webnovel

Left 4 Dead - Book 1 (Tagalog)

This is only the Short Version of the story.

sarcaztic · Video Games
Not enough ratings
1 Chs

[L4D] Kabanata 1

Nakatanaw sa malayo ang lalaki mula sa bintana ng ikalawang palapag. Nakita niya ang isang pamilyar na sasakyan.

"P*tangina ka..." bulong niya sa sarili.

Agad bumaba si Larry, hinintay ang trak na paparating.

Iniwan ng lalaki ang sasakyan at lumapit sa bahay. Tumigil siya sandali, tinignan si Larry mula ulo hanggang paa at sabay ngiti.

Nakipagkamay siya sa taong tumingin sa kanyang lupain sa mga araw na wala siya. Sa loob ng halos dalawang dekada, umalis si Bill sa kanyang bayan kinalakhan.

"Hayop ka, William R. Overbeck." bati ni Larry.

"Lawrence V. McLorroe, naputulan ka ba ulit ng mga daliri?"

"Ikaw ba 'yan, bwiset ka?" Napakunot noo siya, hindi sigurado kung iyon ba talaga ang matalik niyang kaibigan na muling nagbabalik. "Parang kailan lang."

"Kumusta?" Nakipagkamay siya sa kanya. Muling bumalik ang dating tabas ng balbas, berdeng at lumang diyaket, matingkad na luntiang pantalon at botas ng isang beterano. Palaging nakasukbit sa kanyang tagiliran ang paboritong baril.

"Hindi ko nakalimutan na diligan ang mga halaman. Lalo na iyong puno."

"Hindi ka na talaga nagbago. Maaasahan ka pa din."

"Para saan pa at tayo'y nagkakilala, 'di ba?" sagot niya. Nagyakapan ang dalawa ng mahigpit, tinapik niya ang likod ni Bill na may kahulugang malalagpasan mo din 'yan.

Nakilala ni Bill ang retiradong si Larry sa panahon ng pagsalakay ng isang terorista sa bansa. Nagtulungan silang dalawa upang manatiling buhay habang hindi pa dumarating ang iba nilang mga kasamahan. Muling nagkita ang dalawa matapos ang isang taon, walang nagbago maliban sa naputol na mga daliri ni Larry.

Naghintay sa bungad ng pinto si Larry habang naglilibot si Bill sa loob ng kanyang tahanan. Tinitignan ang bawat sulok, mga memoryang kailanman hindi mabubura.

"Magluluto si Leonora mamayang hapunan. Baka gusto mo kaming samahan?"

"Mukhang maganda iyan." lumingon siya sa kanya.

Dumating ang gabi, kasama ni Larry na dumating si Bill. Abala si Leonora sa paghahanda ng kanilang hapunan. Ang kanyang manugang na si Kate ay dinala ang pagkain sa may mesa.

Pumasok na si Larry habang napatigil sa may salas si Bill, nakatingin sa nakatalikod na babae.

"Mahal, nandito na ako." sabi ni Larry.

"Saan ka ba nagpunta, ikaw na matanda ka?" boses na mula sa may kusina.

"I missed you, too." sagot niya.

"Baka nakalimutan mo na naman linisan iyong mga alaga ng kumpare mo!"

"Binuking mo naman ako..."

"Napakaganda mo pa rin talaga." puri ni Bill.

Kumunot ang noo ni Leonora, agad naalala ang taong palaging nagsasabi sa kanya ng ganoon. Nilapitan siya ni Bill, hinawakan ang kanyang mga kamay.

Inilagay ni Leonora ang kanyang mga kamay sa pisngi ni Bill, dahan-dahan inilapit ang kanyang mukha sa mukha niya. Hinalikan niya siya sa labi, patunay na matagal niya siyang hinintay. Nagkatitig siya sa kanyang mga mata, napatingin si Bill sa kanyang asawa.

"Larry?" pansin ni Bill.

"Nagpaalam siya sa 'kin para lang dyan. Sabi niya gagawin niya daw talaga 'yan sa araw na makita ka niya muli."

Marahang silang tumawa at sinabi ni Leonora sa kanya, "Kung hindi mo lang alam, sakit ng ulo ang asawa ko. Hindi katulad ng dati na ako pa ang inaasikaso niya."

"Mahal, alam mong hindi totoo iyan." paalala ni Larry na naririnig niya ang kanyang mga sinasabi.

Napailing na lang siya habang nakangisi at sabay tanong, "Kumusta ka naman?"

"Heto, ganoon pa din." Hinawakan siya sa kanyang pisngi.

"Nabalitaan ko ang nangyari... Patawarin mo ako." Tumango na lang siya bilang tugon. Kinuha niya ang kanyang kamay, hinila ni Leonora si Bill papunta ng silid kainan. Naunang maupo si Larry, kasunod si Kate at si Leonora.

"Siya si Kate. Ang mabait kong manugang." pakilala ni Leonora.

Ngumiti ang babae kay Bill habang papaupo siya.

Matapos ang taimtim na panalangin, sinimulan na nila tanggapin ang grasya.

"Bill, pansin ko, iba ang tingin mo sa asawa ko magmula noong hinalikan ka niya." sabi ni Larry sa pagitan ng kanyang pagnguya.

"Siraulo ka talaga." sabi ni Leonora sa kanya.

"Hayaan mo siya. Hanggang ngayon kasi takot pa din 'iyan na baka maagaw kita sa kanya." Tumingin si Bill kay Larry, nawala ang ngiti niya. Itinaas niya ang kanyang dalawang kilay.

Biglang tumawa ang tatlo na ipinagtaka naman ni Kate.

"Iha, pasensya ka na. Ganito na talaga kami simula pa noong una kaming nagkakilala."

"Nay, baka magustuhan ko ang kwento niyo."

"Naku, 'wag na." Ngumiti si Bill. Nag-iba ang galaw ng kanyang mga mata, may gumagambala.

"Si Bill kasi ang una ko naging kasintahan bago ang tatay Larry mo."

"Heto nanaman kami..." parinig ni Larry.

Bahagyang pumikit ang mga mata ni Bill habang ipinagpapatuloy ang kanilang kwentuhan. May nakakaakit na himig na nagmumula sa boses ng isang babae. Ang imahe ng mga taong nasa hapag kainan ay napalitan ng isang babae. Olandes ang kanyang buhok, tulad ng kay Leonora noong siya'y bata pa, bughaw na mga mata, manipis na labi na may napakatamis na ngiti.

Tumigil ang himig. Nagsimulang umiyak, magalit at magmakaawa ang babae. Kinuha ni Bill ang baso ng tubig, manginig-nginig niyang inilapit sa kanyang mga bibig.

Nagpatuloy ang boses ng isang nahihirapan. May mga kahol ng aso, galit at handang sumunggab. May tumunog ng kasa ng baril, kinalabit ang gatilyo at pumutok sa harapan ng aso. Nakahandusay ang hayop habang pilit na kumakawala ang isang babaeng sa kulungan, umuungol.

Itinutok ni Bill ang baril sa ulo ng babae, handa na siyang kalabitin muli ang gatilyo, pero, biglang nawala ang mga pangyayari.

Bumalik ang kanyang mga alala.

Bumagsak ang baso, nabasag sa mesa ang tubig at nabasa ang damit niya.

"Pasensya na..." napalunok si Bill ng malalim. Tumingin siya sa kanilang mga reaksyon.

Mabilis na kumuha si Kate ng bimpo.

Inilagay ni Larry ang kanyang palad sa ibabaw ng kamay ng kanyang asawa, natahimik sila.

Iniipon ni Kate ang mga basag na piraso ng baso, umiyak ang bata mula sa kwarto, napalingon si Kate, akmang aalis. Ipinagpatuloy niya ang pagpunas ng basang mesa.

"Puntahan ko lang po 'yong anak ko... Paumanhin." paalam ni Kate.

"Bill, ayos ka lang?"

"Ayos lang ako." sagot niya at ngumiti ng peke. "Masarap ka pa din magluto, Leonora...

"...oo." tugon niya.

Marahang iniatras ni Bill ng ang upuan, tumayo at lumabas ng silid. Hindi siya lumingon pa at ipinagpatuloy ang pagbaba ng bahay.

Sumunod naman kaagad si Larry sa kaibigan niyang may malalim na pinagdadaanan.

"Gusto mo ng alak?" alok niya.

"Mukhang kailangan ko nga." sagot ni Bill.

Hinatid niya ang kaibigan pabalik sa kanyang bahay, tulala, may lihim na tinatago. Siya na din ang nagbukas ng pintuan, binuksan ang ilaw at umupo sa sopa.

Naupo kaagad si Bill sa kanyang paboritong.

Nagtaas ng kanyang kilay si Larry, pilit na inaalala ang isang karanasan at sinabi niya, "Alam mo, hindi ko agad nasabi sa'yo ito, pero, isang babae ang nanggaling dito noong nakaraang linggo."

"Talaga?"

"At sabi niya kilala mo daw siya." dagdag niya. "Gina?"

"Tinignan ba niya ang lugar?"

"Oo. At mukhang nagustuhan niya. Natulog siya sa silid pambisita ng ilang araw. Naglinis din siya ang bahay."

"Malamang hinahanap niya talaga ako." bumunot siya ng pakete ng sigarilyo sa kanyang bulsa.

"Sa una akala ko nga kinakasama mo siya, eh."

Binuksan ni Bill ang bote ng alak. Lumagok ng higit sa kayang niyang lunukin at nagsimulang manigarilyo. Panay ang tingin sa kanya ng kaibigan, naghihintay ng kanyang sunod na sasabihin.

"Magkwento ka sa 'kin." sabi niya. "Alam ko kung mayroon kang kasinungalingan, Bill. Sinusumpa ko kahit pa na matagal kang nawala, hindi ko malilimutan ang reaksyon ng pagmumukha mo."

"Hindi ako nagsinungaling sa 'yo."

"Sigurado ka?"

"Naglihim lang ako sa 'yo." tugon niya. "Ano ang alam mo sa mga nakapaligid sa 'yo?" inilapit niya ang kanyang sarili.