webnovel

Teach Me How to Die

Ano ang gagawin mo kung isang gabi matagpuan mo na lang ang sarili mo na na-stranded sa paaralang pinapasukan dahil sa masungit na panahon kasama ang dalawang guro na gustong pumatay sa iyo? Makalabas ka pa kaya nang buhay? ************ Nang pahiyain ni Miya Antipasado ang dragon nilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala niya ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw nito. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng kanilang prinsipal na si Mrs. Villarica si Ms. Velasco. Pinal na napagdesisyunan nito na tuluyan nang patalsikin si Miya sa Purvil High sa paniniwalang isa siyang masamang impluwensya sa mga estudyante na hindi dapat pamarisan. Pero agad na tumaas ang tensyon sa loob ng opisina nang traydurin si Miya ng kanyang matalik na kaibigan at ibunyag sa mga ito na palihim na kinuhanan ni Miya ng video ang ginawang pamamahiya kay Ms. Velasco, at patuloy pa rin niyang kinukuhanan ng video ang pag-uusap nila ngayon. Nalaman din ng mga ito na balak i-post ni Miya sa social media ang mga video para ipahiya sila at mapatalsik sa Purvil High. Kasunod ng pagdating ng malakas na bagyo, dumanak ang dugo sa loob ng Principal's Office, at sa nagdidilim na diwa ni Miya napagtanto niya na handang pumatay sina Mrs. Villarica at Ms. Velasco mapagtakpan lang ang pinakatatagong sikreto ng mga ito. Makalabas pa kaya nang buhay si Miya sa paaralang pinalalakad ng mga taong may maiitim na puso at naglalagablab na galit?

Titanic_King · Teen
Not enough ratings
8 Chs

Chapter 5

Umalingawngaw ang malakas na tunog ng school bell, hudyat ng pagtatapos ng klase. Lalong umingay ang paligid nang sabay-sabay kaming nagsipagtayuan at lumabas ng silid-aralan.

Naiwan sa loob ang mga nakasimangot na kaklase ko na nakatokang maglinis ng silid.

Magkakasama kaming anim na naglakad sa mataong hallway.

"Bilisan mo ang paglalakad, Miya. Or better yet takpan mo ng libro ang mukha mo. Siguradong ipatatawag ka ni Mrs. Villarica. Mas mabuting sa Lunes ka na nito pagalitan kaysa ngayon. Hindi mo gugustuhing maabutan ng bagyo," nakangising sabi ni Bruno habang ngumunguya ng bubble gum. Sinubukan nitong palobohin ang nginunguya pero agad ding pumutok sa mukha nito.

"Hindi ka nakakatulong, Bruno. Pwede bang tantanan mo na si Miya," taas ang kilay na saway ni Layla. Pinandilatan nito si Bruno.

Tinapunan ni Bruno ng mapanuring tingin si Layla. Tila nasaktan ito sa sinabi ng bestfriend ko.

"What's your problem, girl? Sinusubukan ko lang tulungan si Miya. Kailangan niya ang mga payo na galing sa isang henyo na kagaya ko."

"Suit yourself," naiiling na turan ni Layla sabay halukipkip. "Ikaw lang ang nag-iisip na henyo ka."

Inikot ni Bruno ang mga mata. Dinura nito ang nginunguya sa ibabaw ng nakasaradong trash bin sa isang tabi. May ngisi uli sa labi nito nang tumingin kay Layla.

"Bilisan mo rin ang paglalakad, Layla. Or better yet, takpan mo ng dyaryo ang mukha mo. Bakit? Akala mo siguro hindi ko alam na isa ka sa mga cleaner ngayon. Isa kang dakilang takas. Hindi mo 'ko maloloko. Henyo 'to, girl."

Namula ang mukha ni Layla.

"Don't call me girl, stupid."

"Okay, I'll call you boy. You like it?"

"Itigil n'yo na nga 'yan. Para kayong aso't pusa. Palagi kayong nagbabangayang dalawa," naiiling na saway ni Clint. Kinalabit nito si Nana sa tabi nito. "Basta ihanda mo ang listahan ng pangalan ng mga kaklase natin sa Lunes, beshie. Kailangan lahat tayo makapirma para katunayan na tumetestigo tayo laban kay Dragon Lady. Lalaban tayo kasama ni Miya."

"Noted, beshiewap," sabi ni Nana. Tumingala ito at pinagmasdan ang maulap na kalangitan. Namuo ang pag-aalala sa maamong mukha nito.

"Miya, gaya nang sinabi ni Nana at Bruno kanina, nasa likod mo lang kami. Hindi ka namin iiwanan sa ere," sabi ni Karina sabay hawak sa braso ko at pinisil ito. "Just be strong, okay? Miya the Dragonslayer!"

"Miya the Dragonslayer!" sabay-sabay nilang sabi. Gusto kong tumakbo palayo sa kanila. Pakiramdam ko maduduwal ako na hindi ko maintindihan. Kanina lang ay musika sa aking pandinig ang bansag nila sa akin. Pero hindi na ngayon. Pakiramdam ko pinirmahan ko ang sarili kong death certificate nang tanggapin ko ang bansag nila sa akin. Tila may kaakibat itong masamang pangitain na siyang magpapahamak sa akin sa bandang huli. Siguradong nakarating na sa mga tainga ni Ms. Velasco ang bansag ng mga kaklase ko sa akin. Malamang nag-aalboroto na ito sa sobrang galit at pagnanasang makaganti.

"Bakit antahimik mo, Miya?" tanong ni Layla. "Ano'ng iniisip mo?"

"Natural ako. Sino pa ba'ng iisipin ni Miya?" Kinindatan ako ni Bruno sabay ngiti. Kumikinang ang suot nitong braces. "Hindi ba, Miya, ako ang iniisip mo? Aminin mo na!"

"Tigilan mo nga si Miya, stupid boy," muling saway ni Layla. Akmang susuntukin nito si Bruno sa balikat pero agad itong nakatakbo palayo.

"Bakit , Layla. Nagseselos ka ba? Well, hindi kita masisisi. Sobrang guwapo ko kasi. Kaya nga lahat ng mga kaklase natin crush ako. Cute na nga henyo pa. Saan ka pa, right? Compete package ito, girl. Pwede namang maging tayo, e. Kaso mukhang magaan ang mga kamay mo. Nananakit ka ng mga cute na kagaya ko. D'yan pa lang bagsak ka na sa akin."

"A-Ang kapal," inis na sabi ni Layla. Pinandilatan nito si Bruno.

"Iniisip ko kasi kung ano'ng mangyayari kapag hindi pumanig sa akin si Mrs. Villarica," sagot ko. Mariin kong tiningnan si Layla. "Siguradong kakampihan nito si Ms. Velasco. She always does."

"Huwag kang mag-alala, Miya the Dragonslayer. Pagsisisihan ni Mrs. Villarica sa oras na kampihan nito ang dragon. Alam mo 'yan," sabi ni Layla.

Huwag mo na akong tawaging Miya the Dragonslayer, gusto kong igiit kay Layla. Hindi na ako kampante sa bansag nila sa akin. Lalo kung manggagaling kay Layla. Pakiramdam ko may panlilibak sa tono ng pananalita nito na hindi ko maintindihan. Tila may pagkasarkastiko. O sadyang malawak lang talaga ang imahinasyon ko? Marami nang gumugulo sa isipan ko. Parang sasabog na ang utak ko sa sobrang daming alalahanin.

"Ewan ko kung bakit palaging kampi ang prinsipal kay Dragon Lady," sabi ko. "Hindi kaya may pinaiinom na gayuma si Ms. Velasco kay Mrs. Villarica? Who knows?"

"I know!" bulalas ni Bruno sabay taas ng kanang kamay.

"SHUT UP!" magkakasabay naming sigaw kay Bruno. Ilang saglit pa ay nagtawanan kami. Kamot ang ulo na napangiti na lang si Bruno habang nakatingin sa amin.

Nagpaalam na sina Clint, Nana, at Karina. Diretso sila sa gate, samantalang kami nina Layla at Bruno ay sa parking lot nagtungo. Dito nakahimpil ang mga bike namin.

"Math test natin sa Lunes. Siguradong pahihirapan tayo ni Ms. Velasco," malungkot na turan ni Layla. "Ayoko talaga ng Math. Bakit ba kasi may Math? Mas sasaya ang buhay kung walang Math."

"Kung nandito pa sa Lunes si Ms. Velasco," hirit bigla ni Bruno. Nakahalukipkip ito habang naglalakad. "Sa tindi nang pagpapahiya mo rito kanina, Miya, I'll bet my two cents na mag-iimpake na ito paalis ngayon. Wala na itong mukha na maihaharap sa atin."

"Baka buhok ang ibig mong sabihin," pagkaklaro ni Layla. Sabay na natawa ang dalawa.

"Sana nga," sabi ko. "Hangga't hindi ko-" Naa-upload ang video na nasa ballpen hindi mapapaalis dito ang dragon, ang dapat ay sasabihin ko. Palihim kaming nagkatinginan ni Layla. Kaming dalawa lang ang nakakaalam tungkol sa ballpen. Mas maigi na ang ganito para sa oras na pumalpak ang plano namin, kaming dalawa lang ang mapaparusahan.

"Nakatago sa silid-aralan ni Dragon Lady ang test paper na gagamitin sa Lunes," ani Bruno.

"At paano mo naman nalaman?" may pagdududang tanong ni Layla.

Napangiti ng payak si Bruno. Muli itong ngumuya ng bubble gum.

"Sabi ko sa 'yo henyo ako. I saw it," sagot nito. Tinigil nito ang pagnguya. Hinawakan nito ang sariling baba. "Kung makakakuha ako ng kopya ng test paper, siguradong maipapasa ko ang Math test sa Lunes. Piece of cake!"

"Gagawin mo 'yon?" tanong ko. "Nababaliw ka na ba?"

"Oo, Miya, nababaliw na ako. Nababaliw ako sa 'yo," sagot ni Bruno. Patakbo itong lumapit sabay akbay sa akin. Naramdaman ko ang pagpisil nito sa balikat ko. "Sinabi ko naman sa 'yo, Miya my Love. Lahat gagawin ko mapaligaya ka lang. Kahit ang kunin ang test paper sa loob ng lungga ng mabangis na dragon gagawin ko para lang sa iyo. Handa akong magpatupok sa apoy maipakita ko lang sa 'yo ang naglalagablab kong pag-ibig."

"Baliw!" Kumalas ako mula sa pagkakaakbay nito. "Andami mong alam. Puro ka kalokohan."

"Tigilan mo nga si Miya!" Akmang sasampalin ni Layla si Bruno pero muli itong nakatakbo palayo habang tumatawa.

"But kidding aside," dagdag pa ni Bruno. "Gagawin ko ang lahat makapasa lang sa Math test at sa lahat pa ng test na darating. Tatlong taon na ako sa third year. Kasalanan ko. Sure. Kaya nga ginagawa ko ang lahat para makausad na sa susunod na taon. Makakapasa ako. Whatever it takes."

"Bruno, tumingin ka sa nilalakaran mo!" sigaw ko pero huli na ang lahat.

"Uhmp!" bulalas ni Bruno nang bumangga sa nakaumbok na tiyan ng matabang lalaking nakaharang sa daraanan nito. Nagmistulang trampoline ang tiyan. Bumanda ang katawan ni Bruno rito. Sumisigaw na tumalsik ito at sumubsob sa malalagong halamanan sa isang tabi. Narinig ko ang pagkakabali ng mga sanga at ang mahinang pag-ungol ni Bruno mula sa ilalim. Nasapo ko ang noo.

"Pasensya na, bata. Naghaharutan kasi kayo kaya hindi mo ako napansin," sabi ni Mang Juan, ang nag-iisang guwardya dito sa Purvil High. Hinimas nito ang matambok na tiyan, dumighay, sabay ngiti sa nakahandusay na si Bruno. Lumabas ang baku-bako nitong mga ngipin na kasing dilaw ng bombilya sa parking lot. Hawak nito sa kamay ang isang walkie-talkie. "Okay ka lang, boy?"

"Okay na okay po. Huwag po kayong mag-alala, Mang Juan. Sumubsob lang naman ako," sagot ni Bruno habang himas ang batok. May mga dahon na nakadikit sa buhok at pisngi nito. Nanlaki ang mga mata nito sabay sapo sa leeg. "Shit! Nalunok ko ang bubble gum ko."

"Pasensiya na rin po, Mang Juan," sabi ko.

Dumako ang tingin ni Mang Juan sa akin. At gaya ng inaasahan, tila hinuhubaran ako nito sa sobrang lagkit nang pagkakatingin nito sa akin. Naramdaman ko ang bahagyang pamumula ng mga pisngi ko. Maraming estudyante ang galit sa matandang ito dahil sa katabilan ng dila at malisyosong pagkilos. Kahit ang mismong prinsipal halata ang pagkaaburido sa tuwing kausap ang matanda lalo kapag nakangisi itong nakatingin sa may kalakihang dibdib ni Mrs. Villarica. Minsan gusto ko na itong tawaging Mang Kanor sa halip na Mang Juan, at isumbong sa prinsipal. Pero malakas ang kutob ko na hinding-hindi ako papanigan ni Mrs. Villarica. Inis ito kay Mang Juan, oo, pero mas inis ito sa akin.

"Miya the Dragonslayer, tama ba?"

"Miya Antipasado po," pagkaklaro ko. Pinigil ko ang nagbabadyang galit na nais kumawala sa akin. Pati ba naman ang guwardya aasarin ako? Hindi na nakakatuwa ang bansag nila sa akin. Isa na itong panlilibak sa aking pandinig. Walang nakakatuwa sa bansag na Dragonslayer. Lalo lang iigting ang poot sa akin ni Mrs. Velasco sa ginagawa ng mga ito.

Lalong lumuwag ang ngiti ni Mang Juan. Napabuntong-hininga ako. Matagal ko nang alam na kasiyahan ng matandang ito ang maghatid ng masamang balita sa mga estudyante. Nahulaan ko na ang mga susunod nitong sasabihin bago pa man bumuka ang bibig nito.

"Pinapatawag ka ng prinsipal. Bilisan mo. Ayaw na ayaw ni Mrs. Villarica ang pinaghihintay nang matagal."