webnovel

May Sugar Mommy Rin Siya?

Nakapikit na nilanghap ni Georgia ang malamig na hangin na tumatama sa kanyang mukha habang nililipad nito ang kanyang buhok nang maibaba niya ang window blade ng sasakyan. Nararamdaman niyang malapit na sila sa Tabuan, Bayawan, ang probinsyang kinalakihan nina Ayana at Winter. Si Winter naman ay medyo tahimik na nagmamaneho. Siguro ay hinahayaan siya nitong makapagmasid sa bawat hile-hilerang punong kahoy at ang mga man-made forest na nadadaanan nila. Tiningala niya ng mga matataas na bundok at ang mga ibon na sa palagay niya ay sumasabay sa kanila. Nilingon niya sina Ayana at Chanth sa backseat, parehong tulog ang dalawa. Madaling araw na kasing nakatulog ang kanyang kuya dahil tinapos nito ang lahat ng papeles bago e-send ang final report sa email ng kompanyang pinagtatrabahuan nito.

"We are almost there. Masyado mo yatang binubusog ang mga mata mo sa paligid, ah. Baka mamaya niyan ay wala ka nang ganang kumain." Nakangiting wika ni Winter nang lingunin siya. Napabuntong-hininga siya bago sumagot.

"Alam mo, sa lahat ng mga pinagdadaanan ko, I feel so free right now. Para bang malaya ang pakiramdam ko. Para bang kaya kong ngumiti at mabuhay nang tahimik nang walang ibang iniisip na mga bagay na masasakit, mabibigat at mahihirap." Isang malalim na hininga ang kanyang pinakawalan. Naramdaman niya ang pagtapik ng kanyang kuya sa kanyang balikat. Gising na pala ito.

"Mag-e-enjoy tayo rito, bunso." Wika ng kanyang kuya na nakangiting sinalubong ang kanyang paglingon.

"Okay, let's make some rules. Rule number 1, walang problemang pag-uusapan for the rest of the time na nandito tayo. Rule number 2, lahat nang makakasalubong nating tao, dapat ay maging friendly tayo. Doon kasi sa 'min, everybody knows everybody. Don't worry too much. Lahat ng tao roon ay mababait at approachable naman. Rule number 3, bawal sumimangot dito dahil lahat ng mga taong makakasalubong mo ay palaging nakangiti sa 'yo. Oh siya, mamaya na ako gagawa ng ibang kasunod na rules. As of now, iyon muna." Ang suhestyon ni Alyana sa kanila na sila namang pinagkasunduan nila.

Ilang sandali pa ay huminto na ang sasakyan nila sa harap ng dalawang palapag na di kalakihang bahay na gawa sa punong narra. Katabi niyon ay ang punong star apple, makopa, at pilly nut. Nasasabik na bumaba si Georgia. Agad naman na sinalubong sila ng may edad na babaeng nakasuot ng duster na sa palagay niya ay ang ina ni Ayana. May kasama itong dalawang dalagita at isang bagito.

"Ma, si Chanth nga pala, boyfriend ko. Saka ito si Georgia, kapatid niya, po. Beb, George, si Mama Aly nga pala." Pagpapakilala sa kanila ni Ayana nang makababa na sila ng sasakyan at nagmano.

"Mabuti naman at hindi kayo ginabi. Oh siya, magsipasok na muna kayo at nang sa loob tayo makapag-usap." Ang salubong sa kanila ng ina ni Ayana. Buhat-buhat nila ang mga bag pati na ang mga pinamili nilang pasalubong. "Nene, Lisa, Arman, pakitimpla ni'yo nga ng kape ang mga bisita natin, " utos nito sa mga pamangkin.

"Mga pinsan ko rin ang mga ito. Magkakapatid iyong dalawang sina Arman at Lisa saka si Nene naman ay nag-iisang anak lang. Si mama na ang nag-aalaga sa kanila. Pareho kasing nasa labas ng bansa nagtatrabaho ang mga magulang nila." Wika ni Ayana nang makarating na sila sa maluwag na sala.

"Hello, po." Magkasabay na bati ng tatlo. "Ang pogi naman po ng dyowa ni'yo, ate Ayana saka ang ganda rin ng kasintahan ni'yo po, kuya Winter." Parehong napatigil si Georgia at Ayana saka nilingon si Winter na tila natuwa sa sinabi ni Nene.

"Nililigawan ko pa po kaso hindi pa ako sinasagot." Dugtong agad ni Winter nang mapansin ang pagtitig ni Georgia sa kanya.

"Aba, sino ba naman ang sasagot sa 'yo, eh, siguro karma mo na iyan. Kung sino-sino ba naman kasing kababaihan ang din-date mo rito noon." Ang wika naman ni Aling Aly na naging dahilan nang tawanan sa loob ng bahay.

"Ate, 'yung mga pasalubong po namin." Nasasabik naman na wika ni Lisa.

"Oo, ando'n sa pulang maleta. Halukayin ni'yo nalang. Ipagtimpla ni'yo muna kami ng native coffee. Namiss ko iyon, eh." Sumunod naman kaagad ang mga inutusan.

Nilibot ni Georgia ang buong bahay. Lihim siyang napangiti. Siguro doon siya magsisimulang mag-ipon ng lakas at susubukang tanggalin ang mga balakid upang maging masaya at matatag siya.

Matapos makapaghapunan ay lumabas na muna si Georgia sa sala. Sobrang dami kasi ng nakain niya sapagkat alimango at hipon ang kanilang ulam. Makulimlim na rin sa labas. Medyo hindi naman karamihan ang bahay sa bayan na ito. Umupo na muna siya sa silya na gawa sa bakal. Napansin niya ang isang itim na kotse na pumarada sa harap ng dalawang palapag na puting bahay sa kabila na sa palagay niya ay isang apartamento. Hindi rin naman kasi mataas ang bakod.

"Hi, sir. Ikaw pala 'yung kumontak sa 'kin." Narinig niyang salubong ng isang babaeng may edad sa dumating. Sa palagay niya ay binata iyon. Hindi naman niya masyadong maaninag ang mukha nito. Napataas ang isang kilay niya. Ang sexy ni tita, ah. Short-shorts at sleeveless! Nakangising bulong ng kanyang isip. Oh my! Grabe, kung hindi ba naman kapwa lalaki ang nagbababuyan ay minsan mga matatanda naman na babae ang tinatarget ng mga tao ito. Mga manyak talaga! Sa loob-loob niya. Sinundan nalang niya ng tingin ang dalawa na papasok sa loob ng bakod. Napabuntong-hininga siya.

Pumasok na siya sa loob upang makaligo. Kanina pa kasi nanlalagkit ang katawan niya. Kasama niya sa kwarto si Ayana na dating kwarto nito at si Winter naman at Chanth ang magkasama sa kabilang kwarto.

Matapos makapagbihis ay napansin niya ang cellphone na nagri-ring. Si Attorney Ulado iyon. Agad na sinagot niya ito.

"Hello, Attorney?" Sagot niya.

"Miss Rivera…lik…niyo…sap." Nag-arko ang mga kilay niya. Putol-putol kasi ang linya.

"Wala masyadong signal dito sa loob, George. Doon ka sa labas at malakas ang signal doon." Utos ni Ayana sa kanya.

Agad na lumabas siya ng kwarto at dumiretso sa labas ng bakod.

"Attorney, pasensya ka na at medyo malabo po kasi ang signal dito sa probinsya." Hingi niya ng paumanhin.

"It's okay, Miss Rivera. Kaya pala hindi ko ma-contact ang kapatid mo but anyway I just want to inform you na may nakakita raw kay Leon sabi ng pinagkakatiwalaan kong investigator. Sa palagay ko ay nasa malapit lang nagtatago si Leon. I will inform you immediately kapag may kasunod na balita na ako." Ang paliwanag ni Attorney Ulado. Sa wakas ay nakahinga rin siya ng maluwag. Unti-unti nang namumuo ang pag-asa sa loob niya.

"Thank you for taking care of it, Attorney. I really awe you a big thing." Wika niya. Mayamaya pa ay nagpaalam na rin ito. Napangiti siya matapos patayin ang cellphone. Matapos ang bakasyon na ito, siya rin mismo ang gagalaw upang mahanap si Leon. Ngayon pa ba na alam niyang nasa paligid lang nagtatago si Leon?

"Remember our rules. Don't think it now too much. Mamaya mo na siguro isipin iyan kapag nakabalik na tayo ng Dumaguete." Ang tapik sa kanya ni Ayana na nasa likod niya pala kasama ang kanyang kuya Chanth. Ngumiti naman ito at nagthumbs-up sa kanya saka pumasok na sa loob.

"Ang gwapo niya." Agad na napalingon siya sa dalawang dumating. Si Nene at Lisa iyon. Galing yata sa tindahan. May dalang pulang supot.

"Ilang taon na nga kayo?" Ang pabiro niyang tanong sa dalawang dalagita na siya namang nagtutulakan upang sagutin siya.

"Eighteen pa po, ako." Sagot ni Nene.

"Twenty po, ate Georgia." Dugtong naman ni Lisa.

"Sinong gwapo ang tinutukoy ninyo? Mga dyowa ni'yo ba o crush?" Pabirong tanong niya ulit sa dalawa na siya namang nagkatitigan at kapwa ngumiti.

"'Yung lalaking bumosena po sa amin kanina at nagtanong. Grabe sobrang macho at gwapo! Alam ni'yo 'yung mukha siyang celebrity o modelo? Kuu, nakakalaglag po ng panty." Nakatiling wika ni Lisa na halos ay tumili sa pagkukwento.

"So wala na kayong panty dyan? Nalaglag na ba?" Biro niya ulit. Siguro iyong dumating kanina na may sugar mommy ang tinutukoy ng dalawa.

"Ate, grabe ka naman. Pero totoo, po. Hang-wapu niya po." Natawa tuloy siya sa dalawa.

"Nakita ni'yo ba 'yung movie ni Anne Curtis? Ang title no'n, bakit lahat ng gwapo may boyfriend? Kaya sinasabi ko sa inyo, hindi lahat ng gwapo ay babae ang gusto." Babala niya sa dalawa na siya namang napansin niyang sumimangot.

"So ibig ni'yo po'ng sabihin, ate. Posible pong lalaki rin ang gusto niya?" Inosenteng tanong ni Nene. Halos matawa pa siya sa reaksyon ng dalawa sa pagkadismaya.

"Posible, pwede rin namang matatanda ang gusto niya o baka may sugar-mommy siya. Mga sort of ganoon. Sa palagay ko kasi may sugar-mommy 'yung tinutukoy ninyo." Natatawang wika niya saka niyakap ang sarili. Medyo malamig na kasi ang hangin. "Pasok na tayo, malamig na rito." Yaya niya sa dalawa na tila nakalaglag ang dalawang balikat mula sa mga sinabi niya. Natawa tuloy siya nang palihim. Agad na pumasok na sila sa loob upang makapagpahinga.

"Ate masarap pong maligo doon sa maliit na balon. Malamig po ang tubig." Wika ni Nene sa kanila na siyang nagbibitbit ng isang maliit na basket na may lamang mga prutas. Nakasunod naman dito sina Arman at Lisa. Naka-short na maong at simpleng t-shirt lamang siya pati na si Ayana. Alas sais pa ng umaga nang gisingin sila ni Aling Aly. Kailangan daw kasing umaga sila pumunta para hindi masyadong mainit.

"Akala ko wala na iyon. Sa kabataan ko pa kasi iyon nandoon. Mabuti naman at naalagaan pa." Wika ni Ayana sa kanila. "Pwede ring doon tayo maligo mamaya."

"Talagang doon tayo maliligo. Hindi ni'yo ba nabalitaan na ginamit nila ang buong linya ng tubig dahil sa project ni Kapitan doon sa nursery ng bayan? Ngayon daw kasi ang schedule." Lingon ni Winter sa kanila na siyang may bitbit ng bingwit. "Don't worry talagang malinis naman ang tubig dito."

Ilang sandali pa ay tinatahak na nila ang maliit na tulay na gawa sa kawayan papunta sa kabilang banda ng ilog. Hindi naman iyon matayog ngunit medyo nabigla lang siya nang hawakan ni Winter ang kanyang kamay at inalalayan siya sa paglalakad sa tulay. Pinakiramdaman niya ang sarili. Alam niyang sobrang mabait si Winter ngunit bakit tila hindi nagkakaroon ng kakaibang spark ang puso niya sa lahat ng ginagawa nito? Manhid ba siya o talagang wala pang nakakagawa sa kanya niyon? Iyon bang sinasabi nilang tumitigil sa pagtibok ang iyong puso at nababalisa ka kapag tinititigan ka niya o magkakalapit ang katawan niyong dalawa. Hindi naman sa ayaw niya sa binata dahil aaminin naman niyang may itsura ito. Maputi at maalaga rin sa katawan at higit sa lahat ay napakasipag at matulongin. Minsan ay napapaisip naman siyang sagutin ito ngunit magiging unfair naman para sa binata kung sasagutin niya ito na wala naman siyang nararamdaman para rito. Lihim na tinitigan nalang niya ang binata nang makarating sila sa kabila at inayos na ang kanilang mga kagamitan.

Pinwesto na kaagad ni Winter ang dalang bingwit sa gilid ng sapa. Medyo malalambot pa ang lupa doon kaya dumestansya na muna sila tatlong metro ang layo upang maglagay ng mataas na tela para sa dala nilang mga prutas.

"Wait, parang may nahuli na kaagad ako." Ang sabik na sigaw ni Winter nang pakiramdaman nito ang bingwit saka kaagad na hinila iyon.

"Patingin." Agad na tinakbo ni Georgia ang kinaroroonan ni Winter na hindi napansin ang medyo madulas na bahagi ng lupa na naging dahilan nang ikinadulas at ikinabagsak niya.

"Ayos ka lang?" Lapit kaagad nina Ayana at Chanth. Pati si Winter ay hindi na pinansin ang nahuling isda na siyang nakakabit parin sa bingwit.

Hinawakan niya ang bewang. Medyo malakas yata ang pagkabagsak niya. Tinulongan siya ni Chanth upang makatayo.

"Bunso naman kasi, minsan tumingin ka naman sa inaapakan mo." Sermon nito sa kanya habang pinapapagan ang puwet niya.

Tiningnan niya ang nagkaputik na paa at short saka pinagpag iyon.

"Ate, bawal pong bumaba sa bahagi na ito ng ilog kasi nga po medyo madulas. Samahan ko nalang po kayo roon sa maliit na balon. Doon lang naman po sa likod ng malalaking punong mangga kayo maglinis po ng sarili ni'yo." Turo ni Lisa sa direksyong sinasabi.

Matapos matunton ang maliit na balon na nasa likod ng malaking punong mangga mga isang daang metro ang layo na nilakad nila ay nagsimulang nilinis na niya ang sarili. Medyo nahihirapan pa siya sa pagkuha ng tubig dahil medyo may kalaliman ang balon. Kailangan mo pang ipasok ang buong braso mo upang maabot at makakuha ng tubig.

"Ate…" halos mabuwal siya sa loob ng balon nang tumili si Lisa.

"Bakit?" Tanong niya. Nilingon niya ang direksyon ng mga mata nito. Para kasi itong nakakita ng isang engkanto.

Ganoon nalang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita kung sino ang nasa harap. Wala itong damit dahil isinabit lamang nito iyon sa balikat. Tanging jersey short lamang ang suot nito at nakabadha pa sa harapan niya ang alagang-alaga na katawan nito. Pati ang mga abs nito na tila nginingitian at parang hinahamon siya. Kung iba lang ang nasa harapan nito ngayon ay alam niyang tumutulo na ang laway sa kakatitig niyon. Napansin niyang tila naliligo na ito sa pawis. Ito man ay gulat din ang reaksyon nang makita siya. Sinuway niya kaagad ang sarili at iniwas ang mga paningin sa katawan nito.

"Ate…ate, siya ang sinasabi ko sa 'yong gwapo kagabi. Siya 'yan." Ang bulong sa kanya ni Lisa na siyang kagat-kagat ang pang-ibabang labi. Pinipigilan ang pagtili.

"T…tapos na ako. Tayo na, " agad na tumalikod siya nang bumalik ang malay niya.

"Wait, " pigil ng binata sa kanya. Nilingon niya ito. "Kilala kita. Ano 'ng ginagawa mo rito?" Lapit nito sa kanya. Nanlaki tuloy ang mga mata niya nang halos ay iilang dipa nalang ang distansya nila. Napababa ang tingin niya sa pawisang katawan nito. Namayani sa kanya ang pagkailang ng mga sandaling iyon. Mabuti nalang at nakaiwas kaagad siya.

"E…excuse me, hindi po kita kilala at hindi ako interesadong makilala ka. Saka nandito po ako dahil kailangan ko ng katahimikan sa aking buhay. So will you please get out of my sight." Pairap na sagot niya rito at sarkastikong nginitian ang kaharap. Pero tila ay hindi ito natinag sa pagtataray niya.

"Sinabi ko na sa 'yo na ako si Enzo, remember." Pigil ulit nito nang hahakbang na sana siya palayo.

"I don't remember anything." Iling-iling niya.

"Alam mo, I think this is not coincidence anymore. This is what thay called destiny and fate." May pataas-baba pa ng kamay ang binata na nalalaman.

"Wow, may fate and destiny ka pang nalalaman dyan." Irap niya rito habang nakangising nakatitig sa kanya pilit na iniiwas ang mga tingin sa hubad na katawan ng binata na tila pinagyayabang pa ang abs nito. Gusto niya tuloy itong hampasin ng tabo.

"Biruin mo, sa laki ng Negros ay nakita pa tayo rito? Iyan ang ibig sabihin niya." Dagdag pa ng binata.

"Ate, siya po ba ang tinutukoy mong may sugar-mommy?" Ang palipat-lipat na tingin ni Lisa sa kanilang dalawa. Napatigil siya sa paglalakad.

"Ako? May sugar-mommy?" Turo ng binata sa sarili. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. May kadaldalan din pala talaga itong si Lisa.

"Ba…bakit? Hindi ba totoo? If I am not mistaken, ikaw iyong boarder na sinasabi niya na nakita kong may kasamang sugar-mommy papasok sa loob ng apartment kagabi." Nakataas ang kilay na wika niya. "Padeny-deny ka pa dyan, eh." Kunwari ay wika niya upang matakpan ang pagkailang na nararamdaman. Ngunit nang lingunin niya ang binata ay tila natutuwa pa itong pinagmamasdan siya.

"Bakit ba sa tuwing nagku-krus ang mga landas natin ay palagi kang high blood? Sabayan mo kaya akong maligo ngayon dito para naman bumaba ang BP mo." Nakangiting wika ni Enzo rito. Ngunit mas lalo pa yatang tumaas ang BP niya nang marinig ang sinabi ng binata.

"Hampasin kaya kita ng tabo, gusto mo? 80 over 100 lang po iyong BP ko nang magpacheck-up ako noong nakaraang araw. Feeling ko nga ngayon ay naging 100 over 200 na. Gusto mong malaman kung bakit umiinit ang ulo ko sa 'yo?"

Tumango naman ang sinabihan na tila natutuwa sa konbersasyon nilang dalawa.

"Una sa lahat ay dahil sa palagay ko pinagtitrip-an ni'yo ako ng jowa mong bakla na kano! At pangalawa nakita ko kayong nagyayakapan. Pangatlo hindi ko gusto ang pagmumukha mo! Masyado kang pa-cute. Saka lumayo-layo ka sa akin at magsuot ka ng damit mo dahil ako ang tipo na hindi naakit sa mga abs ni'yo." Tiim-bagang na sigaw niya rito. Hindi niya alam kung bakit bigla nalang itong bumuhakhak ng tawa habang hawak-hawak ang tiyan. Pati si Lisa ay nahawaan na rin dito. Matalim ang mga tingin na nilingon niya ang dalawa. Halos mabingi pa siya sa pagpapalitan ng tawa ng dalawa. Napangiwi siya. Katawa-tawa ba ang mga sinabi niya o baka naman pinagti-tripan lang siya ng binata upang inisin?

"Sorry po, ate. Hindi ko naman alam na magkakilala pala kayo ni Mister Wapo. Nakakatuwa po kayong dalawa." Natatawang wika ng dalagita.

Magka-krus ang mga braso na tinaasan niya ng kilay ang binata matapos nito ayusin ang sarili mula sa ilang sigundong kakabuhakhak ng tawa.

"Opinion is different from fact, miss Unknown Name. And besides, hindi ko kilala ang Amerikanong iyon at lalong hindi ko jowa iyon. I am a straight man. I only date girls which have the same age as mine. May I know how old are you?" Tanong nito sa kanya. Naiinis pa siya nang sa palagay niya ay nagpapa-cute ito sa kanya.

"Why? Do you plan to date me?" Taray na balik-tanong niya sa kaharap. Hindi niya alam kung saan galing ang mga sinabi niya. Ngunit sa kabilang bahagi ng kanyang utak ay medyo nagulat siya sa kanyang mga sinabi.

"After I will be knowing your name. Why not?"

"Georgia, po. Her name is ate Georgia. At ako po si Lisa." Dugtong naman ng dalagita. Kung kapatid niya lang sana ang dalagita ay malamang kanina pa niya ito nasabunotan. Namayani tuloy ang inis sa kanya.

"Thanks, Lisa. I awe you a lot for telling me her name." Nakangiting wika ni Enzo.

Naiinis na iniwan niya ang dalawa. Hinatak niya ng dalawang kamay ang buhok saka mabilis na nagmartsa palayo.

"Ate, may dumi ka pa." Rinig niyang sigaw ni Lisa ngunit hindi na niya iyon pinansin pa. Walang lingon-lingon na nilakihan niya ang mga lakad.