webnovel

Looking 15

Maghapon kahapon ko ini-stalk yung pamilya at mga kamag-anak ng isang matalik na kaibigan na 15 years ko na hindi nakikita. Matalik pa ba yun? LOL. Well, syempre sa Facebook lang. Biruin mo lahat sila may FB maliban sa friend ko. Siguro nga hindi na niya inabot ang social media. Kung namatay na siya days, months, or a year or so nung huli kami nagkita. Pero kilala ko siya. Ni hindi nya siya nagkaroon ng Friendster o Myspace. Facebook pa kaya?

Malamang din talaga sa natodas na sya kasi piho ko malubha na sya noon. Pakalat-kalat. Walang permanenteng matirhan. Inaampon ko naman, automatic yun nung biglang sumulpot sa apartment ko sa Holy Spirit, pero after a few days ni hindi nagpaalam. Bigla na lang nawala. Well, like always, may tangay-tangay naman siya na pangtawid galing sa mga gamit ko. Nabasa nya lahat ng books na sinabi kong basahin nya while in there.

So inuna ko yung FB account ng impakto nyang tatay. Sa abroad na pala sila nakatira. Wala na sa isang matandang distritong pang uppermiddleclass sa QC. Lol. Naalala ko yung address nila. As in #1 - tapos madalas pa ako maligaw haha. Pinetisyon na sya ng anak na babae. Naalala ko si ate na kapangalan ng isang taga Thats Entertainment. Nasa kaugnay na larangan sya pero natatawa siya sa ideya ng paggamit ng Fit. Yung hinahalo sa tubig na panghugas ng gulay para diumano mawala ang mikrobyo at pesticides. Di naman daw kinailangan noon gumamit, bakit pa ngayon. LOL. Naalala ko yung ginagawa nyang miniature fruits na gawa sa kamote. Binigyan nya kami ng baby ng kapatid nung friend ko. Yung baby na hawak-hawak ko noon at nilalaro, dahil halos wala naman time yung mag-asawa na mag-alaga - chineck ko din ang FB ng bagets. Syempre nakaapelyido sa nanay. Sa America na din nakitira kasama ang isa pang kapatid. Nakuha ng lola nila ang custody sa kanila, nung namatay ang nanay nila. Or, maybe wala naman talaga pakialam ang tatay nila. May iba na pamilya. May mga panahon na binabash ng mga kapamilya ng nanay nya yung tatay nya sa FB. Sinusurot. Yung mga magulang nya MENSA. First time ko yata nakatagpo ng mga tao na nanliit ako sa katalinuhan. At in English sila magbangayan sa madaling araw. "Stop stealing my thunder!" Lol.

Anyway, si bagets, maayos din ang trabaho sa America. Di ko na sabihin kung ano dahil hindi naman kailangan - at isa pa, small world. May common personal friend kami dito sa FB. Lol. I am remembering her, and her mom - with the sweetest memory. Kasi kaibigan ko din yung nanay nya. Pare-pareho kaming outsider sa pamilyang yun, including my friend. Ayaw sa kanya ng tatay nya. Sa lola naman siya lumaki. At nung namatay na din ang lola nya, wala na din siyang matakbuhan at mapagsumbungan. Wala na rin siyang makunan ng pera. Lol. Naalala ko nagpuput-up sila ng Computer Networking business noon. Nakapangalan pa sa anak nilang bagets. Kahit mahirap bigkasin.

Nasaan na kaya yung kaibigan ko, no? Kailangan ko pa ba siya? Hindi na siguro. Ang gusto ko lang malaman kung ano na ang nangyari sa kanya. Sapat na sa akin malaman. Malaki mababawas sa anxiety ko pag nalaman ko kung ano kinahinatnan nya.

So alam ko naman na may mga FB sila, pwede ako makibalita. Pero di ko magawa. Hindi pa siguro ngayon. Pero bakit? Siguro dahil mas malamang sa pinakamasaklap, mas wala silang alam o balita kaysa sa akin. Mag-grassroots na lang ako sa paghahanap...ng sagot. Baka nga kasi patay na. Pwedeng nasalvage. Pwedeng basta na lang tinambak sa morgue. Baka walang nagclaim.

Bakit kaya yung mga kaibigan namin wala din naman silang balita. O, wala na rin silang pakialam. Marami ba siyang atraso. And I was too naive or ignorant to discover. Marami rin naman siyang natulungan. Siya yung sasamahan ka sa ospital, sa probinsya mo, sa kabit mo, sa pulitiko para ihingi ka ng reco or donasyon, o sa pulis station hanggang sa bilibid. Ganun siyang kaibigan. Hindi ka nya iiwan hanggat alam nyang kailangan mo sya. Siguro nga talaga patay na sya. Parang pusa. Magpapakalayo-layo pag alam nyang ubos na yung siyam na buhay nya.

Matutuwa sya pag nalaman nya na nagkausap na kami ni Nora Aunor. Dun sa film prof ko, nasa picket ako magdamag nun. Yung kaibigan ko po na yun ang gumawa ng sinubmit ko na review ng Mila. hahaha. Naalala ko nung nanood kami ng Jose Rizal, nagwalkout sya. Kumain na lang daw kami ng tapsilog sa Lope De Vega at tumambay sa Luneta. Yung una namin boarding house kung saan kami nagkakilala, naging beerhouse tapos ngayon department store na. Yung tinirhan namin sa tabi ng Ilog Pasig, nasunog. Doon ako una pumunta after ng graduation. Wala na yung isang set ng Salingers ko. At yung Replay jeans ko! Yung tinirhan namin sa Intramuros, binalikan ko. Tumira ulit ako nang mga kalahating taon habang nagkocross enrol ng mga natitirang units. Saka ako lumipat sa Nepomuceno at dun ko nataposnang college at MA.

Nagtatrabaho na ako sa ad agency, dun pa rin ako nakatira. Pero siya sa isang squatter sa gilid ng Adamson. Tulay lang ang pagitan. Pero bihira na kami magkita.

Hindi siguro ako naging matapang at matatag kundi dahil sa kanya. Hindi ako naging maayos kundi dahil sa kanya.

Kung pumunta kaya ako ng Cavite? Sino naman ang tatanungin ko doon, malamang puro hearsay lang din. Kung sa Luneta naman, himala na lang kung may mga buhay pa doon na mga kaibigan namin. Wala na siyang immediate family sa Pilipinas, yung mga nasa Roxas, nasa ibang bansa na. Walang FB yung kapatid nyang babae. Alangan naman ipalocate ko pa sa institusyon na pinagtatrabahuhan nya. Pag minessage ko yung tatay nya, baka murahin lang ako nun. Hahaha. Lalong sigurado ako na walang alam si bagets na pamangkin nya. Baka nga di nya alam na nag eexist kaming dalawa. Lol.

Babalik ako sa Luneta. Tatambay siguro ng mga ilang gabi. Naisip ko si Poli. Tangena buhay pa din kaya yun?

Isa lang talaga. Isa na lang ang pag-asa.

Nasaan na yung kasa-kasama nyang taga-akay. Yun ang huli nyang kasama.

Makaupo lang ako magdamag sa fountain, maalala ko lang lahat. O, kahit hindi. Dun ko na tutuldukan ang paghahanap. Pagkatapos nun, ayos na ako. Kakalimutan ko na siya.