1 INTRODUCTION

7:00 PM MONDRAGON WAREHOUSE... 

 

Ikinasa ng isang lalaking may suot na itim na jacket ang hawak na kwarenta de kalibreng baril hudyat na kailangang maging handa ang lahat. 

Mabibilis ang mga lakad nito na tila nagmamadali patungo sa likod ng bodega habang nilalagyan ang hawak na baril ng silencer at hinawakan ang earpiece sa loob ng tainga at mahinang nagsalita.  

"Situation Victor?"

"Ready sir!"

Ang nagngangalang Victor ay nagpalakad-lakad sa itaas ng gusaling kinaroroonan, itim ang buong kasuotan nito at nagmamasid sa madilim na bahagi ng minamatyagang gusali. 

Pagkarinig sa tugon ng usapan ay inayos niya ang itim na sumbrero, kampante at kalkulado ang bawat kilos saka tumingin sa itaas ng gusali sa hindi kalayuan. 

"Echo, Romeo, Oscar?" 

"Ready sir!" sagot ng tatlo. 

Nakapalibot sa bawat kanto sa itaas at ibaba ng gusali ang kanyang apat na tauhan habang sa isang malawak na espasyo sa loob ng bodega ay kausap ng kanyang amo ang isang may edad ng Filipino- Chinese National kasama ng mga tauhan nito. 

Sa panig kanyang amo ay nasa kwarenta sila at sa kausap nito ay nasa kinse lamang. 

Ngunit lahat ng tauhan ay mayroong hawak na baril habang nagbabantay sa loob at labas ng naturang lugar tinitiyak ang kaligtasan ng mga amo.

 

Matapos makipag-usap sa mga tauhan ay nagpasya siyang bumalik ngunit habang naglakakad ay natigilan siya nang makarinig ng tila pagkasa ng isang baril mula sa kanyang likuran. 

Nagtiim ang kanyang bagang at kabadong tumingin sa hindi kalayuan kung saan nagaganap ang transakyon. 

"Thank you for coming Mr. Tang." Malugod na binati ng isang matandang lalaking may suot na amerikanang kulay puti ang matandang intsik na naka tuxedo ng itim, sa tagal nitong paghihintay sa ganitong pagkakataon ay natural lamang na maging masaya ito. 

"Ofcourse! It's you Mr. Mondragon!" tugon ng matandang intsik habang nakangiti. 

Sa likod ng dalawa ay ang sampung trak na may lamang kargamento na kasalukuyang ini inspeksyon ng mga tauhan.

Ang matandang naka suot ng amerikanang puti ay nilapitan ng kanang kamay nito.

"Marco, secure the area."

Agad naman itong tumalima at umalis kasama ang sampung tauhan.

Ang matandang Mondragon ay lubos ang tiwala sa kanang-kamay nito. 

Matagal na nitong tauhan kaya ang mga ganitong transaksyon ay dito na ipinapaubaya. 

"Where's Dave?" Nilinga nito ang paligid kaya lumapit na siya matapos makabalik. 

Binalingan siya ng amo. "Check it."

"Yes boss," agad siyang sumunod sa utos at lumapit sa mga sasakyan.

Pinagkakatiwalaan din siya ng matanda dahil noon ay iniligtas niya ito sa tiyak na kapahamakan.

 

Matagal na ang amo sa larangan ng ganitong negosyo mahigit walong taon na, ngunit gano'n pa man ay pinagkakatiwalaan siya nito sa loob lang ng anim na buwan. Nakuha niya ang tiwala nito ng ganoon lang kabilis. 

Ang trak ay tinatawag na wing van ay nakabuka ang dingding at hantad ang nasa loob. 

Naroon ang ibang tauhan katatapos lang magbilang.

"Bumaba na kayo."

Agad nagsibabaan ang mga ito.

Nakakamada ang mga kahon na gawa sa bakal na naroon.

 

Sinuyod ng kanyang tingin ang mga nakikitang kargamentong nakapaloob sa isang malaking kahon. 

 

May mahahabang baril at mga nakabalot na mapuputing powder  sa cellophane, kahit hindi niya alamin ang loob, sigurado siya kung  ano ang laman.

Napakahusay ng kanyang amo at ng intsik na ito dahil hindi man lang nahuli ng custom.

May sariling mga pribadong erpolano ang amo at doon ikinakarga ang mga produkto mula sa ibang bansa.

Dito na lang inililipat sa trak tulad ngayon.

Hindi rin ito nahuhuli dahil may mga koneksyon sa awtoridad at sa mga maimpluwensiyang tao sa lipunan.

 

Agad siyang bumalik at bumulong sa amo.

"Kumpleto boss."

Maya-maya pa ay nag-abot sa gitna ang dalawang grupo para magbayaran.

Sa isang maliit na mesang naroon ay ipinatong nito ang hawak na attaché case na agad niyang binuksan.

Tumambad ang nakahilerang bundle ng perang dolyar.

"Mr. Tang , it's worth one million US dollars," anang kanyang amo.

Ngumiti ng malapad ang matandang kausap ng amo.

Maglabas man ng gano'ng halaga ang amo, halos doble naman ang balik nito.

Nagkamayan ang dalawang matatanda hudyat na tapos na ang usapan.

Nang paalis na sila ay biglang dumating ang kanang- kamay at humarang sa daanan.

"Marco..."

Natigil sa pagsasalita ang amo at lahat ay nakatuon ang tingin sa humarang, ngunit hindi sa kanang kamay ng amo kundi sa hawak nitong nakahandusay na tila wala ng buhay habang ang pulang likido ay nakakalat sa sahig dahil sa paghila rito.

Isa ito sa kasamahan nila.

Si Simon ang isa sa  pinakamahusay at pinaka maasahan na tauhan ng amo ngunit ngayon wala na itong buhay.  

Tumalim ang tingin ng matandang Mondragon habang nakatitig sa nakahandusay na tauhan.

Alam nito ang kalakaran ng mga intsik, hindi pauutang at hindi palulugi!

Palihim na binunot ni Dave ang baril sa likuran ng suot na pantalon at mahigpit niyang hinawakan bilang paghahanda sa anumang mangyayari.

"What is the meaning of this?" mapanganib na wika ng matandang Mondragon sa kausap.

Tila nataranta ang kausap ngunit kalmado pa rin itong nagsalita.

"I don't know Mr. Mondragon-"

"Nǐ shì zài chūmài wǒmen ma?" diretsong tanong ng matandang Mondragon.

"Dāngrán bùshì!" agad namang depensa ng ka transakyon.

Nang hinablot ng matandang ang kwarenta 'y singkong baril sa likod ng pantalon nito at itinutok sa kaharap ay doon na naalarma ang lahat, biglang nagkatutukan ang mga tauhan ng dalawang amo.

Siya ay nasa likuran ng matandang Mondragon habang nakatutok ang kwarenta de kalibreng baril sa kanang kamay ng kausap.

Walang kaabog-abog ay biglang may pumutok na baril na siyang nagpatumba sa matandang intsik na may tama sa noo.

Lahat ay napalingon sa gumawa. Nagmumula ito sa kanang-kamay ng matandang Mondragon.

Hudyat ng kaguluhan!

Kasabay ng pagbagsak ng intsik ay ang paghila niya sa kwelyo ng amo patungo sa kanyang likuran upang maikubli ito at mailigtas kasabay ng pagtakbo palabas habang nakikipag palitan ng putok sa kalaban.

Nang makalabas na sila ay nilingon niya ang naturang gusali kung saan papalabas ang iba. 

Nang walang anu-ano ay biglang may sumabog sa loob ng naturang bodega! 

Sunod-sunod ang pagsabog ng mga trak at sa lakas ng pagsabog ay muntik na silang tumilapon. 

Tila nag-aapoy na impyerno ang naturang bodega.

 

Nagulantang ang lahat at nagtakbuhan upang makaligtas. 

Nanigas ang matandang Mondragon. Nag rereplika sa paningin nito ang naglalagablab na apoy na siyang tumutupok sa pagmamay-aring negosyo. 

Naglabasan ang ilang mga nakaligtas sa pagsabog ngunit sinalubong ng bala na nagmumula sa kung saan.

Naalarma ang lahat ngunit na hindi alam kung sino ang kalaban!

Mabilis niyang hinila sa pulso ang amo. 

"Dito tayo boss!" 

Tumakbo sila patungo sa parking area kung nasaan naghihintay ang sasakyan. 

Akmang bubuksan nito ang pintuan, subalit dagling natigilan nang makarinig ng pagkasa ng baril mula sa likuran.

Lumingon ito at ganoon na lang ang takot nang makita ang nakatutok na baril sa ulo nito. 

"A-anong ibig sabihin nito?" kabadong untag nito na tila hindi agad rumehistro sa utak ang nangyayari. 

"You are under arrest!"

Dito na natauhan ang matandang Mondragon.

"Hayop! Pinagkakatiwalaan kita!" Buong lakas itong sumigaw sa magkahalong takot, galit at hinanakit. 

Alam niya 'yon. Alam niyang nakuha na niya ang tiwala ng amo, matagal-tagal din ang samahan nila, kasama na siya nito sa lakaran, sa mga pagtitipon, sa mga transaksyon.

Ngunit ang misyon ay misyon.

Itinulak ito ng binata papasok ng kotse ngunit bigla na lang may kumasang baril sa kanyang likuran.

"Boss tumakas ka na!"

Napalingon ang matandang Mondragon at gano'n na lang ang ngisi nito nang makita ang kanang kamay nitong nakatutok ang baril sa kanya.

Si Marco!

"Ang hayop na 'yan ang pumatay kay Simon!"

Nanlaki ang mga mata nito. "Demonyo ka Villamayor!" akmang haharap na ang matanda nang biglang may bumaril kay Marco na agad nitong ikinahandusay, sa ulo ang tama.

Sumilay ang ngiti sa kanyang labi pagkakita sa bumaril, ito ang nagmamaneho ng sasakyan na isa sa kanyang kasamahan.

Agad nitong pinaarangkada ang sasakyan papalayo sa lugar.

"Napakahayop mo! Traydor! Ano bang kailangan mo? Pera? Pag-usapan natin pakawalan mo lang ako!"

Kinuha niya ang duct tape sa compartment. 

"A-anong ginagawa mo?" Nakahantad ang takot sa mukha ng boss na ngayon ay "Target" na. 

Hindi sumagot ang binata at sa halip ay ipiniring sa mata ng target at itinakip sa bibig nito. 

"Hayop ka Villamayor!" tanging naisigaw nito bago magwala. 

Tumawa ang kaibigan niya at alam niya ang ibig sabihin ng tawang iyon.

Hindi 'yon ang tunay niyang pangalan.

Pinindot niya ang earpiece sa loob ng tainga. 

"The target is secured!" aniya sa mga kasama. "I repeat the target is secured!"

"Copy Captain!" tugon ng lahat. 

Pagkuwan ay napangiti ang binata. 

Nagpapasalamat siya sa mga kasamahan at napagtagumpayan ang misyong ito ng walang matinding pinsala.

Ngunit habang nasa byahe ay bigla na alng may sunod-sunod na putok ng baril! 

Walang tigil ang pamamaril sa kanilang sasakyan at nagtatalsikan ang bubog ng salamin dahil sa mga balang tumatama.

Hinila niya ang target padapa saka gumanti.

Sa pagkakataong ito ay hindi na nakaiwas sa tama ng bala ang binata at tinamaan sa tagiliran.

Hindi niya lubos maisip na ang misyong ito ay magiging isang bigo...

 

avataravatar
Next chapter