2 Kabanata 1

HER CELL PHONE KEEPS ON RINGING. She didn't bother to look whose calling because she already knew who it is. Isang tao lang naman ang maglalakas-loob na paulit-ulit siyang tawagan kahit alanganing oras na ng gabi.

"Bakit?" tinatamad na sagot niya. Kahit ignorahin niya ng paulit-ulit ang tawag nito ay alam niyang hindi ito titigil sa katatawag hanggant 'di niya sinasagot. "Ano na namang kailangan mo?"

"Ang sakit naman! Ganoon ba talaga ang tingin mo sa akin, tumatawag lang kapag may kailangan?" kunwari ay nagtatampong turan nito.

"Wala kang kailangan? Sige, goodbye!"

"Sandali!" Akmang ipe-press niya ang end call nang sumigaw ito.

"Huwag mo akong sigawan, hindi ako bingi." Gusto niya din itong sigawan kaso baka magising ang roommates niya. Nagbo-boarding house kasi siya. Pabor iyon sa kanya kaysa mag-commute araw-araw pagpasok sa university. Less traffic, less hassle.

"Sorry," kalmado na ang boses nito. "Sam, I need you." Malambing na sabi nito. "Please, help me. Kahit anong kapalit ibibigay ko sa'yo pumayag ka lang basta kaya ng budget ko."

"Tigilan mo ako. Ang sabi ko sa'yo huling beses na kitang tutulungan noong nakipag-break ka kay Remi, o Demi ba iyon?" Naguguluhan siya sa mga pangalan ng ex-girlfriend nito sa sobrang dami at take note, kasama siya sa listahan ng mga ex nito. Hindi nga niya alam kung bakit naging magkaibigan sila pagkatapos nilang maghiwalay.

"Promise!" nai-imagine niya na nakataas ang kanang kamay nito na tila nanunumpa. "Last na talaga 'to dahil ang susunod na magiging girlfriend ko ay papakasalan ko na."

"Tell that to the marines!"

Pinindot niya ang end call sabay turn off sa phone. Hindi siya naniniwala sa sinabi nito dahil isa itong dakilang playboy kaya imposibleng mangyari 'yon.

NAKA-READY NA LAHAT ng dadalhin niya pauwi sa Bulacan. Semestral break kaya magtatagal siya doon. Sa wakas ay makakapagpahinga siya at malalayo kay Jeffrey. Pagod na pagod na siya at sawang-sawa na sa pambababae nito.

"Samantha kanina pa naghihintay ang sundo mo." Sigaw ni Miss D, short for Diana, ang masungit at istrikta nilang landlady.

"Bababa na po."

Hindi niya matandaan na nagpasundo siya. Hindi nga niya sinabi sa mga magulang na ngayon siya uuwi. Si Jeffrey lang naman ang pumupunta sa boarding house kapag trip nitong ihatid siya o kaya sunduin. Ano naman kayang sadya nito?

"Sam, bumaba ka na." Naiiritang sabi ng best friend niyang si Cindy. Simula first year college ay magkasama na sila sa boarding house kaya naging malapit na magkaibigan sila. "Kanina pa pinagpi-fiesta-han ang hilaw mong boyfriend."

Sakit talaga sa ulo si Jeffrey. Malilintikan talaga ang binata sa kanya. Wala na itong pinipiling lugar at pati sa boarding house ay naghahasik ito ng kalandian.

"Bye, Cindy." Hinalikan niya ito sa pisngi. "Ikamusta mo na lang ako kay Tita. Pasensiya na kamo kasi hindi ko na siya mahihintay. Kailangan ko na talagang umuwi."

Luluwas ang ina ni Cindy kaya hindi muna ito uuwi sa Bataan. Hindi na niya mahihintay ang ginang dahil gusto na niyang iwasan si Jeff. Hindi kasi siya tatantanan ng binata hanggat 'di siya pumapayag sa gusto nito.

"Okay lang iyon basta mag-iingat ka sa pag-uwi at mag-iingat ka rin kay Jeff dahil baka kung ano na namang kalokohan ang gawin niyan."

"Salamat at huwag kang mag-alala, didispatsahin ko na ang lalaking iyon."

Bumaba siya bitbit ang bag. Nadatnan niya sa living room si Jeffrey na masayang nakikipaglandian sa roommates niya. Mabuti at hindi pa ito pinapalayas ni Miss D.

"Jeffrey, anong ginagawa mo dito?"

Mabilis na tinanggal ng binata ang nakalingkis na kamay ng mga babae sa braso nito nang makita siya. "Hi babe!" nakangiting bati nito sa kanya.

Akmang hahalikan siya nito sa pisngi ngunit umiwas siya. "I'm not your babe. Kadiri!"

Lahat nang naging nobya ni Jeff ay 'babe' ang tawag nito sa mga    ito maliban sa kanya. Wala silang endearment noong naging sila. Tinatawag nila ang isa't isa gamit ang pangalan nila.

"Samantha wala kang sinasabi sa amin na may pogi at hot kang boyfriend. Kung ayaw mo na sa kanya, ibigay mo na lang sa amin." Sabi ng isa niyang roommate na sinang-ayunan ng lahat.

"Inyong-inyo na, mag-usap na lang kayo kung sino ang una." Wika niya sabay alis. Wala siyang plano na makipag-agawan sa mga ito. Sinubukan niyang mapatino ang binata noon ngunit nabigo siya. Sumugal siya kahit alam niyang mas malaki ang chance na matalo siya. Hindi na niya uulitin iyon.

"Sam, let's talk."

Hindi niya namalayan na nakasunod pala ito sa kanya.

"Anong pag-uusapan natin? Kung paano mo hihiwalayan ang girlfriend mo?" sunod-sunod na tanong niya. "Malinaw na sinabi ko sa'yo na ayoko nang magpanggap na nobya mo kapag nakipag-break ka."

Simula noong naging magkaibigan sila, siya palagi ang ginagamit nitong dahilan sa tuwing nakikipag-break ito sa mga babae. Nagpapanggap siyang nobya nito at sinasadya nilang makita silang magkasama ng nobya nito. Kunwari nahuli niya itong nangangaliwa pagkatapos makikipaghiwalay na ito.

Pumayag siya sa gusto nito hindi dahil sa may kapalit na pabor, hindi rin dahil gumaganti siya kasi hiniwalayan din siya nito kundi dahil naaawa siya sa mga naging nobya nito. Mabuti nang matapos agad ang relasyon nito sa kahit na sino kaysa magtagal dahil lalo lang aasa ang babae kung mas tatagal pa ang relasyon. Pero nagkamali siya. Sa pagpayag niya sa gusto nito ay kinunsinti niya ang pagiging playboy nito. Lalo tuloy itong lumala dahil alam nitong nandiyan siya para tumulong kaya itatama na niya ang lahat.

"Sam, ipinapangako ko na huli na talaga 'to."

"Ilang beses mo nang sinabi sa akin iyan Jeff pero hanggang ngayon hindi ka pa rin nagbabago. Bahala ka sa buhay mo!"

"Sam," hinawakan nito ang kamay niya saka lumuhod. "Magpapakabait na ako pagkatapos nito. Magbabago na ako. Hindi ko na gagayahin si Papa." Pagmamakaawa nito sa kanya.

"Tumayo ka nga." Baka kung ano pa ang isipin ng mga nakakakita sa kanila. Parang siya tuloy ang pinagtaksilan nito at humihingi ito ng second chance sa kanya. "Ang daming tao, Jeff. Huwag ka ngang mag-eskandalo." Pinagtitinginan na sila ng mga taong dumadaan sa kalsada.

"Seryoso ako, hindi ako tatayo hanggat 'di ka pumapayag."

Malapit nang maubos ang pasensiya niya dito. "Last na talaga 'to at kapag umulit ka pa-"

"Pumapayag ka na?" nagliwanag ang mukha nito.

"Sa isang kondisyon."

"Ano iyon? Kahit ano gagawin ko basta tulungan mo lang ako."

"Kalimutan mong magkaibigan tayo kapag umulit ka pa." seryoso niyang turan. Tinitigan siya ng binata na waring tinatantiya nito kung tototohanin niya ba ang sinabi. "Hindi ako nagbibiro Jeff. Sawang-sawa na ako sa pinaggagagawa mo. Akala mo hindi ako nagi-guilty sa ginagawa natin? Babae din ako Jeff, alam ko kung anong nararamdaman nila. Paano kapag nangyari din sa akin 'yon?"

Tama, naging sila noon ni Jeffrey pero hindi niya naranasan ang naranasan ng mga nobya nito. Hindi nito ipinaramdam sa kanya na hindi siya sapat, na kapalit-palit siya kaya siya hiniwalayan nito. Hindi niya sinisisi ang binata kung bakit marami itong nobya dahil babae ang nagahahabol dito pero alam niyang mali pa rin ang ginagawa nito. Hindi iyon dahilan upang paglaruan nito ang mga babae.

"Okay, deal."

Soon to be published under Bookware Publishing Corp.

Love Me, Jeffrey is also available on other writing platforms.

Love Me, Jeffrey by Carmie Lopez

https://www.facebook.com/carmie.lopez.7311

https://www.wattpad.com/user/Carmie_Lopez

Booklat UN: Carmie Lopez

Webnovel UN: carmielopezmckay

avataravatar
Next chapter