webnovel

Di Man Lang Nagpaalam!

"George, here use my cap." Abot ni Winter sa kanya ng isang itim na sombrero. Medyo matirik na kasi ang init ng araw kahit alas-tres na ng hapon. Nagsisimula na kasi silang maglakad dahil hindi na pwedeng umakyat ang sasakyan at iniwan lamang nila ito sa entrance ng Puncak.

"Thank you." Wika niya saka sinuot iyon.

Umabot yata sila sa mahigit isang oras na paglalakad. Sandaling napahinto kasi sila nang aksidenteng matapilok si Winter nang hindi nito napansin ang naapakang bato dahilan nang ikinadulas nito. Tinulongan naman ito ni Enzo upang makalakad nang maayos.

Sa wakas ay nakahinga na rin sila nang marating ang tuktok ng Puncak. Halos sabay na magkasunod-sunod na buntong-hininga ang pinakawalan nilang lima. Bumadha na kasi sa kani-kanilang mga paningin ang napakalapad at berdeheng bayan ng Tabuan na napapaligiran ng matataas na bundok na sobrang sagana sa mga punong-kahoy.

"Picture tayo, guys." Yaya sa kanila ni Ayana. Nabigla siya nang aksidenteng naitulak siya ni Ayana papunta sa direksyon ni Enzo dahilan nang mapayakap ito sa kanya na siya namang pagkuha ng litrato. Napapikit siya. Matigas! Makisig! At matatag ang dibdib ng binata. Halos gusto niyang mahiya rito dahil ramdam na ramdam niya ang kanyang mga kamay at dibdib na dumikit dito. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niyang parang may pinukaw ang damdaming iyon sa pagkatao niya. Kakaiba ang epekto niyon sa katawan niya. Oo, aaminin niya. She never experienced this kind of feeling. Dahil never naman siyang nagka-boyfriend kahit twenty-five na siya. Strikto ang kuya niya noong nag-aaral pa siya. She never experienced na kiligin. She never experienced kung ano ang pakiramdam nang mahalikan. She never experienced kung ano ang pakiramdam ng magmahal ng isang boyfriend.

"Sorry, " naiilang na hingi niya ng paumanhin at dumistansya kaagad. Nakagat ni Georgia ang pang-ibabang labi. Ano ba ang nangyayari sa kanya at bakit medyo nababalisa siya ngayon sa presensya ng binata? Kumalma siya at agad na inabala ang sarili sa pagkukuha ng mga litrato sa paligid.

Dapit-hapon na nang matapos nilang buohin ang kani-kanilang tent. Dalawa iyon; sa kanila ni Ayana at sa mga lalaki. Pati ang mga pagkain sa gitna ay nakahanda na rin. Light dinner lang ang dinala nila. Total ay maaga naman silang uuwi kinabukasan pababa ng bundok.

"I think mas maganda kung magbo-bonfire tayo." Wika ng kanyang kuya nang patapos na silang kumain. Napapansin ni Georgia ang kanina pa na pananahimik ni Enzo. "Beb, are you okay?" Lingon ni Ayana sa kasintahan na kanina pa yata hindi mapalagay sa pangangamot sa paa. Nang tingnan ni Georgia iyon ay namumula na.

"Yeah, humahapdi lang ang paa ko. Sa palagay ko ay masyadong namiss yata ako ng mga lamok. Ang tagal din yata nila akong hinintay. " Biro pa ng kanyang kapatid.

"Meron akong off lotion dito." Wika ni Enzo nang halukayin kaagad nito sa bag ang sinasabing lotion saka inabot kay Ayana. Lihim siyang napalingon sa binata. Basa kasi ang damit nito dahil sa pawis at halatang-halata ang porma ng katawan nito lalong-lalo na ang damit nitong mahigpit ang pagkakayakap sa dibdib ng binata na siyang nahawakan niya kanina. Sinaway niya ulit ang sarili. Nakakadalawa na kasi siya sa pagpapantasya sa binata. Sa palagay niya ay bumalik siya sa pagiging high school student na panay ang pagbabantay sa ginagawa ng crush. Kung kahapon ay buong araw hanggang sa gabi ang pagka-inis niya rito, ngayon naman ay tila balisa at pagka-ilang ang nararamdaman niya. Ganito ba kabilis magpalit ang damdamin niya o baka nadadala lang siya sa mga sinabi ni Ayana sa kanya kagabi?

"Winter, 'yung paa mo. Okay na ba?" Lingon ni Georgia kay Winter na nakaupo sa kalagitnaan nila ni Enzo. Gusto niya kasing makaiwas sa ginagawang panlalandi ng kanyang isip sa binata.

"Actually masakit pa siya. Lalagyan ko nalang ng yelo bukas. Mawawala rin ito. Don't worry too much." Nakangiting wika nito saka siya nilingon. Napatango lang din siya saka kinuha ang cellphone. Halos mabulol pa siya ng sariling laway ng kukunan niya sana ng litrato ang sunset nang pagpindot niya ng shutter ay kuhang-kuha niya ang hubad na katawan ng binatang limang metro yata ang layo mula sa kanila na nagpapalit ng damit. Agad-agad na iniwas niya ang mga paningin dahil baka isipin ng binata na nambubuso siya rito ngunit hindi siya nakaligtas kay Ayana. Nakangiting nakataas-baba pa ang kilay nito nang tingnan siya.

"Ah…kuya, ako na po ang maghahanap ng mga sanga upang gamitin mamaya sa bonfire. Hindi pa naman dumidilim." Wika niya nang makatayo upang makaiwas sa mga panunuksong tingin ni Ayana.

"Samahan na kita." Napa-igtad siya. Napalipat-lipat ang mga tingin niya sa dalawang binatang halos ay magkasabay na nagsalita. Nasa likod na rin niya pala si Enzo. Kapwa rin nagkatinginan ang dalawa. Nakita niya ang mukha ni Winter. Medyo galit iyon. Nilingon niya si Ayana. Tingin na humihingi ng saklolo.

"Winter, huwag mo nga'ng e-pressure 'yung sarili mo. Mamaya niyan bukas hindi ka na makatayo." Saway ni Ayana rito. Nakagat ni Georgia ang pang-ibabang labi. Ang ibig lang naman niyang sabihin nang tingnan niya ang magiging "Ate" niya ay upang awatin ang dalawa o sawayin na huwag nalang siyang samahan. Total sa paligid lang naman siya maglilibot at maghahanap ng mga sanga ng kahoy.

"K…kaya ko naman. Dito lang naman ako sa paligid maghahanap ng mga kahoy. Hindi ni'yo na ako kailangang samahan. Hindi naman ako lalayo, eh, saka hindi pa naman masyadong madilim." Tanggi niya saka nagsimula nang maglakad.

"No, George. Enzo, pakisamahan naman ang kapatid ko, please." Napatigil siya sa paghakbang. Hindi niya alam kung matutuwa siya sa ginawa ng kapatid niya o magagalit. Pinagtutulongan yata siya ni Ayana saka ng kapatid. Naiilang na nagpatuloy siya sa paglalakad. Hindi na nalang niya nilingon ang binata.

"Let's go?" Medyo nagulat tuloy siya nang nasa tabi na niya ang binata. Tanging tango lang ang ginawa niya saka nagpatuloy sa paglalakad at isa-isang kinukuha ang mga maliliit na sanga ng kahoy na pwedeng gawing panggatong. Pareho pa silang napatigil nang magkasabay na nadampot nila ang isang maliit na sanga.

"Ayun', " turo niya nang mapansing nakatitig ang binata sa kanya. Kung para-paraan lang din upang umiwas ay hindi yata nawawaksi sa isipan niya ang librong binasa.

Napansin niya ang pagtawa at pagiling-iling ng binata.

"Naiilang ka ba sa 'kin?" Mayamaya ay wika ni Enzo. Nakabusangot na nilingon niya ito. Ngunit sa kabilang banda ay medyo kinabahan siya sa tanong na iyon.

"Bakit naman ako maiilang, aber? May dapat ba akong ka-ilangan sa 'yo? Ka ilang-ilang ka ba?" Nagulat si Enzo. Ramdam niya ang inis sa boses ni Georgia na may halong panginginig. Itinaas niya ang kaliwang kamay.

"Woah, wait. Kapag ganyan na ang tono mo, medyo natatakot na ako." Biro pa ng binata. "Pero napapansin ko lang kasi kanina na ang tahimik mo." Dugtong pa nito.

"Tahimik ka rin naman, ah." Pagdadahilan niya.

"So, in-obserbahan mo rin ba ako?" Napatigil tuloy siya sa pagdadampot ng kahoy. Ipinikit niya ang mga mata. Wala na yata siyang maibigay na rason sa binata. Ewan ba niya at tila tumitigil sa pagtibok ang kanyang puso at kinakabahan siya sa tuwing kausap ito.

"Masyado ka ring ewan, ano? Kunwari ay ang tahimik mo. Masyado ka naman palang masalita. Daig mo pa ang babae." Saway niya rito upang makaiwas sa nararamdamang kalituhan.

"Talaga?" Halos manayo ang mga balahibo niya nang lingonin niya ito ay halos kalahating metro nalang ang layo nito mula sa kanya. Parang naging tuod siya at hindi niya naigalaw ang katawan. Those eyes staring at her makes her stunned. Pinakiramdaman niyang mabuti ang sarili. Gustong-gusto niyang tumakbo palayo rito pero hindi niya magawa. Tila may kung anong magnet ang binatang hindi niya mai-alis ang katawan mula sa kanyang kinatatayuan.

He stares at her so deeply. Gosh, call him insane pero totoong na-appreciate niyang mabuti ang simpleng ganda ng dalaga. Parang gusto niya itong yakapin. Sa liit ba naman nito ay sakop na sakop ng mga bisig niya ang dalaga.

"Mommy, " naitapon niya lahat ng dalang panggatong. Namalayan nalang niya ang sariling nakayakap na sa binata. No way! Hindi nga ba talaga siya nananaginip o nag-iilusyon? Ang mga malalapad na bisig na minsang sumagi sa isip niya at nahawakan niya isang beses ay nasundan na naman ngayon. Hindi mabilang ni Georgia kung iilang sigundo rin siyang tumigil sa paghinga. Gosh! What is damn happening to her? Bakit tila sobrang lakas ng kuryenteng nananalaytay sa buong katawan niya at ginagawang tuod nito ang buo niyang katawan? Gusto niyang magmura. Naikuyom nalang niya ang dalawang palad at ipinikit nang mahigpit ang dalawang mata. Dahan-dahang inatras niya ang sarili mula sa binata nang hindi pa rin dinidilat ang mga mata.

Minulat niya ang dalawang mata. Halos mapaigtad pa siya nang makita ang reaksyon ng binata. Ngiting-ngiti itong nakatitig sa kanya. Sh*t! Mura ng kanyang isipan. Kinalma niya kaagad ang sarili. Naramdaman na niya kasi ang pamamawis ng kanyang noo.

"I…I'm sorry." Hingi niya kaagad ng paumanhin saka dinampot ulit ang mga sanga na nabitiwan.

"Panggabing ibon lang iyon. Saka hindi mo naman kailangang matakot. May kasama ka naman." Wika ng binata sa kanya. Hindi tuloy siya makatingin dito ng diretso. Baka kasi isipin nito na nagpapa-tsansing siya o para-paraan lang niya iyon upang makayakap dito. Pero in all fairness ang bango niya. Ang kisig ng dibdib niya. Napatigil siya sa pagpulot at nilipat ang paningin sa binata.

"Tayo na?"

"Ano? Tayo na? E, hindi pa nga ako nanliligaw…"

Agad na binato ni Georgia ng isang pirasong panggatong ang binata.

"Ewan ko sa 'yo." Irap niya rito.

"Sige nga tayo na. Pahihirapan ko pa ba ang sarili ko?" Tinapunan niya ng masamang tingin ang binata. Tila kasi iniinis siya nito na siya namang apektadong-apektado ang nararamdaman niya.

"Gusto mong ihampas ko lahat 'to sa 'yo?" Babala niya sa binata na siya namang hindi pa rin naalis ang ngiti sa mukha nito.

"Balik na tayo. Baka kasi may mas malaking ibon pa ang sisigaw dyan mamaya. Mapayakap ka pa ulit sa 'kin. Pero okay lang naman. Walang problema. Handang-handa naman akong saluhin ka." Nakairap na umuna siya ng lakad. Naririnig pa niya ang pagtawa ng binata sa kanyang likod. Mas nilakihan pa niya ang paghakbang. Hindi na niya matanto kung tanging pagka-inis lang ba ang nararamdaman niya o aaminin niya sa sariling tila may kudlit ng kilig ang hatid niyon?

"Oh, akala ko naman at naligaw na kayong dalawa." Salubong ni Chanth sa kanila nang kunin nito kay Goergia ang bitbit nitong mga sanga.

"George, tabi tayo." Sabat kaagad ni Winter nang mamataang magkasabay na uupo sana ang dalawang bagong dating. Wala namang nagawa ang dalaga kundi ang tumabi kay Winter.

Matapos ang mahabang gabi ng pag-uusap at pagtatawanan nila ay parehong nakapagpahinga na rin sila. Katabi niya si Ayana. Sa kabilang kalakihang tent naman ay ang kanyang kuya Chanth, si Winter at ang binatang hindi na yata mawaglit sa kanyang isipan. Hindi naman niya inakala na sa sandaling nakilala niya ang binatang napagkamalan noon na may sugar-mommy, na kasabwat no'ng kalbong kano ay tila lagi na yatang sumasagi sa kanyang isipan. Pilit na ipinikit niya ang mga mata. Ngunit agad na minulat niya iyon. Nababaliw na ba siya? Bakit ang nakangiting mukha ng binata pa rin ang bumabadha sa kanyang isip? Pati ba naman ang aksidenteng napakayakap siya kanina ay nag-f-flash back sa kanyang isipan ngayon. Sinaway niya ang sarili saka mahinang tinapik-tapik ang kanyang pisngi at mariing pinikit ang mga mata. Kailangan na niyang matulog!

Agad na napahikab si Georgia at bumangon. Pinakiramdaman niya ang labas. Siya pa yata ang naunang gumising. Ang tagal niyang nakatulog ngunit ang aga niya ring nagising. Napagdesisyunan nalang niyang lumabas upang kumuha ng litrato sa paligid. Medyo nagulat pa siya nang madatnan ang binata paglabas niya ng tent. Naka-side view ito at abala sa kakapindot sa cellphone. Pinagkrus niya ang dalawang braso saka maiging pinagmasdan ito habang nakaharap sa cellphone. Matangos ang ilong. Makakapal ang kilay nito na pinarisan ng kulay brown na mga mata. Medyo tumutubo na rin ang mga maliliit na balbas nito sa mukha na mas nakakadagdag sa attraction ng binata. Muntik na siyang mapalundag mula sa kinatatayuan niya nang mahagip ng binata ang kanyang ginagawa. Nakakunot ang noong napatingin ito sa kanya ngunit ilang sigundo lamang iyon. Agad naman na sumilay sa mga labi nito ang mga ngiti nang makita siya. Naramdaman niya ang sobrang pag-iinit ng kanyang mukha. Saan ba siya tatakbo? Pakaliwa't-kanan na napalingon siya. Papasok na sana siya pabalik sa tent nang magsalita ito.

"Kanina ka pa ba gising?" Tanong nito na ikinatigil ng kanyang mga yapak.

Dahan-dahang nilingon niya ang binata.

"B…bago lang. H…hindi na kasi ako makatulog kaya lumabas nalang ako." Pautal-utal pa niyang wika habang kamot-kamot ang leeg. Napansin niya ang paglapit ni Enzo sa kanya.

"Halika, may ipapakita ako sa 'yo." Nagulat nalang siya nang hawakan nito ang kamay niya at wala ni anumang protesta siyang sumunod dito.

Bumaba sila nang kaunti mula sa tuktok na kinaroroonan nila.

"Look, " nakangiting wika ni Enzo. Kung hindi lang sana binitawan nito ang kamay niya, siguro ay natutulala pa rin siya. Sinundan niya ang direksyon ng kamay na tinuturo nito. Nagningning ang kanyang mga mata nang bumadha sa kanya ang nakangiting haring araw na kakalabas lang mula sa likod ng kabilang malaking bundok. Wow, sunrise! Sigaw ng kanyang utak. Kailan ba ulit siya nakakita ng sunrise?

Halos hindi na niya maisara ang nakangangang baba mula sa pagkamangha sa nakikita. Maiging pinagmasdan niya lamang iyon. Napakurap nalang siya nang marinig ang shutter ng camera.

Si Enzo, kinunan siya ng litrato? Sa ganoong sitwasyon pa? Nakanganga siya! Nakakahiya iyon! Matalim na tinitigan niya ang binata matapos nitong pindutin ang cellphone at ibalik sa bulsa.

"Ba't mo ginawa iyon? Burahin mo." Nakabusangot ang mukha na wika niya sa binata. Tumawa lamang ito.

"Ang cute mo kasing tingnan. Biruin mo, para kang bata na nakakita ng isang fairy. Ganitong-ganito ang reaksyon mo, oh." Binuka nito nang malaki ang baba saka dinilat ang mga matang tinitigan ang araw na nasa malayo. Ginaya ang reaksyon niya kanina.

Nahihiyang sinapak niya naman ang balikat nito dahilan nang ikinabuhakhak nito ng tawa at binato pa niya ito ng isang maliit na bato.

"I hate you. Burahin mo iyon!" Sigaw at habol niya sa binata ngunit naka-akyat na ito habang tumatawa.

"Ehem, " napatigil siya nang makarinig ng isang tikhim. Napataas siya ng tingin. Si Chanth iyon. Nakangiwi pa ang baba nitong nakatingin sa kanya. Sumunod naman na lumabas ng kabilang tent si Ayana. Ngunit kakaiba ang reaksyon nito kesa sa reaksyon ni Chanth. Nanunukso ang mga ngiti nito. Nilipat niya ang mga paningin sa binatang kanina lang ay gusto niyang habulin. Nagkukunwari pa itong kumukuha ng litrato sa magandang tanawin sa paligid.

Umakyat na siya saka ngali-ngaling niyakap ang kanyang kapatid na naka-krus ang mga brasong nakatitig pa rin sa kanya.

"Good morning, kuya." Bulong niya. Napapailing-iling lamang ito.

"George, have a great morning!" Napalingon siya sa likod. Si Winter iyon. Malapad ang mga ngiting nakatingin sa kanya. Nilibot nito ang mga paningin saka pumitas ng isang maliit na bulaklak na galing sa hindi niya kilalang halaman saka inabot iyon sa kanya. "For you."

S…salamat, Winter." Tugon niya. Aksidenteng nadapo ang mga paningin niya sa direksyon ni Enzo. Hindi niya alam kung namamalik-mata lang ba siya nang mahagip ng mga paningin niya ang pag-aabot ng mga kilay nito at mabilis na tumalikod. Aaminin niya, medyo naguluhan siya sa reaksyon ng binata. Tila ba gusto niyang mag-expain rito. Ngunit ano ba ang sasabihin niya? Isang buntong-hininga nalang ang kanyang pinakawalan.

Tahimik na binaybay lamang nila ang daan pabalik ng bayan. Nakatulog si Ayana na nasa front seat. Ganoon rin si Winter na nasa tabi niya. Ang kuya naman niya ang nagmamaneho. Napansin niya ang pananahimik ni Enzo sa kanyang tabi. Tila malalim ang iniisip nito at nakatanaw lamang sa labas hanggang sa makauwi na sila.

"Thank you for bringing me with you." Paalam nito sa kanyang kuya Chanth at kay Ayana. Nakaramdam siya ng kaunting inis dito. Hindi man lang kasi siya nilingon nito at kahit nagpasalamat o ngumiti man lang bago tuloyang pumasok sa gate ng apartamento nito.

Padabog na nilapag niya ang dalang bag sa kama. Sandaling nakatitig siya sa nakabukas na bintana

Galit ba siya sa 'kin? Talagang wala siyang modo. Ni hindi man lang ako nilingon bago umalis. Naiinis na bulong niya sa sarili. Naputol nalang ang pag-uusap niya sa sarili nang marinig niyang may kumatok sa pinto.

"George, " niluwa niyon ang kanyang kapatid.

"Kuya, " tugon niya saka tumabi ito ng upo sa kanya.

"Kahit kailan ay wala akong ipinagbawal sa 'yo, hindi ba? Kasi alam na alam mo na malaki ang tiwala ko sa 'yo. Ngunit simula nang may mangyari sa 'yo, natatakot na ako, Georgia. Gusto kong mag-ingat ka palagi sa bawat desisyon na gagawin mo. Gusto kong pag-isipan mong mabuti ang lahat ng mga bagay bago mo gawin. Simula nang may nangyari sa 'yo, ni hindi ko na nakita ang mga ningning sa mga mata mo. Pero alam mo ba kanina nang yakapin mo ako at makita kitang nakikipaghabulan kay Enzo, doon ko nakita ulit ang mga tunay na tawa at mga ngiti sa mga labi mo. Pero natatakot ako para sa 'yo. Gusto kitang protektahan palagi. Pero hindi kita pipigilan kung magkakagusto ka man sa isang tao. Gusto ko lang na mag-ingat ka." Matapos sabihin iyon ng kapatid ay niyakap siya nito at kinintalan ng halik sa noo.

"Salamat, kuya. Pangako, puprotektahan ko at iingatan ang sarili ko." Tugon niya. Nakabuntong-hininga na sinundan lamang niya ang kapatid na papalabas sa pinto.

"May programa sa plaza ngayong gabi. Manood tayo. Sa makalawa ay babalik na tayo ng Dumaguete kaya mabuting sulitin na natin habang nandito pa tayo." Yaya sa kanila ni Winter habang nasa hapag sila.

"Oo dahil selebrasyon iyon sa successful na launching ng bagong nursery ni Kapitan at ibang kawani ng bayan. Mas mabuti kung pupunta kayo." Dugtong naman ni Aling Aly.

Wala na siyang nagawa pa nang kaladkarin siya ni Ayana upang magbihis. Ang totoo niyan ay tinatamad siya. Nangangalay pa kasi ang mga paa niya dahil sa hiking nila kahapon. Pero alam niyang kapag si Ayana na ang namimilit ay wala na siyang magagawa pa. Ang kuya naman niya ay hindi na nakasama dahil gusto nitong matulog nang maaga. Si Winter at si Ayana ang kasama niya. Paglabas niya ng gate ay napalingon siya sa bakod ng kabilang bahay. Sinaway niya ang sarili. Ano ba ang inaasahan niya? Bakit parang umaasa siyang lalabas ang binata mula roon at gusto niyang makita ito? Naalala pa niya buong maghapon ay palagi siyang napapalingon sa mataas na bakod at umaasang lalabas doon ang binata. Ngunit sa palagay niya ay umuwi na yata ito ng Dumaguete. Isang malalim na hininga nalang ang kanyang pinakawalan bago pumasok ng sasakyan para pumunta sa plaza.