webnovel

Heart's Desire

Have you ever felt desire for somebody? Have you ever been passionate to the point of obsession? Have you ever met someone who became the focus of your love? Here's a collection of stories about the people who were confused on what they felt for each other. Read about their Heart's Desire!

ecmendoza · Urban
Not enough ratings
24 Chs

The Chained Heart - Chapter 1

Si Terry ay lubos na nagmamahal kay Maximillan. Ngunit dahil sa matinding pangangailangan sa pera, ibang lalaki ang kanyang pinakasalan. Mapatawad kaya siya ni Maximillan?

Halos kitilin na ni Maximillan ang sariling buhay nung iwan siya ng babaeng pinakaiibig--at ipagpalit sa salapi. Napakalalim ng sugat na kanyang nakamit dahil inilagay niya sa isang pedestal si Terry. Paano ba pinarurusahan ang isang minamahal?

* * *

Talunan ang hitsura ni Attorney Romy Agoncillo. Bagsak ang mga balikat na nahukot. Ang katawan nito na dati ay malusog ay bumagsak na rin. Isang linggo pa lamang ito sa loob ng kulungan. Ano na kaya kapag nasentensiyahan na ito sa nagawang mga kasalanan na labag sa batas?

"Anak, tulungan mo akong makalabas dito," pagmamakaawa nito. "Maawa ka sa akin. Hindi ko kayang tumagal sa ganitong klaseng lugar!" Ginagap nito nang mahigpit ang mga kamay niya.

Nasa pagitan nila ang makitid na lamesang karaniwang makikita sa mga lugar-dalawan ng mga kulungan.

Awang-awa si Terry sa anyo ng ama. Bigla tumanda ito. Anino na lamang ito ng dating pinaka-matagumpay na abogado ng San Ignacio.

Ngunit wala naman siyang magawa. Halos lahat ng mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya ay nalapitan na niya.

Inihingi na rin niya ng tawad ito sa mga kliyenteng nagawan ng kasalanan. Pero bigo siya.

"Papa, kaunting tiis pa po. Gumagawa po kami ng paraan ni Tita Lucing," pang-aalo niya. Pinilit niyang pasiglahin ang tono. Ang tutoo'y wala na siyang maisip na solusyon. Ang binanggit na tiyahin, na bunsong kapatid ng ama, ay umalis na upang huwag madamay sa kahihiyang sinasapit ng pamilya nila.

"S-si Don Simon, anak. Sa kanya ka lumapit. Tiyak na tutulungan ka n'on," suhestiyon ng ama. Puno ng desperasyon ang nanginginig na tinig nito.

"Si Don Simon?" ulit niya. "Pero wala na po siya dito sa atin, Papa. Nasa Amerika na siya, di po ba?"

"Dumating siya nung isang buwan. Tinawagan ko na siya. Pero ang nais niya'y ikaw mismo ang lumapit sa kanya," patuloy ng magulang.

Parang sinuntok sa sikmura ang dalaga. Alam na niya kung bakit gayon ang kundisyon ng matandang don.

Isang biyudo na ubod nang yaman si Don Simon Claramonte, edad sisenta y sais. Nagpapalipad-hangin na ito sa kanya magmula pa nung magdisiotso siya.

Ngunit kailanman ay hindi niya ito magugustuhan--dahil mayroon na siyang iniibig. Si Maximillan...

"P-papa--"

"Terry, anak, makinig kang mabuti sa akin," pakli ng ama. "Nakasangla sa bangko ang bahay at lupa natin. Dalawang linggo na lang ay maiilit na iyon. Kung hindi mo tatanggapin ang iniaalok na tulong ni Don Simon, mabubulok na ako dito sa bilangguan at ikaw naman ay magpapalabuy-laboy na sa kalsada."

Natulig nang husto si Terry. Naparalisa ang buong katawan niya. At napatitig na lang siya sa kulubot na mukha ng nag-iisang magulang.

Hindi natagalan ni Attorney Agoncillo ang pagtitig ng anak. Inakala nitong may piping pang-uusig sa mga mata ni Terry.

"N-nagawa ko lang namang manloko sa mga kliyente dahil sa iyong Mama. Nais ko siyang bigyan ng ginhawa, bago man lang mamatay," pahayag nito, kasaliw ng malalakas na pagsigok. "Pinilit kong matustusan ang magastos na pagpapagamot niya, kahit na wala nang pag-asang mapagaling pa siya."

Tutoong naging magastos ang mga huling buwan ni Mrs. Teresa Agoncillo sa mundo. Halos lingguhan kung lumuwas sila sa Maynila upang mamalagi sa ospital ng ilang araw para sa chemotheraphy ng kanser nito sa buto.

Hindi pa alam ni Terry ang suliraning-pinansiyal noon. Ni hindi siya nagtatanong kung saan nanggagaling ang perang ibinibigay ng ama sa tuwing hihingi siya.

Abala pa ang isip niya sa maraming bagay na nadidiskubre sa sarili. Disiotso lang siya, ang pinaka-romantikong edad sa buong buhay ng isang babae.

Ang isa pang pinagkakaabalahan niya ay ang katuparan ng isang sikretong pangarap--ang mapansin ni Maximillan Sanvictores. Matagal na niyang crush ang binatang anak ng may malawak na lupain sa Santa Rosa, kalapit-bayan ng San Ignacio.

Kaya naman nang ligawan siya nito nung isang taon, maligayang-maligaya siya. Agad na tinanggap ang iniluhog na pag-ibig kahit na may kundisyon na ilihim muna sa lahat.

"Hindi sa ikinahihiya kita, Terry." May paliwanag agad si Maximillan. "Ako ang nakakahiya dahil masyado ka pang bata. Sa edad mong disiotso, parang napakalaki ng agwat na pitong taon sa pagitan natin."

"Wala akong pakialam sa sasabihin ng mga tao, Maximillan. Mahal na mahal kita. Hindi ko ikahihiyang ipakita sa lahat ang pag-ibig ko para sa 'yo."

"Oh, Terry, Terry!" Niyakap siya nito nang mahigpit at siniil ng halik bilang pabuya sa matatamis na salitang numunulas sa bibig niya. "Iniibig rin kita. Kaya lang ay hindi ibang tao sa akin ang tiyak na magagalit sa sandaling mabunyag ang ating relasyon. Ang mga magulang ko ang unang pupula sa akin."

"B-bakit naman? Tutol ba sila sa isang katulad ko?" May sinasabi lang ang pamilya niya, ngunit hindi mayaman.

"Hindi sila tututol sa isang katulad mo. You're the sweetest girl I've ever met. Napakasuwerte ko dahil ako ang pinili mo sa kabila ng sangkatutak na nanliligaw sa 'yo."

Namula ang mga pisngi niya sa tinuran ng binata. "Wala akong gusto sa kanila. Bata pa ako, ikaw na talaga ang pangarap kong maging asawa."

Tila napaligaya niya nang husto ang lalaki sa sinabi niyang iyon. "Talaga, Terry? Makakapaghintay ka ba ng dalawang taon? I'll marry you when you reached twenty."

"Bakit kailangan pa nating hintayin ang edad na iyon? Nakahanda akong magpakasal sa 'yo, kahit na ngayundin."

"Hindi gayon kadali ang pag-aasawa, Terry darling. Maraming dapat isaalang-alang," paliwanag nito.

"Katulad ng ano?" tanong niya, medyo pamuktol na. Nag-iisang anak lang siya kaya medyo sunod sa layaw. Minsan ay mahirap siyang kumbinsihin.

"Katulad ng magiging kinabukasan ng magiging mga anak natin."

Magiging mga anak natin... ulit niya sa sarili.

Nabahiran ng pait ang mga salitang nagdulot ng saya sa kanya noong unang marinig mula sa bibig ng lalaking minamahal.

Hindi na matutupad ang mga pangarap na iyon--puwera na lang kung mismong si Maximillan ang magbibigay ng tulong sa kanila.

"Ano, anak? Pupuntahan mo na ba si Don Simon?" untag ng ama. Pinutol nito ang paglalayag ng isipan.

"Huh!" Napapitlag pa siya nang mapagtantong nasa loob pa rin siya ng silid-dalawan sa bilangguan.

Inalog siya uli ng magulang. "Puntahan mo na si Don Simon, ha?" pangungulit nito.

"P-puwede po bang pag-isipan ko muna, Papa?" hiling niya. Litung-lito ang tono at ang anyo.

Nagpakita ng matinding panlulumo ang may edad na lalaki. "Hindi ka ba handang tumulong sa akin, anak? Ikaw na lang ang pag-asa ko. Ikaw na lang solusyon ko! Hu! hu!"

Parang pinipiga ang dibdib ni Terry habang naririnig ang pananangis ng kaharap.

"Oh, Papa! Tumahan na po kayo. Sige po, pupuntahan ko po si Don Simon," pangako niya, kahit na may iba siyang planong gawin.

Biglang huminto ang pagngunguyngoy ng ama. Bagama't patuloy pa rin sa pag-agos ang mga luha. "Aasahan ko 'yan, anak. Huwag mo sana akong bibiguin," wika nito.

"Opo, Papa. Malalaman n'yo po ang resulta sa pagbabalik ko," tugon niya bilang pamamaalam na rin. Tumindig siya upang magawaran ng halik sa noo ang magulang.

"Balik ka agad, ha?" pahabol pa nito nang nasa may pinto na siya.

Tumango na lang siya at ngumiti bago tuluyang lumabas. Nahihiya siyang magsalita dahil napakalapit na niya sa guwardiyang pulis.

Nakakahiya kasi ang solusyon na naiisip nila!

Halos tumakbo siyang palayo.

Pasinghap niyang sinamyo ang sariwang hangin sa labas ng piitan. Para bang iwinawaksi niya ang mabigat na atmospera ng depresyon at desperasyon sa loob ng kulungan.

Ano'ng gagawin ko? tanong niya habang nakatingin sa maaliwalas na langit.

Nagpupumiglas sa pagtutol ang buong pagkatao niya sa nais mangyari ng magulang.

Hindi na siya katulad nang dati na may mura at makitid pang isipan.

Sa loob lang ng isang linggo, tumanda ang utak niya ng sampung taon. Agad na niyang nahuhulaan ang kahihinatnan ng maraming bagay-bagay.

Hindi naman kasi mahirap intindihin ang gusto ng kanyang Papa.

Siya ang papalit rito sa pagkakakulong. Para na din siyang nakabilanggo kapag nagpakasal kay Don Simon Claramonte.

Oh, Papa! Nalalaman n'yo po ba ang mangyayari sa akin? bulalas niya sa sarili. Magiging miserable na ang buhay para sa akin. Masisira na ang tsansa kong lumigaya!

Dala-dala niya ang masasakit na isipin hanggang sa pag-uwi. Isang munting milagro pa nga ang nakauwi siya nang buo. Para siyang nakalutang habang daan. Ni hindi niya napansin ang paglubog ng araw.

Bago tumawid, minasdan muna niya ang bahay na naging tahanan magmula pa nang isilang siya. Maraming masasayang sandali ang nasaksihan ng gusaling may dalawang palapag at katamtamang lawak ng bakuran.

Nakasangla sa bangko ang bahay at lupa natin. Dalawang linggo na lang ay maiilit na iyon. Kung hindi mo tatanggapin ang iniaalok na tulong ni Don Simon, mabubulok na ako dito sa bilangguan at ikaw naman ay magpapalabuy-laboy na sa kalsada.

Kumuyom ang mga palad ni Terry. Bumaon sa malambot na balat ang mga kuko niya. Ninamnam niya ang pisikal na sakit, upang mapawi ang pamamanhid na dulot ng labis na kalituhan.

Mabibigat ang mga hakbang niya habang marahang pumapasok sa pinto ng madilim na kabahayan. Siya na lang ang tao sa tahanan ng mga Agoncillo.