano namang masama doon?"

"Ano? Sa'tin ang lugar na ito. Dito mo ako palaging dinadala kapag kumakain tayo sa labas. Paano mo nagawang magsama ng ibang babae dito?!"

Huminga nang malalim si Gu Jingze, "At kailan pa naging ATIN ang lugar na ito?"

"Ano…" Nagdilim ang mukha ni Mo Huiling.

Ayaw ni Lin Che na makisali sa isyu ng dalawa. Habang nakatingin sa dalawa ay nagsalita siya, "Bakit hindi muna kayo mag-usap? Mauna na akong umuwi."

"Sandali lang," hinila siya pabalik ni Gu Jingze. Nang mapansin nito na hindi niya suot ang kanyang coat ay bumalik muna sa loob, kinuha iyon at isinuot sa kanya. "Hintayin mo ako sa sasakyan."

Napakalambing ng pagsasalita nito kay Lin Che.

Tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze habang iniisip kung maaayos ba kaagad ang problemang iyon sa loob lang ng kaunting oras.

Pero dahil maraming tao ang nakatingin sa kanya kaya tumango nalang siya. "Okay."

Pinanood lang siya ni Mo Huiling na maglakad paalis sa lugar na iyon. Ang mga titig nito ay para bang gusto nitong pumatay ng tao.