webnovel

Hot Arranged Marriage

Nangako si Taryn sa butihing lolo ni Mic na magpapakasal siya dito. Nasa huling testamento na kailangang magsama sa iisang bubong ang dalawa ng isang taon! Lihim na umiibig si Taryn sa binata simula bata pa sila ngunit alam niyang walang patutunguhan kaya pinilit niyang supilin. Si Mic ay kailangang sumunod sa hinihiling ng testamento kaya pumayag na magpakasal. Ano ang mangyayari sa dalawang puso na ikinasal nang pilit?

ecmendoza · Urban
Not enough ratings
11 Chs

Chapter Six

UMATRAS si Taryn ngunit mabagal siya dahil madaling nasundan ni Mic.

Napapitlag siya nang hawakan nito ang isang braso niya. Para kasing nakuryente siya.

"Sorry." Agad na lumipat sa beywang ni Taryn ang kamay ng lalaki dahil inakalang nasaktan ang kanyang braso.

"Pakihatid na lang sa kuwarto ang meryenda ni Taryn, Aling Fe," utos ni Mic sa kusinera.

"H-ha? A, e, opo, ser."

"S-sandali--" Nakapagsalita si Taryn nang malapit na sila sa hagdanang yari sa antigong kahoy.

"Kailangang ma-check-up ang mga galos mo. Baka nagka-infection na," pakli ni Mic.

"N-nagpasundo ka pa ng doktor?" maang ni Taryn. Wala sa loob na umakyat sa mga baytang nang igiya ng lalaki.

"Hindi mo ba alam na isa akong doktor?"

"Ha?" Napahinto si Taryn upang tingnan si Mic. Bahagya lang siyang nakatingala dahil nakatuntong na sa sumunod na baytang.

"H-hindi ko alam," pag-amin niya habang unti-unting nanlalaki ang mga mata. "I-ikaw ang gumamot sa akin nung una--?"

Tumango ang lalaki. Sumilay ang unang natural na ngiti sa matatag na hubog ng bibig.

Na lalong ikinagulat ni Taryn kaya napatitig na lang siya sa simpatikong mukha na lubhang napakalapit sa mukha niya.

"Ako rin ang nag-alis ng blusa mo," ang patudyong wika ni Mic. "Pati ang underwear." Punum-puno ng sexual innuendo ang huling pangungusap.

"Oh..." Parang binuhusan ng malamig na tubig si Taryn.

Bigla siyang nahimasmasan kaya nagkaroon ng lakas. Pumiglas siya nang maramdaman ang paghigop ng mala-batubalaning puwersa.

"But don't worry," dugtong ni Mic. "Hindi ikaw ang unang babaeng hinubaran ko."

Nag-apoy ang mga pisngi ni Taryn kaya ibinaling ang mukha. Kaysa tumugon, binilisan na lang niya ang paghakbang sa mga baytang.

Nagdumali siyang lumayo sa lalaki.

"Hindi diyan ang papunta sa kuwarto natin, Mrs. Zabala." Kumawit na naman ang isang matipunong bisig sa beywang ni Taryn upang iliko siya sa koridor na patungo sa master's bedroom.

"P-pero--" Nautal siya dahil may gumapang na kiliti sa gulugod pagkarinig sa 'Mrs. Zabala!'

"Ngayon ka pa tututol?" salo ni Mic. "Malinaw na nakasaad sa mga kondisyon ni Lolo Michael, na magsasama tayo sa ilalim ng isang bubong--at sa loob ng isang kuwarto."

"W-wala akong natatandaang gan'on," protesta ni Taryn.

"Gusto mo bang pabalikin ko dito si Attorney Layug bukas?" Naging pormal ang tono at anyo ni Mic. Parang na-insulto dahil ayaw niyang maniwala agad.

"N-no, hindi na kailangan," agap ni Taryn.

Mas nakakasindak ang pormal na Mic kaysa sa nambubuskang Mic.

Halos gabi-gabi nitong mga huling buwan, pumapasok si Taryn sa loob ng master's bedroom para samahan si Lolo Michael.

Ngunit ngayon ay parang ibang kuwarto na ang naturang silid.

Gayun pa rin ang luwang at ang taas, ngunit naging maaliwalas na ang kulay.

Wala na ang mga lumang Afghan rugs na may madidilim na kulay.

Nahubaran ang mga sahig na yari sa solido at makinis na kahoy.

Parang nagkaroon ng buhay ang mga iyon nang mapakintab sa floor wax.

Ang mga muwebles ay pamilyar din ngunit nabawasan ng ilan kaya lalupang lumuwang ang unang impresyon sa palibot.

Nawala rin ang dalawang paintings na naglalarawan sa isang eksena sa gitna ng bukid at isang seascape mula sa malayong lugar.

Ang isa pang kapansin-pansing pagbabago ay ang mapusyaw na kulay ng kubrekama, kumot at mga punda.

Gayundin ang mga kurtinang maninipis, na handang makipaglaro sa hangin anumang sandali.

Nakabukas ang mga lahat ng mga bintanang yari sa kapis kaya sariwa at maaliwalas ang buong paligid.

"Buong araw na pinagpaguran nina Aling Fe ang paglilinis at pag-aayos sa kuwartong ito," pahayag ni Mic. "Nagustuhan mo ba?" tanong nito nang hindi siya kumikibo.

"Nasaan ang mga paintings?"

"Ipinalilinis ko pa. Papalitan ko sana ng iba, pero ipapabalik ko kung gusto mo pala ang mga 'yon."

Dali-daling umiling si Taryn. "H-hindi ko sinabing gusto ko sila," agap niya. "Napansin ko lang."

"Mahilig ako sa abstract art. Ikaw?"

Napamaang si Taryn dahil hindi niya inasahang magkaka-interes si Mic sa art preference niya.

"Hindi ako masyadong nakakaintindi ng art, pero napahanga ako sa mga gawa nina Rembrandt at Amorsolo."

"Those are impeccable artists," papuri ni Mic. "Magaling ang taste mo, Taryn."

Namilog ang mga mata ni Taryn sa papuring tinamo. "S-salamat."

Gumuhit sa pirming bibig ang ikalawang natural na ngiti.

"You're welcome. Puwede kang maghubad habang kinukuha ko ang medical bag sa dressing room." Kaswal na kaswal lang.

Nanlaki naman ang mga mata ni Taryn sa narinig. "Ano'ng sinabi mo?"

Inulit naman ni Mic, pero ang tono ay parang nakikipag-usap sa isang batang kulang pa ang pag-iisip.

"Ang sabi ko, puwede ka nang maghubad habang kinukuha ko ang--"

"Mag-maghuhubad ako?" sabad ni Taryn. Halos pabulalas. "Bakit?" Parang na-eskandalo.

"Para malinis at malagyan uli ng antiseptic ang mga galos mo." Kaswal pa rin habang tumatalikod para magtungo sa dressing room. "C'mon, Mrs. Zabala. Ano'ng ikatatakot mo? Ikinasal tayo kanina, remember?" Nakatalikod ang lalaki kaya hindi sigurado si Taryn kung nambubuska o nang-uuyam ito.

Pinili niya ang huli.

"Ako na lang ang bahalang maglinis sa mga galos ko," giit niya. "Ibigay mo lang sa akin ang gamot at bulak."

"Don't be ridiculous." Pinukol siya ng isang mapanudyong sulyap bago nawala sa makitid na pintuan ng dressing room. "Iisipin kong attracted ka sa akin kapag hindi mo kayang maghubad sa harap ko," dagdag nito habang humahakbang pabalik sa kinatatayuan ni Taryn.

Bumuka ang bibig niya ngunit walang katagang numulas. Na-blangka kasi siya ng huling panghahamon.

Kusang kumilos ang mga daliri niya. Kinalas ang mga butones ng blusang kulay lumang krema.

Iyon lang ang kailangan niyang hubarin dahil nakahiwalay sa paldang kulay lumang puti naman.

"Good girl," sambit ni Mic. "Or should I say--good patient?"

Hindi umimik si Taryn. Nakatingin siya sa sahig habang hinuhubad ang blusa.

"Alisin mo rin ang bra."

Wala pa ring imik nang tumalima siya. Pihong mistulang mabolo na sa sobrang pamumula ang mga pisngi.

"Sit down." Naging mala-estatwa na si Taryn kaya marahang itinulak ni Mic para mapaupo sa malapad na kamang nasa gawing likuran lang.

Naupo ito sa isang silyang hinila palapit.

"Relax," utos nito habang binubuksan ang kulay itim na doctor's bag.

Tamang-tama ang pagkatok ni Aling Fe sa pinto. Nagkaroon siya ng pagkakataong mag-relax nang umalis ang lalaki upang kunin ang inihatid na meryenda.

Inilapag nito ang aluminum food tray sa ibabaw ng writing desk bago bumalik sa silyang nasa harapan niya.

Naging isang ganap na manggagamot naman si Mic.

Hindi napigil ni Taryn ang sariling panoorin ang mga kamay na eksperto at prupesyonal sa paggampan ng check-up routine.

Habang kinukuha ang body temperature niya, kinukuha naman ang blood pressure at pagkatapos ay ang pulse rate.

Maliksing isinulat ang mga obserbasyon sa isang puting scratch pad.

Abot-tanaw niya ngunit hindi pa rin magawang basahin dahil parang kinahig ng manok.

"Na-atrasado ang pag-inom mo ng antibiotics kaya nagbalik ang pamamaga ng nandito sa leeg mo," obserba ni Mic habang dinadampian ng cotton ball na nakaipit sa forceps at binasa ng Betadine.

"Pati dito at dito pa." Ang mga sumunod na tinukoy ay ang nasa mismong gitna ng cleavage ni Taryn at ang nasa gawing tiyan.

Pinipigil niya ang paghinga upang hindi gumalaw ang dibdib. Ayaw niyang masira ang clinical inspection ni Mic.

"Meron pa pala dito." Naibahan siya dahil tila naging paanas ang pagsasalita ng baritonong tinig.

'Oh God...!' Hindi na napigil ni Taryn ang mapasinghap nang idampi ang basang cotton ball sa mismong ituktok ng kaliwang dibdib.

Hiyang-hiya siya nang sabay na namurok ang magkakambal na korona. Mula sa kulay mapusyaw na rosas ay unti-unting naging matingkad na rosas. Parang huminto ang pag-inog ng mundo nang mga sandaling iyon. Nanalangin si Taryn na sana ay walang napuna si Mic.

Unti-unti siyang naniwalang dininig ang panalangin nang manatili ang katahimikan ng lalaki.

At magpatuloy sa ginagawa. Dahan-dahang nanumbalik ang normal na paghinga ni Taryn nang matapos ang pagpapahid ng colorless ointment sa lahat ng mga galos sa balat.

"Bibigyan pa rin kita ng painkiller. Siguradong may mahahapdi pa sa kanila." Dalawang kapsulang may magkaibang kulay ang inilagay ni Mic sa isang medicine dish tray.

"Inumin mo muna pagkatapos mong kainin ang meryendang dinala ni Aling Fe."

Nagawa nang tumango ng ulo ni Taryn ngunit hindi ang sumulyap sa lalaki. Nahihiya pa rin siya kahit balewala nga ritong makakita ng hubad na dibdib.

Napapahiya rin siya dahil sa conceit na nadama.

Hindi sensasyonal ang laki ng dibdib niya. Katamtaman lang at walang-wala sa kalingkingan ng mayamang hinaharap ni Miss Desiree Levito.

Mas lalong hindi atraktibo dahil puro galos pa.

Imposibleng matukso ang isang sopistikadong lalaki sa isang pares ng ordinaryong dibdib lang, hindi ba?

"Maglalakad-lakad lang ako sa labas." Tila nagdudumaling umalis si Mic. Ni hindi na naisara ang black medical bag na naiwan sa ibabaw ng kama.

Hindi maikabit ng nagyeyelong mga daliri ang hook ng bra kaya hinayaan na lang.

Ibinutones niya ang harapan ng blusa bago tumindig para lumipat sa stool na ka-terno ng antigong lamesang sulatan ng liham.

Kahit nagsisikip ang lalamunan, nagawa niyang ubusin ang isang maliit na hiwa ng banana cake dahil itinulak ng kalahating tasang kape. Isinunod niya agad ang dalawang kapsula.

Naglakad-lakad si Taryn upang maiwaksi ang natitirang sexual tension.

Bagama't wala pa siyang karanasan sa sex, lubos naman niyang naiintindihan ang lahat ng bagay tungkol sa sex.

Kabisado niya ang estrus cycle ng mga hayop. Eksperto siya sa heat detection sa mga hayop.

Sa mga hayop lang.

Kaya hindi siya siguradong tama ang basa niya sa pagiging balisa ni Mic kaninang bago ito nagdumaling umalis...

Iwinaksi ni Taryn ang magugulong pangitain sa isipan. Halos patakbo siyang nagpunta sa dressing room. Para bang matatakasan ang katotohanan.

Natagpuan niya ang malaking maleta sa loob ng isa sa mga aparador ngunit bakante na.

Ang mga laman ay nakaayos na sa tamang lugar. Naka-hanger pati ang mga pambahay na kamiseta at blusa. Gayundin ang mga pantalon at cut-offs. Palibhasa napakaluwag ng ispasyo. Pulos luma na ang mga bestida niya kaya iniwan na lang sa cottage ng mga magulang.

Kumuha ng isang pares na padyama si Taryn bago nagpunta sa banyo. Nag-sponge bath siya upang hindi mabasa ang mga galos.

Kinalas niya sa pagkakapusod ang mahabang buhok at sinuklay nang sinuklay upang antukin na. Ngunit dahil masyado pang maaga. Mag-a-alas siyete pa nga lang, nanatiling gising ang diwa ni Taryn.

Ginugulo siya ng mga pagbabago sa buhay niya. Ngayon ay hindi na siya dalaga. Pero hindi pa rin naman niya nararamdamang may asawa na siya.

Na dapat ay hindi siya mahirating maramdaman! Dapat ay ikintal niya ang mahigpit na paalala ni Mic.

'Pakunwari lang ang pagsasama natin. Pagkatapos ng isang taon, ipapa-annul na natin agad ang ating kasal. Maliwanag ba?'

Pero paano kung huli na ang paalala...?

Your gift is the motivation for my creation. Give me more motivation!

ecmendozacreators' thoughts