webnovel

Pag-asa na magkaroon ng manugang

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Chapter 18: Pag-asa na magkaroon ng manugang

Pinanood ni Madam Lu ang mag-ama, parehong 'sing tigas ng kahoy. Ikinasakit ito ng kanyang puso. "Tingxiao, narinig mo ba ang sinabi ko? At anong nangyayari kay Little Treasure? Hindi pa siya kumakain ni isang butil ng kanin buong gabi. Ang baby darling ko… nakatitig lang sa cellphone!"

Ngumunguya pa si Lu Jingli ng kinakaing sweet and sour ribs kaya malabo ang pagkakabigkas nito nang magsalita. "Hinihintay ni Little Treasure na tumawag ang magandang tita niya!"

Naguluhan si Madam Lu, "Anong magandang tita?"

Iwinagayway lang ni Lu Jingli ang kamay niya. "Aiya, dad at mom, 'di niyo kailangang mag-alala. Si kuya may nahanap nang gusto niya!"

Nagulat si Madam Lu at 'di makapaniwala. "Totoo ba 'yang sinasabi mo? Old Two, 'wag kang magsinungaling sa'min!"

Seryoso ang pagmumukha ni Master Lu nang ilapag nito ang kanyang chopsticks at inobserbahan si Lu Jingli.

"Bakit ako magsisinungaling? Totoo 'to! Kung ayaw niyong maniwala sa'kin, tanungin niyo si kuya!" wika ni Lu Jingli habang nakatingin sa kapatid.

"Tingxiao, totoo ba ang sinabi ni Jingli?" diretsong pagtatanong ni Master Lu.

"Tingxiao, bakit 'di ka sumagot?" giit ni Madam Lu.

Lu Tingxiao: "Opo."

Pakiramdam ni Madalm Lu ay mamamatay siya sa inip; para siyang naghintay ng kalahating araw para makarinig ng iisang "Opo". Napuno ang sikmura niya ng galit. "Ikaw pilyong bata ka, bakit 'di ka makapagsabi ng lagpas isang salita? Sayang ang oras sa pakikipag-usap sa'yo!"

Sumagot si Lu Tingxiao, "Ah ganun ba?"

Ayos, kaya niya pala magbigkas ng lagpas isang salita.

'Di pa rin natitiyak si Madam Lu at may paghihinalang nagtanong, "Tingxiao, 'yung taong gusto mo… babae ba o lalaki?

Nandilim ang mukha ni Lu Tingxiao, halos mangalit ang mga ngipin niya, at pagalit na sumagot, "Babae."

Tawang tawa si Lu Jingli at halos mahulog sa kinauupuan. "Syempre babae, at napakaganda pa. Gustong gusto nga siya ni Little Treasure kaya naghihintay ng tawag niya!"

Ikinagalak ni Madam Lu ang narinig. "Pinagpala tayo ng mga ninuno, pinagpala tayo ng mga ninuno! Tingxiao, kaninong pamilya siya galing? Ilang tao na siya? Saan siya galing? Anong trabaho niya? Gaano kalaki ang pamilya nila? Bakit 'di mo kaagad sinabi sa amin…"

Mabilis siyang pinigilan ni Lu Jingli. "Mom, kalma! Wala pang namamagitan sa kanila. 'Di namin sinabi sa inyo kasi natatakot kaming baka makialam kayo at masira ang lahat!"

Kapag nalaman nila kung sino si Ning Xi, ang tungkol sa 'di kagila-gilalas na reputasyon nito at ang pagtatrabaho niya sa entertainment industry, siguradong 'di magiging maganda para sa plano nila.

Sa pagkakataong ito, nagsalita si Master Lu, "Dahil gusto ni Tingxiao ang taong ito, malamang disente siya. 'Wag ka masyadong mag-alala."

"Anong 'wag mag-alala? 'Di ba ikaw mismo nag-aalala din? Sino kaya 'tong sobrang nag-aalala na 'di makatulog sa gabi at kailangan lumabas sa balkonahe para manigarilyo?" walang awang ibinunyag ni Madam Lu ang sariling asawa.

Pero pagkatapos marinig ang sinabi ng asawa, huminahon ito. "Sobrang taas ng standard ni Tingxiao, malamang nga ay mabuti ang babaeng 'to. Maging si Little Treasure gusto siya!"

Nang tumahimik ang lahat, ang cellphone na buong gabing hawak ni Little Treasure ay biglang tumunog.

Personal na telepono ito ni Lu Tingxiao kaya iilang tao lang ang may alam ng numero.

Mabilis na lumapit si Lu Jingli para silipin. Talaga ngang numero ni Ning Xi ang tumatawag.

"Siya na ba ang tumatawag?" nasasabik na pagtatanong ni Madam Lu, sumugod rin ito na parang makikilala ang kanyang manugang.

Tumango si Lu Jingli at tinulungan si Little Treasure na sagutin ang tawag. 'Di marunong gumamit ng cellphone si Little Treasure. Binilhan siya dati ni Lu Tingxiao pero ayaw niyang gamitin at wala ring nakakaalam kung saan ito napunta.

Sabay-sabay na nakatuon ang atensyon ng lahat ng nasa mesa sa cellphone.

Pinakamakapal ang mukha ni Lu Jingli na idinikit pa ang tainga sa gilid ng cellphone para maki-tsismis.