webnovel

Kabanata 1

Tatlong taon ng madilim at miserable ang buhay ko.

Isang taon pagkatapos mawala ni Matthew, ay nawala rin ang aking auntie at uncle. Car accident. Nagselebrate sila noon dahil anniversary ng kanilang kasal. Ayon sa mga nakasaksi at sa imbestigasyon ng mga pulis, gabi na noong pauwi na sila nang mawalan ng preno ang kasalubong nila na truck. Hindi raw sila nakailag agad kaya nabunggo ang kanilang sinasakyang taxi.

Sina Auntie Norina na kapatid ng aking ina, at Uncle Jonathan ang nag-alaga sa akin mula noong namatay ang nanay ko noong walong taong gulang pa ako. Ang tatay ko ay iniwan kami noong dalawang taong gulang pa lang ako. Hindi sinabi ni nanay sa akin ang dahilan. Ang sabi lang niya ay basta lang siyang umalis sa bahay at hindi na bumalik pa.

Naiwan akong mag-isa. Lahat nalang ng taong malapit sa akin ay iniwan ako.

Nais akong patirahin ng mga magulang ni Matthew sa kanilang bahay dahil parang pamilya na rin ang kanilang turing sa akin at yun din raw ang bilin ng kanilang anak bago ito mawala. Ngunit tinanggihan ko ang kanilang alok. Gusto ko pa ring tumira sa bahay namin kahit ako na lamang mag-isa. Gusto ko pa ring maramdaman ang presensya ng aking nanay, auntie at uncle. Nirespeto naman nila ang aking desisyon.

Naghanap ako ng trabaho at nagpatuloy sa pag-aaral sa college. Nagtatrabaho ako habang nag-aaral. Sa bahay namin pa rin ako tumira. Hindi ko man gustong gastusan pa ako ng mga magulang ni Matthew ngunit hindi sapat ang kinikita ko upang tustusan ang lahat ng pangangailan ko kaya tinanggap ko ang kanilang tulong pinansyal.

Magti-third year college na sana ako nang tumigil ako sa pag-aaral. Naisip ko na baka pabigat na ako sa mga magulang ni Matthew. Ngunit alam kong hindi naman ganoon ang tingin nila sa akin. Pero kahit na, gusto kong mabuhay sa aking sariling sikap.

Umalis ako sa bahay nila nang hindi nagpapaalam. Ngunit nag-iwan naman ako ng sulat. Nakasaad doon ang aking pasasalamat sa kanilang pag-alaga sa akin at ang aking pagpapaalam. Nagpunta ako sa ibang bayan at naghanap ng trabaho at matitirahan. Salamat at nakahanap naman agad ako.

Si Nanay Mona ang may-ari ng inuupahan ko ngayon. At siya rin ang may-ari ng carenderia na pinapasukan ko. Ilang buwan na akong nagtatrabaho sa kanya at nakaipon na ako ng sapat para magpatuloy sa college.

Noong isang buwan, nakatanggap ako ng isang magandang balita. Isang e-mail galing sa isang prestihiyosong paaralan - ang Dalton University, isa sa mga paaralan na pinag-aplayan ko ng scholarship. Nakalagay sa e-mail na tanggap na ako bilang kanilang scholar. Nagtatatalon ako sa tuwa noong nalaman ko ang magandang balitang iyon. Bawas rin ito sa mga gastusin ko.

Ngayon, mag-iisang buwan na ako sa paaralang ito. Nag-aadjust pa rin ako. Malawak ang lugar. Dalawang beses ang lawak sa dating paaralang pinasukan ko. Maraming pasikot-sikot na daan. Maraming mga puno na siyang nagbibigay ng preskong hangin sa lugar. Matataas ang mga gusali. Sa gawing silangan ay may malawak na hardin na punong puno ng iba't ibang klase at kulay na mga bulaklak at iba pang mga halaman  Katabi nito ang canteen. Sa gawing norte patungong kanluran ay ang mga gusali - mga offices at classrooms. Sa gawing timog naman ay ang main gate. Noong una ay nawawala-wala pa ako. Ngayon ay medyo kabisado ko na ang mga daanan.

Wala akong kaibigan dito. Wala rin akong naging kaibigan sa dating paaralan na pinasukan ko. At wala akong balak magkaroon. Naalala ko ang hiling ni Matthew para sa akin na sana makahanap ako ng bagong kaibigan. Pero ayoko. Siya lang ang tanging kaibigan ko at hindi ko siya papalitan. Hindi.

Matthew. Namimiss na kita.

Nandito ako ngayon sa canteen. Natapos na akong kumain. Medyo maraming tao dahil lunch time. Bumili ako ng mango shake - paborito ni Matthew na paborito ko na rin. Iniisip ko ang iba pang paborito na shake ni Matthew habang naglalakad patungo sa labas ng canteen nang may mabangga ako - tao, lalaki at natapunan ko siya ng aking dinadalang mango shake. Nabasa ko ang kanyang damit - puting damit. Hindi ko sinasadya.

Ngunit sa pagkakaalala ko wala akong napansing tao sa dapat na dadaanan ko. Pero bakit nagkaroon?

Nasa kamay ko pa rin ang ngayong kalahati na na shake. Tiningnan ko ang lalaki at inaamin kong natakot agad ako.

Narinig kong nagbubulungan ang mga estudyante sa paligid.

"Si President!"

"Bakit siya nandito?"

"Bihira lang siyang pumunta dito sa canteen, ah."

"Hala. Natapunan siya nung shake! Patay!"

Malalaki ang mga mata kong nakatitig sa kanya. Nakakunot ang kanyang noo. Nakatingin pa rin sa amin ang lahat ng mga tao sa canteen. Gulat. Gulantang. Takot. 'Yan ang mga nakikita kong reaksyon sa kanilang mga mukha. Ako rin ay natatakot sa kung anong kayang gawin ng taong kaharap ko.

Anong ginagawa niya dito sa canteen? Sa pagkakaalam ko at gaya ng sinabi ng isang estudyante kanina na bihira lamang siyang pumunta dito at bumili. Alam ko ang bagay na ito dahil kahit anong gawin kong hindi pagpansin sa buhay niya ay hindi ko magawa dahil kabi-kabila ang naririnig kong balita tungkol sa kanya gaya nalang ng mga nagbubulungang estudyante sa paligid ngayon.

Alam kong galit na siya. Nakikita ko iyon sa expresyon ng kanyang mukha. Seryoso at naghihintay na ako ay magsalita. Tumutulo na ang natapong shake sa sahig mula sa kanyang damit.

"Pasensya na. Hindi ko sinasa-", hindi ko natapos ang paghingi ko ng paumanhin nang marahas niya akong hinila palabas ng canteen. Nabitawan ko ang hawak na shake.

Nadumihan ko ang malinis at makintab na sahig ng canteen.