webnovel

Kabanata 3

Kinulong niya pa ako lalo sa kanyang mga braso. Kahit anong gawin kong tulak sa kanya ay hindi ko magawa. Hindi ko siya kaya.

Hinawakan niya ang pisngi ko gamit ang kanyang isang kamay at mas diniinan niya pa lalo ang kanyang halik. Pilit pa rin akong nagpupumiglas, tinutulak siya sa kanyang dibdib. Ngunit hindi ko pa rin siya matigil sa paghalik, at sa halip ay mas dumidikit pa ang kanyang hubad na katawan sa akin. Hindi na ako makahinga.

Nawawalan na rin ako ng lakas kaya tumigil nako sa paglaban. Hinayaan ko na lamang siya. Hindi na rin ako makapag-isip nang mabuti. Mabilis na tumulo ang aking mga luha.

Napakawalang-hiya ng lalaking 'to!

Ilang sandali ay umalis na ang kanyang labi sa labi ko. Pareho kaming naghahabul ng aming hininga. Malapit pa rin ang mukha niya sa mukha ko. Tumutulo pa rin ang aking mga luha. Nakapulupot na ulit  ang kanyang dalawang braso sa katawan ko.

"Lara."

Nang marinig ko iyon, buong lakas ko siyang tinulak at muntik na siyang matumba. Nanglaki ang mga mata ko. Paano niya nalaman ang pangalan ko?

Ngunit hindi ko na iyon tinanong. Sa halip, ay dali-dali akong tumakbo palabas ng opisina niya.

Pinahiran ko ang aking mga luha habang tumatakbo. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Ilang sandali ay naisipan ko na pumunta sa likod ng university gym.

Walang tao. May dalawang benches doon. Ang isa ay nakaharap sa isang bulaklak ng gumamela. Doon ako umupo.

Iniisip ko ang nangyari kanina. Tumulo na naman ang luha ko. Napakawalang-hiya niya! Bastos! At paano niya nalaman ang pangalan ko? Hindi ko suot ang I.D. ko, dahil pwede niyang masilip ang pangalan ko kung sakaling suot ko nga. Ngayon ko lang siya nakaharap ng malapitan kaya imposibleng kilala niya na ako.

Sumasakit na ang ulo ko sa kaiisip. Bumalik na naman sa isipan ko ang paghalik niya. Wala ba siyang magawa sa buhay niya at pinagtripan niya ako? Tumulo na naman ang luha ko. Nakakainis. Walang hiya!

Matt, sana nandito ka. Alam kong ipagtatanggol mo ako.

Nalungkot ako sa aking naisip at mas lalo pa akong humikbi. Tinakpan ko ang aking mukha ng aking nga kamay at nahawakan ko ang aking labi kaya mas lalo pa akong umiyak.

Ilang sandali, naisipan kong umuwi. Nawalan na ako ng ganang pumasok. Late na rin ako sa unang subject ko ngayong hapun. Tumayo na ako at napansin ang nag-iisang bulaklak ng gumamela sa aking harapan. Nilapitan ko ito.

"Malungkot ka ba?" Hinawakan ko ito. "Alam ko kung paano matatapos ang kalungkutan mo." Walang pagdadalawang-isip ko itong pinitas. Pagkatapos ay  hinayaan ko lang itong malaglag sa lupa.

Pagkarating ko sa bahay ay agad akong humiga sa kama at sinubukan kong matulog.

Ilang oras ang lumipas bago ako makatulog. Iniisip ko pa rin kasi ang nangyari kanina.

Ilang minuto bago mag-alas sais ng gabi ay nagising ako at dali-dali akong umalis sa inuupahan kong kwarto at nagtungo na sa carenderia ni Nanay Mona. Alas sais ang duty ko sa kanya.

Pagkarating ko ay kaunti pa ang mga kumakain.

"Magandang gabi, Nay." walang siglang bati ko kay Nanay.

"Oh, anong nangyari sa iyo?" sabi niya.

"Wala Nay, napagod ako kanina sa skwela."

Tumango-tango si Nanay. "Ganyan talaga kapag sa kolehiyo. Maraming kailangang gawin, mga requirements. Marami ring deadlines. Minsan nga nagsasabay-sabay pa sa isang petsa ang mga ito."

Ngumiti ako. Inaalala ni Nanay ang mga pangyayari sa buhay niya noong college pa siya. Ngunit hindi nakapagtapos si Nanay, hanggang second year college lang siya.

"Pero kahit ganun, namimiss ko pa rin ang buhay estudyante." tumatawang sabi niya.

Napangiti ako ulit. Ang laking pasasalamat ko kay Nanay Mona dahil hindi lang niya ako pinayagan na umupa sa apartment niya, binigyan niya rin ako ng trabaho dito sa carenderia niya.

Tinutulungan ko siyang magluto, magserve sa mga customers niya, at maglinis. Tumutulong din ang kanyang anak na babae na nasa higshschool pa kapag wala itong pasok.

Unti-unti ng dumadami ang mga kumakain kaya nagiging busy na rin kami. Kahit papaano ay nakalimutan ko ang nangyari kaninang tanghali.

Sana hindi ko na makita ang walang hiyang lalaking iyon kailanman.

Lumipas ang gabi at umuwi na kami ng bandang alas nuwebe. Sabay kaming umuwi ni Nanay Mona. Ang bahay nila ay katabi ng kanyang pinauupahang apartment.

Pagkapasok ko sa aking kwarto ay naghanda na ako para matulog. Nakaupo na ako sa kama. Kinuha ko ang aking bag at binuksan ang bulsa sa gilid. Kinuha ko ang bulaklak ng gumamela mula dito. Ilang mga petals ang natanggal.

Binalikan ko ang bulaklak bago ako umalis ng university kanina. Kahit na siya'y nag-iisa, inaamin kong nakakaakit pa rin ang kanyang ganda. Ayokong iwan siya sa lupa at malantang mag-isa. Naisip ko na hindi maganda ang ginawa ko sa bulaklak kanina kaya ko ito kinuha at dinala. Papagalitan ako ni Matthew kung nandito siya.

Napangiti ako. Haaays. Matthew. Namimiss na naman kita.

Inipit ko ito sa isa sa mga notebook ko. Pagkatapos ay pinilit kong matulog.