webnovel

What the Eyes Can't See

Maria Amara was forced to work for the Sarmiento's in the stead of her sick mother. Her life as a maid and a student was then peaceful, not until Sebastian Sarmiento, the only son of the Sarmiento's, went home for a certain reason. Love bloomed. But fate was not on their favor. The star who promised to stay, later lose its light after a painful truth was revealed. Years passed, their paths crossed again. Would fate favor them this time? Would the heart see what the eyes can't? Started: August 18, 2020 Ended:

tyrmrcdjs · Urban
Not enough ratings
5 Chs

Kabanata 2

"Anak, sigurado ka bang ayos lang sayo ito? Nag-aaral ka pa. Mahihirapan kang balansehin ang oras mo."

Pansamantala kong itinigil ang pagtutupi ng mga damit ko at hinarap si nanay. Nakaupo siya sa gilid ng higaan kong gawa sa kawayan na pinatungan ng sira-sira at medyo gutay gutay na kutson. Pinaglumaan iyon ng may kaya naming kapitbahay na ibinigay kay nanay dahil sayang daw kung itatapon.

Nakatingin sa akin ang ina kong halatang malaki ang ipinayat dahil sa isang malubhang karamdaman. Bakas ang kalungkutan sa kaniyang mga matang nagbabasakaling bawiin ko ang desisyon ko at manatili na lamang dito sa bahay.

Napabuntong-hininga ako habang nilalapitan si nanay. Lumuhod ako upang maging kapantay ang mukha niya at marahan siyang hinawakan sa mga balikat. Marahan kong pinipisil pisil ang mga iyon na parang minamasahe.

"Nay, malaki na po ako at kakayanin ko to. Kakayanin natin to. Isa pa, malapit lang naman po ang mansiyon sa kolehiyong pinapasukan ko. Isang sakay ng tricycle lang, pwede ngang lakarin kung hindi gahol sa oras," wika ko at nginitian siya ng matamis.

Kita ko pa rin ang pagtutol sa mga mata niya kaya nagpatuloy ako.

"Gagawin ko po ito para sa inyo, sa atin. Hindi na po kayo pwedeng magtrabaho dahil sa sakit niyo at talagang hindi ako papayag na magtrabaho pa kayo. Dito nalang po kayo sa bahay para na rin may kasama si bunso."

Nakita kong patulo na ang nga luha niya pero tinigasan ko ang puso ko. Kahinaan namin ang luha ng bawat isa ngunit sa sitwasyon namin ngayon ay kinakailangan kong maging matatag.

"Nay, magtatrabaho lang naman po ako bilang kasambahay dun diba? Hindi lang naman po ako mag-iisa doon dahil marami namang ibang katulong. Isa pa kilala naman ako ni Nanay Thelma e. Hindi ako mahihirapan doon inay. At kung inaalala niyo po ang pag-aaral ko, sinusumpa ko po na hindi ko iyon papabayaan. Ngayon pa po bang nasa ikatlong taon na ako? Isang taon nalang po at may accountant na po kayong anak, ayaw niyo po ba nun?" tanong ko.

Nararamdaman kong nag-iinit na din ang sulok ng mga mata ko. Ang hirap maging mahirap. Pero mas mahirap kung wala kang gagawin. Life has never been fair. Kumbaga swertehan nalang talaga kung ipinanganak kang may gintong kutsara sa bibig. Kung ipinanganak ka namang walang wala ay nasa iyo na kung magsisikap ka bang umangat o hahayaan mong hanggang sa pagkamatay mo ay ganun pa rin ang estado mo sa buhay.

Sa katulad kong ipinanganak na medyo hirap sa buhay, kailangan ko talagang magsumikap lalo na at wala na akong tatay na pwedeng bumuhay sa amin. Tanging si nanay lang ang nagpalaki at sumuporta sa aming dalawang magkakapatid.

Baby pa si Amaya nang mamatay ang ama namin sa isang sakit. Sobrang hirap, lalo na at dalawa na kaming kailangang buhayin noon ni inay. Namamasukan siya bilang isang labandera at katulong sa mansiyon ng mga Sarmiento. Ang paglalabada at pagiging katulong niya ang tumustos sa pag-aaral naming magkakapatid simula elementarya hanggang sa ngayong nakatungtong ako ng kolehiyo. Nasa ikatlong taon na ako sa kursong BS Accountancy. Ang bunso ko namang kapatid ay nasa ikaapat na baitang sa elementarya.

Bilang tulong kay inay ay nagbebenta kami ni Amaya, ang kapatid ko, ng mga damit at iba pang accessories online. Hindi kalakihan ang kinikita subalit nakakadagdag tulong naman ito sa pantustos namin sa mga araw-araw na gastusin.

Hanggang sa nalaman namin ang matagal na palang iniindang sakit ng nanay. Humihina na ang pagtibok ng puso niya dahil may butas daw ito ayon sa sabi ng doktor.

Labis kaming nalungkot at nabahala kaya nagdesisyon akong patigilin na siya sa paglalabada kapalit ng paninilbihan ko sa mansiyon.

"Alam ko iyon at sobrang proud ako sayo anak. Sa kabila ng estado natin sa buhay, nagawa mo pa ring makapag-aral ng mabuti at dean's lister ka pa. Manang mana ka sa ama mo," wika ni nanay na ngayon ay naiiyak na.

"Ang inaalala ko lang ay ang pag-uwi ng anak nina Ma'am Louisse at Sir Theodore. Mainit ang dugo nun sayo anak, naalala mo ba nung bata ka? Nung minsang dinala kita sa mansiyon dahil umalis ang tatay mo at walang magbabantay sayo?" tanong ni inay.

Bumalik naman sa alala ko ang mga nangyari dati.

"Hoy batang pangit! Anong sinisilip silip mo diyan? Magnanakaw ka no?"

Nanlalaki ang mga mata ko nang makita ang papalapit na maputi, matangkad, at pawisang lalaki. Agad akong gumilid sa nakasiwang na pintuan ng kwarto niya.

"H-Hindi no! Sabi ni inay ko, bad ang magnakaw. Pitong taong gulang na ako at hindi batang pangit ang pangalan ko. Ako si Maria. Hindi rin ako pangit, sabi nga ng mga kapitbahay namin, pwede daw akong maging artista paglaki ko kasi maganda ako," wika ko sa sa tonong nagmamalaki.

"Artista daw. Baka bulag silang lahat kaya nila sinasabi yun. Pag nag-artista ka, siguro kasama ka sa pelikula pero ikaw yung puno. Nakakadiri ka, umalis ka nga dito sa kwarto ko!"

Naramdaman ko ang pamumuo ng mga luha ko nang marinig ang sinabi niya. Bakit ang sama niya akin? Bakit ang sakit niyang magsalita? Sumisilip lang naman ako sa kwarto niya, nakasiwang kasi kanina nang napagdesiyunan kong magtingin tingin sa kabuuan ng mansiyon.

Hindi ako makagalaw. Natatakot ako sa nanlilisik niyang mga matang nakatingin ngayon sa akin.

"Ano, hindi ka aalis? Isusumbong kita kay mommy para palayasin ka na dito. Ayaw kitang makita, alis!" sumisigaw na siya kaya agad akong kumaripas ng takbo pababa sa ikalawang palapag ng mansiyon.

Umaatungal ako ng iyak sa matinding kaba at takot kaya nang makita ako ni Nanay Thelma, ang kaibigan ni inay na mayordoma sa mansiyong ito, ay agad niya akong nilapitan.

"Dyusko kang bata ka, anong nangyayari sayo? Nadapa ka ba? Nauntog? Sabihin mo sa akin kung bakit ka umiiyak, Maria," nag-aalalang tanong niya.

Hindi ako makasagot. Panay pa rin ako sa paghikbi. Siya namang paglabas ni inay galing sa kusina. Nagulat din siya nang makita ang itsura ko.

"Bakit ka umiiyak Maria?" nag-aalalang tanong niya sa akin. Naramdaman kong kumalma na ako kaya napagdesisyunan kong sumagot.

"U-Umakyat po ako sa second floor i-inay. Tapos po nakita ko iyong medyo nakabukas na kwarto kaya sumilip ako. K-Kaso po may dumating na maputi at matangkad na lalaki. S-Sinabihan niya po akong magnanakaw at tinawag na pangit. T-Tapos sabi pa niya, isusumbong niya daw ako sa m-mommy niya para palayasin ako dito. Nanay, uuwi na po ako, d-doon nalang po ako kina A-Aling Sila," pagmamakaawa ko sa ina. Ang tinutukoy ko ay ang kapitbahay namin na siyang pinagbibilinan ni inay sa akin dati kapag mag-isa lang ako sa bahay.

Nakita ko namang namuo ang mga luha ni nanay at niyakap ako. Doon ako muling umiyak sa dibdib niya.

"Dapat hindi ka na umakyat pa doon, Maria. Oh siya, ako na ang bahalang makipag-usap doon kay senyorito. Baka nagulat lang iyon na may ibang bata dito. Pagpasensiyahan mo na at mainitin lang talaga ang ulo nun," si Nanay Thelma.

Bumalik ako sa reyalidad at sinagot ang tanong ni inay.

"Nay, labing-isang taon na po ang nakakaraan. Bata pa po kami nun. Pitong gulang pa lang po ako nung panahong iyon at siya naman ay nasa mga labing-dalawang taong gulang kung hindi ako nagkakamali. Marami nang nagbago. Baka nga bumait na iyon." Pampalubag loob sa kaniya.

Ang totoo niyan ay nasasabik akong makitang muli ang maputi, matangkad, pero masungit na lalaking iyon na nag-iisang anak pala nina Ma'am Louisse at Sir Theodore, ang mag-asawang pinagsisilbihan ng nanay ko. Ano na kayang itsura nun ngayon? Baka mas lalong gumwapo. Sana lang talaga ay marunong na siyang ngumiti dahil sa tingin ko ay mas bagay iyon sa kaniya.

Natakot ako sa kaniya dati noong una ko siyang makita at sinigawan niya ako kaya pagkatapos nung nangyari ay nagpahatid ako kay inay pauwi sa amin at nanatili na lamang sa bahay ng kapitbahay naming si Aling Sila.

Pero nang makauwi si inay galing sa mansiyon ay ipinaliwanag niya sa akin na kaya ganun ang ugali ng senyorito ay dahil kulang ito sa atensiyon ng mga magulang niya. Palagi kasing wala ang mga ito dahil abala sa mga negosyo nila sa Maynila.

"Sana nga anak. Limang taon ko na ding hindi nakikita ang batang iyon. Hindi na kasi bumalik nang dinala siya nina Ma'am Louisse at Sir Theodore upang doon pag-aralin. Oh siya, aalis na ako at nang makapag-ayos ka na. Basta anak, tawagan mo lang ako kung may problema ha? Magtext ka kay Amaya para malaman naming ayos lang ang kalagayan mo doon," paalala niya.

"Opo nay. Wag na po kayong mag-alala."

Pagkatapos ng pag-uusap namin ay iniwan niya na akong mag-isa sa kwarto. Pinagpatuloy ko ang pag-aayos ng mga damit at gamit. Pagkatapos ko sa ginagawa at pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ng kwarto ko. Mamimiss ko ito kahit na hindi kalakihan at medyo sira sira pa ang dingding na plywood.

Hindi din kasi kalakihan ang bahay naming gawa sa kahoy. Tama lang ito para sa apat na tao at ngayon ngang tatlo na lang kami ay hindi na ito ganoon kasikip. Kapag natapos na talaga ako sa pag-aaral ay bahay ang una kong pag-iipunan.

Bumuntong hininga ako at lumingon sa pintuan ng silid nang maramdaman kong may nanonood sa akin. Ang bunsong kapatid ko palang si Amaya. Malungkot itong nakatingin sa akin na parang ayaw niya akong umalis.

"Ate, mag-iingat ka doon ha? Wag kang magpapagod pati alagaan mo sarili mo." Nalulungkot na wika ng kapatid ko. Nakita ko pang naluluha na ito.

Ikinumpas ko ang kamay ko para palapitin siya sa akin. Agad naman siyang lumapit kaya niyakap ko siya ng mahigpit at ginawaran ng halik sa kaniyang noo. Sobrang malapit kami sa isa't isa sa kadahilanang dalawa lang kami. Halos magkasundo kami sa lahat ng bagay. Ni minsan ay hindi pa kami nag-away. Mamimiss ko ang kapatid ko na to.

"Kayo din dito ha? Si nanay wag mong pabayaan pati pag-aaral mo. Grade 5 ka palang Amaya, wag ka munang gumaya sa mga kaedad mong maagang kumikiringking. Gumaya ka kay ate at pag-aaral ang dapat nangunguna sa prioridad mo." Paalala ko sa kaniya.

Nakita ko naman siyang tumango bilang pagsang-ayon. Kung may naidudulot mang mabuti ang estado namin sa buhay, iyon ay ang maaga naming pagkamulat sa reyalidad. Sa murang edad pa lamang ay natuto na naming tingnan ang mga bagay bagay sa paraan kung paano ito tinitingnan ng mga matatanda. Si Amaya nga ay walong taong gulang pa lamang ngunit mature na itong mag-isip.

Pagkatapos ng mabigat na pamamaalam ay sumakay na ako sa tricycle na inupahan ni nanay na maghahatid sa akin sa mansiyon. Inilagay ko ang malaking bag na pinagsidlan ko ng mga damit sa likod. Nasa balikat ko naman ang isang namamalat nang shoulder bag kung saan nakalagay ang personal kong mga gamit.

"Bye ate, yung mga bilin namin ni nanay ah. Mahal ka namin!"

"Mag-iingat ka doon, Maria. Huwag mong kakalimutang tumawag palagi. Ikamusta mo din ako kay Thelma. Mahal ka namin anak!" pahabol ni nanay.

Nakangiting kumaway ako sa kanila hanggang sa makaandar ang tricycle. Habang palayo nang palayo ay paliit din sila ng paliit sa paningin ko. Tumigil lang ako nang hindi ko na sila makita. Nawala ang ngiti ko at umayos ako ng upo. Tiningnan ko ang sarili sa salamin ng kinalululanang tricycle.

Sa repleksyion ng salamin ay kitang kita ko ang medyo namamaga kong mga mata sa walang tigil na pag-iyak kanina. Namumula din ang ilong kong may katamtamang tangos. Ang mga labi ko'y namumula din sa pagkagat ko upang mapigilan ang pagtulo ng mga luha.

"Kaya mo ito, Maria," bulong ko sa sarili.