webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Hubarin Mo Ang Iyong Pants Para Makita Ko

Iba-iba naman ang naging reaksiyon ng mga tao dahil doon. Ang ilan ay nagnanais na makita si Lin Che na ipinapahiya ang sarili dahil itinanggi pa rin ni Gu Jingyu na may relasyon silang dalawa. Ang iba naman ay nakaisip na kahit sinabi ni Gu Jingyu na hindi sila magkasintahan, ipinakilala pa rin siya nito bilang kaibigan. Noong una, kapag may isang taong nagbabalak na gumawa ng isyu na kasama ito, kaagad ito nitong pinapahiya sa publiko. Pero ngayon, kalmado lang si Gu Jingyu at walang balak na ilagay si Lin Che sa kahihiyan.

Bago paman matapos ang kanyang scenes, umuwi na si Lin Che sa kanilang bahay. Nakita niya si Gu Jingze na nakaupo nang tuwid habang nakatingin sa computer.

Si Gu Jingze ay ang tipo ng lalaking laging tuwid ang tindig sa halos lahat ng oras.

Ito rin ang isa sa dahilan kung bakit mukha itong istrikto at sa tindig pa lamang ay nakakaakit na itong pagmasdan.

Napahinto si Lin Che sa paglalakad. Napansin niya ang mahahabang daliri ni Gu Jingze. Naisip niya na nababagay ang mga iyon na isayaw sa ibabaw ng mga pyesa ng piano. Napakahinhin ng mga iyon na para bagang sumasayaw na mga ballet dancer.

Hindi niya mapigilang matulala habang tinatamasa ang magandang tanawin sa kanyang harap. May kasabihan na mas gumagwapo daw ang isang lalaki kapag ito'y nakaseryoso; totoong-totoo ito lalo na sa isang katulad ni Gu Jingze na likas ang kagwapuhan.

Naramdaman naman ni Gu Jingze na may nagmamasid sa kanya. Iniangat niya ang kanyang ulo at nakita si Lin Che na tulalang nakatayo sa entrance ng pinto. Bigla niya itong tinawag. "Lin Che, bingi ka ba?"

Nakatayo lang doon si Lin Che na hindi mawari kung ano ba talaga ang iniisip, at tumatawa pa sa gitna ng kanyang pagkatulala.

Naisip ni Gu Jingze na hindi pa siya nakakakita ng isang babae na tulalang-tulala katulad ni Lin Che.

Pero nang biglang lumabas sa screen ng computer ang balitang itinanggi na ni Gu Jingyu ang relasyon nila ni Lin Che, hindi niya mapigilang mapangiti. Habang tinitingnan si Lin Che, biglang naging kagusto-gusto ito sa kanyang paningin.

Kaya, ngumiti siya at iwinasiwas ang kamay. "Ba't ka nakatulala diyan? Pumasok ka na," ang sabi niya pagkatapos isinara ang webpage sa screen.

Nahihiyang ngumiti si Lin Che. Hindi niya naisip na mapapatulala siya nang ganoon habang nakatitig sa isang lalaki. Nag-iinit ang kanyang tainga at ayaw niyang mangahas na tumitig sa mapang-akit na mga mata ni Gu Jingze. Kaagad siyang nagsalita, "Oh, medyo hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon. Mauna na ako sa loob para magpahinga."

Nang mapansin ni Gu Jingze na nagmamadaling pumasok si Lin Che, mabilis niya itong hinabol. "Ano'ng nangyari, Lin Che? May masakit ba sa iyo?"

Bahagyang nataranta si Lin Che nang makita si Gu Jingze na nakasunod pala sa kanya. Wala sa sariling sumagot siya dito, "Wala lang ito. Baka... Baka napagod lang ako."

Sinundan siya ni Gu Jingze hanggang sa loob ng kwarto. Sinuri nito si Lin Che. "Dahil ba sa hindi pa masiyadong magaling ang iyong paa?"

Bagama't matagal-tagal na rin iyon, masiyado pa rin siyang naging abala sa trabaho nitong mga nakaraang araw. Lumalabas siya araw-araw para pumunta sa filming site at nagtatrabaho hanggang sa gabi, at kadalasan ay late na siyang umuuwi. Kahit hindi man kalakihan ang sugat, hindi pa rin maikakaila na iyon ay nasa importanteng bahagi ng kanyang katawan.

"Hubarin mo ang iyong pants. Gusto ko itong makita at masuri kung may problema ba sa iyong sugat." Hindi na siya binigyan pa ng pagkakataon ni Gu Jingze na magsalita at agad itong umupo at nagsimulang subukang hubarin ang suot niyang pantalon.

Maliban na lamang kung dumadalo si Lin Che sa mga events o nakasuot ng costume, mahilig siyang magsuot ng simpleng pares ng jeans at sapatos kapag lumalabas siya. Sa ngayon, nakasuot siya ng medyo masikip na pantalon kaya imposibleng masabi kung ano ba talaga ang problema sa kanyang hita.

Walang ibang nasa isip ni Gu Jingze nang mga oras na iyon kundi ang pag-aalala kay Lin Che; ito ang dahilan kung bakit bigla nalang nitong sinabi kay Lin Che na hubarin ang suot na pantalon.

Pero, kaagad namang kumalat ang pamumula sa mukha ni Lin Che patungo sa kanyang leeg.

Huhubarin ang kanyang pants... ng isang lalaking katulad ni Gu Jingze...

Samantala, nang mapansin ni Gu Jingze na hindi kumikibo si Lin Che, hindi na ito nagpatumpik-tumpik pa at nagmamadaling tinulungan itong hubarin ang pantalon.

"Bilisan mo na't hubarin mo na iyang suot mong pants para makita ko kung ano ang problema." Pagkasabi nito ay dumako ang kanyang malaking palad sa suot na pants ni Lin Che at hinila ito pababa.

Noon din ay nataranta si Lin Che.

Mabilis niyang pinigilan ang kamay nito at namumula ang mukhang sumigaw, "Gu Jingze, nababaliw ka na ba? O-okay lang ako. Bakit ba kailangan ko pang hubarin ang suot kong pants?"

Sumagot si Gu Jingze, "Para makita ko ang sugat mo. Kung hindi mabuti ang iyong pakiramdam, sabihin mo lang sa akin. Hindi biro ang arteryang nasugatan diyan."

Ngunit, nang itaas niya ang kanyang ulo, dumako ang kanyang tingin sa namumula at maliit na mukha ni Lin Che.

Sa mga sandaling iyon ay mistula itong isang hinog na kamatis na mapipisa na sa isang sundot lang.

Noon lang napansin ni Gu Jingze na nakahawak pa rin ang kanyang kamay sa pants ni Lin Che. Nag-iba ang kanyang ekspresyon at medyo nakaramdam din ng hiya.

"Eh di ikaw na lang maghubad niyan. Gusto ko lang makita ang iyong sugat. Hindi naman sa mayroon akong ibang binabalak. Ano ba'ng pinangangamba mo?" Sabi ni Gu Jingze habang itinatago ang pagkahiya sa kanyang mukha.

Napahinto rin sa paghinga si Lin Che. Tiningnan niya ito at sinabing, "Kahit na, hindi ko pa rin maaaring hubarin ang aking pantalon... wala akong suot sa ilalim!"

"Hoy, asawa mo naman ako ah. Wala lang naman sakin kung makikita ko man iyan. Hindi ba't ikaw na rin ang nagsabi noon? Na nakita ko na din naman iyan noon?"

"Ano..."

"Pero ano'ng sinabi mo? Wala kang saplot sa ilalim?" Nang marinig iyon ni Gu Jingze, naisip niya na parang may mali. Biglang nagtagpo ang kanyang mga kilay. Ibig ba nitong sabihin, sa ilalim ng pants na iyon ay... ay...

Muli na namang namula ang mukha ni Lin Che. "Hindi, ang gusto kong sabihin ay... nakasuot lang ako ng underwear!"

Tiningnan ni Gu Jingze ang pants nito at nayayamot na nagsalita, "Kung ganoon, natatakpan naman pala ang bahaging dapat matakpan. Wala naman pala akong ibang makikita. Sa tingin mo ba ay gusto kong titigan iyang paa mo?"

Sumagot si Lin Che, "Kung ayaw mong makita, edi wag. Hindi ko rin naman sinabing ipapakita ko talaga 'to sayo! At isa pa, hindi ito dahil sa sugat ko. Pagod lang talaga ako. Pwede ba, lumabas ka na at hayaan mo akong makapagpahinga? Ayaw kitang makasama dito ngayong gabi. Masyado ka lang makakaistorbo sa akin at hindi ako makakatulog nang maayos."

Nagtatakang nilingon siya ni Gu Jingze. "Hindi ako humihilik at hindi ako malikot kapag natutulog. Paano naman kita maiistorbo?"

Ang presensiya mo ay sapat ng pang-istorbo...

"Sa madaling sabi... pwede ba akong mapag-isa ngayong gabi? Kung paminsan-minsan ay maghihiwalay tayong matulog, sa tingin ko naman ay hindi kaagad maghihinala ang iyong pamilya. Hindi rin naman lahat ng mag-asawa ay palaging magkatabi kung matulog!"

Bagama't hindi maunawaan ni Gu Jingze ang ikinikilos nito, kapag naiisip niya kung ano ito kaaburido ngayon ay hindi niya mapigilang mag-isip na marahil ay hindi pa rin ito sanay na makasama siya sa iisang bahay. Marahil ay masiyado itong maraming iniisip nitong mga nakaraang araw at ngayon lang nagkaroon ng pagkakataong sabihin ang mga bagay na iyon dahil sa sobrang kapaguran.

Kaya, nag-isip siya nang malalim nang ilang sandali bago sumagot, "Kung ganoon, okay sige. Lalabas na ako at mauna ka nang matulog. Magpahinga ka'ng mabuti."

Nakahinga naman nang maluwag si Lin Che nang makita si Gu Jingze na kumuha ng kumot at lumabas na.

Pambihira talaga!

Isinadlak ni Lin Che ang katawan sa kama. Pero kaagad niyang naalala kung gaano kasama itong si Gu Jingze!

Naisip niya na marahil ay nasa punto na siya ng kanyang pagkababae na hindi na niya kaya pang kontrolin ang sariling mga hormones. Ito ang dahilan kung bakit kapag nakaharap siya kay Gu Jingze ay gusto niyang maglaway, namumula ang kanyang pisngi, at bumibilis ang tibok ng kanyang puso... lahat ng iyon ay nangyayari sa hindi niya malamang dahilan.

Mabuti na lang at pagkalipas ng ilang araw, matapos ang insidenteng iyon, ay naging abala na naman siya sa kanyang schedule, na halos hindi na niya maitapak sa sahig ang kanyang mga paa. Mas maraming oras ang inilalagi niya sa production team kaysa sa bahay. Kaya, wala siyang masiyadong panahon para isipin ang problema niya kay Gu Jingze.

At sa wakas ay natapos na rin ang kanilang filming sa kanilang series.

Personal namang nag-alok si Gu Jingyu na manlilibre sa buong team upang ipagdiwang ang pagtatapos ng kanilang filming. Sinabi pa nito na magpapakasaya silang lahat at walang uuwi hanggat hindi nalalasing. Kung sakali namang hindi na kayanin ng kanilang katawan, doon na sila magpapalipas ng gabi sa hotel na kanilang pupuntahan. Sa madaling salita, gusto nitong magpakasaya silang lahat sa isang gabi!

Kaya, tinanong ni Lin Che si Yu Minmin na sumama dahil gusto rin niya itong magsaya kasama ng kanilang team.

Mabilis namang nakapag-isip si Yu Minmin na kung sasama siya, maaari siyang makalapit sa direktor at sa ibang staff, kaya masaya siyang tumango bilang pagsang-ayon.

Habang papunta sila doon, habang nagmamaneho si Yu Minmin ay sinabi niya kay Lin Che, "Kapag sumikat na tayo balang araw, papalitan na natin ang sasakyang ito sa isang celebrity van."

Maliit na artista pa rin si Lin Che hanggang ngayon. Kung isasantabi ang usaping celebrity van, naisip ni LIn Che na kahit nga sariling kotse ay wala siya.

Nagpapasalamat rin si Lin Che kay Yu MInmin dahil personal siya nitong inihahatid at sinusundo kahit saan, kahit ano pa man ang dahilan ng kanyang lakad.

Muling nagsalita si Yu Minmin, "Mukhang pagmamay-ari ng mga Gu ang clubhouse na pupuntahan ng mga guests ni Gu Jingyu. Iniisip ko kung makakatagpo ba natin doon si Gu Jingze o kung sino paman sa kanilang pamilya."

"Ptui..." Biglang nasamid si Lin Che.

"Ano'ng nangyari sa'yo?" Tanong ni Yu Minmin.

"Bakit mo naman gustong makita si Gu Jingze?"

"Siyempre, para makadikit man lang sa kanya nang kaunti. Ang iyong Ate Minmin ay mahilig lumapit sa mga mayayamang tao. At dahil may malaking pagkakataon ngayon, hindi pwedeng palagpasin ko ito."