1 LEVI

"Mukhang malaki ang problema mo."

Narinig kong sabi ng tinig nang isang babae na pumutol sa pag-alala ko sa ginawang pag-reject sa akin ni Nina habang nakaupo sa stool na nasa isang sulok ng bar at nagmumukmok. Limang buwan na simula nang bigla na lamang naglaho si Nina.

Nalingunan ko ang isang babae na nakatayo sa tabi ko at may hawak na shot glass. Hindi ko ito pinansin at nagpatuloy sa pagtungga sa hawak kong isang bote ng alak.

"Snob? Hulaan ko, lovelife ang problema mo, ano?" tanong nito bago lagukin ang laman ng hawak na kopita.

"Do i know you? Bakit masyado kang feeling close?" naiiritang tanong ko rito at akmang tatayo na upang iwan ito ngunit mabilis nitong nahawakan ang kanang braso ko kaya napahinto ako sa pagtayo.

"Hey, chill ka lang. Napansin ko lang kasi na mag-isa ka lang dito sa sulok at mukhang mabigat ang pinagdaraanan mo." Nang masiguro nitong hindi na ako aalis ay binitiwan na nito ang braso ko at naupo na rin sa stool na katabi ng inuupuan ko at muling um-order ng isang shot ng alak. "Kung wala kang mapagsabihan, willing akong makinig. Tutal we're strangers to each other kaya wala akong kikilingan sa mga advice na ibibigay ko."

Natahimik ako dahil pinag-iisipan ko kung ise-share ko ba rito ang bigat na pinagdaraanan ko.

"I'm waiting…"

Napabuntonghininga muna ako at tumungga sa hawak na bote bago tumikhim.

"I have a girlfriend for five years, inalok ko siya ng kasal five months ago at dahil matagal na kami inasahan ko na papayag agad siya…"

"Hmm…"

"Pero hindi ko inasahang tatanggihan niya ako. Tapos nagpalipas lang ako nang isang linggo para humupa ang sakit na naramdaman ko dahil sa rejection niya bago ko siya pinuntahan sa kanila para kumustahin…" Napalagok ako ng beer dahil sa panunuyo ng lalamunan dulot ng pinipigil na matinding emosyon. "And then malalaman ko na lang na umalis na pala siya patungo sa ibang bansa dahil tinanggap na niya ang trabahong inalok sa kaniya. Ni hindi man lang niya nagawang magpaalam kahit sa text lang!"

"To make the story short, naglahong parang bula ang girlfriend mo pagkatapos ka niyang i-reject. Mahal ka naman daw ba niya?"

"Oo…"

"Pero mas matimbang ang mga pangarap niya kesa sa pagmamahal niya sa `yo. Sinubukan mo ba siyang kontakin?"

"Araw-araw ko siyang tini-text at tinatawagan. Maging sa mga social media accounts niya pero hanggang ngayon wala kahit isang sagot. Hindi ko na nga alam kung anong estado ng relasyon namin ngayon."

"Kung talagang mahal mo siya kakayanin mong maghintay sa pagbabalik niya," sabi nito bago ininom ang laman ng shot glass nito.

"Hindi ko na alam, baka ako na lang ang naghihintay pero siya…ewan ko…"

"Kailangan ko nang umuwi." Narinig kong sabi nito kaya napatingin ako rito na bumababa na sa inupuang stool habang sinesenyasan ang waiter para sa bill nito. Pagkatapos ay dumukot ng ballpen sa dala nitong shoulder bag at sinulatan ang tissue na pinagpatungan ng ininom nito. "Here's my number kung kailangan mo ng makakausap. I'm willing to listen."

"Wala ka bang ibang pinagkakaabalahan at pag-aaksayahan mo nang oras ang isang tulad ko na hindi mo naman kilala?" nagtatakang tanong ko rito.

"Marami akong libreng oras dahil hawak ko ang oras ko," nakangiting sabi nito pagkatapos ay dinampian ako ng halik sa kanang pisngi. "Don't hesitate to call me, okay? By the way i'm Lana." Wala sa sariling nahimas ko ang pisngi habang nakatitig sa papalayong pigura nito.

*****

Isang linggo nang nakakalipas pero hindi ko pa rin makalimutan ang babaeng nakilala ko sa bar. At ilang bese na rin akong natuksong tawagan ito upang kausapin. Agad akong nakaramdam ng guilt dahil bigla kong naaalala si Nina at ang malabong relasyon namin.

Napapabuntonghiningang napatitig ako sa monitor ng computer ko kung saan naka-display ang larawan ng nakangiting si Nina na kinunan sa paborito nitong beach. Hindi ko maiwasang maalala ang araw na kinunan ang picture na nasa screen ng computer ko. Ang huling beses na masaya kaming nag-celebrate ng aming anniversary. Fourth and last.

"Ano bang pagkukulang ko? May hindi pa ba ako nagawa kaya hindi mo tinanggap ang alok kong kasal? Ipinaramdam ko naman sa 'yong suportado ko lahat ng mga desisyon at pangarap mo. Pero bakit hindi ako kasama sa mga plano mo?" bulong ko sa sarili. Naramdaman ko na lang ang pag-iinit ng sulok ng aking mga mata at ang pakiramdam na tila may nakabara sa lalamunan ko dahil sa pagpipigil na mapaiyak. Napatiim-bagang ako at napahigit ng malalim na paghinga para lumuwag ang naninikip kong dibdib.

Pero kahit nahihirapan pa rin ako sa sitwasyon namin ni Nina ay pinilit ko nang asikasuhin ang maliit kong negosyo dahil baka ito naman ang mawala sa akin.

"Sir, may naghahanap po sa inyo." Tawag-pansin ng tauhan ko sa shop na sumilip sa nakabukas na pinto ng munti kong opisina.

"Sino raw?" tanong ko habang mabilis na hinamig ang sarili at dumampot ng isa sa mga nakatambak na folder sa harapan ko.

"Lana raw po."

Natigilan ako sa akmang pagbukas ng folder na hawak nang marinig ko ang pangalan na iyon. Kunot-noong napatingin ako rito na para bang may makukuha akong sagot sa mukha nito.

"Sir?"

"Ha? Ah…sige papasukin mo," tanging nasabi ko na lang.

Hindi pa nagtatagal na nakakaalis ang tauhan ko nang may bumungad na isang babae sa bukana ng nakabukas na pinto ng opisina ko.

"Hi there!" Nakangiting bungad nito habang naglalakad papasok sa opisina ko.

"Paano mo nalamang narito ako? Hindi ko naman sinabi ang pangalan ko sa `yo."

"Huwag assuming p'wede? Naghahanap ako ng taong p'wedeng umayos ng mga computer unit ko at mai-upgrade ang mga iyon," nakataas-kilay na sagot nito na basta na lang naupo sa silyang nasa harapan ng mesa ko. "Nabasa ko ang mga review at recommendation ng mga naging costumer mo. Maganda raw ang serbisyo kaya napagdesisyunan kong dito na pumunta. Hindi ko naman inaasahan na ikaw pala ang may-ari nito."

"Gano'n ba? Salamat at itong shop ko ang napili mo. Ilang unit ba ang kailangan i-upgrade?"

Hindi ko na napansin ang paglipas ng mga oras dahil sa pag-uusap namin ng tungkol sa computer café nito at kung saan-saan na rin napunta. Hanggang sa mamalayan ko na lang na nasa isang coffee shop na kami at masayang nagkukuwentuhan.

*****

Hindi ko namalayan ang mabilis na paglipas ng panahon. Mahigit isang taon na pala mula nang mawalan kami ng komunikasyon ni Nina. Hindi man ako tumigil sa pagpapadala ng mga mensahe ay dumalang naman iyon, pero kahit isa sa mga iyon ay hindi man lang tinugon ni Nina. Kaya hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng galit dahil ganoon lang kadali para dito ang balewalain at kalimutan ako.

Kaya kahit wala pang closure ang relasyon namin ng girlfriend ko ay hindi ko naiwasang mahulog kay Lana dahil sa pagdamay nito sa akin tuwing nakakaramdam ako ng pangungulila. Bukod doon ay naakit din ako sa taglay nitong ganda, mabait rin ito, maalalahanin, at maunawain, parang si Nina.

At ngayon nga ay pinaplano ko nang magtapat ng nararamdaman ko para kay Lana dahil napapansin ko namang may pagtingin din ito sa akin. Kaya naman napagdesisyunan ko na yayain itong kumain sa isang mamahaling restaurant.

"Ano'ng meron at inaya mo akong kumain dito? Ang mamahal ng pagkain dito. Dapat sa fastfood na lang tayo," nagtatakang tanong nito habang inaalalayan ko itong maupo.

"Don't worry, sagot ko ang lahat," natatawang sagot ko habang umuupo kasunod ang pagkaway sa isang nakantabay na waiter. Tanging pag-iling at pagtawa na lang ang naging tugon nito.

Hindi ko sigurado sa sarili ko kung mahal ko na ba siya o nakikita ko lang si Nina sa katauhan niya. Pero hindi iyon naging hadlang para ipahayag ko kay Lana ang nararamdaman ko para sa kaniya.

"Kanina ko pa napapansin na parang hindi ka mapakali. May problema ka ba? May gusto ka bang sabihin?" usisa nito sa akin.

"Ahm...Lana, may gusto sana akong sabihin sa 'yo. Pakinggan mo muna ako bago ka sumagot." Pigil ko rito nang akma itong magsasalita kaya napatango na lang ito. "Alam kong hindi pa malinaw ang estado ng relasyon namin ni Nina at alam mo rin iyon. Pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Ang nararamdaman ko para sa 'yo. Lana, mahal na kita at nahihirapan na akong kimkimin ito sa sarili ko."

"Levi..."

"Maiintindihan ko kung hindi mo tutugunin ang pag-ibig ko dahil sa komplikado pa ang sitwasyon ko. Pero –"

"Mahal din kita."

"– sana..." Naputol ang ano pa mang sasabihin ko nang tumimo sa isip ko ang sinabi nito. "Ano?"

"Mahal din kita, Levi," nakangiting sagot nito. "At tanggap ko ang sitwasyon mo."

"Talaga? Talaga! Yes!" sigaw ko kasabay ng pagtayo dala ng labis na tuwa. At wala akong pakialam kahit na pinagtitinginan na ako ng ibang costumer sa restaurant na iyon.

"Levi! Tumigil ka nga! Nakakahiya..." saway ni Lana sa akin na napatakip pa sa magkabilang pisngi ang mga kamay nito. Mabilis ko naman itong nilapitan at hinila patayo para yakapin ng mahigpit.

"Salamat, Lana." Pagkatapos ay dinampian ito ng isang mabilis na halik sa mga labi na ikinapula ng mga pisngi nito.

*****

"Happy first anniversary!" Bati ni Lana nang bumungad ako sa pinto ng shop ko. May hawak itong cake na may nakatusok na isang kandila habang may malawak na ngiti sa mga labi. At kinasabwat pa ang tatlong tauhan ko na may hawak na banner at nagsabog ng confetti. Natatawang nilapitan ko naman ito at dinampian ng halik sa mga labi.

"Happy first anniversary din sa 'yo." Bati ko rito bago inihipan ang nag-iisang kandila na nakatusok sa gitna nang isang maliit at bilog na chocolate cake. "Halika sa office at naroon ang regalo ko para sa 'yo," sabi ko rito bago inutusan ang mga tauhan ko na linisin ang mga kalat.

Pinaupo ko muna ito sa upuang nasa harapan ng mesa ko bago umikot para kunin sa drawer ang regalo ko.

"Here."

Tahimik na inabot nito ang isang parihabang kahon at tinanggal ang ribbon. Kitang-kita ko ang sayang bumalatay sa kaniyang mukha nang tumambad dito ang isang gold necklace na may palawit na star at sa gitna niyon ay isang maliit na brilyante.

"Ang ganda, Levi..." Namamanghang usal nito habang hawak ang palawit.

"Akin na at isusuot ko sa 'yo." Hindi ko na hinintay na sumagot ito at agad ko nang kinuha ang kuwintas at pumuwesto sa likuran nito.

Mabilis naman nitong hinawi ang buhok para hindi maging sagabal. Nakangiting ikinakabit ko ang lock ng kuwintas nang biglang sumagi sa alaala ko si Nina at ang unang taon ng relasyon namin. Kuwintas din ang ineregalo ko sa kaniya pero tear drop shape diamond naman ang palawit niyon.

Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng guilt dahil pakiramdam ko ay niloloko ko si Lana dahil sa regalong ibinigay ko.

"Salamat ulit dito sa regalo mo," sabi ni Lana na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. "May regalo rin ako para sa 'yo," nakangiting sabi nito na mabilis na tumayo at inilahad ang kaliwang kamay nito. Kunot-noong napatingin ako doon dahil wala naman iyong laman.

"What? Wala namang laman iyang kamay mo."

"Give me your hand," natatawang sabi nito. Nagtataka man ay iniabot ko rito ang kaliwang kamay ko na mabilis naman nitong hinawakan. Pagkatapos ay may dinukot ito sa shoulder bag nitong nakasabit pa rin sa balikat. "Tada!"

Biglang nanlamig ang buong katawan ko nang makita ang iniregalo nito sa akin. Wristwatch na kaparehong-kapareho ng iniregalo sa akin ni Nina. Nagkaiba lang sa kulay. Hindi ko malaman ang magiging reaksyon ko dahil doon kaya nanatili akong tulala.

"Hindi mo ba nagustuhan?" tanong ni Lana kasunod ng pagkabura ng ngiti sa mga labi nito .

"H-ha? Nagustuhan ko. Hindi ko lang inasahan na may regalo ka rin sa 'kin. Salamat." Mabilis ko itong kinabig at niyakap ng mahigpit upang maitago ang totoo kong nararamdaman.

"Mabuti naman. Matagal kong pinag-ipunan 'yan para lang mabili ko."

"Hindi ka na dapat nag-abala. Okay naman na sa 'kin kahit t-shirt na lang ang iniregalo mo."

"Ah, basta. Dapat espesyal ang regalo ko dahil espesyal ang araw na ito para sa atin."

"Salamat, Lana. Mahal na mahal kita lagi mong tatandaan 'yan."

"Mahal na mahal rin kita, Levi. At hindi ko kakayanin kapag nawala ka sa akin."

*****

Sa loob ng mga panahong magkarelasyon kami ni Lana ay naging masaya naman kami. Madalas kaming mamasyal sa iba't ibang lugar tuwing weekend at kapag working days naman ay lagi kaming sabay na nagla-lunch.

At sa mga panahong iyon ay marami akong natuklasan tungkol kay Lana. Mga ugali at katangiang wala si Nina. Mabait ito, maunawain at hindi selosa hindi gaya ni Nina na may makausap lang akong babae ay nagagalit na agad. Hindi rin ito mapili at maselan sa pagkain dahil ayos lang dito kahit na sa fastfood lang kami kumain. Ayos lang din dito kahit na maglakad lang kami kung may lugar kaming pasyalan na hindi magawa ni Nina kahit malapit lang ang lokasyon.

Pero aminin ko man o sa hindi alam kong nararamdaman ni Lana ang mga pagkakataong bigla na lang akong natutulala o mawawala sa sarili, dahil bigla kong naaalala si Nina lalo na kapag may mga ginagawa, mga bagay o pangyayari na nakakapagpaalala sa akin ng tungkol sa mga panahong magkasama pa kami ni Nina.

Pero binabalewala lang iyon ni Lana at sinisikap nitong ibaling sa ibang bagay ang atensiyon ko hanggang sa tuluyang mawala sa isip ko si Nina. Alam kong hindi ko na dapat siya iniisip dahil siya ang umalis at nang-iwan.

Hanggang sa sumapit ang third year anniversary. At isang simpleng selebrasyon lang ang ginawa namin, kumain kami ng lunch sa isang fastfood bago nagtungo sa isang mall para manood ng sine.

"Ano'ng gusto mong panoorin?" tanong ko kay Lana habang nagtitingin kami ng mga poster ng mga showing na pelikula.

"Ito!" Nakangiting turo nito sa isang movie na comedy ang tema. Pinapila ko na muna ito at binigyan ng pambayad para sa mga ticket bago ako nagtungo sa bilihan ng popcorn. At wala sa sariling bumili ng isang large caramel popcorn. Ito ang unang beses na ako ang bumili ng popcorn bago kami pumasok ng sinehan dahil si Lana ang madalas na gumawa niyon.

Pagbalik ko sa entrance ng sinehan ay nakatayo na ito malapit sa pinto habang hawak ang mga ticket.

"Tara?" tanong ko kasabay ng pag-akbay rito. Malawak ang ngiting tumango ito hindi ko na napansin ang pagkabura ng ngiti nito nang mapatingin sa hawak kong popcorn. Dahil nakatingin na ako sa entrance ng sinehan.

Ilang minuto nang nagsisimula ang palabas ay hindi pa rin kumukuha ng popcorn si Lana kaya hindi ko na napigilang usisain ito.

"Busog pa ako. Mamaya na lang," sagot nito kaya napatango na lang ako at ako na lang ang umubos. Pero habang humihigop ako ng softdrinks ay bigla akong natigilan. Nanlamig ang buong katawan ko at biglang kumabog ng malakas ang aking dibdib nang mayroon akong mapagtanto. Isang malaking pagkakamali ang nagawa ko dahil plain lang ang laging binibili ni Lana. At ang caramel flavor ay paborito ni Nina.

Hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad sa pagkakamaling nagawa, kaya naman hindi ko na lang inungkat at nagpatay-malisya na lang ako. Hanggang sa matapos ang palabas at makalabas na kami sa lugar na iyon.

"Nagpa-reserve ako sa isang restaurant para sa dinner natin," nakangiting sabi ko rito habang inaalalayan ko itong sumakay ng taxi na huminto sa tapat namin.

"Talaga?" excited na tanong nito. Pilit kong hinahanap ang bakas ng pagdaramdam sa tinig at sa mga mata nito nang makaupo ako sa tabi nito. Pero ang nangingislap sa tuwa nitong mga mata ang tanging nakikita ko. "Pinaghandaan mo talaga ang araw na ito, ha?"

"S'yempre, special day natin 'to, eh."

"Salamat. I love you!" galak na sabi nito sabay lundag sa akin at mabilis na ipinulupot ang mga braso sa batok ko. Pagkatapos ay sinakop ang mga labi ko para sa isang halik na tumagal ng ilang minuto. "I love you…" hinihingal na sabi nito habang nakatitig sa mga mata ko.

"I love you too," tugon ko kasabay ng isang mahigpit na yakap dahil hindi ko siya kaang tingnan sa mga mata, gaya nang ginawa nito.

-----

Ilang sandali pa ay huminto na ang sinasakyan namin sa tapat ng restaurant, kaya naman mabilis na akong nagbayad bago bumaba at inalalayan si Lana sa pagbaba nito.

"Ang ganda rito…" namamanghang sabi ni Lana habang iginagala ang mga mata sa paligid ng restaurant. "Mabuti na lang at naisipan kong mag-dress kung hindi out of place ako rito."

Napangiti ako sa naging reaksiyon nito. Talaga namang maganda ang ambiance ng lugar, tahimik at may part na presko at over-looking. Na romantic talaga ang dating, at iyon amg lugar na pinili ko para sa aming dalawa.

"Mabuti at nagustuhan mo. Naghanap talaga ako ng magandang lugar para sa gabing 'to," nakangiting sabi ko nang pareho na kaming nakaupo. "Order na tayo?" Tanging tango lang ang isinagot nito dahil hindi na ito makapgsalita dala ng labis na tuwa. Mabilis ko namang sinenyasan ang nakaantabay na waiter para sa order namin. At ilang sandali pa ay masya na kaming kumakain habang nagkukwentuhan ng mga karanasan namin noong mga bata pa lang kami na ngayon lang namin nagawa sa loob ng tatlong taong relasyon namin.

"Happy third year anniversary…" bati ko na itinaas ang wine glass para makipag-toast.

"Happy third year anniversary…I love you…" nakangiting sabi nito na sinuklian ko naman ng isang ngiti bago ko ininom ang laman ng wine glass ko.

Pagkalapag ko ng wine glass ay biglang tumunog ang cellphone ko, tanda na mayroong tumatawag. Kunot-noong dinukot ko iyon mula sa bulsa ng suot kong slacks para alamin kung sino ang tumatawag, pero tanging isang unregistered number ang nakarehistro sa screen ng cellphone ko.

"Bakit?" usisa ni Lana nang mapansing tinitigan ko lang iyon.

"Number lang."

"Baka importante, sagutin mo na." Tumango pa ito upang siguruhing ayos lang na sagutin ko ang tawag. Kaya naman pinindot ko na ang answer button.

"Hello? Sino 'to?"

"Levi…"

Para akong naestatwa sa kinauupuan nang marinig ko ang pamilyar na tinig at wala sa sariling napatingin kay Lana na nabitin sa ere ang kutsarang may lamang dessert kasabay ng pagkabura ng ngiti nito.

"Ni-Nina?"

"Kamusta? P'wede ba tayong magkita?" tanong nito sa alanganing tinig.

Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko dahil nagdadalawang-isip ako.

"Kailan?"

"Bukas, alas-tres ng hapon. Sa paborito nating restaurant."

"Ahm…titingnan ko muna ang schedule ko."

"Ah…sige. Maghihintay ako roon bukas."

"Okay." Matapos ang tawag ay binalot kami ng katahimikan.

"Si Nina ba iyon?" Basag ni Lana sa katahimikan.

"Oo…"

"Bakit daw?" tanong nito sa mahinang tinig habang nakatitig sa pinggan nito.

"Gusto niyang makipagkita bukas ng hapon. May gusto raw siyang sabihin."

"Pupunta ka ba?"

"Hindi ko alam. Naguguluhan ako," nahihirapang sagot ko.

"Pumunta ka," sabi nito na inabot ang kanang kamay ko at pinisil iyon. `Di makapaniwalang napatitig ako rito.

"Sigurado ka? Pero…"

"Oo. At para malinawan na kung ano ba talaga ang mayroon sa inyong dalawa."

Napatitig ako sa mga mata nito at napansin kong namamasa ang mga iyon kahit na may munting ngiting nakaguhit sa mga labi nito.

"Patawarin mo `ko…"

"Wala ka namang kasalanan dahil pareho nating alam na wala pa talagang closure ang una mong relasyon."

"Salamat."

Ngumiti lang ito at sumenyas na ituloy na namin ang naudlot na pagkain ng dessert. Pinilit naming umakto nang normal. Pero pareho naming alam na pilit na lang ang mga ngiti at tawa namin dahil sa nagbabadyang pagkasira ng masaya naming samahan.

*****

"Levi…" nakangiting tawag ni Lama sa akin kaya napangiti rin ako, naudlot ang akma kong paglapit rito nang sunud-sunod na pumatak ang mga luha nito.

"Lana…"

Napabalikwas ako ng bangon dahil sa panaginip na iyon at wala sa sariling napatitig sa kawalan. Hindi ko alintana ang panlalamig ng buong katawan ko dahil sa tagaktak kong pawis. Naisuklay ko na lang ang mga kamay ko sa may kahabaan ko ng buhok na tumabing na sa mga mata ko.

Napatingin ako sa alarm clock na nakapatong sa side table ko para alamin ang oras. Nang mapagawi ang mga mata ko sa picture frame na katabi niyon. Ilang beses ko nang tinangkang itago o itapon ang lrawang iyon, pero sa tuwing nahahawakan ko iyon ay biglang sumasagi sa isip ko ang mga panahong masaya at magkasama pa kami.

"Bakit bumalik ka pa? Masaya na ako. Unti-unti na kitang nakakalimutan." Napatiim-bagang ako dahil sa nadaramang galit. "Bakit?"

Wala man sa kundisyon ang katawan ko ay pinilit ko nang tuluyang tumayo para maligo dahil kailangan ko munang dumaan sa shop bago ako pumunta sa tagpuan namin ni Nina. Patungo na sana ako sa banyo nang biglang mag-ring ang phone ko na nakapatong sa ibabaw ng side table. At nang alamin ko kung sino ang tumatawag ay nakita ko ang pangalan ni Lana.

"Lana…"

"Hi…tumawag lang ako para ipaalam sa 'yo na hihintayin kita sa shop mo mamayang hapon." sabi nito sa mahinang tinig.

"Sige. Dadaan muna ako sa oipisina bago ako tumuloy sa restaurant. Ibibilin kita sa tauhan ko."

"Sige. I love you…"

"Love you…" Ilang sandali akong natulala matapos ang tawag at muli akong napatingin sa nakangiting larawan ni Nina. Napahigit ako ng malalim na paghinga bago pikit-matang itinaob ang larawan bago nagtuloy sa banyo. Anuman ang maging resulta ng pag-uusap namin, hindi ko iiwan si Lana.

-----

Kasalukuyan akong nakatayo sa sidewalk sa labas ng restaurant kung saan kami magkikita ni Nina at nakatanaw sa dingding na salamin upang alamin kung naroon na ito.

At dahil kakaunti lang ang mga kumakain ay madali ko itong nakita. Nakatitig ito sa kawalan habang may baso ng juice sa harapan nito.

Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko nang mapatitig ako sa maganda nitong mukha. Hindi ko maiwasang maalala ang mga panahong magkasama kami sa lugar na iyon. Sa kahit na anumang okasyon. Ang mga panhong masaya kami sa relasyon namin, ang nakngiti nitong mga labi at nagniningning na mga mata dahil sa labis na tuwa na ako ang dahilan.

Hindi ko namalayang nakangiti na pala ako, na agad ring nabura nang maalala ko ang huling pagkakataon na nasa loob ako ng lugar na iyon.

Ang araw na inakala kong simula na ng bagong yugto ng buhay ko kasama ang babaeng pinakamamahal ko. Pero iyon pala ang araw na magpapaguho ng buong mundo ko, at ng mga pangarap na matagal kong binuo at pinagplanuhan. Na ang babaeng piunakamamahal ko rfin ang dahilan.

Pero hindi ko inasahang hanggang ngayon ay mararamdam ko pa rin ang pagmamahal ko para sa kanya na akala ko ay tuluyan nang nawala dahil sa pagmamahal ko kay Lana. Ramdam kong pareho silang matimbang sa puso ko at hindi ko alam kung kakayanin ko kung may mawala isa man sa kanila.

Napansin kong napatingin ito sa suot nitong relo kaya napahigit na ako ng malalim na hininga bago humakbang patungo sa pinto. Pakiramdam ko ay nababakla ako dahil sa panlalambot ng mga tuhod ko habang papalapit ako rito. Maging ang mga kamay ko ay nanlalamig dahil sa kaba hanggang sa nakatayo na ako sa harapan nito.

"Levi!" bulalas nito na napatayo pa. "Akala ko hindi ka na darating."

"Pasensiya ka na may tinapos pa kasi ako." Pasimple akong umiwas ng akmang hahalikan ako nito sa pisngi. Agad kong napansin ang lungkot na bumalatay sa mukha nito dahil sa ginawa ko pero pinigil ko ang sarili ko na aluin ito.

"Ano nga pala ang gusto mong kainin?" tanong nito habang bumabalik sa upuan. Napailing na lang ako bilang sagot.

"Ano nga pala ang kailangan mong sabihin?" usisa ko rito nang makaupo na kami. Napabuntonghininga ito at wala sa sariling napahawak sa basong nasa harapan nito.

"Una sa lahat gusto ko munang humingi ng sorry dahil sa ginawa kong pag-alis ng walang paalam. Sorry din dahil ni-reject ko ang proposal mo…"

"P'wede bang diretsahin mo na ako," `di ko napigilang isa-tinig.

Bahagya itong natigilan dahil sa sinabi ko at napayuko kaya napabuntonghininga ako. Hihingi sana ako ng pasensya pero naudlot iyon nang tumikhim ito at muling nag-angat ng mukha.

"Ma-mahal pa rin kita…" Natigilan ako sa sinabi nito at hindi ko malaman kung ano ang magiging reaksyon ko. "Mahal pa rin kita at handa na akong magpakasal sa `yo." Nakatitig sa mga mata kong sabi nito.

"Nina…hindi gano'n kadaling ibalik ang lahat sa dati. Iniwan mo ako at sa loob ng tatlong taon wala akong naging balita sa `yo. Pagkatapos babalik ka at sasabihin ang mga iyan na para bang kahapon lang tayo huling nagkita?" mariing sabi ko dahil sa tinitimping galit.

"A-alam kong may kasalanan ako. At handa akong bumawi hindi naman tayo naghiwalay nang umalis ako kaya tayo pa rin. Babawi ako. Mahal mo pa rin naman ako, `di ba?"

Hindi ko napansin na matagal pala akong natahimik at natauhan lang ako ng tawagin ako nito.

"Hindi naman nawala ang nararamdaman ko para sa `yo pero hindi madaling ibalik sa dati ang relasyon natin…" nahihirapang sabi ko na napaiwas ng tingin dito.

"A-alam ko at willing akong maghintay. Basta tayo pa rin…" Hahawakan sana nito ang kamay kong nakapatong sa mesa pero marahan ko iyong iniiwas at sa halip ay pinag-krus ko na lang ang mga braso ko sa aking dibdib.

"Bakit ka nga pala bumalik? Akala ko ba gusto mong maabot ang mga pangarap mo?" usisa ko. Napaiwas ito ng tingin at naging malikot ang mga daliri tanda na kinakabahan ito. "Nina?"

"Ha? Hi-hindi kasi maganda ang naging karanasan ko roon sa pinagtrabahuhan ko. Kaya sa halip na magkagulo pa lalo ay umalis na lang ako at umuwi," mabilis na sagot nito.

"May balak ka pa bang bumalik doon? Kung saan man `yang pinasukan mo."

"Hindi na. Wala na akong balak bumalik pa roon." Napansin kong may bahid ng galit ang pagkakasabi nito ng mga salitang iyon kasabay ng pagkuyom ng mga kamao nito. Kaya napakunot ang noo ko pero hindi ko na ito inusisa.

Naramdaman kong nag-vibrate ang cellphone ko na nasa bulsa ng suot kong faded jeans tanda na mayroong nag-text. At nang tingnan ko ay nalaman kong si Lana iyon at ipinapaalam na naroon na ito sa shop ko. Hindi na ako nag-reply at mabilis na ibinulsa ang cellphone.

"Kailangan ko nang bumalik sa shop ko. May mga naghahanap sa akin," paalam ko rito bago tumayo.

"H-ha? Ahm…gano'n ba? Sige, ingat ka. Text-text na lang."

"Okay," tanging naisagot ko at dali-daling umalis nang lugar na iyon.

-----

"Kamusta? Anong nangyari sa pagkikita ninyo?" usisa ni Lana nang makarating ako sa shop at nagtuloy sa maliit kong opisina.

Napapabuntonghiningang umupo ako sa bakanteng upuan na kaharap ng inuupuan nito at wala sa sariling tumitig sa maganda nitong mukha.

"Levi?"

"Gusto niyang bumalik…"

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Gusto niyang ibalik ang dati. Hindi naman daw kami naghiwalay kaya kami pa rin daw hanggang ngayon. At tatanggapin na raw niya ang marriage proposal ko," nahihirapang sagot ko.

"W-what…? Anong? Paano na tayo?" halos pabulong na tanong nito.

"Hi-hindi ko alam…ayaw kong mawala ka pero—"

"Pero mahal mo pa rin siya?" May bahid ng lungkot ang tinig na tanong nito.

"Patawarin mo `ko. Minahal rin naman kita, mahal rin kita kaya nga naguguluhan ako kung anong gagawin ko."

Napatayo ako mula sa aking kinauupuan at nanggigigil na napasabunot sa sariling buhok habang nagpapalakad-lakad.

"Levi…hindi mo na kailangang mamili."

Napatigil ako sa pagpapabalik-balik at marahas na napatingin dito.

"Anong ibig mong sabihin? Makikipaghiwalay ka?" Pakiramdam ko ay may bumikig sa aking lalamunan dahil sa pinipigilang emosyon at biglang nag-init ang sulok ng aking mga mata.

"Hindi," mabilis na sagot nito na napatayo pa at agad lumapit sa akin. "Hindi ako makikipaghiwalay pero tatanggapin ko kung hindi mo pa kayang pakawalan si Nina. Kaya kong hintayin na hiwalayan mo siya basta ba `wag mo akong babalewalain."

"Lana…"

"Mahal kita Levi at hindi ko kayang mawala ka sa akin…" lumuluhang sabi nito na yumakap sa akin ng mahigpit.

Ginantihan ko ang yakap nito at dinampian ng halik ang tuktok ng ulo nito.

*****

Naging mahirap para sa akin at maging kay Lana ang naging desisyon namin na manatiling magkarelasyon dahil tanging si Lana lang ang nakakaalam ng tunay na sitwasyon at dahil doon ay ito ang laging nagbibigay at umuunawa sa tuwing may biglaan kaming lakad ni Nina.

Hindi ko na ito nasasamahan sa mga lakad na dati naming ginagawa at bihira ko na lang ito makasamang kumain sa labas dahil nag-iingat kami na baka may makakita sa amin at makarating kay Nina.Dahil may pagkaselosa si Nina at baka makarating ang tungkol kay Lana rito.

Paulit-ulit akong humihingi ng pasensya dahil sa limitadong oras na magkasama kami at palagi kong sinasabi kay Lana na mahal ko siya. Nagpapasalamat ako dahil maunawain ito at hindi basta-bastang nagagalit.

Pero napapansin ko ang madalas na pagkatulala ni Nina sa mga panahong magkasama kami at parang laging maiiyak, pero kapag inuusisa ko ito ay idinadahilan lang nito ang panghihinayang sa oportunidad na napilitan itong iwan dahil lang sa isang 'di pagkakaunawaan.

At kung minsan naman ay madalas itong may ka-text at kausap sa phone na naaabutan ko pang sinisigawan nito. At ang paliwanag nito ay isang dating katrabaho na nangungulit sa kaniya. Hindi man ako kumbinsido sa mga paliwanag ni Nina ay tinatanggap ko na lang dahil naisip kong wala naman sigurong dahilan para magsinungaling siya sa akin.

Hindi rin nakaligtas sa pansin ko na para bang nadaragdagan ang timbang nito. Malakas rin itong kumnain at hindi na gaanong mapili. Ipinagsawalang bahala ko na lang din iyon at inisip na dulot lang iyon ng stress.

*****

Kasalukuyan akong nasa apartment ni Lana dahil nagkataong masama ang pakiramdam ni Nina. At ayaw nitong pumunta ako sa kanila na hindi ko na inusisa kung bakit, dahil chance ko na itong makasama ng mas matagal si Lana na walang ibang iisipin.

"Levi?"

"Hmm?"

"Masasamahan mo ba ako sa birthday ko? Pupunta ako sa province para bisitahin sina mama," tanong nito habang magkatabi kaming nakaupo sa mahabang sofa at nanonood ng movie sa tinitirahan nitong may katamtamang laki ng apartment.

May sariling kusina, sala at may isang kwarto. Tama lang para sa taong nagsasarili.

"Kailan ba `yon?" tanong ko habang nakaakbay dito at pinaglalandas ang kanang hintuturo sa kanang balikat nito na nakalitaw sa suot na sando.

"Sa sabado. Tatlong araw mula ngayon," sagot nito na napatingala pa sa akin habang nakatukod ang baba sa dibdib ko.

"Sige, ipaalala mo na lang sa akin. Alam mo naman ako may pagkamalilimutin minsan," natatawang sabi ko kaya nahampas ako nito sa dibdib. Hinuli ko naman ang kamay nito at dinampian ng halik ang mga daliri.

"I love you…" anas ko at nagawa ko na itong titigan sa mga mata habang sinasabi ang mga katagang iyon.

"I love you too…" tugon nito na may munting ngiti sa mga labi. At hindi ko na napigilang dampian ng halik ang mamula-mula nitong mga labi.

*****

"Lana…"

"Oh, Levi, napatawag ka? Mamaya pang hapon ang alis natin," bungad nito. Hindi ko maiwasang ma-guilty dahil sa balitang kailangan kong sabihin.

"Lana, ano kasi…"

"Hindi mo `ko masasamahan?" tanong nito sa malungkot na tinig.

"Pasensiya ka na. Bigla kasing nagdesisyon si Nina na magpunta sa beach habang pauwi kami galing sa mall. Wala na akong nagawa dahil siya ang may kontrol ng manibela…"

...

avataravatar
Next chapter