webnovel

Paalam Muna Sa Ngayon

Kilalanin ang tatlong characters sa kakaibang kwentong di nyo malilimutan... Ito ang aking First Installment sa aking Ibraim Sorrento Novel Universe... Happy Reading at ihanda ang inyong puso sa pagbabasa.

IbraimSorrento · Urban
Not enough ratings
19 Chs

Part 18 - CROSSROADS

Sumapit ang Pasko at ang celebration ng Bagong Taon na patuloy ang panghihina ng katawan ni Elijah... ni hindi na rin magawang pumasok  sa school kahit pa naisin nito. Buong unawa at konsiderasyon naman ang binibigay ng kanyang mga guro na mula sa special projects ay magagawang maka-graduate ng binata sa taong iyon.

Habang sila Josh at Rachael ay ginagawa lahat ng kanilang makakayanan upang manatiling matatag sa tabi ng binata. Pero tao lamang sila na tinatakasan minsan ng tatag ng loob lalo na sa mga sandaling nasasaksihan nila ang paghihirap at ang mga daing ni Elijah sa sakit na umaalipin sa binata.

Lingid sa kaalaman ng dalawa, nasasaktan din si Elijah ang bawat paghihirap ng dalawa. Minsan nga, isang hapon iyon, hindi namalayan ni Josh ang pagbaba niya mula sa kanyang silid. Naabutan niya ang kaibigan na natutulog sa kusina. Marahil dun na inabutan ng pagod at antok ang kaibigan. Humihilik pa ito ng lapitan niya. Wala noon ang kanyang ate Rachael at nasa trabaho pa.

Naupo siya sa tabi nito na hindi man lamang namalayan dahil sa himbing ng pagkakatulog. Kaya malaya niyang pinagmasdan ang kaibigan. Galing itong eskwelahan batay sa puting polong kanilang unipormeng suot na ngayo'y nakasampay sa balikat nito. Malago na ang mga bigote't balbas ni Josh tanda ng hindi pag-aasikaso sa kanyang sarili. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang amoy sigarilyong hininga ng binata.

Nahabag tuloy siya sa kaibigan. Naisip niya tuloy na kung walang insidente ng umagang iyon sa pagitan nila ni Josh. Kung hindi sana niya naisipang mag-shortcut ng umagang iyon, marahil hindi na sila nagkakilala pa ng binata. Marahil... hindi na masasama pa si Josh sa paghihirap niya... sana hindi na lang niya dinala ang kanyang mga gamot... o hindi na sana natuklasan pa ni Josh ang tungkol sa mga ito... Naisip niya tuloy na siguro may mga araw na minsa'y magkakasalubong sila sa eskwelahan. Nalarawan niya ang matao, maingay pero masaya nilang school hallways, naglalakad siya at habang si Josh na kasama ang kanyang mga barkada na masasayang naglalakad, at nagtama ang kanilang mga mata, ngunit maglalagpasana lamang ang kanilang tingin, wala ang lumbay, wala ang pangamba... at magpapatuloy sila sa kani-kanilang direksyon. Si Josh, ang sigang si Josh, na malaya sa kalungkutan na dulot niya...

Nasa ganitong pag-iisip si Elijah nang magbukas ng kanyang mga mata si Josh. Marahil ay nagising sa presensiya ng kaibigan na rin.

"O, pre..." may halong pag-aalala sa boses ng binata nang magsalita.

Agad namang binura ni Elijah ang lungkot sa kanyang mukha. Nahasa na rin niya ang sarili sa mga ganitong bagay mula pa sa kanyang ate Rachael, dahil ayaw na rin niyang dagdagan pa ang lungkot na dinadala nito.

"Nagutom ako kaya ko bumaba." pagtatakip ni Elijah. Inundayan pa ng isang ngiti.

Sandaling napagmasdan ni Josh ang mukha ng kaibigan. Iba na rin ang mukha nito. Nanlalalim na rin ang mga eyebags sa mga mata. Humapis na rin ang pisngi ng binata. Pero naroroon pa rin ang maaamong mga mata, at ang mga ngiti na maikukumpara mo sa inosenteng bata.

Agad naman tumayo si Josh at nagpunta sa ref, "Sakto, ako din eh." humimas pa ito sa kanyang tiyan at mabilis na kinuha ang isang nakatakip na pagkaing inihanda ni Rachael para sa kanila. "Teka initin ko." sabi pa nito.

"Okay." masayang tugon naman ng isa.

Maraming naging kwento si Josh tungkol sa kanilang school... at sa mga nakakatawang barkada nito nang hapong iyon... tuloy minsan hindi napipigilan ni Elijah ang mapahalakhak sa mga nakatutuwang kwento ng kaibigan... Makulit si Josh pag sinusumpong ng kapilyuhan. Kahit nga maging ang ate Rachael niya ay hindi nakakalampas sa kakulitan ng kaibigan.

Sa gitna ng masayang halakhakan ng dalawa, naisip tuloy ni Elijah, na marahil ay ganito talaga. Na may pagkakataon sa ating buhay na may mga tao tayong makakasalubong. Ang iba ay lalagpasan lamang tayo... habang meron namang talagang mga taong nakatalaga na magkrus ang kani-kanilang mga landas. Ito ang tinatawag nilang crossroads, naisip niya... At si Josh... marahil ay nakatakda para maging bahagi ng kanilang buhay... ng kanyang ate... o maari ding sila itong nakatakda ng kanyang kapatid na maging bahagi ng buhay nito.

"Pre, may joke ako." si Josh ito, mukhang excited pa na tumayo at inihanda ang sarili sa bibitawang biro.

"Okay! Sige... fire!" masayang tugon naman dito ni Elijah na halata ang sabik sa joke ng kaibigan.

Si Josh uli, "Pano kantahan ng Mommy Centipede and kanyang baby Centipede para makatulog?"

Centipede? Alupihan! Nag-isip din si Elijah ng mga ilang seguno saka nagtanong na sa kaibigan ng sagot sa biro, "O sige... pano?"

"Eh di... I have two hands, the left and the right... the left and the right... the left and the right...the left and the right..." kanta ni Josh na paulit-ulit with action pa.

Nakuha agad naman ito ni Elijah na ang ibig sabihin ay sa isang daang mga kamay ng centipede o alupihan ay tila matagal matatapos ang kanta nitong I Have Two Hands.... isa pa natatawa din siya sa pakendeng-kendeng na sayaw ni Josh habang paulit-ulit na winawagayway paisa-isa ang mga kamay. Sakto namang dumating si Rachael sa kanilang kusina at ito naman ang napag-diskitahan ng dalawa.

"Ate... ate... may joke ako."

"Oh sige ano 'yun?" Tanong nito sabay paghalukipkip ng mga braso sa tapat ng dibdib nito.

"Pano kantahan ng Mommy Centipede ang kanyang anak na Baby Centipede para makatulog?"

Tulad niya ay nag-isip din ang ate niya bago sumagot ng, " O sige paano?"

"Eh di... I have two hands, the left and the right... the left and the right... the left and the right...the left and the right..."

At nagsabay na ang dalawang binata...

"I have two hands, the left and the right... the left and the right... the left and the right...the left and the right..."

"Parang tanga 'tong dalawang 'to." Si Rachael na di maintindihan kung maiinis ba o matutuwa sa joke ng dalawa. At lalo namang natawa ang dalawang magkaibigan sa naging reaksyon ng dalaga. Si Elijah ang mas malakas tumawa.

Tuloy naisip nya, eh ano kung masasabi mong malungkot ang kwento ng isang taong may kanser na tulad niya... Sandali siyang tumingin sa labas ng kanilang bintana... maliwanag pa sa labas ng hapong iyon... hagip ng kanyang tanaw ang mga ulap... tinapunan niya ng tingin ang kaibigan na ngayo'y inihahanda na ang pinainit na ulam mula sa microwave... na eto at patuloy pa rin sa masayang pagkukwento ... tuloy, naisip ni Elijah, na kahit ano pa mangyari... hindi mo rin naman masasabi na laging malungkot ang kanyang kwento...

*****