1 Prologue

Kahit saan ako pumunta, palagi kong nararamdaman na parang may nakatingin sa 'kin, may nanonood at may palaging sumusubaybay sa bawat galaw ko. Sigurado akong nagsimula ang lahat ng ito noong 18th birthday ko.

Maghahating gabi na noon, at tulog na ang lahat ng tao sa bahay maliban sa akin. Mag-isa lamang ako sa kuwarto ko kasama ang aso naming si Cacao. Nasa kalagitnaan ako ng paglaro sa mga tenga ng alaga kong aso nang may tumawag sa pangalan ko.

Naaalala ko pa ang boses na 'yon.

Mahina lamang ito ngunit sapat na upang marinig ko. Napalingon ako sa paligid pero mas nagulat ako nang biglang tumahol ang black labrador na kalong-kalong ko. Biglang tumakbo si Cacao sa bintana at tumahol, na parang may taong umakyat doon.

Noong puntahan ko't imbestigahan, hindi tao kung hindi kuwintas ang nakita kong nakasabit doon. Hindi ko makakalimutan ang nakasulat sa kapirasong papel na nakadikit doon sa bintana katabi ng pilak na kwintas.

Maligayang kaarawan, Michael. Nagustuhan mo ba ang aking munting regalo? Saka mo na ako pasalamatan kapag nagkita na tayo.

avataravatar
Next chapter