webnovel

Kaharian ng Haraya

Kabayanihan ang pagiging isang alagad ng sining. Ito ang nagtuklasan nina Ella na isang manunulat, Tino na isang musikero, Patrick na isang mananayaw, at Joel na isang mangguguhit sa kanilang karanasan sa Kaharian ng Haraya na kanilang babaunin sa pagbabalik nila sa mundo kung saan nila tutuparin ang kanilang mga pangarap at susundin ang sinasabi ng kanilang mga puso – ang pagiging makasining. Bandang alas-10 ng umaga ng Sabado, unang araw ng Pebrero, taong 2020, naghahanap mula sa kanyang laptop ng maaaring salihang spoken word event si Ella, isang manunulat at graduating high school student. Kanyang binisita ang isang link sa website na pagtatanghal.com sa pag-aakalang isa lamang itong simpleng kaganapang sasalihan ng iba’t ibang uri ng artista. Subalit biglang nagkaroon ng nakasisilaw na liwanag mula sa screen ng kanyang laptop at pagkadilat niya ay wala na siya sa kanyang kwarto, kundi nasa kastilyo na ng Kaharian ng Haraya. Maya-maya ay nakita niyang sumulpot bigla sina Tino, kumukuha ng kursong music; Patrick, high school student na hilig ang pagsasayaw, nakababatang kapatid ni Tino; at Joel, bank teller mula Lunes hanggang Biyernes at tattoo artist naman kapag wala siya sa trabaho niya sa bangko. Sina Tino, Patrick, at Joel ay mula rin sa mundo ng mga tao na napunta sa nasabing kastilyo dahil din sa link na pagtatanghal.com na nakita ni Tino sa kanyang cellphone. Sa labas ng kastilyo ay nakita nila na naglalaban ang mga nilalang, ngunit protektado ang kastilyo at isang entablado sa harap nito ng mahiwagang panangga. Sa loob naman ng kastilyo ay nakilala nila si Prinsesa Masining na may mahikang gumawa ng mga bagay base sa kanyang mga nakikita. Ayon kay Prinsesa Masining, naroon ang apat upang tulungang maisaayos ang Haraya at maibalik ang pagmamahalan at pagkakaisa sa kaharian na nawala mula noong inagaw ng isang tusong heneral, si Heneral Baligho, ang makapangyarihang korona ng kanyang amang-hari na si Kahalangdon. Ang korona ay makapagbibigay sa sinumang may suot nito ng pambihirang katalinuhan at kasagutan sa mga misteryoso sa Haraya. Naganap ang pagpatay ng heneral, na may pambihirang husay sa pakikidigma, kay Haring Kahalangdon sa mahiwagang entabladong pinagdarausan ng masasaya at makukulay na pagtatanghal – ang entabladong nasa harapan ng kastilyo na nababalutan rin ng mahiwagang panangga. Subalit nadungisan ang entablado ng pagiging sakim sa kapangyarihan ni Heneral Baligho. Mula noon, nawalan ng pagmamahalan sa kaharian, maliban sa mga mahikerong nasa loob ng kastilyo na pinoprotektahan ng mahiwagang panangga na gawa ni Haring Kahalangdon bago siya malagutan ng hininga. Sa tulong ng iba pang mga mahikerong nasa loob ng kastilyo, kikilalanin nina Ella, Tino, Patrick at Joel ang Haraya. Matutunghayan nila ang iba’t ibang klase ng mahika na kayang gawin ng mga mahikerong sina: Reyna Kasiki na ina ni Prinsesa Masining, may makapangyarihang tinig kapag umaawit na kayang pumukaw ng atensyon ninuman; Prinsipe Klasiko na pinsan ni Prinsesa Masining, may kakayahang lakbayin ang iba’t ibang panahon at mundo; Prinsesa Kakaniyahan na kapatid ng hari, may kakayahang basahin ang pagkatao at iniisip ng sinuman; Prinsesa Rosida na asawa ni Prinsipe Klasiko, may kakayahang magpausbong ng mga halaman, puno at bulaklak; at Prinsipe Marahuyo na anak nina Prinsipe Klasiko at Prinsesa Rosida, may kakayahang magpaamo at magpasunod ng mga hayop. Sa papaanong paraan kaya makatutulong sina Ella, Tino, Patrick, at Joel na walang taglay na mga kapangyarihan na tulad sa mga mahikerong makakasama nila sa Kaharian ng Haraya?

Ziy · Fantasy
Not enough ratings
8 Chs

TITIK AT TONO

Agad namang umakyat si Tino papunta sa ikaapat sa palapag. Ngunit sa halip na sa kanyang kuwarto magtungo, kinatok niya ang pintuan ng silid ni Ella.

"Ella, Ella, Ella" sigaw ni Tino habang kumakatok.

Kasalukuyan noong nakaupo si Ella sa harapan ng mesa at nagsusulat. Natukoy niya na boses ni Tino ang naririnig niyang tumatawag sa kanyang pangalan. Kaya naman pansamantalang itinigil ni Ella ang pag-iisip ng isusulat upang pagbuksan ng pinto ang binata.

"Teka, sandali," sigaw ni Ella mula sa loob ng kanyang silid.

Binuksan ni Ella ang pinto at nang makita niya na si Tino nga ang kumakatok ay kanyang sinabi, "Kuya Tino, bakit? May problema ba?"

"Oo, tayo ay may suliranin! Lumalaganap na ang kasamaan dito sa Haraya. 'Yon ang suliranin natin bilang mga bayani ng kahariang ito," sagot ni Tino na tila ginagaya ang tono ng pananalita ng mga prinsesa at prinsipe.

Mga apat na segundo namang natahimik lang si Ella bago niya sinabing, "kahapon ko pa alam 'yan."

Naglakad pabalik sa kanyang upuan si Ella subalit nanatili lang siyang nakaupo. Sumunod naman sa kanya si Tino. Hawak-hawak ng kanyang kaliwang kamay ang fretboard ng gitarang nakasabit sa kanya. Naiwanang nakabukas lamang ang pintuan.

"Ang seryoso mo naman masyado, Ella. Joke lang 'yon. Alam mo siguro kung Filipino ang salita nina Mozart, Beethoven, Bach, Liszt, Chopin o kaya si Schubert, siguro ganyan din magsalit ang mga 'yon," sabi ni Tino kay Ella.

"Mga classical musicians 'yan, diba?" tanong ni Ella sa binata.

"Oo, paano mo nalaman?"

"Familiar e. Siguro dahil sa music subject namin."

"Sabagay, may MAPEH nga pala 'no?

"Saka madalas kong naririnig noon pa man 'yong Mozart saka Beethoven."

"Oo nga, sila 'yong pinakamadalas nababanggit na apelyido kapag sinabing music. Pero I swear, marami pang classical musicians ang may magagandang piyesa. 'Yong tipong nagkukulong na lang ako sa kuwarto ko para ma-perfect lang 'yong classical pieces nila na inaaral kong tugtugin. Pero mga halimaw talaga ang mga 'yon. Madalas 'di ko talaga nape-perfect."

"Ganoon ba?" mahinang sinabi ni Ella habang nakatitig lang sa binata.

"Ikaw rin ano? Kapag may sinusulat ka nagkukulong ka rin sa kuwarto? Kagaya ng ginagawa mo ngayon."

"Hindi naman. Minsan kahit hindi sa kuwarto. Kahit saan – sa school, sa park, sa sala ng bahay namin, or habang nakikita ko ang nature. Basta 'yong walang kumakausap sa akin para focused ako."

"Basta walang kumakausap sa iyo? Paano 'yan? You have to work closely with me," sinasabi ni Tino habang papalapit nang papalapit sa harapan ng dalaga. Tila naging espasyo na lang nila sa isa't isa ay ang gitarang nakasabit kay Tino.

"Work closely? Pwedeng 'wag masyadong close?" tanong ni Ella kay Tino na naiilang sa paglapit ng binata.

"Sorry, sorry" sabi ni Tino. Humakbang ng dalawang beses patalikod si Tino nang mapagtanto rin niyang lumalapit na nga maging ang kanyang mukha kay Ella.

Yumuko naman si Ella na nahihiyang ipakita sa binata ang kanyang namumulang mga pisngi.

"Ang ibig ko lang sabihin, ano. Magiging magkatrabaho tayo rito. Alam mo na, dapat masanay ka na rin nang may kinakausap habang nagsusulat ka," paliwanag naman ni Tino.

"Sige, Kuya Tino."

"Sus, 'wag mo na akong tawaging Kuya Tino. Tino na lang. How young are you na ba?

"Kaka-eighteen ko pa lang last month."

"Kaunti lang naman pala ang tanda ko sa iyo. 'Wag mo na akong tawaging Kuya."

"Ilang taon ka na ba?"

"Ako?"

"May iba pa ba akong kausap dito?" matawa-tawang tanong ni Ella.

"Ayan, medyo hindi ka na serious. Nagbibiro ka na rin. Alam mo, napakaseryoso na ng misyon na ibinigay sa atin. Kung sobrang seryoso rin natin, baka bago pa sumapit yung February 29, 2020, mapuno na ng kulubot ang mga mukha natin."

"Okay," sabi ng nakangiting si Ella. "So ilang tanong ka na nga?"

"Bakit ka ba masyadong interesado sa akin?" sabi ni Tino nang may mapang-asar na tono.

"Ako? Masyadong interesado sa iyo? Ikaw nga diyan ang marami nang naitanong sa akin?"

"So you mean, ako ang interesado sa iyo?"

Pagsimangot naman ang naging tugon ni Ella sa binata.

"Oh, naging seryoso ka na naman. Joke lang ulit 'yon. Okay. I'm 20 years old, turning 21."

"Kailan ka magiging 21?"

"Bale sa… sa. Basta malapit na."

"College student ka na? tanong ni Ella na unti-unting naaaliw sa pag-uusap nila ni Tino.

"Oo."

"Anong course ang tine-take mo?"

Napangiti naman si Tino dahil sa sunud-sunod na tanong sa kanya ni Ella. Napangiti siya dahil iniisip niyang nagiging interesado nga sa kanya ang dalaga. Ngunit sinarili niya na lang ang kanyang iniisip dahil baka maging sanhi ulit ito ng pagkainis ng dalaga.

"Music Ed," sagot niya. "E ikaw?" balik na tanong ni Tino.

"Graduating pa lang ako ng senior high," tugon naman ni Ella.

"May napili ka na bang gusto mong i-take na course?"

"Ah, wala pa e." Pinili ni Ella na huwag na lang i-kwento ang kanyang pinagdaraanan pagdating sa usapin ng kursong kukunin niya sa kolehiyo. Sandali niyang naalala ang ama, na nais siyang pagkuhain ng kursong medicine, habang siya ay nakayuko at tinitignan ang papel na nasa mesa.

Tumingin muli si Ella kay Tino at tinanong ng tungkol sa kanyang kapatid na si Patrick upang hindi na masundan pa ang tanong ni Tino na tungkol sa nais niyang kurso dahil isa itong paksa na lumilito rin sa kanyang isipan.

"E 'yong brother mong si Patrick, siguro nasa high school pa lang din siya ngayon 'no?"

"Oo. Nasa junior high pa lang naman siya. Saka hindi brother 'yon, sister kamo."

"Ay, oo. Halata naman na pusong babae nga siya. So okay lang sa iyo na ang kapatid mo, alam mo na – bading?"

"Oo naman, wala namang masama sa pagiging bading. Ang akin lang, 'wag siyang masyadong maging malikot para siyempre, irerespeto pa rin siya ng mga tao."

"Sabagay. E Paano 'yan? Kapag sumasayaw dapat malikot."

"Iba naman 'yun. Siyempre performance naman 'yon. Kahit naman ako as a musician, gumagalaw-galaw din talaga ako. Lalo na kapag 'yong genre ng tinutugtog ko 'yong mga rock, jazz, basta 'yong mga upbeat."

"How about Kuya Joel?" Anong pinagkakaabalahan niya sa buhay?"

"Bank teller naman si Kuya Joel. Talagang sobrang talented niya sa pag-drawing kung alam mo lang. So nagtayo siya ng sarili niyang tattoo shop, Joel Roque's Tattoo Shop. Banda sa amin lang din sa Maynila."

"Kamag-anak niyo rin ba siya?"

"Hindi. Kalapit bahay lang. Naging close lang kami nang nagtayo na siya ng tattoo shop. Siguro mga two years ago 'yon. Noon ko pa sana balak magpatato, ayaw lang ng nanay ko. Katingin-tingin ko ng designs sa shop niya naging close kami."

Tahimik lang at nakikinig si Ella sa mga sinasabi ni Tino. Batid niyang natigil ang kanyang pagsusulat dahil sa pagdating ni Tino sa kanyang silid subalit hinayaan niya na lang ito sapagkat nalilibang na rin siya sa kanilang pagkukuwentuhan.

"Tapos alam mo ba, minsan pinatutugtog niya ako ng electric guitar sa shop niya, pang-tawag customer daw," pagpapatuloy ni Tino. "Sige, tugtog naman ako. Natutuwa nga siya kasi effective daw minsan e. Saka nae-entertain na rin siya at the same time. Tapos may mga nagpapatato roon na mga banda, nagiging kakuwentuhan ko na rin saka nakaka-jamming. Nakilala na rin ni Kuya Joel ang utol ko kasi siya palagi ang inuutusan ni Mama para hanapin ako kapag wala ako sa bahay namin."

"Madaldal ka rin ano?" nang-aasar na tanong ni Ella sa binata.

Ngumisi naman si Tino, napagtanto ang walang tigil niyang pagsasalita.

"Mabuti pa siguro pag-usapan na lang natin 'yong songs na bubuuin natin, para maging productive naman tayo," suhestiyon naman ni Tino.

"Mabuti pa nga."

Kapwa umupo sina Tino at Ella sa dalawa sa mga upuang malapit sa mesa. Pagkaupo ay napansin ni Tino ang isang papel na may sulat-kamay ni Ella. Ito ang papel na sinulatan ng dalaga ng mga linyang sumagi sa kanyang isipan habang pinagmamasdan ang Haraya nang siya ay dumungaw sa bintana ng kanyang kuwarto.

Maya-maya ay kinuha ni Tino ang papel at binasa nang malakas ang mga linyang nakasulat. May tono siyang tila nagbibigkas ng tula. Samantala, nakatitig lamang si Ella sa binata habang binabasa ang kanyang sinulat.

"Bukang-liwayway na naman

Dito sa'ting kaharian

Sinag ng araw ay liliwanagan

Ang kapaligirang luntian

Karaagan mong kinulayan

Ng iba't ibang nilalang…

Walang uri ng mahika

Ang kayang parisan ang 'yong ganda

Anyo mo'y walang kagaya

Haraya."

Sa isa pang hiwalay na papel, na kasunod ng pinagsulatan ng unang mga linyang binasa ni Tino, ay may tula ring nakasulat.

"Mayroon pa pala rito," sabi ni Tino na tinutukoy ang iba pang sinulat ni Ella sa isa pang blankong piraso ng papel.

"Oo mayroon pa diyan, kaso ang korni na niyan e," sinasabi ni Ella habang kinukuha ang mga papel sa kamay ni Tino.

"Sige, okay lang basahin ko pa rin." Hinigpitan ni Tino ang pagkakakapit sa mga papel na nasa kanyang kaliwang kamay upang hindi makuha ni Ella.

"Medyo magulo pa kasi 'yong sa part na 'yan. Aayusin ko pa sana."

"Ayos lang nga, kasi malay mo pwede nating magawan ng tono. Okay 'yang parang draft pa lang para pwede pa nating bagu-baguhin kapag isasakto na natin sa mga magagawa kong tono," paliwanag ni Tino habang kinakapitan ng kaniyang kanang kamay ang mga kamay ni Ella na umaagaw sa mga papel.

Tumigil naman sa pag-agaw si Ella nang hawak na ni Tino ang kanyang mga kamay. Dahil doon, nabawi ni Tino ang mga papel at mabilisang binasa sa kanyang isip ang mga nakasulat na:

"Kaibigan iyan ba ay mabigat?

Hayaan mo 'kong tulungan ka

Ako na ang magbubuhat

Nitong supot ng abaka."

Kalat-kalat naman ang iba pang mga linya sa papel. Nakasulat ang mga linya nang walang pang maayos na pagkasunod-sunod at mga pangungusap na hindi pa kumpleto ang diwa.

"Haraya! Sige isigaw niyo...

"Hayan ang mga ibon ikinakampay

Ang pakpak nilang sagana sa kulay

Pati mga paru-paro...

"Irog ko, maaari ba

Pahintulutan akong ika'y...

"Hanggang sa puso ko'y matunaw..."

Matapos niyang basahin ang mga nakasulat sa papel, napansin na ni Tino na hawak pa rin niya ang mga kamay ni Ella. May kalakihan ang mga kamay ni Tino na bentahe sa pagtugtog niya ng piyano at mga instrumentong may kwerdas. At dahil sa sukat ng kamay na ito ni Tino, madali lang sa kanyang hawakan ang dalawang may kaliitan na mga kamay ni Ella.

Ilang segundong nabalot ng katahimikan ang silid ni Ella. Magkatinginan lamang ang dalawa habang hawak ni Tino ang mga kamay ni Ella. Maya-maya ay binasak ni Ella ang katahimikan.

"Sabi ko naman sa iyo. Hindi pa talaga maayos 'yan." Inialis ni Ella ang kanyang mga kamay mula sa pagkakakapit ni Tino.

"Ang cool kaya. Base sa mga sinulat mo parang matagal ka nang naninirahan dito sa Haraya," komento ng binata.

"Parang 'yan kasi yung tunay na Haraya na isiisip ko habang pinapaliwanag kahapon ni Prinsesa Masining 'yong dati nitong hitsura e. So sinulat ko lang."

"Maganda, maganda. Kaso bakit dito sa mga huling lines, hindi mo itinuloy? Nagiging romantic na sana."

"Wala na rin kasi akong maidugtong."

"So wala kang inspiration kapag love ang topic ng isusulat mo?" pagtataka ni Tino.

"Meron naman. Family ko."

"Bukod sa kanila, wala nang iba?"

"Teka nga, akala ko ba itong mga bubuuin nating kanta ang pag-uusapan natin? Bakit parang nagiging personal na ulit mga tanong mo?"

"Sorry naman. Na-curious lang."

Kaya naman sisimulan na niyang tumipa ng iba't ibang sa kanyang gitara.