webnovel

Blame it on the chocolate!

Panibagong araw, panibagong inspirasyon. Yan ang laging nasa isip ni Sheya. Kapag nagpatuloy ang pagtangkilik ng mga tao sa kanyang mga produkto, makakabili siya ng mas maraming mga gamit at mas madadagdagan niya ang mga choices sa menu para mas marami rin ang matuwa at hindi magsawang dumaan sa kanyang cafeteria.

Naisipan niyang bisitahin ang facebook at instagram page na ginawa nya upang makita kung mayroon ng mga reviews. Nag post din siya ng mga pictures ng ilang mga cupcakes at waffles dahil ang mga ito ang malakas maibenta.

Tiningnan niya ang messenger at nakita niyang may mensahe sa kanya yung babaeng binigyan niya ng brownies.

" Napakasarap ng chocolate brownies mo. Alam ko medyo hindi maganda ang una nating naging pagtatagpo dahil sa maling order na natanggap ko pero gusto ko sabihin sa iyo na tuwang- tuwa ang mga anak ko ng matikman nila ang mga ito sa bahay. Kung maari ay oorder ako ng limang boxes at dadaanan ko ito Sabado ng umaga 11:00 AM dahil may reunion akong dadaluhan sa araw din na iyon. Babayaran kita ng doble. Sobrang sarap ng mga ito at hindi na kailangan pa ng additional toppings o anu pa man" Pahayag ng babae.

Dali- dali naman itong sinagot ni Sheya..

" Salamat po at natutuwa naman ako na nagustuhan ninyo ang mga brownies na ginawa ko. Maraming salamat din po sa inyong orders at makakaasa po kayo na sa Sabado ay nakahanda na po ang mga ito, freshly baked bago kayo magpunta"

Abot langit ang ngiti ni Sheya sa kanyang kauna- unahang pre- orders. Naging blessing in disguise pa ang naging pagkakamali nung isang araw upang magdesisyon siya na isama na din ang brownies sa kanyang mga paninda at ipahayag na tumatanggap din siya ng mga advance at customised orders.