webnovel

Nadisappoint Ba Kita?

Habang kumakain ay nakatingin pa rin si Lin Che kay Gu Jingze.

Hindi niya mapigilang hindi humanga dito. Halos lahat ng bagay ay kaya nitong gawin.

First time nitong magluto pero nagawa nitong makapagluto ng katulad ng makikita sa recipe.

Hindi niya maitatanggi na talagang pambihira ang kakayahan ni Gu Jingze. Lahat ng ginagawa nito ay bukod-tangi. Kapag may gusto itong matutunan, natututo kaagad.

Wala siya sa kalingkingan nito kung ikokompara silang dalawa.

Kaya naisip niya na hindi nakapagtataka kung bakit palagi siya nitong tinatawag na tanga o bobo.

Nakasuot pa rin si Gu Jingze ng apron habang nakatayo doon at may hawak na sandok; nagmukha tuloy itong isang responsableng asawa. Kaya hindi mapigilan ni Lin Che ang sarili na hindi maakit dito lalo pa't napakasarap ng luto nito.

Nagpatuloy lang si Lin Che sa pagtitig sa animo'y modelong lalaki sa harap niya. Ipinatong niya ang ulo sa kamay at walang sawang tumitig dito.

Habang nagluluto'y nagsalita si Gu Jingze, "Sa totoo lang, napakadali lang ng solusyon diyan sa problema ng manager mo."

"Huh?"

"Pwede akong tumulong."

"Talaga? Magandang ideya iyan… Gu Jingze, salamat sa pag-alok mo ng tulong."

Humarap sa kanya si Gu Jingze at tipid na ngumiti. "Alam kong alam mo naman na hindi ako tumatanggap ng pasasalamat na hanggang salita lang."

". . ."

Hindi nagtagal ay natapos na ni Gu Jingze ang ikalawang putahe. Humakbang siya papunta sa mesa at mula sa likod ay niyakap niya si Lin Che.

Nabigla si Lin Che nang marinig niya si Gu Jingze na nagsalita sa may tainga niya, "Sa totoo lang, bagay sa'yo ang naka-apron. Tutal, hindi mo naman natapos ang pagluluto mo, baka naman pwede mo akong bigyan ng reward man lang kapalit ng ginawa ko ngayon."

Hinipan nito ang kanyang tainga dahilan para mag-init ang mukha ni Lin Che.

Sumagot siya, "Huh… Ano'ng reward naman ang gusto mo?"

Sa mahina at mapang-akit na tono ay sumagot si Gu Jingze, "Gusto kitang makita na apron lang ang suot…"

". . ." Mabilis na naglakbay ang imahinasyon ni Lin Che. Para siyang nasa isang dirty magazine…

Mabilis siyang tumutol, "Get lost, Gu Jingze! Ang bastos ng bibig mo!"

Tawa nang tawa si Gu Jingze habang tinutulak siya ni Lin Che.

Totoo naman talagang kanina pa niya ito tinitingnan habang nakasuot ito ng apron. Naisip niya na napakasarap sigurong pagmasdan ito kung iyon lang ang suot nito sa loob ng bahay.

Nakakahiya mang isipin iyon pero talagang inaasam niya na mangyari iyon.

Ini-imagine pa rin ni Lin Che ang sarili sa ganoong suot kaya't naiinis talaga siya sa kabastusan ng lalaking ito!

"Umalis ka nga dito! Asa ka pa! Hinding-hindi ko gagawin iyan!"

"Hoy, saan ka pupunta? Bumalik ka dito." Hinila niya pabalik si Lin Che. Hawak ang baywang nito ay iniupo niya ito sa mesa.

Napasigaw si Lin Che. Kahit nakaupo siya sa ibabaw ng mesa, hanggang dibdib lang nito ang mukha niya. Nang itinaas niya ang ulo ay ang panga lang nito ang nakita niya.

Bahagyang iniyuko ni Gu Jingze ang ulo at tumingin kay Lin Che. Hinubad niya ang suot na apron at isinuot kay Lin Che.

"Iyan", ngumiti siya habang nakatingin pa rin.

Iyon na iyon?

Hindi makapagsalita si Lin Che habang tinitingnan ang apron na suot.

Hindi niya maintindihan ang sarili. Medyo lumuwag na ang pagkakahawak ni Gu Jingze sa kanyang bewang, pero nakatitig pa rin ito sa kanya.

"Ah, so gusto mo pala akong magsuot ng apron. Akala ko ang ibig mong sabihin ay yung apron lang…" sabi ni Lin Che.

"Iyon lang naman ang ibig kong sabihin: magsuot ka ng apron. Iyon lang iyon." Nanunudyong tinitigan nito ang mata ni Lin Che. "Bakit? Parang nadismaya ka yata. Iba ba ang iniisip mo?"

Nagsimulang makaramdam ng hiya si Lin Che dahil sa klase ng titig nito sa kanya.

Sa isip naman niya'y pinagagalitan niya ito. Naisahan na naman siya nito.

Oo na. Lumalala na talaga ang lalaking ito. Natututo na itong magbiro nang ganoon!

Sobrang pula ng mukha ni Lin Che. Samantala, nagkunwari namang inosente si Gu Jingze at sinadya pang itaas ang kilay habang nagtatanong, "Ano ba'ng iniisip mo? Huwag mong sabihing… Iniisip mo na…"

Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at nagpatuloy, "Pero kung gagawin mo iyon, okay lang din sa'kin."

"Layuan mo nga ako! Wala akong sinabing gusto kong gawin iyon…"

"Sige na. Hindi naman ako matatakot sa'yo kapag iyon lang ang suot mo. Subukan mo na."

"Tumigil ka nga! Wala ka na bang balak kumain? Lumalamig na ang pagkain, oh!"

Nagmamadaling bumaba si Lin Che mula sa mesa. Ayaw niyang magpatuloy pa ang panunukso nito sa kanya.

Napangiti naman si Gu Jingze dahil sa ikinilos niya.

Napailing ito at naisip na kahit may kahinaan ang isip nito ay mas nagiging magaling na itong mag-iba ng usapan ngayon.

Samantala, tinupad din naman agad ni Gu Jingze ang pangako nitong tutulungan siya sa problema ni Yu Minmin.

Kinabukasan ay kinausap ni Gu Jingze si Lin Che, "Nahanap ko na ang taong sinasabi mo. Nasa hospital siya ngayon. Pwede tayong pumunta doon kung gusto mong makita nang personal."

"Talaga? Mabuti naman kung ganoon. Napakabuti mo talaga, Gu Jingze."

Ngumiti si Lin Che at niyakap ang braso ni Gu Jingze.

Sa hospital…

Hindi maawat sa pagparoo't-parito si Yu Qinglong, ang ama ni Yu Minmin.

Sa loob ng ward ay hinihipan ni Lu Qinghong, ang tagapagmana ng mga Lu, ang lugaw na pinapakain sa pasyente. "Nana, kumain ka nito. Dahan-dahan lang dahil medyo mainit pa."

"Mahal, bakit ba nasa labas pa rin 'yang taong iyan? Hindi ba pwedeng paalisin iyan dito? Ayokong makita ang pagmumukha ng taong iyan! Ba't di nalang niya bayaran ang kasalanan niya? Nakakasuka."

May galit sa mukhang lumabas ng ward si Lu Qinghong.

Tinadyakan nito sa dibdib si Yu Qinglong. "Umalis ka dito! Nasusuka ako sa pagmumukha mo. Wala akong pakialam kung anong gagawin mo, kung pilitin mong ibenta ng anak mo ang sarili niya o gawing tagapagluto habambuhay ang asawa mo, bahala ka! Ano pa ba'ng ginagawa mo dito ha?"

"Ang anak ko… Hindi ako tutulungan ng anak ko." Puno ng hinagpis ang mukha ni Yu Qinglong.

Mula noong araw na pinuntahan nito sa opisina si Yu MInmin ay hindi na niya ito nakita pang muli. Hindi niya ito mahanap kahit saan at wala na siyang makitang pag-asa.

"Eh di mamatay ka na lang. Walang sinuman ang gusto pang makita iyang mukha mo. Ah pwede din namang sa kulungan ka nalang mamatay!" Pabagsak na isinara ni Lu Qinghong ang pinto. Mangiyak-ngiyak naman ang mata ni Yu Qinglong habang nakatingin sa pinto.

Muling bumukas ang pinto.

Lumingon si Lu Qinglong at pasigaw na nagsalita, "Sino ba iyan? Ano sa tingin mo ang lugar na ito na basta-basta ka nalang papasok kung gusto mo?!"

Paglingon nito'y nakita si Lin Che na nakasuot ng itim na jumper at ripped skinny jeans. Nakakaakit ang kanyang mukha.

Nang makita nito ang magandang mukha ni Lin Che ay agad na lumambot ang tono ng pagsasalita nito. "Sino ka? Ano'ng kailangan mo?"

Pumasok si Lin Che sa loob at nakita ang babaeng nakahiga sa hospital bed. Sa tabi nito ay nakatayo ang matangkad na lalaki.

Nakita ni Nana si Lin Che at biglang naging alerto ang mga mata. Kaagad itong bumangon na para bang kinakabahan.

Tahimik namang sumunod sa pagpasok si Gu Jingze na ikinagulat din ng dalawang nasa loob.

Tiningnan ni Lin Che ang babaeng kahit nasa hospital ay hindi pa rin nakalimot na maglagay ng makeup. Humakbang siya palapit at nagtanong, "Ikaw ba ang dahilan ng problema ng mga Yu?"

Ngumiti si Lu Qinghong, "Tama ka. Iyan ba ang ipinunta mo rito? Sinaktan niya ang mahal ko, kaya gusto kong magbayad siya. Madali lang namang intindihin ito, di ba?"

'Pero parang wala namang kahit isang pasa o sugat ang babaeng iyan', isip ni Lin Che.

Tinitigan niya ang babae at tinanong, "Magkano ba ang gusto mo?"

Sumagot ang babae nang walang pag-aalangan, "Five million."

"Ano…" Nagulat siya sa laki ng hinihingi nito. "Limang milyon? Sa laki ng perang hinihingi mo, kailangang malaki din ang maging injury mo!"

Next chapter